Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 34 - ANG PAGHACK SA KANYANG COMPUTER

Chapter 34 - ANG PAGHACK SA KANYANG COMPUTER

Pagkatapos ng matagumpay na operasyon ni Chengwu, nagkaroon na ng oras si Xia Zhi na i-hack ang computer ni Tianxin, desidido na iganti ang kanyang ate.

Nakapasok na siya sa computer nito pero nang makita ang mga palitan ng mensahe, iyon ang nagpadagdag ng galit niya.

Galit na galit siya sa mga sinasabi ni Tianxin at ng mga estrangherong nangmamaliit sa kapatid niya.

"Sumosobra na sila!"

Napakuyom-palad si Xia Zhi hanggang sa lumabas ang mga ugat niya. Tila nagngangalit na apoy ang kanyang mga mata habang tinititigan ang larawan ng kanyang kaaway.

Kakatapos lamang punasan ni Xinghe ang mukha at braso ni Chengwu. Tumalikod na siya para banlawan ang tuwalyang ginamit niya. Nakita niya ang mukha ni Xia Zhi at nagtanong, "Anong nangyari sa iyo?"

"Wala…" mabilis na sagot ni Xia Zhi habang isinasara ang laptop. Natatakot siya at baka makita ng ate niya ang mga sinabi nito tungkol sa kanya ngunit sa inasal niyang iyon ang nagpatindi ng kanyang interes.

Maingat na inalis ni Xinghe ang mga kamay nitong nakatakip sa laptop at naupo siya sa tabi nito at nagsimula ng magbasa.

Natakot si Xia Zhi na magalit si Xinghe kaya agad siyang nagsalita, "Hindi ka naman kilala ng mga taong ito kaya huwag mo nang dibdibin pa ang sinasabi nila. Sa puso ko, ikaw ang pinakabest na babae sa mundo, wala ng mas hihigit pa sa iyo, at lalong hindi iyang Chu Tianxin na iyan."

"Hinack mo ang computer niya?" tanong ni Xinghe, habang tinititigan ang screen.

Tumango si Xia Zhi, "Oo, plano ko nga na i-crash yung computer niya dahil sa pangmamaliit niya sa iyo eh."

Hindi niya akalaing makikita niya ang mga mensaheng ito.

Kung alam lang niyang walang puso ang babaeng ito, hindi na sana niya pinalampas pa ang babaeng ito kaninang umaga.

"Ate, huwag ka na magalit, ika-crash ko na ang computer niya ngayon. Papakita ko sa kanya na mali binangga niya," nagmamadaling sabi ni Xia Zhi.

Nagtanong si Xinghe, hindi alintana ang sinabi niya, "Zhi, talaga bang nangulubot na ako tulad ng mummy nitong mga nakaraang taon?"

"Hindi ah, mas maganda ka pa nga kay Cleopatra! Hindi ka pangit, maniwala ka sa akin!" taos-pusong sabi ni Xia Zhi. Nag-iwan ng bakas ang mga taon ng paghihirap sa hitsura ni Xinghe, pero lalo lamang niyon pinatingkad ang ganda nito.

Ang kagandahan niya ay hindi katulad ng ganda ng mga diyosa pero maikokonsidera pa din na isa siyang magandang babae. Sa mga mata ni Xia Zhi, mas maganda siya ng 100 beses kaysa kay Tianxin.

Nakita ni Xinghe ang katotohanan sa mga sinabi ni Tianxin at ng mga kaibigan nito. Tahimik siyang nagsabi, "Pero totoo na mahirap tayo."

"Ate, kikita ako ng maraming pera sa hinaharap at ang bibilhin lang natin ay ang mga mamahaling damit! Hindi na natin lalabhan iyon dahil itatapon na lang natin ito pag nadumihan. Kapag nakita natin si Tianxin, babatuhin natin siya ng pera. Dahil hindi naman krimen ang pagpatay gamit ang pera!"

Natawa na si Xinghe. Nagsalita siya, "Sino ang nagsabi sa iyo na hindi krimen ang pagpatay kapag pera ang ginamit mo?"

"Eh 'di babatuhin na lang natin siya hanggang sa maghingalo siya," matatag na sabi ni Xia Zhi.

Sumumpa siya sa sarili na kikita siya ng madaming pera at ipapakita niya sa mga nangmamaliit sa kanila na nagkamali sila.

Alam ni Xinghe na ang lahat ng sinabi ni Xia Zhi ay dala lamang ng galit nito pero mainit na humaplos ito sa kanyang puso.

Masyadong protective sa kanya ang tiyo at si Xia Zhi at ayaw na niyang mahirapan pa ang dalawang ito.

"Zhi, kumalma ka. Tingnan natin kung ano ang mayroon sa computer ni Tianxin," suhestiyon ni Xinghe. Nagningning ang mga mata ni Xia Zhi dahil may naisip itong kalokohan. "Okay! I'm on it!"

Pinasadahan ni Xia Zhi ng tingin ang computer ni Tianxin at napansin niyang punung-puno ito ng mga larawan.

Masyado yatang nahuhumaling sa sarili ang babaeng ito para magkaroon ng libu-libong selfies.

Mayroon ding mga larawan na kasama si Mubai. Sa lahat ng larawang nandoon, may iisang ekspresyon si Mubai, at iyon ay hinawa.

Hinulaan ni Xia Zhi, "Ate, bilang lalaki, nakikita ko na hindi talaga mahal ni Xi Mubai itong babaeng ito."

"Kung sino man ang mahal ng lalaking iyon ay walang koneksiyon sa akin," matabang na sagot ni Xinghe.

Alam naman niya na hindi mahal ni Mubai si Tianxin. May pusong kasing lamig ng yelo ang lalaking ito at walang babae sa buong mundo ang makakapagpaibig dito.