CHAPTER 5: Nahanap na ang Young Master
Samantala, puno ng tensyon ang loob ng guest room sa Eden Wine Bar.
Ang may-ari ng bar, manager, mga guwardiya, at halos lahat ng staff ay magkakasamang nanginginig sa takot na parang isang malaking trahedya ang nagbabadya.
Lahat ng ito ay dahil sa pagkawala sa bar ng batang heredero ng Lu Corporation – ang pinakamamahal na anak ni Lu Tingxiao.
Nakaupo sa sofa si Lu Tingxiao at maipipinta sa mukha nito ang malamig niyang kalooban. Para siyang isang ice sculpture na halos walang bakas ng emosyon ang mukha pero nagpapahiwatig pa rin ito ng pagkamahigpit kaya lahat ng nakapaligid sa kanya ay kabang-kaba at nangangatog ang mga tuhod pati pinagpapawisan nang walang humpay. Wala ring nagtatangkang umimik.
Sa paanan niya ay may isang lalaking umiiyak at nagpupunas ng luha at uhog. "Kuya, I'm sorry! Kasalanan ko lahat ng 'to. 'Di ko dapat dinala dito sa bar si Little Treasure! Kapag may nangyaring masama sa kanya, 'di kakayanin ng konsensya ko!"
Pagkatapos niya magsalita ay biglang may sumipa sa kanyang dibdib.
Rinig sa buong kwarto ang paglagitik ng mga buto niya at lahat ng nasa kwarto ay nanginig lalo sa takot.
Napahawak na lang sa dibdib si Lu Jingli at umubo bago bumalik ulit sa pinanggalingan at itinuloy ang pagmamakaawa.
Sa kasalukuyan, nasa bakasyon ang kanyang mga magulang sa ibang bansa. 'Di pa nila alam na nawawala si Little Treasure. Kung makarating sa kanila ang balita, 'di lang sipa sa dibdib mula sa kapatid niya ang aabutin niya, baka balatan siya ng mga ito nang buhay.
Nawawalan na ng pag-asa si Lu Jingli at mukhang kaawa-awa, nang biglang may kumatok sa pintuan.
Ang may-ari ng bar na siyang pinakamalapit sa pinto ang nagbukas nito at nagtaka kung bakit wala naman siyang nakitang tao. Ngunit, pagkayuko niya ay nagulat siya. "Young…Young Master!!!"
"Little Treasure? Diyos ko! Little Treasure! My darling! Saan ka nanggaling?" Napatayo si Jingli at hinagkan ang bata nang mahigpit. Napaka-emosyonal niya at walang humpay ang pag-iyak.
Biglang naibsan ang takot ng lahat sa kwarto na para bang nakaligtas sila mula sa masamang trahedya.
Lumakad papalapit sa pintuan si Lu Tingxiao at hinablot ang kapatid na si Lu Jingli mula sa kuwelyo papalayo sa pinto. Lumuhod siya sa tapat ng anak at nagtanong. "Ano 'yun, anak?"
Sa wakas ay nakawala rin ang bata sa mahigpit na kapit ng kanyang tito. Hinawakan ni Little Treasure ang kamay ni Lu Tingxiao at tila hinihila palabas.
Lumapit si Lu Tingxiao sa kanyang anak at nalanghap ang amoy ng alak, pero bukod dito, may naamoy rin siyang bahagyang halimuyak. Hindi matapang na parang pabango, pero parang bulaklak na tumubo sa taglamig, may magaan at preskong bango. Nakaramdam siya na parang may pamilyar, pero may kaunti ring takot.
Napansin ng bata na 'di kumikilos si Lu Tingxiao kaya tumuro ito sa isang direksyon gamit ang maliit niyang daliri at dala dala pa rin ng mukha ang matinding pag-aalala. Binuhat siya ni Lu Tingxiao at nagsimulang maglakad papunta sa direksyon na itinuro ng anak.
Sa likod niya, nagtatakang nagkatinginan ang staff na natira bago sila sumunod palabas ng guest room.
Pagkaraan ng limang minuto, nasa tapat ng pintuan ng storeroom sa itaas ng bar ang buong grupo.
Nagpabaluktot ang bata upang makababa sa pagkabuhat ng tatay niya at kumatok nang mabigat sa pintuan ng storeroom.
"Ano 'yun, Little Treasure? Anong nandiyan?" pinagpapawisang pagtatanong ni Lu Jingli.
Walang paligoy-ligoy na nag-utos si Lu Tingxiao. "Buksan niyo ang pinto."
"Opo, opo, opo!" sumagot ang may-ari ng bar at tumango nang tumango, humarap ito sa babaeng manager na nasa tabi niya. "Manager Ye, anong itinatayo-tayo mo diyan? Buksan mo ang pinto. Dali! Nasaan ang susi?"
"Ah… buksan… buksan ang pinto?" nanigas sa kinatatayuan ang babaeng manager.
Kapag minamalas nga naman! Nasa loob pa 'yung Ning Xi na 'yun! Ipinangako pa man din niya kay Chang Li na sisiguraduhing nakakulong sa loob ang babae hanggang matapos ang audition!
Pero, bilang andoon ang dalawang master ng Lu family at ang boss niya na naghihintay, 'di siya makatanggi. Nanginginig niyang inilabas ang susi para buksan ang pinto.
Nang bukas na ang pintuan, bumungad sa lahat ang isang babaeng nakahandusay sa sahig at walang malay.
"Ano 'to? Bakit may babae dito?" Galit na sumigaw ang may-ari ng bar.
"'Di…'Di ko po alam! Chineck ko po 'tong area kanina, wala naman pong tao." pinagtatakpan ng babaeng manager ang guilt kaya't ipinagtanggol ang sarili.
"Bilisan niyo! Iligtas muna natin siya bago pag-usapan ang nangyari."
May biglang tumakbo papunta kay Ning Xi at matapang na pinrotektahan ito na tila ayaw niyang may lumapit sa dalaga.