SUMALUBONG kay Sarah ang mabangong halimuyak ng pinaghalong bulaklak at air freshener, na lalong nagpakabog ng kaniyang puso. Ito ang amoy ng tirahan ng mayayaman, amoy ng pera at masasarap na pagkain na kasalukuyang abot-kamay niya.
May ngisi sa labi na sinara ni Sarah ang pinto.
Agad niyang napansin ang napakadaming pares ng mga sapatos at tsinelas sa shoe rack sa tabi ng pinto. Sa tingin niya ay mga lalaki ang may-ari ng mga ito dahil may kalakihan. Napasulyap si Sarah sa walang saplot niyang mga paa, at muling napatingin sa mga sapatos. Umiling siya. Saka na siya magsusuot ng sapatos kapag natapos na niya ang gagawin. Mahalaga ang bawat sandali.
Walang ingay na naglakad si Sarah patungo sa maluwag na sala, mga mata'y halos lumuwa sa sobrang paghanga sa mga mamahaling kagamitan na tila mga kumikinang na ginto sa kaniyang paningin. May napakalaking flatscreen tv na mas mataas pa sa kaniya. Mga hindi mabilang na mga mamahaling dekorasyon na pawang mga nakalagay sa loob ng malaking estante na gaya ng sa mga museo.
Kaswal na hinaplos ni Sarah ang isang kulay pulang christmas ball na nakasabit sa matangkad na christmas tree sa tabi ng bintana. Kumikislap ang katawan nito dahil sa mga nakapulupot na christmas light na sumasabay sa saliw ng mahinang pampaskong musika. Sa parteng ibaba nito ay nakahimpil ang ilang mga nakabalot na regalo na magkakaiba ang laki.
Kumakabog ang dibdib na nagtungo si Sarah sa refrigerator sa dulo ng kusina. Napanganga siya nang buksan at makita ang nasa loob nito. Pagkain. Napakaraming pagkain! At hindi lang basta pagkain, mamahaling pagkain na ngayon lang niya nakita sa buong buhay niya.
Mabilis niyang dinakma ang fried chicken, tinanggal ang foiled pack na nakabalot rito, at nanginginig ang kamay na kinagat ito at pinapak na parang wala ng bukas. Bigla siyang natigilan sa pagnguya nang maalala ang kaniyang kapatid na si Nana. Si Nana na nag-iisa sa kanilang munting tahanan sa ilalim ng tulay at hawak ang kumakalam na tiyan na hinihintay ang muling pagbabalik ng nakatatandang kapatid nito. Kailangan na niyang makabalik.
Kinuha ni Sarah sa ibabaw ng refrigerator ang malaking grocery basket, binagsak ang mga eco bag na laman nito, at nilapag sa paanan niya. Nagsimula siyang hablutin lahat ng mga pagkain sa loob ng ref.
Nang buksan niya ang isang compartment ay natuklasan niyang puno ito ng mga chocolate bars: Mars. Snickers. Milky Way. Tobleron. At iba pang mga mamahaling candy na ngayon lang niya nakita. Lalo siyang napangisi sa kaisipang tiyak na sasakit ang ngipin nila ni Nana sa sobrang dami ng chocolate na ito.
Puno na ang grocery basket, pero napakarami pa ring pagkain sa loob ng ref. Pinagpupulot niya ang mga nakakalat na eco bag at isa-isang pinaglalagay sa mga ito ang iba pang mga pagkain habang kagat ang fried chicken.
Tumayo siya mula sa pagkakaluhod at pinagmasdan ang mga nakulimbat. Tama na siguro ang mga ito. Sa tingin niya ay mga ilang linggo din tatagal ang mga ito lalo kapag titipirin nila. Kaswal na tinapon ni Sarah ang buto ng fried chicken sa isang sulok ng kusina. Tumama ito sa isang baso sa ibabaw ng counter. Tuluyang natumba ang baso, gumulong, at nahulog sa sahig. Pumailanlang sa loob ng bahay ang tunog ng pagkabasag nito.
Hindi man lang natinag si Sarah. At bakit siya kakabahan? Bumabagyo nang napakalakas. Panay ang pagkulog at kidlat sa labas. Tiyak na anumang tunog o ingay na manggagaling dito sa loob ay walang panama sa mas malakas na ingay dulot ng masungit na panahon.
Muling pinag-aralan ni Sarah ang kabuuan ng malaking bahay. Nakaramdam siya ng matinding awa, hindi para sa mga taong nakatira dito, kundi para sa kanilang dalawa ng kapatid niya. Kung naging maganda lang sana ang takbo ng buhay nila, kung naging mabait lang sana sa kanila ang kapalaran, kung hindi sana namatay sa aksidente ang kanilang mga magulang, malamang hindi sila naghihirap at parang mga daga na nakatira sa ilalim ng tulay. Malupit at hindi patas ang buhay. Naghihirap sila, samantalang ang mga taong nakatira sa malaking bahay na ito ay malinaw na ninanamnam ang karangyaan at kaginhawaan na dulot ng pera na taglay ng mga ito.
Bakit ang mga ito lang ang may maraming pera? Bakit sila ng kapatid niya wala? Bakit kailangan niyang magnakaw para lang may makain sila?
Tiim ang bagang na hinablot ni Sarah ang walang lamang fishbowl sa ibabaw ng counter, tinitigan nang ilang segundo, sabay bitiw. Nagtilamsikan ang mga piraso ng bubog sa aspaltong sahig. Tila nahihipnotismo na nakatingin lang sa mga ito si Sarah, tila nananaginip. May dulot na kakaibang saya sa kaniya ang tunog ng pagkakabasag ng fishbowl. Tila kagaya ng paghagupit ng bagyo sa labas, naghihimagsik din nang matindi ang buong pagkatao niya sa sobrang galit. Pero galit saan?
Napadako ang tingin ni Sarah sa malaking salamin na nasa tabi ng nakasaradong bintana sa kusina. Nakatitig sa kaniya ang isang batang babae na may mahabang buhok at may hugis pusong mukha. Gusgusin at payat, halatang ilang araw nang hindi kumakain at kulang sa bitamina. Ang kapatid nitong si Nana ay ganoon din. Walang ibang mag-aalaga rito kundi ang batang babae. At ang batang babae na ito ay siya.
Dinampot ni Sarah ang skateboard na nakakalat sa sahig, at walang babalang hinapas ang salamin. Nagtilamsikan sa hangin ang mga nabasag na bubog, ang isa ay dumampi at nag-iwan ng mahabang guhit sa kaniyang pisngi, pero tila walang naramdaman si Sarah. Patuloy lang siya sa paghampas sa mga kagamitang nakikita gamit ang skateboard. Ilang segundo lang ay tila dinaanan ng bagyo ang buong kusina. Nagkalat ang mga nagkabasag-basag na mga pinggan at appliances. Nakatayo at nakatingin lang sa mga ito si Sarah. Habol niya ang paghinga. Binitiwan niya ang skateboard sabay haplos sa kaniyang pisngi. Nang suriin niya ang palad, nakita niya ang dugo.
Umalis ka na. Nagawa mo na ang dapat mong gawin. Alis na bago pa may makahuli sa 'yo, sigaw ng isipan ni Sarah.
Binitbit ni Sarah ang grocery basket habang nakasukbit naman sa magkabilang balikat niya ang mga may lamang eco bag. Ilang hakbang pa lang ang nagagawa niya pero bahagya na siyang hinihingal sa sobrang bigat ng mga dala niya. Hindi niya alam kung magagawa niyang dalhin lahat ng mga ito sa labas. Tila kailangan niyang magbawas ng mga ninakaw na pagkain. Kung hindi, mahihirapan siyang makaalis.
Natigilan si Sarah.
Bakit siya nagpapakahirap magnakaw ng mga pagkain na agad rin namang mauubos? Bakit hindi pera ang nakawin niya? Kung pera ang kukunin niya, mas magiging madali at magaan ang lahat para sa kaniya. Mabibili ng pera ang lahat.
Napamura sa hangin si Sarah. Ilang beses na siyang nakapagnakaw sa mga bahay, pero ngayon lang niya naisip ito. Dahil ba sa sobrang kagutuman kaya hindi na siya nakakapag-isip nang maayos? Malinaw na hindi lang sikmura ang kumakalam sa kaniya, maging ang utak na rin.
Napadako ang tingin ni Sarah sa mahabang hagdan patungo sa ikalawang palapag...