Chereads / Mga Makasalanang Anghel / Chapter 6 - SARAH, ANG MUNTING MAGNANAKAW(1)

Chapter 6 - SARAH, ANG MUNTING MAGNANAKAW(1)

Kailangang mapasok ni Sarah ang malaking bahay sa lalong madaling panahon. Mahalaga ang bawat oras.

Kanina pa kumakalam ang kaniyang sikmura. Sigurado siyang pati ang bunsong kapatid na si Nana ay gutom na rin. Kahapon pa sila walang kinakain dahil sa bagyong Oyang na patuloy na nananalanta sa kanilang bayan. Halos lahat ng mga bahay ay abandonado dahil sa unti-unting paglaki ng baha at walang tigil na hagupit ng hanging habagat na sumisira sa mga bubong at maninipis na pader. Ang lahat ay nasa evacuation centers sa utos ng kanilang butihing gobernador.

Pero hindi lahat ay sumunod. Hindi lahat ay kayang iwan ang kanilang tahanan.

At isa na sina Sarah sa mga "matitigas ang ulo" na ito. Mas pipiliin pa niyang manatili sa kanilang tahanan, kung tahanan ngang matatawag ang pinagtagpi-tagping karton na nakatirik sa ilalim ng tulay. Mas gugustuhin pa niyang pagmasdan ang marahang pag-apaw ng ilog kaysa makasama sa iisang lugar ang napakaraming tao na wala rin namang pakialam sa kanilang magkapatid. Siya at si Nana lang ang totoong magtutulungan. Pero dahil tatlong taon pa lang ito at sampung taon ang tanda niya, siya ang unang tutulong rito at wala ng iba. Siya ang gagawa ng paraan para sila mabuhay.

At gaya ng nakagawian, gumagawa siya ng paraan.

Bukas ang mga ilaw sa labas ng malaking bahay kahit hapon pa lang. Nakababa rin lahat ng venetian blind sa bawat bintana, palatandaan na walang tao sa loob. Sa itsura pa lang at disenyo ng bahay, masasabing mayaman ang mga nakatira dito. May fountain sa harapan, at sa nakatayong rebulto ng isang batang lalaking kerubin umaagos mula sa pagitan ng dalawang hita nito ang malakristal na tubig.

Makulimlim ang buong paligid. Bagama't hindi na umuulan, patuloy pa rin ang pag-ihip ng malakas na hangin na humahampas sa manipis na katawan ni Sarah, tila sinusubukan siyang pigilan sa maitim niyang balak.

Nagpalinga-linga si Sarah. Walang katao-tao sa paligid. Walang makakapansin sa kaniya. Malaya niyang magagawa ang lahat. Magiging kakampi niya ang bagyo at ang kadiliman.

Maingat niyang inakyat ang bakod. Nang makatuntong sa taas ay agad niyang hinablot ang nakausling sanga ng puno at kinapitan ito. Parang unggoy na naglambitin si Sarah, sinisipat ang taas ng babagsakan niya. Ilang segundo pa ay matagumpay na sumayad sa malalagong carabao grass ang mga paa niya.

Mabuti na lang at walang alagang aso ang mga nakatira dito. Kung nagkataon, imposible niyang mapasok ang bahay na ito nang hindi makakatawag ng atensyon sa mga kalapit-bahay. Pero may bagyo ngayon, at kahit yata sumigaw siya nang napakalakas ay matatakpan lang ito ng malalakas na hanging habagat na patuloy na umiihip sa bawat sulok. At pupusta siya na kasalukuyang walang tao sa mga nakatirik na bahay sa paligid. Mga abandonadong bahay na tila nag-iimbita na pasukin niya. Bahagyang napangisi si Sarah. Aanhin niya ang mga tanso kung ang nasa harapan na niya ngayon ay isang kumikinang na ginto? Bata lang siya, pero hindi siya tanga.

Hinawakan niya ang malamig na seradura ng pinto at pinihit.

Gaya ng inaasahan, naka-locked ito. Pero hindi na rin masama ang magsigurado. Isa sa mga bahay na napagnakawan ni Sarah dati ay hindi naka-locked ang pinto. Hindi tuloy siya nahirapang pasukin ito. May mga tanga talagang tao sa mundo. Hindi sila nauubos. Naitanong tuloy niya sa sarili nang pabiro kung pabor ba ang diyos sa kaniya nang mga sandaling matyempuhan niyang bukas ang pinagnakawang bahay. Pero agad rin siyang sumeryoso at sinagot ang sariling tanong ng isa retorikal na tanong: Paano mangyayari samantalang wala namang diyos?

Inilabas ni Sarah mula sa kaniyang bulsa ang isang hairpin.

Ilang saglit lang ay narinig na niya ang pag-click ng seradura, hudyat na bukas na ang pinto.

******

I'll try to update daily, but that's not a promise. Nagsusulat lang ako kapag walang ginagawa. Salamat sa pagbabasa!