Chereads / My Wife is my Father's Mistress / Chapter 5 - Chapter 4

Chapter 5 - Chapter 4

Elyssa

Nakatungo ako habang pinaglalaruan ang mga daliri at nakikinig sa sermon ni Mamang. Naririndi na ako sa kakasermon niya. Paulit-ulit din lang naman ang mga sinasabi. Sa bawat punta ko sa kanyang opisina ay iisa lamang ang laman ng sermon niya sa akin. Oo, inaamin kong may punto siya. Pero hindi ba puwedeng, hayaan na lang niya ako. Alam ko ang tama at mali. Alam ko ang karapatan ko bilang trabahador.

"Elyssa, kung gusto mong tumagal bilang waitress dito dapat marunong kang makisama. Marunong mong sayawan ang mga customer! Hindi iyong napapaaway ka lagi. Hindi ko kayang protektahan lagi ang mga trabahador ko rito..."

Napangiwi siya at napabuga ng hangin dahilan para tampalin niya ang mesa gamit ang kamay. Halata yatang hindi ako nakikinig sa kanya. Paano naman kasi, memoryado ko na ang bawat katagang binabanggit niya. Pumapasok na nga lamang sa isang teynga ko at lumalabas sa kabila.

"Elyssa! Hindi na ako nagbibiro. Mawawalan ka talaga ng trabaho kapag nagpatuloy pa ito. Kung hindi lang sa kapatid mo..."

Napataas ako ng tingin sa kanya at tumitig kaya tumahimik si Mamang.

"Elyssa, alam mo naman na..."

Hindi siya makaapuhap ng katagang isusunod kaya muli siyang napabuga ng hangin.

"Wala ka na bang sasabihin, Mamang? Kung wala na, puwede na ba akong umalis? Kailangan kong matapos agad sa trabaho. Kailangan kong ibilhan si Ashley ng gamot kaya kailangan kong makaalis agad," ika kong kinuha ang apron na isinabit ko sa upuan bago siya magsalita.

Napabuntong hininga siya at tumalikod sa akin. Narinig ko ang pagbukas at pagsara ng kanyang drawer. Pagharap niya ay may inabot na siya sa aking isang libong piso.

Umiling ako para tanggihan iyon pero lumapit na siya sa akin, kinuha ang kamay ko at pilit isiniksik ang pera sa nakatikom kong kamay.

"Mamang..."

"Kunin mo, para kay Ashley," malamlam ang mga mata niyang sabi. Tipid na nangiti at tinapik ako sa balikat. "Oh siya, magtrabaho ka na. Umiwas sa gulo!" paalala niya bago ko pa man maisara ang pinto.

Wala sa huwisyong naglakad ako sa madilim na corridor. Tumulo ang luha ko habang mahigpit na hawak ang perang bigay ni Mamang. Napatigil ako at hinayaang tumulo ang luha. Napasandig ako sa dingding at doon, ibinuhos ko ang lahat ng sakit sa pag-iyak. Buti na lamang madilim at malayo sa mga tao. Kahit pa humikbi ako walang makakakita at makakarinig sa akin.

Ang sakit-sakit at ang bigat sa dibdib habang naaalala ko si Ashley. Bukod kasi sa bulag ito, nasa hospital na naman dahil sa nahihirapang huminga. May butas ito sa puso at nangangailangan siya ng isang operasyon. Kaya nga todo ako sa pagkayod para maisalba ang inosenteng bata. Mahal na mahal ko ang kapatid ko para pabayaan lang. Hindi ko hahayaang may mangyari sa kanyang masama. Kahit ikamatay ko pa ang pagkayod nang pagkayod sa trabaho, titiisin ko lahat maka-ipon lang ng malaking halaga para sa kanya.

Ako na lamang ang inaasahan niya para madugtungan ang buhay na pinagkaloob sa kanya ng Maykapal. Kailangan niyang mabuhay. Para makapagpatuloy rin akong lumaban at gustuhing mabuhay pa. Mas labis ko siyang kailangan para hindi ako tuluyang lamunin ng dilim...para hindi ako tuluyang sumuko sa hamon ng buhay.

Akala ko walang makakakita sa akin. Pero nang mapahikbi akong muli ay may biglang nag-abot sa akin ng isang panyo. Inaninag ko ang bulto ng taong nakatayo sa harapan ko. Sa tindig pa lang at taas nito alam ko na kung sino. Bagaman hindi ko kilala ang pangalan ng lalaki, alam kong siya iyon.

"Salamat," matipid kong saad sabay abot ng panyong nakalahad sa harap ko. Pinunasan ko ang luha at hindi ko maiwasang masamyo ang mabangong amoy ng panyo niya.

Bangong mamahalin. Sabagay ang club namin ay hindi basta-basta. Malalaking tao at mayayaman ang mga nakapasok at ekslusibo lamang sa mga nakarehistro sa club. Parang piputsugin ito sa labas pero kapag nasa loob na ay makikita ang pagiging sosyalin. Mula sa inumin, sa mga palamuti hanggang sa mga babaeng nagpapa-table at mga babaeng nagpapabayad. Hanggang sa amin na mga waitress. May mga test rin kaming ginagawa buwan-buwan lalo na sa mga nagpapakama sa customer.

"Sorry kung naistorbo kita. Nawawala yata kasi ako. Hinahanap ko ang washroom 'nyo." Ang mababa at baritonong boses nito ay tila lumamutak sa aking sikmura. Napakaguwapong pakinggan na kahit nakapikit ako at magsalita siya ay alam kong guwapo. Madilim ang paligid pero naaninag ko ang nakangiti niyang mukha.

"Nawawala ka nga, sa dulo roon dapat kumaliwa ka," saad kong itinuro kung saan ito galing.

Humalakhak siya at napakamot sa ulo.

"Ah!" Napatango-tango siya at muling humalakhak. "Tuloy, naistorbo ko ang moment mo. Napagalitan ka ba?" kaswal lang na tanong niya sa akin. Hindi ako nagsalita dahil ayaw kong magkuwento. Hindi ko siya kilala kaya mas nanaisin kong tumahimik kahit pa nga nakita niya ako sa ganitong sitwasyon. Ipininid ko ang aking bibig dahil sa kahihiyang nakita ako ng isang estranghero sa mahinang kalagayan.

"Salamat sa panyo. Regular guest ka ba rito? Ibabalik ko na lamang pagkatapos kong labhan." Inilagay ko sa aking bulsa ang panyo at naglakad na patungo sa club.

Humabol siya sa akin at sumabay sa paglalakad. Tahimik namin binaybay ang madilim na corridor na tanging ang ilaw sa loob ng club ang naging tanglaw. Nang magliwanag na ay humarap ako sa kanya.

"Doon ang banyo." Tinuro ko ang gawing kaliwa. "Salamat uli," sabi kong tinalikuran na siya.

"Sandali."

Napapitlag ako sa paghawak niya sa kamay ko at pagpigil sa akin. Tila ba may kuryenteng dumaloy sa buo kong katawan. Agad kong hinila ang aking kamay. Dahilan ng gulat niya sa mukha at pagkapalis ng ngiti niya sa labi.

"Sorry, I don't mean to hold..."

"May tatanungin ka ba?" putol ko sa sasabihin niya. "Magtatrabaho na kasi ako," dagdag ko para hindi naman siya masyadong mapahiya sa ginawa ko. Baka akala niya pinandidirihan ko siya.

Pilit siyang nangiti at muling napakamot sa batok. Pinagmasdan ko siyang mabuti. Ngayong maliwanag na, mas lalo pala siyang guwapo. Kahit tipid ang ngiti niya halata ang maliit at bilog nitong biloy sa magkabilang pisngi. Medyo pangahan ito. Makapal ang kilay pero nababagay sa mapupungay niyang itim na mata. Maganda rin ang hubog ng katawan niya. Mukhang alaga sa gym. Nasa saktong parte kasi ang muscles niya, kung sisipating mabuti. Kanina ko pa siya lihim na pinag-aaralan.

"Huwag na!" Kapagdaka'y pag-atras niya sa sasabihin. Itinaas pa ang dalawang kamay na parang sumusuko na lang at ayaw nang magtanong.

Napataas ako ng kilay.

"Sabihin mo na. Mahirap iyan kapag hindi mo nailabas. Baka lumabas sa ibang parte ng katawan mo dahil pinigilan mo," pagbibiro ko para pagaanin ang usapan.

Napakunot noo siya sa akin. Hindi nakuha ang ibig sabihin ng biro na sinabi ko.

"Baka mautot ka kapag pinigilan mo." Ngumiti ako. "Tanungin mo na baka kasi mautot rin ako kakaisip kung ano ang gusto mong sabihin," sabi kong tinitigan ang mata niya. May malawak na ngiting nakapagkit sa labi ko.

Ngumiti siya, ngayon ay hindi na pilit. Lalo tuloy lumabas ang biloy niya. Pero ang mga mata niya...

"Hmmm, mahirap mautot lalo na at nakikitira lang ako sa kaibigan ko," ika niyang natatawa na ay may pahimas pa sa batok.

"A..."

Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang bigla niya akong hinila palapit sa katawan niya. Halos hindi ako makahinga sa naramdamang kaba. Bigla ring may naghabulan na kabayo sa dibdib ko. Malakas ang pintig bigla ng puso ko.

Hindi ko alam bakit ako nagkakaganito. Napatingala ako sa kanyang mukha. Nakatingin siya sa gawi kung saan ako naroon kanina. Ibinaling ko ang tingin ko roon.

May lasing na lalaking pasuray-suray. Nasa gitna kasi kami nag-uusap kaya siguro hinila niya ako para hindi mabangga.

Agad akong humiwalay sa kanya at umayos ng tayo. Alam kong namumula na ang pisngi ko dahil sa nangyari. Nilaro ko ang aking daliri para pakalmahin ang sarili.

"Sorry..."

"Ayos lang," agap kong saad at muling tumingin sa kanya. Nakatitig siya sa akin at para bang tinatantiya kung magtatanong pa ba.

Tumikhim ito at nag-alis ng bara sa lalamunan.

"T-he mask wo... ahmmm! K-kilala mo ba iyong babaeng nakamaskara?"

Hindi ako agad nakaimik sa tanong niya. Natawa ako ng lihim sa sarili.

Akala ko may pag-asa ako sa isang ito. Isa rin pala sa nahumaling sa babaeng nakamaskara.

Nginitian ko siya.

"Hindi eh," tipid kong sagot saka iniwanan na siyang nakatayo roon.

Naisip kong iba talaga ang karisma ng babaeng nakamaskara. Napalabi akong nagbalik sa trabaho.