Chereads / Day Zero: Fairview Outbreak / Chapter 28 - Kabanata 28: Ang Paghahanap ng Baboy Ramo

Chapter 28 - Kabanata 28: Ang Paghahanap ng Baboy Ramo

Kabanata 28: Ang Paghahanap ng Baboy Ramo

Maagang naglakad si Mon at Joel mula sa Hilltop Compound para mag-inspeksyon ng paligid at maghanap ng mas sariwang mapagkukunan ng pagkain. Sabi ni Joel habang binabagtas nila ang makitid na daan na napapalibutan ng mga puno, "Sawa na ako sa delata, Mon. Subukan nating mangaso. Tignan natin kung may baboy ramo dito sa lugar na 'to. Kahit minsan lang ulit makatikim ng sariwang karne."

Tumango si Mon, natatawa. "Sige, sundin natin ang hilig mo. Pero kung wala tayong mahuli, balik tayo sa corned beef."

Nagpatuloy sila sa paglalakad, sinusundan ang malalalim na bakas ng paa ng hayop na nakita ni Joel sa lupa. Habang palalim ng palalim ang kanilang paglalakbay, napansin ni Mon ang lawak ng kagubatan. "Ang laki ng lugar na 'to," sabi niya. "Kung ganito ang paligid, baka marami pa tayong pwedeng makuhang resources."

Pagkalipas ng ilang oras ng pag-ikot, nakarating sila sa isang pamilyar ngunit nakakatakot na lugar—ang Angat Hydropower Plant. Ang malaking gusali ay nagniningning sa sikat ng araw, at ang malalaking tubo ng tubig ay tila umaandar pa rin.

"Operational pa rin pala," sabi ni Mon habang nakatingin sa mga makina na umaandar mula sa malayo. Ang tunog ng tubig na dumadaloy ay tahimik ngunit malinaw na naririnig sa paligid. "Ibig sabihin, may source pa ng kuryente dito. Pero bakit parang iniwan na ito?"

Tumango si Joel, tila nasasabik. "Ano, pasukin natin? Malamang maraming supplies dito—tools, fuel, baka may mga natitirang pagkain pa."

Sandaling tumigil si Mon para mag-isip. "Wag muna. Balikan na lang natin 'yan kapag may mas marami tayong oras at kasama. Hindi natin alam kung ano ang nasa loob." Napangiti siya ng bahagya, "Saka hanapin muna natin 'yang baboy ramo na pinapangarap mo. Mas mabuting may laman ang tiyan bago tayo mag-eksperimento sa kung ano ang meron diyan."

Tumawa si Joel at tumango. "Tama ka. Ayoko naman mamatay nang gutom habang nag-e-explore."

Nagpatuloy sila sa paglalakad, sinusundan ang mga bakas ng baboy ramo. Habang mas lalong lumalalim ang kanilang pagpasok sa kagubatan, hindi nila namamalayang may nagmamasid sa kanila mula sa kalayuan. Isang pigura, halos nakatago sa lilim ng mga puno, ang tahimik na nagmamatyag. Ang mga mata nito ay hindi naalis kina Mon at Joel habang sila'y abala sa paghahanap.

"Joel, doon," bulong ni Mon sabay turo sa isang makapal na bahagi ng kagubatan. Napansin nilang gumagalaw ang mga halaman—mukhang may hayop doon.

Tahimik nilang sinundan ang tunog, hawak ni Joel ang isang improvised spear habang nakasuksok naman ang baril sa kanyang likuran. Sa wakas, nakita nila ang isang baboy ramo na kumakain malapit sa isang maliit na sapa.

"Mukhang matagal-tagal na rin akong hindi nakakakita ng ganito," bulong ni Joel. Nagkatinginan sila ni Mon at tumango, isang senyales ng kanilang plano. Dahan-dahan silang pumwesto, at sa isang mabilis na galaw, hinagis ni Joel ang sibat. Sapul sa leeg ang baboy ramo, tumakbo pa ito ng ilang hakbang bago bumagsak.

"Nice shot," sabi ni Mon habang binubuhat nila ang hayop.

"Baboy for dinner," sagot ni Joel na may ngiti.

Habang naglalakad pabalik sa Hilltop Compound, hindi nila naramdaman ang malamig na titig na sumusunod sa kanila mula sa lilim ng kagubatan. Sino o ano kaya ang nagmamasid sa kanila?

Pagdating nila sa kampo, sinalubong sila ng grupo na masaya sa dala nilang huli. Hindi nila alam na sa kabila ng tagumpay na ito, may paparating na panganib mula sa mga mata na sumubaybay sa kanila sa buong araw.