Chapter 68 - Chapter 68

Gulat at pagkamangha ang bumalot sa buong sistema ni Elysia. Nakatingin siya sa bunganga ng isang matandang kuweba na napapalibutan ng mayabong na halaman.

Naghahalo ang itim ay berdeng kulay nito, gawa ng mga putik at lumot na siyang nagsisilbing palamuti nito. Mayayabong rin ang mga puno at masukal ang mga damo, at aakalain mong walang nakatira roon dahil sa ganoong tanawin.

Kung hindi lang dahil sa mga sariwang bakas na naiwan sa lupa, ay siguradong iisipin nino man na walang nabubuhay roon.

Binagtas na niya ang makitid na daan patungo sa kuweba, at alerto namang nakasunod lang sa kaniya si Kael.

Habang puno ng pangamba ang binata, kampanti naman ang dalag sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa. Tila ba alam niya kung saan siya dapat dadaan, hindi man niya maipalaiwanag ay sinunod na lamang niya ang kaniyang nararamdaman.

Mahaba at mabato ang daanan nila, kakarampot na liwanag lang din ang nagsilbing ilaw nila sa loob ng kuweba. Ilang minuto pa ang lumipas, nakarinig sila ng malakas na lagaslas ng tubig na animo'y nanggagaling sa talon. Naaamoy na rin ni Elysia ang samyo ng malamig na hangin umiihip. Sinundan nila kung saan nanggagaling ang hangin at napadpad sila sa isang lawa na nasa loob ng kuweba at doon ay mas malakas ang tunog ng malakas na pagbagsak ng tubig. Maliwanag na rin sa parteng iyon at kitang-kitq nila ang naglalakihang mga isda na lumalangoy sa tubig. May mga halaman ding tumutubo sa gilid ng lawa at tila ba nakatagong paraiso amg lugar na iyon.

Tumingala si Elysia at nakita niya ang mataas na kisame ng kuweba, may malaking uka roon kung saan naman lumulusot ang sinag ng araw na siyang nagbibigay liwanag at buhay sa mga halamang naroroon.

"Grabe, ang ganda rito." Bulalas ni Kael.

"Tama ka, sino ang mag-aakalang may buhay sa loob ng madilim na kuwebang ito." Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Elysia at muling pinagmasdan ang paligid.

Subalit, hindi inaasahang isang sibat ang tumalilis patungo sa kinatatayuan ng dalaga. Mabuti na lamang at malakas ang pakiramdam niya at maliksi niya itong naiwasan. Maging si Kael ay napatalon nang sa pag-iwas ni Elysia ay sumakto naman sa kaniya ang sibat.

Paglapag niya sa lupa, kasabay niyon ang pagbunot niya sa kaniyang espada at iwinasiwas ito sa kaniyang likuran. Saktong bumangga naman iyon sa isa pang espada na hinataw ng umaatake sa kanila.

Isang matipunong lalaki ang may hawak ng malaking espada na nasa korte ng balikong itak. Kayumanggi ang kulay ng balat nito habang nagbabagang berde naman ang mga mata nito. Kapansin-pansin rin ang kulay pilak nitong buhok.

"Mga Yuri!" Bulalas ni Kael. Isang malakas na hagupit ang kaniyang natanggap mula sa katunggali dahilan ipang mapaatras siya. Kakaiba ang lakas ng mga ito at bawat pagtama ng armas nito sa espada niya ay ramdam niya ang panginginig ng mga kalamnan niya. Kung hindi lang mahigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang espada, marahil ay nabitawan na niya ito.

"Hindi kami nagpunta para makipaglaban o sirain ang pananahimik niyo." Sigaw ni Elysia at itinaas ang isang kuwentas na hawak niya. Naglikha iyon ng kakaibang kinang na sumilaw naman sa kanila.

Huminto ang lalaking umaatake kay Kael at naiwan sa ere ang sandata nitong patama na sana sa kaniya.

"Ang Solryndor!" Isang matanda ang sumigaw nang makita ang kuwentas na hawak ni Elysia. Uugod-ugod itong naglalakad papalapit sa dalaga at mangiyak-ngiyak na tinitigan ang kuwentas.

"Ang Solryndor nga, mahabaging langit, saan mo nakuha ang kuwentas na ito babae?" Tanong ng matanda at sinuri nito ang mukha ng dalaga. Taka at pagkamangha ang naghahalo sa mga berder nitong mata.

"Iniwan ito ng aking ina." Sagot ni Elysia. Nakuha niya ito sa baul na iniwan ng kaniyang mga magulang. Nakasilid ito sa gitna ng isang kahon. Anyong libro ito kung kaya hindi ito napansin ng pamilya ni Alicia. Wala silang kaalam-alam na hindi iyon libro kundi isang kahon.

"Iyong ina? Ang kuwentas na iyan ay nagmula sa amin at tanging mga manunugis lamang ang pinagbibigyan namin ng Solryndor." Sagot ng matanda habang hinahaplos nito ang bato sa kuwentas. Tila ba pinapakiramdaman nito kung tunay ito o huwad.

"Pinuno, marahil ay huwad ang hawak nila. Imposibleng nasa mundo pa ang solryndor dahil nawala na sa mundo ang nagtatangan nito. Hindi ba't kusa itong maglalaho kapag namat*ay ang nagtatangan?" Nagtatakang tanong naman ng lalaki, nakatutok pa rin kay Kael ang mahaba niyong sandata.

"Tama ka, ngunit paano kung may naiwang tagapagmana ang nagtatangan? Babae, ang sabi mo ay iniwan ito ng iyong ina? Ano ang pangalan ng iyong ina?" Tanong ng matanda.

"Selindra po, at ang aking ama ay si Thalvyr." Sagot naman ni Elysia at halos manlaki ang mata ng matanda. Maging ang kasama nito ay naibaba ang armas bago lumapit sa kanila.

Muli nitong sinipat ang kuwentas at napasinghap.

"Pinuno, ito nga ang Solyndor. Anak ka ni Selindra, ang manunugis? Buhay ang anak nila. Pero bakit ngayon mo lang inilabas ang kuwentas na ito. Ang buong akala namin ay wala na ito, dahil hindi na namin nararamdaman ang presensya ng kuwentas." Wika ng lalaki at napatigin kay Elysia.

"Mamaya na atin pag-usapan ang bagay na iyan. Babae, ano ang pangalan mo?" Tanong ng matanda ay ibinalik kay Elysia ang kuwentas.

"Elysia po, at ito naman si Kael, tagapagbantay ko." Tugon ni Elysia.

"Kung gano'n Elysia, sumama kayo sa amin," ani ng matanda at tumalikod na ito at nagsimulang maglakad. Agad naman sumunod si Elysia kasabay si Kael.

"Grabe, ang sakit ng braso ko. Pakiramdam ko naalog yata ang mga buto ko. Ang lakas niya, sobra." Pabulong na wika ni Kael.

"Malalakas sila sabi ni Mama. Ang mga nakilala nating mga elf at mabibilis at matalino, ang lahi ng mga Yuri ang tinaguriang malakas sa lahat ng uri ng mga elf. Ngunit hindi rin sila nagpapahuli sa talino at bilis. Ang kaibahan lang nila, hindi sila sanay makihalubilo sa ibang mga nilalang." Sambit naman ni Elysia. Nakatuon ang paningin niya sa mga nilalang na nasa harapan nila.

Ilang sandali pa ay unti-unti nang nagbabago ang kanilang dinaraanan. Ang dating mabato ay ngayon nagkakaroon na ng mga halaman at damo, hanggang sa marating nila ang bukana at tumambad sa kanila ang napakagandang tanawin.

"Ito ang bayan ng Yulan, maligayang pagdating bagong tagapangalaga ng Solyndor." Anunsyo ng matanda at doon nila nasilayan ang payapang bayan kung saan naninirahan amg mga Yuri.

Manghang-mangha si Kael habang nakatingin sa mga nilalang na iyon. Ang makasilay ng mga nilalang na higit na mas malakas sa kaniya ay isang kahalakan para sa tulad niyang mandirigma.

"Pinuno, sino sila?" Tanong ng isang babaeng sumalubong sa kanila. Nakatirintas ang mahaba nitong pilak na buong at nakatuon sa kanila ang mga berde nitong mata.

"Olivia, ito ang bagong tagapangalaga ng Solyndor, anak siya ni Selindra." Sagot ng matanda at nakita nilang nanlaki ang mga mata nito.

Mabilis pa sa hangin nang marating nito ang harapan ni Elysia at mabilis na hinawakan ang kaniyang pisngi. Tila may hinahanap itong kung ano hanggang sa sumilay ang matamis na ngiti sa mga labi nito.

"Kamukha mo nga si Selindra, ako si Olivia, naging matalik na kaibigan ko ang iyong ina. Nakakalungkot lamang dahil bago pa man siya mabigyan ng mahabang buhay ay kinuha na siya sa amin. Natutuwa akong makilala ka, anak ng aking matalik na kaibigan." Wika nito at napangiti si Elysia.

Tunay ngang narito ang matalik na kaibigan ng kaniyang ina. At tunay ngang wala siyang mararamdamang pagkukunwari sa harap ng mga nilalang na ito. Naaalala pa niya ang sinabi ng kaniyang ina, na sa lahat ng uri ang elf ang mga Yuri ang pinakatapat na kaalyansa. Kapag ibinigay nila ang kanilang pagtitiwala ay lubos iyon at walang hanggan.

Mapuputol lamang ang tiwalang iyon kapag ang pinagkatiwalaan nila mismo ang siyang sisira rito.

Itinuon ni Elysia ang oras niya sa pagpapaliwanag ng kinahaharap niyang sitwasyon. Ang nalalapit na koronasyon at ang mga bantang kaakibat nito.

"Tama nga ang propesiyang nabasa ko sa mga bituin, isang manunugis ang siyang iibig sa isang bampira. Ngunit ang bampirang ito ay hindi puro at may digo ring tao, subalit higit siyang mas malakas sa kaniyang uri, higit na mas matalino at may mabuting puso. Napakatagal na panahon na rin simula nang lumabas ang mga yuri sa Kuwebang ito. Hindi ko lubos akalain na masisilayan ko ang oras na ito." Wika ng matanda na nagpakilala sa pangalang Gwirem.

"Pinuno, ibig sabihin makalalabas na tayo?" Tanong ni Baron, ang lalaking umatake kanina kay Kael.

"Wala nang rason para manatili, nasa labas ang mga manunugis at haharapin na natin sila. Ngayon narito na ang kuwentas ng Solyndor, nabuksan na rin ang nag-iisang pumipigil sa atin na makalabas at mapasok ng ibang mga nilalang. Ang kuwebang ito ang nagsilbing proteksyon natin sa lahat ng panganib habang wala ang Solyndor, ngayong hawak na ito ng tagapangalaga, oras na para kumilos na tayo." Anunsyo ng matanda na ikinatuwa naman ng nakararami.

Sa pagkakataong iyon ay natuwa si Elysia, matagumpay niyang naisagawa ang iniuutos ng kaniyang ina.

Hapon nang magdesisyon si Elysia na lisanin ang kuweba. Itinuro din niya sa mga Yuri ang munting pamayanan ng mga manunugis na nasa kasukalan rin ng kagubatan. Ang mga natitirang manunugis na nasa pamumuno ni Luvan.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Kael sa kaniyang nasaksihan. Tila ramdam niya ang kilabot at pagkulo ng kaniyang dugo dahil sa kasabikan. Bukod sa lihim na grupong binuo nila ay nadagdagan pa sila ng malalakas na kakampi.

Related Books

Popular novel hashtag