Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Grimoire: After Legends

13th_Owl
--
chs / week
--
NOT RATINGS
2.5k
Views
Synopsis
Isang taksil sa kaharian ng Alvarez, ito ang pagkakakilala sa ninuno ni Rael na si Odin at sa buong pamilya ng Ambrose. Ngunit sa kabila ng lahat ng hindi magandang pagkilala sa kanila at mahirap na pamumuhay na sinapit nila dahil sa ginawa ng kanilang ninunong si Odin ay naging matatag at tapat sila sa lihim na pamana sa kanila ni Odin. Isang malaking kaganapan ang magpapabago sa kanyang buhay nang inatake ng mga bandido ang kanilang bayan kung saan ay isang malaking trahedya ang sunod-sunod na naganap.
VIEW MORE

Chapter 1 - 01: An Old Book

Payapa ang hangin at marahang sumisilay ang liwanag ng haring araw mula sa bulubundukin ng Sierra del Mar. Ang bulubunduking ito na natatanaw sa direksyong silangan ay ang pinakamahaba at sinasabing pinakamapanganib na kabundukan sa buong kontinente ng Altas. Ang Sierra del Mar ay maabot lamang ng mga magigiting na tao ng bawat kaharian ng Atlas kung maglalayag sila sa dagat na naghahati sa buong Atlas at ng Sierra del Mar.

Sa munting bayan ng Dumpthon kung saan nasa malayong bahagi na ng kaharian ng Alvarez ay may dalawang batang lalake na may pitong taong gulang ang tumatakbo sa malawak na damuhan malapit sa labas ng munting bayan.

"Saklolo!!!" sigaw ng isang bata na may maitim na buhok at puno ng tagpi ang suot niyang damit na masyadong mahaba para sa kanyang edad. Hinahabol s'ya ng kaedad niya na may dala dalang patpat.

"Sige, tumakbo ka duwag! Hindi ka magwawagi sa magiting na si Duvan na magiging isang dakilang mandirigma ng Alvarez!" tumatawang habol ni Duvan sa batang may tagpi tagping kasuotan.

Si Duvan ay anak ng punong bayan ng Dumpthon, bagama't maliit at napakalayo na nito sa kaharian ay may taglay pa rin na awtoridad ang ama ni Duvan sa maliit at mahirap na bayang ito.

"Tsk, Tsk... kawawa naman 'tong si Rael, palagi na lang inaabuso ni Duvan, palibhasa ay anak s'ya ng punong bayan." may bahid ng awa ang tinig ng isang magsasaka na pinagmamasdan si Duvan na hinahabol si Rael.

"Tama na Duvan, hindi ko alam kung anong kasalanan ko sa'yo bakit palagi mo na lang akong inaaway wala naman akong ginagawang masama sa'yo!" nasa itaas na ng puno si Rael upang iwasan ang pang aabuso sa kanya ni Duvan, hindi n'ya alam kung ano ang dahilan nito kung bakit sa tuwing magtatagpo sila ay pambubugbog ang inaabot n'ya kasama ang mga kaibigan nito na anak naman ng mga kawal ng punong bayan.

Nakapamewang lang na tiningala ni Duvan si Rael dahil may kalakihan at medyo mabilog ang katawan nito ay hirap s'yang umakyat ng puno na hindi katulad ni Rael na maliksi sa pag akyat.

"Sige, d'yan ka lang maghapon Rael tignan ko kung makababa ka pa kapag iniutos ko sa mga sundalo ko na bantayan ka!" sumenyas si Duvan at lumapit na rin ang ibang kasama ni Duvan na kasing edad rin n'ya na kalalabas lang sa may tarangkahan ng bayan at pinalibutan si Rael sa ilalim ng munting puno.

"Ano ba kasi kasalanan ko, nasa labas na nga ako ng bayan para hindi mo na ako gambalain pero sinusundan mo pa rin ako?!" gustuhin mang magalit ni Rael kay Duvan sa ginagawa sa kanya nito ngunit mas namamayani ang takot n'ya sa kasalukuyang sitwasyon.

"Heh, hindi mo alam? ang mga taong katulad mo na may ninunong taksil sa kaharian ng Alvarez ang dahilan kung bakit narito ang buong angkan natin!" sagot nito kay Rael.

Ang Dumphton ay isang maliit na bayan na pag aari ng angkan ng Ambrose. Matapos ang digmaan sa pagitan ng kahariang Alvarez at Orani may isandaang taon na ang nakakaraan ay dito inilagay ng nagdaang hari ang buong angkan ng Ambrose sa dulong bahagi kung saan nasa malapit sila sa kaharian ng Orani. Ito umano ang kaparusahan sa pinuno ng angkan ng Ambrose noon sa ginawang pagtanggi na tumulong sa digmaan sa pagitan ng dalawang kaharian, ito rin ang naging dahilan kung bakit humina ang kapangyarihan ng pamilyang Ambrose sa paglipas ng panahon.

"Isang daang taon na lumipas mula pa ng nangyari ang bagay na iyon, bakit ako ang sinisisi mo sa pagbagsak ng pamilya natin?!" sagot muli ni Rael.

Ninuno ni Rael ang punong bayan noon ng Pamilya Ambrose na si Odin Ambrose, ang sinasabi ni Duvan na nagtaksil sa Alvarez. Ngunit kung tunay man na nagtaksil nga ang pamilyang Ambrose noon ay bakit hindi na lamang ginawaran ng parusang kamatayan ang buong angkan, sa halip ay inilipat sila mula sa punong lungsod papunta sa Dumpthon.

"Kahit pa kamag anak kita hindi namin hahayaan na maulit ang nangyari noon sa pamilya natin kaya nakapagdesisyon na ako na pipigilan kita na hindi ka makapasok sa Yggdrasil, sapagkat ako lang ang maaring makarating sa eskwelahang iyon at ako lang ang may talento at kakayahan na muling maiangat ang pamilya Ambrose!" buong pagmamalaking sambit ni Duvan, sinang ayunan naman ito ng mga kasama niya.

"Heh, hindi ikaw ang magsasabi ng kapalaran ko at kahit anong gawin mo sisiguruhin ko na makakapasok ako sa Yggdrasil kahit pa hindi ako suportahan ng mga elder ng pamilya natin!" pagmamatigas ni Rael kay Duvan.

Iilang bata lamang mula sa bawat pamilya ang nakakapasok sa Yggdrasil, dahil sa mataas na presyo ng kabayaran ng pagtuturo ng institusyong ito sa mga bata na maging isang Magi.

"Hahaha!" malutong na humalakhak si Duvan sa sinabi ni Rael. "Ikaw makakarating sa Yggdrasil? Tignan mo nga iyang kasuotan mo, wala ka ngang pambili ng bagong damit at mabaho ka pa, saan ka kukuha ng pera pantustos sa pag aaral mo?" naghagikhikan rin ang mga kasama ni Duvan na nakapalibot sa puno.

Ang maging isang Magi kahit na ang isang miyembro ng pamilya ay nagbibigay ng napakalaking pagbabago sa antas ng pamumuhay sa Alvarez, sapagkat kahit pa mataas ang kabayaran ng Yggdrasil sa pagtuturo, ang lahat ng gastos sa pag aaral ay nababawi sa loob lamang ng isang taon sa oras na maging isang Magi na ang mag aaral.

"Wala ka nang pakialam kung saan ako kukuha ng pera pampa aral ko, basta sa pagsapit ko sa ika labing tatlong taon makakapasok ako sa Yggdrasil!" sagot ni Rael kay Duvan.

"Aba't, ang yabang ng hampas lupang anak ng traydor na ito..." nangigigil na sambit ni Duvan, kahit pa palagi n'yang inaaway at binubugbog si Rael ay hindi pa rin ito natitinag at naninindigan sa sinasabi niya kahit alam nitong hindi s'ya mananalo laban kay Duvan. Ito ang isang bagay na ayaw sa kanya ni Duvan, isang ugali ni Rael na hindi masupil ng mga pagmbubugbog niya kasama ang mga sundalo n'ya.

"Sugurin ninyo si Rael at ibaba n'yo siya sa punong 'yan!!!" galit na utos ni Duvan sa mga kasama at isa isa namang tumalima ang mga ito at inakyat si Rael sa puno.

******************************************************

Sa isang sira sira at maliit na tahanan ay nakaupo si Deros Ambrose sa maliit na bakuran habang pinupunasan ang kanyang mukha na basa na sa pawis, bahagyang marumi at may mga balbas at bigote na halatang hindi pa niya inaahit dahil medyo makapal na ito. Pinagmasdan niya ang maliit na bakuran na kanyang pag aari na kasalukuyan niyang tatamnan ng mga gulay at halamang gamot. Bakas sa mukha ni Deros ang mga linya ng taon na nagdaan sa kanyang itsura at hindi niya maiwasan na makaramdam ng kalungkutan sa kanyang puso.

Ito na lamang ang natatanging lupa na mayroon siya, paano niya masusuportahan ang nalalapit na pag aaral ng kanyang panganay na si Rael sa pangarap nitong makapasok sa Yggdrasil kung kulang pa ang kinikita n'ya sa buong taon para sa kabayaran sa eskwelahan?

Panganay ni Deros si Rael sa dalawa niyang anak at kasalukuyan pang nagdadalang tao ang kanyang maybahay sa ikatlo. Hindi niya alam kung paano pa niya matutupad ang kagustuhan ng anak.

Alam niyang may talento si Rael upang maging isang Magi ngunit kung wala naman s'yang pantustos para dito ay natatakot siya na masayang ang talentong ibinigay ng maykapal sa kanyang anak. Kahit humingi siya sa mga Elder at sa Punong Bayan ng tulong ay alam niyang tatanggihan s'ya ng mga ito, hindi maganda ang reputasyon ng pinuno ng kanilang angkan sa kanyang pamilya sapagkat ang ninuno niya na si Odin ang dahilan kung bakit naging mahina ang mga Ambrose sa kaharian ng Alvarez.

Napabuntong hininga na lang si Deros kasabay ng pag ihip ng malamig na simoy ng hangin. Kung tutuusin ay sila ang nararapat na magmay ari ng Dumpthon dahil sila ang direktang tagapagmana ni Odin, ngunit dahil narin sa sinasabing kataksilan ni Odin ay nadamay ang buong Pamilya Ambrose sa kaparusahan. Humalili sa posisyon ang pinsan ni Odin na nasa posisyon ng ikalawang Elder at simula noon ay nagsimula na ang pagbagsak ng buong pamilya ni Odin.

Tumakbo palapit kay Deros ang bunsong anak niya na si Rian na may dala dalang tubig upang kanyang inumin.

"Papa, heto, pinapabigay ni Mama sigurado daw na nauuhaw na po kayo." nakangiting iniabot ni Rian ang lagayan ng inumin sa ama at pinagmasdan ng bilugan niyang mata ang malungkot na itsura ni Deros.

"Bakit po kayo malungkot Papa?" inosenteng tanong ni Rian sa ama. Hindi sumagot si Deros sa halip ay ngumiti lang siya sa anak kahit bakas pa rin ang kalungkutan sa kanyang mukha.

"Alam mo ba kung bakit Isang mayabong na puno at makakapal na ugat ang simbolo ng Pamilya Ambrose, Rian?" pag iiba ng usapan ni Deros sa apat na taong gulang na anak.

Tumango lamang si Rian sa ama bago muling sumagot. "Dahil ang isang puno ay nananatili sa kanyang lupang sinilangan na simbolo ng katapatan."

Hinimas ni Deros ang ulo ng anak at saka ngumiti, kung ano ang simbolo ng buong angkan ay kabaligtaran naman ang pagkakakilala sa kanila na mula sa pamilya ni Odin, tanyag sila sa pagiging taksil sa kaharian at dahilan ng pagbagsak ng Ambrose.

Habang naguusap ang mag ama ay ang siya ring pagpasok ni Rael sa bakuran, puno ng dumi ang katawan at puro pasa ang kanyang mukha.

"Rael, anong nangyari sa'yo?" nag aalalang lumapit si Deros kasabay si Rian patungo dito. Pilit lang a ngumiti si Rael kahit may dugo at putok ang sulok ng kanyang labi.

"Wala po 'to Papa, nahulog ako sa puno kanina habang naglalaro." pagsisinungaling ni Rael, ayaw na niyang palakihin pa ang gulo at mag alala ang kanyang mga magulang.

Bumuntong hininga na lamang si Deros dahil kahit alam niyang ang kamag anak nitong si Duvan ang may gawa sa anak ay wala siyang magagawa dahil sa posisyon ng ama nito sa Dumpthon.

"O siya, maligo ka na at marumi na ang damit mo, Rian sumama ka na rin sa kuya mo at sabay na kayong dalawa maligo doon sa lawa." utos ni Deros sa dalawang anak, kaagad namang tumalima ang dalawang bata at nagpaa alam na sa ama.

*****************************************************

Sumapit na ang dilim ay hindi pa rin dinadalaw ng antok si Rael kaya naman minabuti niya na bumangon at tumungo sa labas at pagmasdan ang mga bituin sa kalangitan. Tahimik siyang naglakad at nakita niya na bukas pa ang lampara sa silid ng kanyang mga magulang, inisip ni Rael na katulad niya ay marahil hindi pa rin dinadalaw ng antok ang mga ito. Magtutuloy na sana siya sa paglabas ng bahay ng makarinig s'ya na tila nagtatalo ang kanyang Papa at Mama.

"Wala namang gamit ang aklat na iyan bakit ayaw mong hayaan ako ba ipagbili ito sa mangangalakal?" narinig ni Rael na tanong ng kanyang Ina.

"Naririnig mo ba ang sarili mo Aloisa? Ang aklat na ito lamang ang tanging pamana sa amin ng aming ninuno, ito na lang ang kayamanan namin at ito na lang ang maipamamana ko kay Rael." pakikipagtalo ni Deros sa kabiyak, marahan na lumapit si Rael upang makinig sa kabilang silid, isang pamana mula sa kanilang ninuno.

"Isang aklat na isang pahina ang laman at hindi mo nga maintindihan ang mga salita na nakasulat diyan, paano mo masisigurong mababasa ni Rael ang aklat na iyan?" tanong muli ni Aloisa kay Deros.

Isang aklat na isa lamang ang pahina? takang tanong ni Rael sa kanyang sarili, isang aklat na pamana ng kanyang ninuno para sa kanya. Hindi maiwasan ni Rael na mag usisa sa kanyang narinig. Alam n'yang hindi tama ang makinig sa usapan ng mga nakatatanda ngunit hindi niya napigilan ang sarili na makinig at aksidenteng nabuksan niya ang pinto sa paglapat ng katawan niya dito.

"Rael!" gulat na sambit ni Deros nang biglang bumukas ang pinto ng silid. Natigil ang mag asawa sa pag uusap nang makita nila ang anak na nasa pinto.

"Bakit gising ka pang bata ka?" may bahid ng galit ang tono ng pagtatanong ni Aloisa sa anak dahil sa alam niyang nakikinig ito sa kanilang usapan.

"P-Patawad po Mama, hindi po kasi ako makatulog kaya naisipan kong lumabas, aksidente lang po na narinig ko ang usapan ninyo ni Papa." halata ang takot ni Rael sa kanyang ina na si Aloisa, estrikta ito at pinahahalagahan ang disiplina ng kanyang mga anak sa loob ng tahanan.

Bumuntong hininga na lang si Deros at sinenyasan si Rael na lumapit sa kanila, sumunod naman ang batang si Rael at kita niya sa malamlam na liwanag ng lampara sa kadiliman ng kanilang munting tahanan ang paghihirap ng kaniyang mga magulang upang mapabuti ang kanilang kabuhayan sa kabila ng hindi magandang reputasyon ng kanilang ninuno na minana nila sa mga nakalipas na panahon.

"Wala na kaming magagawa sa ngayon ni Aloisa dahil nalaman mo na naman ang pinag uusapan namin, diba?" tanong ni Deros kay Rael. Saglit munang pinagmasdan ni Rael ang kanyang ina bago tumango.

"Kung ang aklat po na iyan ang pamana po ng ating ninunong si Odin ay makapagbibigay sa atin ng salapi upang may ipambili tayo ng makakain natin, bakit hindi na lamang po natin iyan ipagbili kung katulad naman po ng sinabi ni Mama na isang pahina lamang ang aklat?" pagbibigay ni Rael ng opinyon sa paksang pinag uusapan ng kanyang mga magulang.

Umiling lamang si Deros at binalingan ang kanyang kabiyak. "Tignan mo Aloisa, napakabuti ng anak natin, handa n'yang isakripisyo ang pamana na makukuha niya mula sa aming ninuno para lamang sa panandaliang kaligayahan na nais mo. Ano na lang ang mukhang maihaharap ko sa aking mga ninuno kapag ako'y pumanaw na?" marahang hinawakan ni Deros ang balikat ng anak at hinarap sa kanya. "Ang pamanang ito ay nararapat ibigay sa taong katulad mo Rael. Alam namin na mahirap ang kalagayan ng pamilya natin ngunit mas mahalaga ang katapatan sa sa responsibilidad na ibinigay sa atin ng ating mga ninuno."

"R-Responsibilad?" takang sambit ni Rael at nagpalipat lipat ang mata niya mula kay Deros patungo kay Aloisa pabalik sa kanyang ama.

Naupo si Aloisa sa kahoy na papag ng kanilang tahanan at yumuko sa tabi ng kaniyang kabiyak, hinaplos niya ang bilugang tiyan na ilang buwan na lamang ay kabuwanan na niya kaya naman naisip nito na ipagbili na lang ang aklat na pinamana ng mga ninuno ng kanyang asawa. "Alam kong hindi nararapat sa akin na magbigay ng opinyon at magdikta sa dapat gawin na ipinaman sa inyo ng ninunong si Odin kaya sana'y mapatawad ako ni Bathala."

Ngumiti lamang si Deros at inakbayan ang kanyang asawa na katabi lamang niya. "Marahil panahon na upang malaman ni Rael ang katotohanan, alam kong bata pa si Rael ngunit sa mulat niyang kaisipan ay nararapat lamang na malaman niya ang tunay na kwento ng ninunong si Odin." Tumango lamang si Aloisa bilang pagsang ayon saka ito tumayo at iniwan ang mag ama sa loob ng silid.

"Papa, ano pong katotohanan ang sinasabi mo?" naguguluhang tanong ni Rael sa ama.

Pinaupo ni Deros ang anak malapit sa kanya at ngumiti.

"Alam mo ba ang kwento ng ating ninunong si Odin?"

Kahit naguguluhan ay tumango lamang si Rael at saglit na nag isip bago nagsalita. "Si Odin Ambrose po ang pinuno sa angkan ng mga Ambrose isang daang taon na ang nakalilipas. Kilala ang Ambrose sa pagkakaroon ng malalakas na Magi at isa sa mga kinatatakutan at nirerespetong pamilya sa Alvarez. Noong nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng Alvarez at Orani, inaasahan ng lahat na makikibahagi ang Pamilya ng Ambrose ngunit sa halip na tumulong sa Alvarez ay tumanggi ito sa ilalim ng pamumuno ni Odin. Sa kabila ng pagtanggi ni ninunong Odin ay nanalo ang Alvarez at umurong ang Orani hanggang sa magkasundo ang dalawa na magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng dalawang kaharian."

Tumango lamang si Deros at hinayaang magpatuloy ang anak sa pagkukuwento ng kasaysayan na alam niya.

"Dahil sa ginawa ni Odin, tinawag siyang taksil ng Alvarez ngunit kahit pa ganun ang nangyari ay hindi nagbigay ang Hari ng kautusan na lipulin ang Ambrose, sa halip ay inilipat sila dito sa Dumpthon na malapit sa Orani at bilang kaparusahan, makalipas lamang ang isang buwan ay bumaba sa pagiging puno ng Pamilya Ambrose si ninunong Odin at pinalitan siya ng kanyang pinsan na si Second Elder Hugo na nasa ikalawang posisyon noon. Halos kalahati sa sampung elder ng Ambrose ang nawala sa posisyon dahil sa katapatan nila kay ninunong Odin at halos lahat ng posisyon ng mga Elder ay napalitan ng mga tao ni Pinunong Hugo, simula noon ay unti unti nang bumagsak ang Pamilya Ambrose na mula sa pagiging isa sa limang punong pamilya ng Alvarez ay napunta na lamang sa mababang angkan kung saan mabilis na kinalimutan ng nakararaming pamilya ang Ambrose na minsang naging punong pamilya. Ang lahat ng lupain din na hawak noon ng Ambrose ay unti unting ipinagbili sa ibang pamilya ni Pinunong Hugo ngunit ang lahat ng sisi ay itinuro ng buong Pamilya Ambrose kay ninunong Odin." pagtatapos ni Rael sa pagkukwento ng kasaysayan ng kanilang ninunong si Odin.

"Tama ang kasaysayan na narinig at kinamulatan mo anak, ngunit sa likod ng kwentong iyan ay may mas malalim pang dahilan ang nakatago..." nakangiting sambit ni Deros kay Rael.

"Ano pong mas malalim na kwento Papa?" takang tanong ni Rael sa ama, marahang hinaplos ni Deros ang ulo ng anak at tumayo ito.

Nagtungo siya sa isang lumang baul na nasa lapag sa ilalim mesa at binuksan ito. Mula sa lumang baul ay kinuha ni Deros ang isang bagay na parisukat na binabalutan ng itim na tela.

"Ito ang katotohanan sa likod ng kwentong alam mo..." saad ni Deros sa anak nang muli siyang naupo at binuksan ang tela na bumabalot sa hugis parisukat na bagay na kinuha niya mula sa baul.

"I-Iyan po ba ang aklat na sinasabi ni Mama?" tanong ni Rael sa ama nang tuluyan itong binuksan ni Deros.

Isang luma at manipis na aklat, may disenyo ng isang puno na sumisimbolo sa mga Ambrose at mayroon itong mata nasa katawan ng puno. Sa bahagi ng disenyong mata naman ay makikita na may sinag itong pumapalibot na tila ipinapakita ang kaalamang taglay nito.

"Ito, ang dahilan kung bakit tumanggi si ninunong Odin na sumama sa digmaan laban sa Orani..." binuksan ni Deros ang lumang aklat ngunit walang anumang nakasulat sa nag iisang pahina nito.

Puno ng pagtataka na pinagmasdan ni Rael ang lumang aklat, paanong ito ang pamana sa kanila ng kanilang ninunong si Odin kung wala namang laman ang kahit na isang pahina nito?

"P-Papa... Wala naman pong laman ang aklat." iyon lang ang nasabi ni Rael sa kanyang ama.

"Tama ka anak, ayon sa sinabi ni ninunong Odin, sa tamang panahon ay isa sa ating lahi ang makakapagbukas ng lihim ng aklat na ito, kaya naman habang wala pa ang dapat na magmamay ari ng aklat na ito ay dapat nating pangalagaan at ilihim ang tungkol dito." paliwanag ni Deros sa anak, tumango lamang si Rael kahit pa hindi niya maintindihan ang ibig sabihin sa kanya ng kanyang ama.