Chereads / Grimoire: After Legends / Chapter 2 - 02: Danger in Dumpthon

Chapter 2 - 02: Danger in Dumpthon

Kinabukasan ay maagang nagising si Rael at tumungo sa silid ng kanyang mga magulang, nang nakita niya na wala na ang mga ito ay hindi s'ya nagtangkang pumasok sapagkat iyon ang turo sa kanya ng kanyang ina na si Aloisa.

Matapos niyang mag agahan ng nilagang saging ay nagtungo siya sa kanilang bakuran at doon ay nadatnan niya ang kanyang ama na nagbubungkal ng lupa upang tamnan ng mga halamang gamot at gulay na maibebenta nila sa panahon ng pag ani.

Kumuha ng mga gamit si Rael sa kanilang bodega upang tulungan ang ama sa kanyang gawain dahil hangga't maaari ay ayaw niya itong nakikitang nahihirapan.

"Anong ginagawa mo?" nakakunot ang noo ni Deros nang nakita n'ya si Rael na may dala dalang gamit pambungkal.

"Gusto ko po tumulong Papa, para naman kahit paano gumaan ang trabaho ninyo ni Mama at hindi kayo mahirapan." nakangiting sagot ni Rael sa kanyang ama habang tinutupi ang mahabang manggas ng kanyang kasuotan.

Ngumiti si Deros at nagpasalamat siya kay Bathala na biniyayaan s'ya ng mabubuting anak kahit pa nasa murang edad ang mga ito ay may pagnanais silang tumulong sa kanilang pamilya. Kinuha niya ang gamit pambungkal kay Rael bago pa magsimula ang bata.

"Pa!" reklamo ni Rael sa ama.

"Maglaro ka na lamang doon anak, responsibilidad ko ang tustusan ang pangangailangan natin bilang ama, kahit nahihirapan tayo ay hindi ako papayag na kayong mga anak ko ang umagaw ng tungkulin na dapat ay sa akin." sagot lamang ni Deros kay Rael. Alam niya na kabutihan lamang ang nais ni Rael at layon nito na gumaan ang trabaho niya subalit hindi s'ya papayag na iyon ang maging dahilan upang hindi na sulitin ng anak niya ang pagkabata nito at maubos ang oras ni Rael sa pagtulong sa gawain.

"Sige na maglaro ka na sa labas, huwag kang mag alala sa akin kayang kaya ito ng Papa mo." pagtataboy niya sa anak.

Walang nagawa si Rael kundi ang sumunod sa ama at nagkakamot siyang lumabas ng kanilang bakuran.

"Rael!" isang batang lalake ang tumawag sa kanya sa paglabas niya sa bakuran, may galos ang mga binti nito at magulo ang mga nakatayong buhok.

"Lupin!" nakangiting sinalubong ni Rael ang bata hanggang sa magkalapit na sila. "Kamusta ang pangangaso ninyo kahapon ni Tito Degape?" tanong niya sa kaibigan.

Si Lupin ay pinsan ni Rael at nakababatang kapatid ng kanyang ama na si Deros ang ama ni Lupin. Kung ikukumpara sa antas ng pamumuhay nila ay masasabing bahagyang nakaka angat sina Lupin. Mas maayos ang damit ni Lupin at kung minsan ay nabibigyan si Rael ng kanyang tiyuhin ng mga damit kung nakakaluwag luwag ang mga ito.

"Hehe, ayos naman. Kahit nakakapagod, malalaki ang huli naming usa at naka tatlo kami kaya medyo marami ang karneng naibenta." sagot ni Lupin sa pinsan na kanyang kasing edad. Isang supot ng karne ang iniabot niya kay Rael na ikinasiya naman ng bata.

Matapos ipaalam kay Deros ang karneng ibinigay ni Lupin ay itinago muna nila ito sa kusina at naupo sila sa upuan na gawa sa kawayan na malapit sa kanilang bintana.

"Dinig ko inaway ka na naman daw ni Duvan?" tanong ni Lupin kay Rael nang makaupo na sila.

"Oo, hindi talaga ako tinitigilan ni Duvan kahit anong iwas ang gawin ko, kaya namam ikaw mag iingat ka." babala niya sa pinsan. Alam kasi nilang pareho na sila ang palaging aawayin ni Duvan dahil sa pagkakaroon nila ng dugo ng kanilang ninunong si Odin.

"Kamusta naman ang ipon natin para sa Yggdrasil?" pasikretong tanong ni Lupin nang masiguro niya na sila lang dalawa ang nag uusap sa loob ng tahanan, kasama ni Rian ang kanyang ina na naglalaba sa sapa.

"Wag ka mag alala, nasa ligtas na lugar ang alkansya sa aking baul sa ilalim ng higaan ko nakatago." sagot lamang ni Rael kay Lupin.

Napagkasunduan ng dalawang bata na sa halip na ubusin ang kanilang oras sa paglalaro ay mas mabuti kung gamitin na lamang iyon upang kumita ng salapi, kung minsan ay pasikreto silang tumutungo sa gubat at sa kweba na malapit sa kanilang bayan upang kumuha ng ilang ligaw na halamang gamot at mga itlog ng iba't ibang hayop upang maibenta ni Lupin sa pamilihan kapag sinasama siya ng kanyang ama. Ang salaping maiipon nila ay gagamitin nila upang may pantustos sila sa kanilang pag aaral para sa Yggdrasil.

Mga batang labing tatlong taon pataas ang tinatanggap ng Yggdrasil upang sanayin ang mga ito na maging magaling na Magi ng kaharian.

"Heto, limampung tanso." iniabot ni Lupin ang salapi na naibenta nila ng nakaraang araw. Kinuha ito ni Rael ng may pagtataka.

"Limampung tanso? hindi ba karaniwang sampu hanggang labing limang tanso lang ang nakukuha natin sa pagbebenta ng mga halamang gamot at itlog ng mga ibon?"

Tumango lang si Lupin saka ngumiti. "Hehe, medyo marami kasi ang naibentang karne ni Papa kaya binigyan ako ng sobrang tanso, saka nakahuli ako ng ilang kuneho kaya naman ibinenta ko rin sa pamilihan iyon."

"Kung ganun mas mabuti pala kung sumama ako mangaso para mas malaki ang kitain natin at mas malaki maipon natin para pag abot natin sa ika labing tatlong taon ay makakapasok tayo sa Yggdrasil kasama pa diyan na masasanay din natin ang sarili natin bilang paghahanda." suhestyon ni Rael sa kanyang pinsan.

Ngumuso lamang si Lupin sa sinabi nito. "Nakakapagod naman yung gusto mo hindi ba muna tayo magsasaya? Anim na taon pa naman mula ngayon ang hihintayin natin. Mag ipon lang muna tayo ng pera pero saka na tayo magsanay."

Natawa lang si Rael sa tinuran ng pinsan, si Lupin ang tipo ng tao na kung may pagkakataon na magpahinga ay hindi nito palalampasin. May pagka tamad si Lupin ngunit kung ikukumpara sa kanya ay mas malakas ang pisikal na pangangatawan nito, samantalang siya naman ay masasabing mas malawak na ang pag iisip para sa kanyang edad.

Matapos nilang ilagay sa alkansyang kawayan ang tansong barya na kinita nilang dalawa ay nagpa alam sila kay Deros upang maglaro, ngunit ang katotohanan ay tutungo sila sa kalapit na burol upang humanap ng ugat ng ermitanyo.

"Ano yun?" tanong ni Lupin sa pinsan habang tumatakbo ang dalawa patungo sa tarangkahan ng kanilang bayan.

"Ang ugat ng ermitanyo, mula ito sa halamang Buli, isang uri ng halamang gamot ngunit nakakalason ang mismong dahon at bulaklak. Tumutubo 'yun sa mga matataas na lugar at karaniwang mas marami sila sa ganitong panahon ng tag init. Kapag pinakuluan ang ugat at ininom ay nakakagamot ng iba't ibang sakit na nararamdaman ng matatanda katulad ng rayuma, pamamaga at pamamanhid ng ugat." paliwanag ni Rael.

"Ang talino mo talaga Rael!" puri ni Lupin sa kanya. Ngumiti lamang si Rael sa pinsan habang nagmamadali silang tumatakbo. Pagdating sa mga halamang gamot ay masasabing marami siyang nalalaman dahil narin palagi niyang pinakikinggan ang kanyang ama sa mga turo nito tungkol sa iba't ibang halaman.

Inakyat nila ang burol at hinagilap ang ugat ng ermitanyo mula sa halamang buli. Nakahanap ang magpinsan ng ilang piraso nito at hindi nila napansin na nakakailang oras na ang lumipas simula ng maghanap sila ng nasabing halaman.

*********************************************************************************

Katanghaliang tapat na nang pansamantalang tumigil sina Rael at Lupin sa kanilang paghahanap sa ugat ng ermitanyo. Nagpasya silang magpahinga sa ilalim ng isa sa mataas at mayabong na puno sa burol.

Nakakuha rin sila ng ilang prutas mula sa mga puno sa paligid at iyon ang kanilang kinain bilang pananghalian.

"Sa tingin mo magkano na ang perang naiipon natin?" tanong ni Lupin habang kinakagat ang mapulang balat ng prutas na hugis mangga ngunit maputi ang laman, may matamis at matubig na katas kaya naman parang may tubig na rin silang naiinom sa prutas na ito.

"Hm..." saglit na nag isip si Rael, kalahating taon na simula ng magpasya sila ni Lupin na mag ipon kaya naman alam niyang marami rami na ang salaping mayroon sila. "...kung pagsasamahin lahat ng tansong mayroon tayo marahil nasa limang ginto pa lang."

Napayuko na lang si Lupin. Malaki na kung tutuusin ang limang ginto dahil limandaang tanso o limampung pilak na ang katapat nito ngunit kung gagamitin ito para sa pag aaral nila sa Yggdrasil ay maliit na halaga lamang ito.

"Huwag kang mawalan ng pag asa, may anim na taon pa tayo kaya siguradong makakaipon tayo ng sapat na pera pangtustos at panggastos natin sa Yggdrasil!" pagpapalakas ng loob ni Rael sa pinsan.

Tahimik na kumain ang dalawa ng prutas habang nagpapalipas ng oras ng muling magsalita si Lupin.

"Alam mo ba Rael, may sinabi sa akin si Papa habang nangangaso kami kahapon." pagkukuwento ni Lupin habang nakatingin siya sa asul na kalangitan.

"Ano naman 'yun?" tanong ni Rael sa kanya.

"Tungkol kay ninunong Odin, sa simula inutusan n'ya ako na ikuwento ko sa kanya ang kasaysayan ni ninunong Odin kaya naman sinunod ko si Papa simula sa digmaan sa pagitan ng Alvarez at Orani hanggang sa paghina ng buong Pamilya Ambrose dahil sa kanya." pagsisimula ni Lupin sa kanyang kwento, kagaya ni Rael, alam din ni Lupin ang kwento tungkol sa kanilang ninunong si Odin ngunit tahimik lang siyang nakinig sa pinsan.

"Ang nakapagtataka, sinabi ni Papa na tama daw ang kasaysayan na kinuwento ngunit may mas malalim pa daw na dahilan ang nakatago sa kwentong alam ko." dagdag pa ni Lupin.

"Ano naman yun?" maang na tanong ni Rael, maging siya ay ganun din ang nangyari at ganun din ang salitang binitawan sa kanya ng kanyang amang si Deros kagabi ngunit hindi naman niya alam kung totoo na nasa lumang aklat ang kasagutan sa tanong nila tungkol sa kasaysayan ng kanilang ninunong si Odin.

"Hindi ko alam..." sagot ni Lupin habang kinakamot ang kanyang ulo. "Basta ang sinabi sa akin ni Papa ay dapat daw na ipagmalaki ko si ninunong Odin at huwag ko daw ikahihiya na nagmula ako sa dugo ni Odin."

Lihim na ngumiti si Rael, katulad ng kanyang Tito Dagape ay mataas ang respeto at tunay na marangal ang tingin ng kanyang ama kay ninunong Odin. Isang misteryo ang aklat na ipinakita sa kanya ng ama kaya nais niyang malaman at lutasin ang lihim na taglay ng aklat na iyon.

Matapos kumain ay nagsiesta si Lupin habang umakyat naman si Rael sa puno upang magpahangin.

Sa kanyang pag akyat sa itaas ay pinagmasdan nito ang matatayog na kabundukan sa gawing silangan na pinamamahayan umano ng mga mababangis at misteryosong nilalang, ang Sierra del Mar. Ito umano ang hangganan ng Atlas at ang Dark Ocean naman sa gawing kanluran ang hangganan sa kabilang bahagi. Hindi natatanaw sa Alvarez ang Dark Ocean sapagkat mas malayo sila dito at sa Sierra del Mar sila mas malapit.

Nang bumaling si Rael sa kanyang likuran kung saan alam niyang naroon ang kanilang munting bayan ay natigilan siya at bumilis ang pintig ng kanyang puso sa nakita. Mula sa bayan ng Dumpthon ay may itim na usok ang kumukulay sa kalangitan.

"Lupin!!!" sigaw ni Rael sa pinsan sa ibaba ng puno. Hindi na siya nag atubili na tawagin muli ito at sa halip ay siya na mismo ang nagmamadaling bumaba sa puno at ginising ang kanyang pinsan.

"Lupin!" niyugyog niya ang pinsan at nagawa naman niya ito.

"Ano ba? Katutulog ko pa lang iniistorbo mo agad ako." reklamo nito kay Rael habang kinukusot ang kanyang mga mata.

"Bumangon ka na d'yan, may kaguluhan sa bayan!" hinila niya ang pinsan at kaagad itong bumangon nang marinig ang sinabi ni Rael.

Mabilis nilang tinakbo ang daanan pababa ng burol at nagmamadaling tinahak ang daan pabalik sa Dumpthon.

"Sigurado ka ba Rael? hindi ka ba namamalikmata lang?" tanong ni Lupin habang tuloy sila sa pagtakbo at humihingal sa bilis ng kanilang ginagawa.

"Hindi ako pwedeng magkamali sa bayan nagmumula ang usok na iyon!" sagot ni Rael na nasa likuran ni Lupin, mas mabilis at mas maliksi sa kanya si Lupin kaya naman kahit gaano niya kalaki ihakbang ang mga munti niyang paa ay mauuna pa rin ang pinsan niya

••••••••••••••••••