Chereads / Etched | Geomet Agape / Chapter 2 - 2 | Juliano y Ella

Chapter 2 - 2 | Juliano y Ella

The person you thought would love you.

Elise Montenegro

May dalawang tayong soulmates. Isang platonic at isang romantic. Pero may mga pagkakataon na may isang tao na tatlo ang soulmates, dalawang romantic at isang platonic; minsan vice versa; at ang pinaka-rare phenomenon: apat na soulmates. May iba pang chismis na may iba raw na lima ang soulmates.

Ang unang soulmates na nakilala ko ay ang Lolo at Lola ko. No'ng una akala ko joke lang nila na biglang lumilitaw ang pangalan ng soulmate mo sa may pulsuhan, tinakot pa nga nila ako na kapag daw nainip daw ako kakahintay sa pwet daw lilitaw 'yung pangalan ng soulmate ko.

Kaya kahit gusto kong makilala na ang soulmate ko, pinigilan kong mainip kasi natakot akong 'di ko makita 'yung pangalan nila kasi baka sa pwet nga lumitaw. Ngayon alam kong hindi naman totoo 'yon pero natatakot pa rin ako na baka hindi ko malaman alin sa kanila ang romantic at platonic tapos masaktan kaming lahat.

"Bakit si Juliano pa?" Tanong niya. Hindi naman ako sigurado sa dapat na isagot kaya hindi na lang ako sumagot.

Mas maraming may gusto ng romantic kasi sure na raw 'yon, tapos hindi na mahihirapan pang makipag-date (hindi rin ako sure). Tapos platonic soulmates naman na walang romance pero sa tingin ko mas masaya at komportable. Kung ako ang tatanungin mas gusto ko 'yung platonic soulmates. Marami rin namang naghihiwalay na romantic soulmates e, kaya parang wala ring kwenta 'yung soulmate mark kasi ginagawa pa rin ng mga tao ang gusto nila.

May iba naman na nagkakabalikan din sa huli. Ang hindi ko alam anong side effect nung mga naghihiwalay na soulmates?

Pagkatapos ng lesson ni Sir (na wala akong naintindihan), vacant class naman namin. Oras daw 'yon para mag-discuss ang Class Rep namin, kaso tamad din naman siya kaya nagdaldalan na lang kaming lahat hanggang uwian.

"Kakausapin ko na ba siya?" Tanong sa akin ni Ella.

Nilingon ko si Juliano na nakikipagchismisan din sa iba naming kaklase sa likod tapos mukhang naramdaman niya yata ang tingin ko kaya napatingin siya sa 'kin. "Yes?" Tanong ni Juliano sa 'kin.

Sumenyas ako sa kanya na lumapit, tumango naman siya at nagpaalam sa mga kausap niya bago tumayo at naglakad palapit.

Medyo close naman kami ni Juliano dahil seatmates kami last quarter. Mabait naman siya tapos madaldal, lagi niya 'kong pinapakopya sa quiz kahit mali sagot kaya masaya kami parati. Kaso mukhang nahalata naman 'yon ng teachers namin kaya pinaghiwalay na kami.

Akalain mo 'yon soulmate naman niya makakatabi ko this quarter?

"Ang seryoso niyo naman dito." Komento ni Juliano nang makalapit sa amin ni Ella. Mukha namang tumigil yata sa paghinga si Ella nang makita si Juliano kaya tinapik ko siya sa likod.

"Bakit mo siya tinawag?" Tanong sa 'kin ni Ella.

"Sabi mo gusto mo siya makausap?" Tanong ko sa kanya pabalik.

Kung hindi sila mag-uusap ngayon, hahaba pa ang telenovela nila tapos imbes na magkalapit sila lalo lang sila magkalayo kasi graduating na kami ngayon at last quarter na. Mukhang wala ring balak si Juliano na lumapit kaya mabuti na 'yung si Ella ang mag first move.

"Ano ba kasi 'yon?" Tanong ni Juliano bago hinila ang katabing bakanteng upuan paharap sa amin at umupo ro'n.

Tumapik ako uli kay Ella. "Pakita mo na."

Likas na mahiyain talaga si Ella. Siya 'yung isa sa mga pinakatahimik dito sa klase kaya hindi kami agad naging close nung una ko siyang nakatabi, hindi rin kasi ako sanay na ako ang nagsisimula ng usapan kasi laging madaldal ang mga nakakatabi ko.

Parang nagdadalawang-isip pa si Ella nang ipakita ang pulsuhan kay Juliano, tumingin-tingin pa siya sa paligid kung may nakatingin sa amin bago pasimpleng ipinatong ang braso sa desk ng inuupuan ni Juliano. Halos lahat naman ng kaklase namin parang may mga sariling mundo kaya mukhang wala namang makakakita ng soulmate mark niya.

Unti-unti namang nanlaki ang mata ni Juliano nang makita ang pangalan niya sa pulsuhan ni Ella.

"Oh my go—" Napatakip siya sa bibig habang nanlalaki pa rin ang mga matang tumingin kay Ella.

"Juliano Caesario Quijano pala fullname mo?" Pabulong na tanong ko sa kanya. "Lalaking lalaki."

Inirapan naman ako ni Juliano tapos binaling niya rin agad ang atensyon kay Ella na nakahalukipkip; parang tinatago na ang braso.

"Isa palang ba ang lumilitaw?" Tanong ni Juliano kay Ella.

Tumango naman si Ella. Maya-maya pa si Juliano naman ang nagpakita ng pulsuhan sa amin, nando'n ang buong pangalan ni Ella at tapos may isa pang pangalan sa ibaba pero hindi pamilyar kaya baka hindi namin 'yon kaklase.

"Huwag kang magagalit ah?" Ani Juliano kay Ella. "Akala ko kasi hindi ikaw si Estrella, tapos girl na girl 'yung name kaya sabi ko baka platonic lang kaya naisip ko na huwag ka na lang kausapin sana..."

Kitang kita ko kung paano nalungkot ang mukha ni Ella sa narinig.

"Sorry! Naguguluhan lang me ng slight pero ngayong confirmed ko na ikaw nga pala si Estrellalala, gusto mo bang mag-kiss na tayiz?"

"Hoy!" Saway ko kay Juliano. Binawi naman niya agad ang sinabi kay Ella tapos sila na lang ang magkausap hanggang uwian.

Ako naiwang nagsesenti sa tabi ng bintana at pinipigilan ang sariling mainggit.

Isang paraan daw kasi para malaman kung platonic o romantic ang soulmate mo ay ang first kiss. Hindi naman kasi kinukwento sa akin ni Lola in detail ang lahat kaya hindi ko alam kung anong naramdaman niya no'ng nag-kiss sila ni Lolo.

---

Ilang araw pagkatapos magkausap ni Ella at Juliano, naging isang ganap na thirdwheel na ako sa kanilang dalawa lalo na tuwing lunch. Hindi na ako pumupunta sa likod ng gym kasi baka nando'n uli si Kyle at Sir. At least kapag sila Juliano hindi awkward kahit makalat ako kumain kasi busy silang mag-bonding.

May gusto sana akong itanong kay Lola kung pwede ba na iisa lang ang romantic at platonic soulmate. Kasi wala pa ring lumilitaw na isa pang pangalan sa pulsuhan ni Ella.

Kung bakit ba kasi ilegal mag-post online about soulmates, edi sana hindi na ako nagtatanong kina Lola. Gusto ko lang naman ng spoilers, ayaw pa ng gobyerno.

"Anong feeling?" Tanong ko kay Ella nang maghiwalay na sila ng upuan ni Juliano.

"Ng?" Tanong niya pabalik.

Tumuro ako sa pulsuhan niya. "Nung lumitaw 'yan?"

"Masakit." Simpleng sagot niya. "Pero iba pala talaga kapag nakakausap mo na siya."

Napatango na lang ako kahit hindi ako maka-relate.

"Gano'n pala kapag may nakakaintindi sa 'yo kahit hindi ka nagsasalita masyado." Nakangiting dagdag niya pa. "Sobrang gaan sa pakiramdam."

"Ako kaya kailan?" Tanong ko.

"Kapag sa tingin ni Oliphius dapat mo na siya makilala, makikilala mo rin siya."

Napabuntong-hininga na lang ako. "Natatakot kasi ako mag-wish kasi baka sa pwet lumitaw 'yung pangalan."

Mahinang natawa si Ella. "Grabe naman 'yon!"

"Sabi kasi ni Lola gano'n daw kapag naiinip e."

Lalong lumakas ang tawa niya.

Buti na lang talaga uwian na kaya pwede ko na itulog lahat ng gusto kong itanong kina Lola. Kung hindi pagod si Mama mamaya pwede ko kaya siyang tanungin tungkol sa soulmate niya?

Pagkauwi ko ng bahay, nakita ko si Mama na naghahanda na ng pagkain sa mesa.

"Oh?" Bati niya sa akin bago nag-usog ng upuan. "Kain na." Aya niya bago umupo.

Nag-order lang siya uli ng pagkain pero mukhang may gusto siyang i-celebrate, nakalabas kasi 'yung beer na tinatago niya sa ref. Mabilis naman akong nagbihis ng damit para makakain na.

"Nakausap mo ba si Nanay?" Tanong sa 'kin ni Mama pagkabalik ko.

Umupo muna ako bago sumagot. "Nung nakaraang sabado po."

Hindi naman sumagot agad si Mama, busy na siya sa paa ng manok kaya nagsimula na rin akong kumain.

Sanay naman na kaming kumain ng tahimik kaya normal lang na hanggang sa paghuhugas ng pinggan hindi kami masyadong nag-iimikan. Maliban na lang talaga kung may importante siyang itatanong at sasabihin.

Siguro dahil sa tinagal-tagal ng panahon na hindi kami magkausap, nakalimutan na talaga namin kung paano kakausapin ang isa't isa. Pero alam ko, ilang buwan pa magiging tulad din kami ng iba na makakapagbiruan.

Kailangan lang talaga namin ng oras.

"Elise, may ice cream sa ref kung gusto mo."

Simpleng napangiti ako sa narinig kahit hindi niya nakikita.

Kaya alam kong mahal ako ni Mama e, lagi niya akong binibilhan ng ice cream kahit hindi ko birthday. Kahit hindi ako magsabi lagi niya akong binibigyan ng gusto ko.

"Tulog na ako." Paalam niya sa 'kin habang dala ang lata ng beer papunta sa kwarto niya. "Ikaw na bahala d'yan."

"Okay po, goodnight."

Hindi na niya ako sinagot, dumiretso na siya ng kwarto at nagsarado.

Masaya naman akong kumain ng ice cream habang nagrereview para sa quiz bukas.

---

"Eli okay ka lang ba?" Alalang tanong ni Ella sa 'kin.

Umiling ako. Kanina pa ako parang hindi makahinga tapos parang ang init-init. Gusto ko na sana umuwi kaso isang subject na lang naman uwian na e, tapusin ko na lang kaysa magkaroon ako ng absent sa PE.

"Kaya mo ba talaga?" Tanong uli sa 'kin ni Ella.

"Kaya 'to." Pilit akong ngumiti sa kanya.

Hinihintay na lang namin dumating si Sir.

Pero dahil sinuswerte ako, nag-announce si Class Rep na umuwi na raw ng maaga si Sir dahil may sakit kaya pwede na rin kaming umuwi after naming maglinis ng classroom.

"Uwi na raw si Elise, Rep. Kanina pa masama pakiramdam niya e." Paliwanag ni Juliano.

Tumingin naman sa 'kin si Rep bago tumango. "Gusto mo ba pasundo ka na namin?"

Umiling ako. "Wala naman si Mama sa bahay."

"Hatid ka na lang nila Ella." Suhestiyon pa niya.

"Ako na lang." Volunteer ni Kyle. "Malapit lang bahay nila sa 'min."

Tumaas naman ang kilay ni Juliano. "Sows. Totoo ba 'yon Eli?" Baling na tanong sa 'kin ni Julian.

"Hindi ko alam. Hindi ko naman siya nakakasalubong." Sagot ko.

"Paano mo 'ko makakasalubong 'di ka naman nalabas?" Natatawang sabi ni Kyle. "Samahan niyo na lang ako ni Ella para maniwala kayo."

"Sasama na rin ako." Ani Class Rep. "Tutal lahat kayo sasama, ako rin sasama na."

Mahina kaming natawa. "Gage, ako ren sama na." Rinig kong sabi ng isa naming kaklase pero hindi ko alam sino.

Sa huli, si Ella at Juliano ang naghatid sa akin sa bahay. Sa kanila ko na rin binigay ang ice cream na tira ko kagabi.

"Lagi ka na naming hahatid." Natatawang sabi ni Juliano habang nilalantakan ang ice cream na nasa mesa.

Medyo maayos na ang pakiramdam ko nang makauwi pero parang nangangati naman ang pulsuhan ko ngayon. Kinagat siguro ako ng lamok. Sana hindi dengue 'yon, kung kelan naman gagraduate ako mapupurnada pa ng dengue.

Gusto ko pa maranasan umiyak habang na-graduate hindi umiyak dahil 'di naka-graduate.

"Uy uuwi na kami, mag-7 na pala!" Paalam ni Ella. "Uwi mo na lang 'yan Yano." Turo niya sa pint ng ice cream.

Wow, may nickname na siya kay Juliano.

"Sige uwi niyo na. Baka hanapin na rin kayo."

"Uuwi na rin naman Mama mo 'di ba?" Tanong ni Juliano sa 'kin. "Bukas hatid ka uli namin?"

Tumango ako. "Pauwi na 'yon, kaya uwi na rin kayo. Tama na 'yang isang ice cream."

Pagkalabas nila ng bahay ay nakasunod lang ang tingin ko sa kanilang dalawa hanggang sa hindi ko na sila matanaw sa malayo.

Wala sa sariling napatingin ako sa pulsuhan ko.

Siguro kakaisip ko kahapon kila Ella at Juliano kaya pakiramdam ko may lilitaw na pangalan ro'n.

Napakunot ang noo ko nang may maaninag na letra sa pulsuhan ko. Hindi siya malinaw pero parang may nakasulat do'n.

Kung tama ako ng pagkakabasa, 'Xerxes Zaragosa' ang nakasulat pero hindi malinaw.

"Hallucination lang ba 'to?" Tanong ko sa sarili ko.

Kinaumagahan, nakompirma kong hindi hallucination ang lahat.

Pero ang tanong bakit hindi malinaw? Patay na ba ang soulmate ko? O baka imposible kaming magkita ng personal? Nasa langit ba siya o nasa ibang bansa?

Sobrang dami kong tanong na alam kong wala namang ibang makakasagot.

"Okay ka lang ba?" Tanong sa 'kin ni Mama.

Kanina pa pala ako nakatulala sa harap ng kanin at tocino. Akala ko kumakain na ako pero hindi pa pala ako nakakasubo kahit isang kutsara.

Ang bigat-bigat ng katawan ko ngayong araw, tapos parang ang lamig ng pakiramdam ko simula pagkagising ko kanina. Tapos ang lungkot-lungkot ko, gusto kong maiyak pero wala namang lumabas na luha sa mata ko.

"May problema ka sa school?" Tanong niya pa.

"Wala po."

"Soulmate mark?" Tanong niya pa uli kaya napatingin ako sa kanya.

May superpowers yata ang nanay ko. Alam niya kung anong problema ko kahit hindi ko sinasabi.

"Pwedeng makita?"

Napatango naman ako kaagad bago hinila ang sleeve ng uniform ko at pinakita sa kanya. Nakatingin lang naman ako sa kanya habang tinititigan niya ang pangalan sa pulsuhan ko na mas malabo pa yata sa mata ni Lolo.

Nang iangat niya ang tingin sa 'kin. Malungkot ang mata niya.

"Ano pong ibig sabihin niyan Mama?"

Iniwas niya ang tingin sa akin bago sumagot. "Patay na siya."