HAPON na ngunit hindi pa rin bumababa sina Zack at ang bisita nito. Nagpahatid lang ito ng pagkain sa itaas kaya hindi naman siya nito tinawag. Sina Aling Lukring, Ann at Fe lang ang pumapanhik sa second floor. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi siya nito kailangan. Pero ayos lang, mas mainam na rin.
Nakapagpalit na rin siya ng damit dahil tapos na ang kaniyang trabaho. Ilang sandali pa ay tumunog ang cell phone. Sakto naman naroon siya malapit sa kaniyang computer table at nakapatong lang ang cell phone niya roon. Sinipat pa niya ang caller sa screen at nakalagay doon ang number ni Raven. Tumatawag si Attorney? Bakit kaya? Dinampot niya ito at sinagot. Hindi pa siya nakapagsalita ay inunahan na siya ng binata.
"Nandito ako sa sala sa baba. Magbihis ka at may pupuntahan tayo."
"Huh? Saan?" takang-tanong niya.
"Basta. Just prepare, and we will go somewhere."
"Magpapaalam pa ako kay Zack at baka hanapin niya ako." Nag-aalangan siya dahil hangga't may kontrata sila ng bimata, hindi siya basta-basta na lang aalis sa bahay nito.
"Ako ang bahala."
"Sigurado ka? S-Sige." Hindi na rin siya nakatanggi dahil malaki rin ang utang na loob ni niya kay Raven.
"I'll wait for you here."
Pagkababa ng tawag nito ay nagmamadali na rin siyang magbihis. Nais pa sana niyang magpaalam kay Zack nang personal ngunit malabo rin dahil abala pa ito sa ibang bagay. Isinuot niya ang spring chiffon blouse na tenernuhan niya ng khaki short at nude na doll shoes. Litaw-litaw na ang mapuputi niyang hita. Naglagay din siya ng light make-up sa mukha at inilugay lamang niya ang kaniyang mahabang buhok.
Matapos ang pag-aayos niya, lumabas na siya ng kaniyang kwarto. Napuna niyang tahimik na ang study room ng binata at naroon na naman ang pagkirot ng kaniyang puso. Iniisip na lamang niyang wala silang koneksiyon at hindi siya dapat na magkaganoon. Dire-diretso na siyang bumaba sa hagdan habang naroon na rin naghihintay si Raven. Pagkababa naman niya, tumayo agad ang binata nang makita siya.
"Sir Raven⸻" Biglang sumulpot naman si Ann sa kung saan ngunit natigilan ito nang makita siya. Pinasadahan pa siya nito mula ulo hanggang paa. "I-Ikaw ba iyan, Zairah?"
"Ah, oo. Bakit?" pagtataka niya. Mukhang nabigla ito sa nakikita sa kaniyang simpleng ayos lang naman.
"Wow! A-Ang ganda mo!" sambit nito.
Bahagya siyang napangiti saka umiwas ng tingin kay Raven. Sa lahat ng ayaw niya ay pinupuri siya gayong tingin niya sa sarili niya ay hindi naman talaga.
"Ah.. Ann, pakisabi na lang kay Zack na umalis muna kami ni Zairah," wika ni Raven kay Ann.
"S-sige, Sir Raven."
"Zairah. Let's go?"
Tumagon siya saka siya sumulyap kay Ann na tila may ibig sabihin ang mga ngiti nito.
Kasunod na siyang lumabas ni Raven hanggang sa parking area ng kotse nito. Hindi niya alam ngunit kinakabahan siya dahil hindi man lang siya personal na nakapagpaalam kay Zack ngunit alam niyang abala pa ito sa ibang bagay kaya hinayaan na lamang niya ang binatang si Raven na ang magpaalam para sa kaniya.
DINALA siya ni Raven sa bahay nito sa San Lorenzo Village sa Makati. Naghanda ang binata ng mga pagkain malapit sa pool side na siyang ipinagtataka naman niya habang inaayos iyon ng kaniyang mga katiwala sa bahay.
"Make yourself at home, Zairah. Kumain ka na rin ng mga gusto mong pagkain." Itinuro ng binata ang mga pagkaing nasa buffet table.
"Anong mayroon, Raven?" takang-tanong niya sa binata.
"Nothing. It is just an ordinary day for me."
"Ordinary day?" Napakunot-noo siya.
"Have a seat. Samahan mo lang akong ubusin ang mga iyan." Kumuha ito ng wine at dalawang wine glass saka nito ipinatong sa bilugang mesa at nagsalin. "Ipinaalam na kita kay Zack na dito ka muna matulog sa akin hanggang hindi pa sila tapos ni Trisha."
Marahan niyang hinila ang upuan at umupo. "Sinong Trisha?"
"Hindi pa ba niya sinasabi sa'yo?"
Umiiling siya. "Hindi."
"The woman with him right now. Siya ang pinagkakatiwalaan niya sa mga business niya abroad. Executive siya ni Zack at ngayon lang ito dumating galing London. Halos magdamagan ang kanilang discussion dahil may mga kaunting problema silang inaayos."
"I see." Napaisip siya sa nakita niya kanina. Executive tapos kung makipagharutan wagas. Baka ibang business ang kanilang dapat ayusin.
"Kumain ka na. Here." Inilapag nito sa harapan niya ang wine.
"Hindi ako kakain hangga't hindi mo sinasabi sa akin kung anong okasyon? Imposible kasing wala dahil napakadami ng mga pagkain sa buffet table. For sure, hindi rin natin iyan mauubos."
Tiningnan siya nito nang malalim sabay bigkas nang, "Birthday ko."
"Birthday mo?!" Nagulat siya. "Bakit hindi ka nagsabi? At⸻bakit walang mga bisita? Alam ba ni Zack na birthday mo?" Hindi siya makapaniwalang kaarawan ni Raven at hindi man lang niya iyon agad nahalata. Paano ko mahahalata gayong wala naman akong alam tungkol sa kaniya?
"May mga bisita ako kanina bago ako pumunta at sunduin ka. Nagbigay na rin ako ng kaunting handa ko kina Aling Lukring. Hindi ko mayaya si Zack dahil aalis na agad kinabukasan si Trisha kaya ikaw na lang ang niyaya ko. So, alam mo na kung bakit maraming pagkain. Kumain ka na kung ayaw mong magtampo ako sa'yo."
Bahagya siyang napangiti. "Oo na. Heto na at tatayo na ako para kumuha ng pagkain."
"Sige lang at kumuha ka lang. Marami pa niyan sa loob."
Halos hindi alam ni Zairah kung ano ang pipiliin niya upang kainin. Alam niyang espesyal ang mga nilutong iyon at ang ibang putahe ay hindi na pamilyar sa kaniya. Habang hawak niya ang kaniyang plato, naisip niya ang kaniyang pamilya kung kumakain ba ang mga ito o kung may naihain ba ang kaniyang ina sa kanilang hapag. Bahagya siyang nakadama ng kalungkutan sa isiping iyon.
"What's the matter?" Naroon na pala si Raven sa tabi niya na may hawak din na plato saka ito naglagay ng pagkain. "Hindi ka mabubusog kung nakatitig ka lang diyan sa pagkain. May naalala ka?"
"Oo." Kumuha na rin siya ng pagkain at inilagay sa kaniyang plato. "Naalala ko lang ang pamilya ko. Iniisip ko lang kung may nakahain bang pagkain sa hapag."
"You are a good daughter. Panganay ka, tama?"
"Oo."
"Same."
"Panganay ka rin?"
"Oo."
"Nasaan pala ang mga magulang mo at mga kapatid mo?"
"Abroad. Nakatira na silang lahat sa US at ako lang ang naiwan dito. Dalawa lang kami ng kapatid kong babae."
Muli silang bumalik sa mesa upang simulang lantakan ang kanilang kinuha habang nagkukuwento si Raven tungkol sa pamilya nito. Nalaman niyang hiwalay pala ang mga magulang ng binata at tanging siya lang ang inaasahan ng mga ito. Nag-aaral pa ang kaniyang kapatid na babae sa Amerika kaya naroon siya sa Pilipinas at tinutulungan si Zack sa negosyo nito. Ginagawa ni Raven ang abot ng makakaya nito para kay Zack dahil nawala na ang ina nito at hiwalay din sa mga magulang ang binata. Pareho lamang silang sinapit kaya ramdam niya ang pag-iisa ng binata sa loob ng malaking bahay na iyon.