"Tales of ARYA?"
Teka sandali? Paano 'to napunta sa kwarto ko? Hindi ko naman to binili ah... Hindi ko din hiniram... wala akong matandaan.
Sa lalim ng pag-iisip ko kung paano ito napunta sa kwarto ko ay bigla akong nakaramdam ng parang pagyanig. Lumilindol ba?
"Aray!" natumba ako sa lakas ng yanig na 'yun. Napatakip na lang ako ng ulo ko dahil baka mabagsakan ako ng ceiling fan ng kwarto ko, atsaka dahan-dahan akong gumapang papunta sa ilalim ng study table ko malapit sa bintana. Naririnig ko din na isa-isang nagbabagsakan ang mga gamit kong nakasabit sa pader.
Nagdadasal na ako ng taimtim na sana mahinto na ang lindol. Siguro ay mahigit isang minuto na din ang nakalilipas pero yumayanig pa din at patuloy na nagbabagsakan ang mga gamit ko pero habang tumatagal para akong nabibingi. Pa-unti-unti, hindi ko na naririnig ang mga nagbabagsakang gamit hanggang sa may naririnig na ulit akong ingay. Yung ingay na hindi galing sa nagbabagsakan kong gamit, kundi galing sa mga tao. Dahan-dahan kong inangat ang ulo ko para matiyak kung tama ba ang naririnig ko. Nanlaki ang mata ko at parang napako sa kinauupuan ko ngayon. Ang daming nagtatakbuhan na lalaki at yung isang lalaki... may isang lalaki ang papalapit sa pwesto ko.
"Nariyan na sila, umuwi na kayong lahat!!" Patuloy pa din sya sa pagsigaw.
"IKAW?!" Turo nya sa'kin. "ANO PANG HINIHINTAY MO, NARIYAN NA ANG MGA NANGHUHULI!!" sigaw nya atsaka tumakbo. Sinundan ko sya ng tingin habang binubugaw pa ang ibang tao na nasa labas pa. Doon ko lang napagtanto na wala nga ako sa kwarto ko. BAKIT AKO NANDITO?! NASAAN AKO?! Napatayo ako sa kinauupan ko para tumakbo kung saan pwedeng magtago, pero nahinto ako dahil sa suot ko. Hindi ito ang damit ko ah? Hindi ko na din maintindihan ang sarili ko. Nalilito na ako sa nangyayari. Nasaan ako? Bakit wala ako sa kwarto ko?
Naririnig ko na ang ingay ng takbo ng mga kabayo. Lumingon-lingon ako sa paligid ko at may mga tao pa ring nagsisitakbuhan at unti-unting nagsasara ng kani-kanilang mga tahanan. Ang iba ay tumatakbo papunta sa ibang direksyon. Palapit na rin ng palapit ang mga nanghuhuli "raw" dahil palakas na ng palakas ang mga yabag ng mga kabayo. Hindi ko alam kung saan ako pupunta dahil hindi ko naman alam kung saang lugar ako napunta. Naghahanap na ako kung saan ako tatakbo kahit ang mapagtataguan lang, pero natatakot akong puntahan dahil baka mas delikado pa yung mapuntahan ko.
"Dakpin ang lahat ng makikitang nasa labas ng mga tahanan!" Narinig kong utos nung isang lalaking nakasakay sa unahang kabayo.
OMG! Saan na ako pupulutin nito? May ginawa ba kong kasalanan para mapunta dito? Ang alam ko, naka-leave lang ako sa trabaho, hindi naman ako na-orient na ganito pala dadanasin ko sa isang linggong pahinga ko. Paiyak na ako sa kinatatayuan ko nang maramdaman kong may humila sa kamay ko, magpupumiglas pa sana ako pero hindi nya binibitawan ang kamay ko kaya nagpahila na lang ako.
Tumatakbo kami palayo, hindi ko alam kung saan ako dadalhin pero parang napatanag ang loob ko kahit papaano dahil sa wakas ay hindi pa magiging katapusan ng buhay ko. Ang weird lang kasi parang biglang bumabagal ang lahat ng nasa paligid. Unti-unti ko na rin nararamdaman ang pagbagsak ng ulan. Napapagod na ako kakatakbo, pero hindi pa din kami humihinto sa pagtakbo. Palakas na ng palakas ang ulan, bigla nyang hinuhubad ang kanyang moda. Binitiwan nya saglit ang kamay ko atsaka isinukob para hindi kami gaano mabasa habang tumatakbo pa din palayo sa lugar na iyon. Nang makalayo-layo na kami mula sa mga nanghuhuli ay huminto kami sa isang kubo na may silong para magpatila ng ulan.
"Sala---" magpapasalamat palang sana ako pero hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil ang sama ng titig nya sa akin. Napaatras ako.
"Magsabi ka ng totoo, ano ang iyong pinanggalingang angkan? Hindi mo alam kung gaano ka-panganib ang tumayo lamang habang may nanghuhuling mga kawal sa gabi!" Lalo pa ako napa-atras dahil kasabay ng pagsigaw nya ay ang pagkulog at kidlat. Eh malay ko bang may curfew kayo rito? Kung alam ko lang gagawin ko, di sana nauna pa ko tumakbo sayo.
Tumahimik na lang akong napayuko sa isang tabi at napaupo. Hindi ko naman din alam na mapupunta ako sa lugar na 'to.
Ilang minuto din ang nakalipas simula nang masermunan ako ng hindi ko kilala. Tahimik lang din syang nakaupo habang hinihintay na tumila ang ulan. Nakapangalumbaba, parang nag-iisip ng kung anong pwedeng gawin.
"S-sor--/Patawad." natigilan ako nung sabay kaming nagsalita. Nagkatinginan lang kami saglit.
Hindi na sya nagsalita atsaka pumasok sa loob ng bahay na napaghintuan namin.
Teka? Bahay nya ba to?
"Sandali..." Pagbukas ko ng pinto ay naabutan ko syang naghuhubad ng kanyang suot. Napatalikod agad ako sa gulat.
"P-pasensya na. Hindi ko alam na bahay mo pala 'to, akala ko kasi nagpapatila ka lang ng ulan." Sinarado ko na ang pinto, hindi naman ako nakarinig ng angal galing sa kanya kaya bumalik na lang ako sa inupuan ko kanina. Kailan kaya ako makakabalik sa bahay ko? Yung mga gamit kong nagbagsakan hindi ko pa nalilinis. Nabasag pa yung mga picture frame dahil sa lindol.
Mukhang bibili ulit ako ng mga bagong gamit. Haaaayss~
"Hindi na natin mapapalitan ang mga yun kung naiwan mo man, dahil nakuha na din iyon ng mga nanghuhuli sa liwasan." nagulat ako sa nagsalita, mukhang napalakas yung bulong ko.
"Ano 'bang ginagawa mo sa liwasan, dis-oras ng gabi?"
"Ahh--- hehe hindi ko din alam." kamot-ulong sagot ko. Kahit ako, hindi ko din alam kung bakit.
"Teka nga, ba't ba grabe ka kung mag-tagalog dyan? Napaka-lalim ah. Nasa set ba 'ko? May mga camera ba dyan sa paligid?" Lumingon-lingon pa ako sa paligid at naghahanap ng camera pero wala, kaya napalingon ako sa kanya.
Tinitigan nya lang ako, sinusuri kung nagsisinungaling ba ako o hindi, at parang naguguluhan sa mga sinasabi ko.
Napangiti na lang ako, at hindi ko talaga alam kung anong sagot ba ang gusto nyang marinig. Pero yung mukha nya parang naghihinala pa din, palapit sya ng palapit sakin habang nakatitig pa din sakin, hanggang sa ng makalapit sya ay pumantay sya sa level ng mata ko.
"Uulitin ko, ano ang ginagawa mo sa liwasan?"
"H-hindi ko din t-talaga alam kung b-bakit, promise. A-ang alam ko lang ay nasa kwarto ako kanina... tapos lumilindol kaya nagtago ako sa ilalim ng study table ko, tapos nagdadasal na ako kanina, pagdilat ng mata ko, nasa ibang lugar na ako, kung saan mo ako nakita." nakapikit kong usal na utal at tuloy-tuloy na pagpapaliwanag. Wala akong ibang narinig na nagsalita kaya dahan-dahan kong minulat ang mata ko, at nakita kong malapit pa din ang mukha nya sa mukha ko. Nakakunot ang noo nya, makikita mo din ang pagtataka sa mukha nya.
Umayos sya ng tayo at saka pumangalumbaba.
"May..."
"May?" balik kong tanong sa kanya.
"Paumanhin kung mamarapatin, ngunit ako'y nagugulumihanan sa mga tinuran mo. May sakit... ka ba?" napatingin naman ako sa hintuturo nyang malapit sa ulo nya at saka inikot ng dahan-dahan.
Teka nga, iniisip ba nito na nababaliw na ako?
"Hoy!" akmang susuntukin ko na sya nang bigla syang tumalikod. Babalik na sana sya sa loob pero huminto sya sa tapat ng pinto.
"Uminom ka muna ng tsaa at magpalit ng suot, basa na ang iyong kasuotan." saka sya pumasok sa loob ng bahay nya. Sumunod na lang ako sa sinabi nya. Madami din akong tanong na hindi ko alam kung paano masasagot. Iisipin ko na lang yun habang nagpapalit ako ng damit. Pumunta na ako sa tapat ng pinto at binuksan ng dahan-dahan, baka kasi mamaya kung ano nanaman ginagawa nito eh. Pagsara ko ng pinto... narito na ulit ako sa loob ng kwarto ko. Nanaginip lang ba ako na wala ako sa kwarto ko?
Nakita ko ang mga damit kong nasa sahig. Ang mga picture frame na basag na, natumbang upuan. So, nanaginip nga lang ako kanina? Binuksan ko ang pinto ng kwarto at nagmamadaling pumunta sa kusina at cr. Ibig sabihin, wala lang yung nangyari kanina? Napangiti ako, baka nga ay nag-imagine lang ako dahil sa lindol kanina. Nasa living room ako ngayon at napansin kong nakakabit ng maayos ang TV. Nakalagay sa coffee table ang vase na parang hindi man lang natumba. Nilibot ko ang paningin ko sa buong apartment ko, ay parang wala ngang nangyari. Teka? Lumindol kanina di ba? May mga nagbagsakan na gamit ko dun sa kwarto ko eh, pero... Pabalik na sana ako sa kwarto ko nang makita ko sa salamin ang suot ko, puting puffy long sleeve, black and red corset na natatali sa itim na ribbon, puti at itim na pang-ilalim.
Ibig sabihin, hindi nga panaginip yun?
--------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Author's Note: Hi, it's me again. Thanks so much for supporting TOA. Sorry for any grammatical errors and typos, will fix it later!
Enjoy!!
**This story is a work of fiction. Names, characters, places and events are fictitious, unless otherwise stated. Any resemblance to real persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
All rights reserved. No parts of this story may be reproduced, distributed, or transmitted in any form or by any means, without the prior permission of the author. Plagiarism is a crime."