Chereads / Ibundo: Isang buhay pa nga lang mahirap na eh, dalawa pa kaya. / Chapter 6 - Chapter 5: Hindi ako dog lover!!!

Chapter 6 - Chapter 5: Hindi ako dog lover!!!

Natapos nang kumain ang dalawang higanteng asong tumawag ng aking atensyon.

Subalit, ang isa'y tila gutom pa.

Tumingin ito, ang asong may peklat sa kaliwang mata, sa isang sundalong may nakausling-buto sa kanan niyang binti dahil sa pagkabali.

"Wa... wag kang... *sniff... wag kang lalapit!!! Tulooooong!!! Ha! Ha! Ha! Tulong!"

Takot na takot na sinigaw ng lalaking sundalo.

Subalit, walang ibang makalapit para tumulong, pati sila'y hindi na alam kung paano pa sila tutulong.

Dinilaan ng aso ang kanyang mapulang mabalahibong labi habang dahan-dahang lumalapit sa kaawa-awang sundalo.

Ang isang higanteng asong natapos nang kumain ay tumingin lamang sa asong may peklat sa mata. Tila ito ay busog na.

Agad-agad kong nilagyan ng palaso ang aking crossbow at itinutok ko ito sa mata ng higanteng asong may peklat sa kaliwang mata.

Bahagya kong itinaas ang aking tutok.

Mas madaling ko itong matatamaan ngayon dahil nasa kulang-kulang tatlompu't limang metro lamang ang layo ko mula rito.

Ngayon ko lang napansin, mga sakrag pala ang mga asong ito!

Hindi ko napansin kaagad dahil nabigla ako sa karimarimarim na imaheng tumambad sa akin.

Hindi lang ako makakapagligtas ng buhay, dadami pa kita ko.

Hehehehehe.

Nararamdaman kong gumuguhit ang ngiti sa aking mga labi.

Tila ba ay nakalimutan ko na may kahindik-hindik na nangyayari sa lugar na aking tinititigan.

Hindi naman sa walang puso pero, wala naman na akong magagawa sa mga minalas na kaluluwang naging tanghalian na ng mga halimaw na ito.

Hindi rin ito ang unang beses na nakakita ako ng brutal na senaryo.

Gayun pa man, 'di parin normal para sa akin ang makakita ng lasug-lasog na katawan ng tao.

Naalala ko tuloy na itunuro sa Spexed na 'Huwag masyadong dibdibin ang mga kalunos-lunos na sinapit ng mga taong natagpuan mo sa lugar ng insidente, maliban kung ikaw ang dahilan.'

'Normal ang matakot, pero hindi normal ang magpalunod sa takot, tanging tubig lamang ang nakalulunod.'

Naalala ko na pinaulit-ulit sabihin nung prof namin yun eh... Ano nga ba pangalan nung prof na yun?

Hay tama na!

Pinagaan ko ang aking mga balikat, kinalma ang aking puso at iniayos ang aking paghinga.

Hinintay ko ang tamang pagkakataon at...

Tsak!!!

Bumulusok ang palaso patungo sa kaliwang matang may peklat ng sakrag.

Hindi manlang nito nalaman kung anong tumama sa kanya.

Ngayo'y 'di lang peklat mayroon siya sa kaliwang mata hahaha! May malaking palaso ngayong nakatarak dito hahahaha!

Hindi man ito tumagos sa kabilang mata, sigurado akong bumaon ito sa kanyang utak.

Ito siguro ang literal na kasabihang 'isaksak mo sa isip mo', hahaha.

Bumagsak ito sa lupa, kumasag-kasag, nangisay at tuluyang nalagutan ng hininga.

Natigil sa pagkain at tumayo mula sa kinakainan nila ang nga sakrag na kumakain at dahan-dahang umatras habang tumitingin-tingin sa paligid.

Salamat sa dangigva(da-ngig-va), 'di nila ako maamoy.

WOOOF!

Ohhh ang cute naman, kaso nga... 'di ako dog lover.

Tumahol ang pinakamalaking sakrag na sa tingin ko'y ang alpha.

Nilagyan ko muli ng palaso ang aking crossbow upang tapusin ang buhay ng papansing higanteng siberian husky na ito.

Subalit, paano kung ito talaga ang alpha? Edi tatakbo silang lahat?

Sino lugi? Edi ako kasi sayang ang kita.

Kaya, sa halip na ang pinakamalaki ang targetin ko, yung pinakamaliit muna.

Wala naman sigurong masama 'di ba?

Tsak!

Tinamaan ko muli sa mata ang pinakamaliit subalit, hindi tulad ng mga natamaan ko kaninang sakrag, nangisay lang ito sa lupa at agad na nalagutan ng hininga.

Napatingin ang ibang mga sakrag sa sakrag na tumumba.

AWOOOOOOOOOOOOO!!!

Humuni ang pinakamalaking sakrag.

Teka teka teka! Hindi ito inaasahan ko ah... So may halaga ang buhay ng bawat isang sakrag sa grupo niya huh?

Tila ba nagbigay ng sinyales ang pinakamalaking sakrag na may panganib silang kinahaharap at dapat na silang umatras.

Agad-agad na tumakbo ang mga sakrag maliban sa pinakamalaki papalayo sa mga biktima nila.

Bahagyang nahuli ang pinakamalaki.

Nakumpirma ko na ito ang alpha nila, dahil sa inisyatiba nito.

Tiningnan muna nito ang mga nakahandusay na sakrag.

Nagdadalawang isip ako kung papatayin ko rin ba ang pinuno ng mga sakrag na ito.

Naalala ko kasi ang lesson namin sa Planetary Biology.

May mga uri ng hayop sa ibang planeta na masyadong nakasalalay sa pinuno nila o may kritikal na tungkulin ang pinuno nila.

Sa makatuwid, kapag namatay ang pinuno nila, ikasisira ito ng buo nilang kolonya.

Hindi tulad ng mga bubuyog, langgam, lobo, leon at iba pang mga hayop na may social hierarchy, na may pag-asa pa kung mamatay ang pinuno nila.

Tulad ng Sand Rilers (Sand Raylers) sa isang 'desert type life supporting planet' sa isang planeta sa isang star system ng Andromeda galaxy.

Ano nga ba pangalan nun...?

Ayun! Morsaeqoura. Sa star system na Albusella

Itong mga higanteng insektong mukhang gagamba na may dalawang matalim na panaksak sa likod ay magpapatayan kung walang namumuno sa kanila dahil mawawala ang amoy ng queen nila na tila ba ay ang pangpakalma sa kanila.

Sa oras na mawalan ng buhay ang queen nila, titigil ito sa paglalabas ng kemikal na pampakalma ng mga ito.

So paano sila nakakapagtalaga ng queen kung ganun?

Yung queen mismo ang maglalabas ng itlog na naglalaman ng magiging panibagong queen nila.

Gayun pa man, kailangan pang maging 'mature' ang tinatawag na 'Rilettes' na ito upang makapaglabas din ng kemikal na katulad ng nilalabas ng queen.

Sa makatuwid, hindi ganun kadaling magtalaga ng bagong queen.

Ito ang dahilan kung bakit nagdadalawang isip ako...

Ano kaya ang magiging kahihinatnan ng aksyon kong ito?

...Pero bihira yata kasing may magbenta ng alpha ng sakrag. Magkano kaya ito maibebenta?

Gumulo ang aking isip habang nakatitig ako sa lalagyan ng aking mga palaso.

Nasa tatlompu't tatlo pa ang mga palaso ko, ang isa rito ay duguan pa dahil 'di ko pa nalilinisan.

Nagpapasalamat naman ako sa panginoon na hindi sa ulo ng mga batang mukhang cartoons natarak ang tatlong palasong nagamit ko.

Natuloy ako sa pag-iisip.

Paano kung makasira sa ecosystem ng mundong ito ang pagkaunti o pagkawala ng mga sakrag?

Pero paano rin naman kung maibebenta ng mahal ang pinuno ng mga sakrag?

Hindi hindi hindi... pumatay sila ng tao 'di ba?

May mga pamilya ang mga sundalong namatay.

...

Pero ganun din naman ang mga sakrag.

Kabuhayan lang din naman nila yun...

Napatingin ako sa bangkay ng pinakamaliit na sakrag na napatay ko.

Pero tao kasi ako...

Napatingin din ako sa mga nagkalat na tira-tirang mga katawan ng mga sundalo at dun sa mga nakaligtas na tao.

Pero ako lang kasi sa mundong ito ang nakakaalam ng mga negatibong kahihinatnan ng pagpatay ng hayop lalo na kung ito ang pinuno.

Tila ba tinalian ng tatlong blokeng bato ang aking dibdib.

Negatibo rin naman ang pagkamatay ng mga sundalong ito para sa mga pamilya nila 'di ba?

Paano nalang ipapaliwanag ng mga nakaligtas rito sa pamilya ng mga namatayan ang sinapit ng mga mahal nila sa buhay?

Haaaa...

Siguro naman, sa karanasang ito, maipakakalat ng mga sundalong nakaligtas at nung mga babaing mukhang mga kataas-taasang tao na hindi ligtas ang lugar na ito.

Sa ganun mas makapag-iingat pa sila at ang iba.

Pero paano kung bumaliktad ang epekto?

Paano kung bumuo ng 'extermination team' ang pamilyang Hopkinson dahil dito?

Problema ko pa ba iyon?

...Natural, ako lang naman nakakaalam ng ng consequences ng mga aksyon na iyon eh...

HAA?!!

Wala na yung alpha ng mga sakrag!!!

...Nakatakas na.

Parang... napatagal yata pag-iisip ko?

...

Ang tanga ko...

Ang tanga tanga tanga tanga tanga ko...

Haaa...

Bahala na!!!

Kung magkaroon nga ng extermination team, hayy...

Kasalanan niyo rin yan mga sakrag kung umunti ang lahi niyo... kung nakuntento nalang sana kayo sa mga ligaw na hayop...

Bakit naman kasi tao pa ang napagtripan niyo? Hay...

Ngayon... ano na gagawin ko?

Hindi ko na kayang magbuhat ng dalawa pang sakrag.

Isa pa nga lang, nakalahati pa ang bigat, parang kakalas na mga buto ko...

Tatlo pa kaya?

...Alam ko na...

Isinukbit ko ulit ang crossbow sa aking likuran at ipinasan muli ang mahiwagang bag na may sakrag.

Itinali ko ang puting telang dinala ko, na para sana sa sugat kung magkataon, sa aking mukha at bumaba ng puno at nagtungo sa lugar ng mga biktima.

"Wala na... ta... tap... tapos na... ba?"

Sabi nung isang guwardyang nakabantay sa dalawang babae na ngayo'y natulala narin.

Sa katunayan lahat sila natulala.

Lumapit ako sa kanila.

"Uhhh... ano... puwede po bang... iwan niyo lang yung mga sakrag na patay dito? Babalikan ko po kasi mamaya eh"

Tinanong ko ng may hiya.

Lumapag sa akin ang lahat ng mga titig ng mga nakaligtas. Ang karamihan sa kanila'y waring katatapos lang umiyak.

Kinabahan tuloy ako...

Para tuloy akong naging bato ritong natitigan ni Medusa.

Letse, hindi ko alam kung anong sasabihin.

Daming bangkay tapos sakrag lang pake ko? 'Di ba parang ang kapal naman ng mukha ko?

Nagsisi tuloy ako...

Hindi ko rin alam kung sino kausap ko, kasi andami nila. Hindi ko alam sino dapat kausapin...

"S... sa... ikaw ba ang pumatay nung mga halimaw na iyan? Ibig kong sabihin... sa iyo ba yung parang mga tinik na iyon?"

Sumagot yung isang babaing mga nasa edad 16 kung nasa Earth, na may namumugtong mga mata at namumulang ilong sabay turo sa nakahandusay na sakrag na pinakamaliit. Pero ano yung 'S... sa...'?

"Uhmm... o...po? Pero yung mga palaso ko po talaga ang gumawa nun sa katunayan at itong... ano... pana... hehe ako lang ang nagpawala hehehe... ay este... ako lang po namana..."

Tunog bata tuloy ako.

Sabagay bata naman talaga ako, 'di ba ang weirdo naman kung tunog 20 years old ako?

"Uri ba ng salamangka yun?"

Eh??? Hehehe... Paano ko ba ipapaliwanag?

"Ay... uhmmm... hehe"

Napakamot batok tuloy ako.

"Uhmmm... binibini... tingin ko po hindi salamangka ang isang iyon. Sa nakikita ko po, siya ay may itim na buhok at... itim na mata..."

Malakas na 'bulong' ng isang guwardyang may peklat sa kanang bahagi ng labi na nasa edad 45 pataas siguro, kung nasa Earth.

Gayun pa man, wala akong nararamdaman na kabastusan sa tono niya habang sinasabi niya ang paglalarawan sa akin.

"A... ano ngayon?"

"Siya po ay isang Kendrix. At... hindi po siya nakakagamit ng manhira."

"Ahh!"

Gulat na paghingal nung binibining kumausap sa akin.

"Tama ba ako roon anak?"

Anak...

Matagal-tagal ko nang hindi narinig ang tawag na iyon ah.

Haha... Parang... parang... dumoble yung bigat ng dala ko at napunta lahat sa dibdib ko ah.

Tila pinalalabo ulit ng luha ko ang aking mga mata.

Tumingala ako at umubo.

Saka ako tumingin ulit ng deretso sa guwardya.

"Opo... sa kasamaang palad hehe..."

"Kasamaang pa-? Iniligtas mo kami... utang ng bawat isa rito ang buhay nila, pati narin ako, sa iyo".

Oh!

Natutuwa akong napasalamatan ako. Pero hindi ko alam kung paano sasagot...

"Ahhh... hehe... walang anuman po...", basta akin yung mga sakrag ah...

Muntik ko nang masabi nang malakas

"Ah siya nga pala... paano ka nga pala napunta rito? Mawalang galang na pero, masyadong delikado ang lugar na ito para sa... isang bata, lalo na kung... walang manhira?"

Maingat na tanong nung guwardyang may peklat sa labi.

'Di lingid sa kanilang kaalaman na... dahil nga sa kawalan ko ng manhira kaya ako nagtatrabaho ng ganito.

"Dito po kasi ang trabaho ko..."

Nabigla ang kausap kong guwardya at ang babaing kumausap sa akin na nakikinig.

Samantala, yung kasama niyang batang babae, na may nakatirintas na ginintuang buhok at sa tingin ko'y kasing edad ko lang, ay tumingin lang sa akin habang humihikbi.

"Trabaho? Ha? May... may nakatira sa ganitong klaseng lugar?!"

"Ay hindi po... ibig ko pong sabihin... pangangaso ang trabaho ko"

"Ahh... Ha?!"

"Opo hehe..."

Lahat ng nakarinig sa usapan namin ay nagulat. Paano nga naman ba kasi nagagawa ng isang batang katulad ko ang delikadong gawaing ito na sila mismo'y hindi magawa.

Natural... trabaho ko 'to eh.

Puwede ko rin naman hindi na gawin ito pero para nalang din akong nagpatiwakal kung ganun.

Ano kakainin ko?

"Saan ka nakatira hijo?"

Ah... mas lalo kayong magugulat dito.

"Sa bahay Hopkinson po"

"Ano ka dun?"

"...uhmmm... ampon po ako hehe..."

Hindi madaling bigkasin ang bawat salitang iyon ah! Parang may nakabusal na ampalaya sa bibig ko habang sinasabi ko 'yon.

Sa halip na magulat, dumilim ang ekspresyon ng kausap kong guwardya, ang binibining kumausap sa akin at ang lahat ng nakikinig.

"Pasensiya na hijo sa pagtatanong, hindi ko... ahh... namin... ano... kasi alam"

Utal-utal na sinabi nung guwardyang may peklat sa labi na tila ba'y nagsisisi na nagtanong pa siya...

"Ahh wala po yun..."

Hinawakan ko muli ang aking batok at napatingin sa kaliwang braso ng guwardiyang may peklat sa labi.

Ngayon ko lang napansin... may apat na malalaking sugat na nakaguhit pababa mula sa kanyang balikat hanggang sa kanyang siko.

Tila onting galaw pa ay makikita na ang buto nito.

Napatingin din ako sa binibining kumausap sa akin na may madilim na ekspresyon sa mukha.

Napansin ko rin na namumutla ang mga labi niya.

Nasobrahan siya sa paggamit ng manhira...

"Bakit ka pala nagtatrabaho kung... mawalang galang na hijo... pero kung... ampon ka?"

Tanong nung binibining kumausap sa akin na tila may pag-aalinlangan.

Halatang nahihirapan sila kung paano pa MAS magiging magalang pa sa tao, o sa mas angkop na salita, batang nagligtas sa kanila.

Kung iba siguro nakausap nila, baka pinakain na sila sa sakrag.

Pero wala naman yun para sa akin kasi, buti nga sinusubukan nila eh, 'di tulad nung mga tauhan sa bahay Hopkinson na parang hindi tao tingin sa akin.

At ito ang dahilan kung bakit...

"Haa... ang bahay Hopkinson po kasi ay... para lamang sa mga batang makakagamit o nakakagamit ng manhira... sa madaling salita... may mga prebilihiyong hindi maibigay sa akin"

Kumunot ang noo ng binibining kinakausap ko.

Ano nga ba kasi pangalan nila?

"..."

Sinubukan niyang ibuka ang kanyang mga mapuputlang labi upang magsalita subalit, tila siya'y napipi sa kanyang narinig.

Dahil siya'y kataas-taasang tao, sigurado akong may ideya siya na hindi maganda ang trato sa mga taong walang manhira.

...

...O baka hindi rin... oo nga pala, 'di niya alam ang tungkol sa mga Kendrix!

Bumulong ang guwardyang may peklat sa labi sa binibining kausap ko.

Sa pagkakataong ito, hindi ko siya marinig.

Kumunot ang noo ng binibining kausap ko.

"Tama ba 'yon?!"

Bahagya akong napitlag sa pasigaw na tanong nung binibining kumakausap sa akin.

Sinagot naman ito ng guwardyang may peklat sa labi sa pamamagitan ng pagbagsak ng mga balikat niya, pagbuntong-hininga at pag-iling.

"Ehem... pasensiya na..."

Humingi ng paumanhin yung babaing kausap ko subalit, bakas pa rin ang galit sa kanyang mukha.

Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa, hindi ko naman kasi alam kung ano ang ibinulong nung guwardyang may peklat sa labi eh.

"Haa... siya nga pala, ano pala pangalan mo hijo?".

Tanong nung guwardyang may peklat sa labi.

"Al...Yalmar po"

Sasabihin ko sanang Alen.

"Yalmar? Tulad nung ilog?"

"Opo, hehe, dun kasi nila ako natagpuan nung sanggol palang ako"

Grooog!

Ahh... nagugutom na ako.

Sumagot ako sabay kamot sa ulo, samantala, mas dumilim pa ang ekspresyon nung guwardyang may peklat sa labi pati narin nung babaing kausap ko.

Mga ilang segundo kaming tahimik na nagtitigan...

"Ah.. ako nga pala si Roberto, ang punong guwardya ng pamilyang Korah-"

Si Roberto, ang guwardyang may peklat sa labi.

Pamilyang ano? Kora? Hindi niya natapos ang pagsasalita nang biglang.

"Ako naman si Stella, isang kataas-taasang tao, maraming salamat sa pagliligtas ng aming buhay"

Sumingit yung babaing kausap ko, ang mas nakatatandang babae na si Stella.

Bahagya siyang yumuko sa akin at nagbigay kay Roberto ng makabuluhang titig na sinagot naman ni Roberto ng pagkamot sa batok.

Pamilyar mga pangalan nila ah.

Ibig kong sabihin sa Earth, karaniwan pangalan nila sa Earth...

"Siya naman si Kalina, kapatid ko"

Bahagyang tumango ang batang babaing si Kalina na nakayakap kay Stella, na sa tingin ko'y kaedad ko lang.

"Nais naming ipakita ang aming pagpapasalamat, may nais ka bang hingiin?"

Eleganteng tinanong ni Stella na akala mo'y hindi siya umiiyak kanina.

"Yung mga sakrag po."

Mabilis ko siyang sinagot ng may ngiti sa mukha.

"Sakrag? Ano gagawin?"

Sagot ni binibining Stella habang tinagilid niya sa gawing kaliwa niya ang kanyang ulo.

"Akin nalang po..."

Alam kong mapangahas pero niligtas ko naman buhay nila kaya, akin dapat ang dalawang bangkay ng sakrag.

"...Hmmm... sa'yo naman talaga ang mga sakrag na iyan ah. Ikaw naman kasi nakapatay."

Sabi ni ginoong Roberto na may bakas ng lito sa mukha.

"Ikaw naman kasi nakapatay kaya sa iyo naman talaga yan... 'di ba? 'Di ba yun naman ang batas ng mga mangangaso?"

Dugtong, este pag-ulit ni binibining Stella na tila ba ay nalilito rin.

"Ah... may... iba ka bang gusto?"

Muling tinanong ni binibining Stella.

Ibang... gusto? Hmm...

Hindi ito ang inaasahan ko ah.

Ngayon natanong na niya, ano nga ba gusto ko? Makakabili narin naman kasi ako ng pagkain dahil sa mga huli ko kaya 'di ko na kailangan ng pera...

Pero dapat ba na manghingi pa ako?

Teka dapat bang manghingi ako sa mga taong nasawi? Hindi ba, parang 'di naman tama 'yon?

Sabagay mukhang mayaman naman sila...

Hmm... "Take the opportunity or trust my morality?"

Sapat naman na siguro kikitain ko para makakain ako ng tatlong beses kada araw sa loob din ng mga ilang araw...

Emeras pala.

Karaniwan kasi, isa o dalawang beses lang ako nakakakain sa isang emeras. Bihira naman kasi ang mga sakrag, kaya nga nakakagulat ang insidenteng ito.

So... ano nga ba gusto ko?

"Mmmmmmmm... ah... bar... ummmm... wala po ako maisip hehe...".

Napansin kong kumunot ang noo ni binibining Stella.

Sasabihin ko sana baril, kaso wala naman ganun dito.

Ahh. May naisip na ako.

Grooog!

Pero iba iniisip ng tiyan ko.

"Si... siguro... pakainin muna natin siya?"

Woi! Nagsasalita siya! Si Kalina! NAGSALITAAAAA!!! AAAAH!!!

Nagulat ako sa mahinhing boses ni Kalina.

Para bang musika ang boses niya.

[FBI: *Knock *Knock Open the door!!!]

"Ay... oo nga naman. Ginoong Roberto, pakibigay naman sa batang ginoong ito ang personal naming pagkain"

"Ngayon din po... Ramirez!"

Yumuko si ginoong Roberto kay binibining Stella sabay tumawag ng pangalan.

May lumapit na isang lalaking nakatalukbong ng puti at nag-abot ng bag kay ginoong Roberto.

Binuksan ni ginoong Roberto ang bag na may tali na isa palang 'mahiwagang bag' at kumuha ng isang malaking piraso ng inihaw na malaking hita ng baboy.

Napalunok ako ng laway sa bango nito.

"Yung mga sakrag, papaalalayan kita sa mga tao ko para madala mo sa pagbebentahan mo, maaari po ba yun ginoong Roberto?"

"Wala pong problema binibining Stella, pagkatapos po naming ilibing muna ang mga labi ng mga nasawi, agad-agad po naming aalalayan si ginoong Yalmar"

"Maaari ba yun ginoong Yalmar?"

Tanong ni binibining Stella sa akin habang kinukuha ko ang hita ng baboy mula kay ginoong Roberto.

"Opo! Sobra na... sobra na po ito! Ay... siguro po dapat... dapat po muna... pong... magpagamot si ginoong Roberto bago yun?"

Nauutal ako dahil sa pagkasabik ko sa hita nung baboy.

Nitong mga nakaraang araw kasi, nagtitiyaga lang ako sa isa o dalawang pirasong kamote kada araw.

Ngayon, may masarap na pagkain sa aking harapan! At abot-kamay ko na!!!

"Sobra? Hahaha... masyado ka namang mapagkumbaba, iniligtas mo ang buhay ng bawat isa rito kaya sigurado akong kulang pa ito, at oo, si ginoong Roberto ay gagamutin muna ng mga mago bago ang lahat. Siya nga pala, habang papunta kayo sa pagbebentahan mo, pag-isipan mo na ang hiling mo ah."

"Hehehe, sige po hehe..."

Don't mention it! Ginawa ko lang ito dahil sa mga sakrag. Siyempre, nakita ko na kayo eh, alangan namang 'di ko kayo pansinin.

At pag-isipan ang gusto ko? Hmm... may naisip na ako kaso...

Ngayon, napapaisip ako...

Bakit kaya hindi nalang nila gamitan ng manhira ang mga mata ng mga sakrag? Hindi naman ganun kahirap patayin yun eh.

"O sige na muna... umupo muna tayo Kalina, Yalmar, tumabi ka sa amin habang kumakain"

Sabi ni Stella habang ginagabayan niya si Kalina patungo sa isang puno 'di kalayuan mula sa amin.

"Ah... uhum... sige po"

Ako nama'y sumunod kung saan sila patungo habang hawak ang mabangong pagkain sa kanan kong kamay.