Chapter 7 - Chapter 6: Pahina ng biyaya

Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi parin mainit dahil sa lilim ng mga puno rito.

Walang masyadong naguusap kaya't tahimik parin ang palagid.

Tanging tunog lamang ng mga pagbangga ng pala sa lupa ang namamayapag sa kapaligiran.

Nakaupo ako sa ilalim ng isang puno habang nginangata ko ang inihaw na hita ng baboy.

Sina binibining Stella at Kalina ay nakaupo sa tabi ko, sa bandang kaliwa.

Katulad ko, nakatanaw din sila sa ginagawa ng mga guwardya at sundalong kaunti lang ang mga pinsala sa katawan.

Subalit, hindi katulad ng ekspresyon ko, bakas ang lungkot sa kanilang mga mata.

Dahil dito, bahagyang kumirot at bumigat ang aking dibdib.

Tinanggal ng mga sundalo at guwardyang naglilibing ang kanilang mga baluting pang-itaas upang mas maayos silang makagalaw.

Ngayon ko lang napansin... pare-parehas lang sila ng mga uniporme.

Tila simpleng itim na t-shirt lamang ang mga unipormeng ito na may nakaburdang gintong karabson sa kaliwang bahagi ng dibdib.

Kaya ko lang nasabing mga sundalo at guwardiya sila ay dahil mas masalimuot ang disenyo ng mga baluti ng mga sundalo kaysa sa guwardya.

Mas balot din ng baluti ang mga sundalo kaysa sa mga guwardya.

Lumipat ako ng tingin at natanaw ko ang tumpok ng mga baluting nakalapag sa ilalim ng puno.

Natawag ng isang chestplate, na kasali rito, ang aking atensyon.

Ang nakaguhit na imahe ng ginintuang karabson sa gitna nito ay nabahiran ng dugo.

Ang katabi naman nito, na tila pagmamay-ari ng isang guwardya, ay walang nakaguhit na kung ano man.

Lumiraw muli ang aking mga mata habang ngumunguya at lumapag ito sa ginagawang hukay ng mga taong nakauniporme.

Pansin kong dahan-dahan nilang inilalapag ang mga bangkay o kaya naman... kung alin ang natira sa bangkay, ng may respeto, sa hukay na ginawa nila.

Kada lapag nila ng isang bangkay o piraso ng bangkay, ay lumuluhod sila at nilalagay nila ang kanilang kanang kamay sa kaliwa nilang dibdib.

Para sa akin, kahit papaano'y napagagaan ng simpleng gesturang ito ang aking kalooban.

Subalit, bahagya akong naiilang dahil sa kanilang paminsanang pagsulyap sa aking direksyon.

Ganun din ang dalawa kong katabing babae.

Hindi ko alam kung dapat din ba akong tumulong sa mga naglilibing.

O dahil ba... baka kaya gutom na rin sila? Baka pati sila gusto na ring kumain?

Baka mamaya iniisip nila na sila'y nagtatrabaho roon samantala ako'y nakaupo lang dito at kumakain.

Hay...

Para maibsan ko ang aking pagkailang, inalok ko si Kalina ng karneng kinakain ko.

"Ano... bi... binibining Kalina... Gusto mo rin ba?"

Bahagyang napitlag si Kalina. Umiling siya ng mabilis sabay yakap ng mahigpit sa braso ni binibining Stella.

"Ah... haha..."

Napahagikhik si binibining Stella sa reaksyon ni Kalina...

May mali ba sa ginawa ko?

"Uyy... Kalina, tinatanong ka, gusto mo raw ba?"

Pagtatanong muli ni binibining Stella kay Kalina na sinagot naman niya ng pag-iling at paghawak sa bibig...

Muling namugto ang mga mata ni Kalina.

"Ahh... Uyy... pasensiya na... may... may nasabi ba akong masama?"

Tanong ko sabay inilapit ko ang pagkain sa akin.

"Ah... Hahaha... Wala naman, busog lang talaga 'tong batang ito... nangungulila lang siguro siya sa kanila ni mama... sige lang kain ka lang muna riyan".

Sumagot si Stella.

"Ah... uhum"

Ako naman, tumango lang ako at itinuloy ko na ang pagkain ko.

Maya-maya, bandang hapon na.

Tinabunan na ang hukay kung saan ibinaon ang labi ng mga nasawi.

Medyo matagal pa kaming naghintay.

Maya-maya...

Mayroong mga kalesang mahiwaga ang dumating.

Mahiwaga ang tawag ko dahil hindi ito pinaandar ng kahit anong hayop. Kahit pa normal ang ganitong bagay sa Earth, kahanga-hanga parin ito para sa akin.

May mga tila pari at mga sundalo itong sakay.

May mga dala silang malaking parihabang batong na sa tingin ko'y gawa sa Sapiro.

May mga nakasulat dito.

Subalit, ang pinakatumawag talaga sa aking atensyon ay ang tatlong lalaking Alsantis na nakasuot ng baluting kulay puti na may gintong linyang nagmimistulang disenyo nito.

Sa sobrang gara, muntik ko na itong mapagkamalang exosuit.

Kung mayroon lang silang helmet na kamukha ng inaasahan ko, para na silang robot sa baluting ito.

Mayroong espadang nakalagay sa puting baynang(scabbard) nakakabit sa kanilang baywang na may detalyado ring linya ng ginto.

Bawat isa sa kanila ay may gintong hikaw sa kaliwang tainga na may iba-ibang kulay ng bato.

Maya-maya pa ay lumapit sila sa direksyon namin nina binibining Stella at lumuhod sa isang tuhod...

"Binibining Stella, kami po'y pinadala ng kamahalan upang tumugon sa inyong pagtawag ng tulong."

Wika ng isang lalaking may gintong hikaw na may pulang bato sa gitna sa kaliwa niyang tainga.

Pagtawag ng tulong? Kailan? Hindi ko napansin...

Gumuhit ang 'di madiwariang ekspresyon sa mukha ni Stella.

"...Uhhh... uhum... maraming salamat... maaari na kayong tumayo mga ginoo...!"

Agad-agad tumayo ang isang lalaking may gintong hikaw na may bughaw na bato at inabot ang kanang kamay ni binibining Stella.

"Mahal ko... nasaktan ka ba??? Tila'y namumutla ang iyong mga labi... O' kabigha-bighani parin ang iyong maladiyosang mukha kahit na pa ang iyong natural na mapupulang labi ngayo'y maputla..."

Da fuck? Sino 'tong wirdong ito?

Maski si Kalina nairita sa bungad nitong lalaking ito. Napansin kong bahagyang nangatog ang kalamnan niya sa baba ng kanan niyang matang bahagyang mapula.

Tumaas naman ang isang kilay ng dalawang lalaking kasama niya.

"Hehehehe... Utang na loob Elias para kang tanga... ayos lang ako... Hehehe..."

Bulong ni binibining Stella dito sa lalaking may pangalang Elias habang hiyang-hiyang tumatawa at sumusulyap-sulyap sa amin nina Kalina.

Subalit, taliwas ang ekspresyon niya sa mga sinasabi niya. Bakas ang hiya niya sa kanyang mukha ngunit bakas din ang saya.

Naol...

"O' paumanhin aking irog... pagkat ako'y nag-aalala at natataranta... alam mo ba kung gaano ako nabagabag ng marinig ko na ika'y inatake ng mga hayop na walang hiya!!! Hindi ba nila alam na mismong diwata na ng mundong ito ang kanilang binabangga?"

Hrrghh... kinikilabutan ako sa mga naririnig ko. Pero... parang gusto naman ni binibining Stella ang mga naririnig niya.

Inilipat ko ang aking tingin at nasalubong ko ang tingin nung lalaking may gintong hikaw na may pulang bato.

Itinaas niya ang kanyang balikat na tila nagsasabing 'wag ka tumingin sa akin, maski ako wala akong magagawa riyan'.

"Mayroon ka bang sugat mahal ko? Kailangan mo ba ng tubig? O manhiritas para maibsan ang iyong pagkapagod? Kahit ano aking mahal! Nais mo bang buh- hmphh..."

Natigilan 'tong si Elias ng hawiin nung lalaking may pulang bato sa hikaw ang kanyang mukha.

Hahaha. Oddly satisfying...

Gumuhit din ang maliit na ngiti sa mukha ni Kalina na kanina'y mangiyak-ngiyak.

"Hakbang na pinunong Stella, dala na po namin ang iyong mga hiniling"

Ano ba hiniling niya? At paano nila kami natunton? At... kung kaya naman pala niya tumawag ng tulong, bakit 'di niya ginawa kanina?

Sinandya ba niya?

O baka dahil naubusan siya ng manhira?

Hindi... ang dapat na tanong ay... sino ba talaga siya? Ano yung hakbang na pinuno?

"Ehem... maraming salamat ginoong Albert, kung maaari, pakiumpisahan na ang seremonyas, malapit nang dumilim"

"Ngayon din po binibini, gagawin na nami-"

"...Ha! Ha! Pano ka mahal ko... hmphhh?"

Natigilan siya ng muling hawiin ni ginoong Albert ang mukha niya.

Kumunot ang aking noo.

Hayy... ayan na naman siya. Dapat din bang pabaunan ko na siya ng palaso sa bibig?

"...Uhmm ...mawalang galang na po binibini, ngunit... sino po ang batang ginoong ito?"

Sa wakas ay nagsalita narin ang lalaking nanonood lamang sa mga pagkakasunod-sunod ng pangyayari.

Tulad nina ginoong Albert at nung Elias, mayroon din siya gintong hikaw sa kaliwang tainga na may kulay berdeng bato sa gitna. Halos kakulay ng batong ito ang buhok niya subalit, ang mas nakatawag ng aking atensyon ay ang matulis niyang tainga.

Elf?

Oh! So may lahi talaga ng elf! Wala kaming nakitang elf kahit pa nakararating kami ng iba't-ibang planeta.

Tanging mga, mawalang galang na pero, mga taong kulay bughaw, mga taong mabalbon, mga taong mukhang insekto at mga taong malalaking ulo lamang ang karaniwang nakikita at nakakausap namin sa iba't ibang planeta.

Walang elf!!!

"Ah... ito nga pala si ginoong Yalmar, ang batang ginoong nagligtas ng aming mga buhay"

"Ah!"

Nagulat si Albert pati narin yung ginoong elf, pero yung Elias...

"Ahh!!! Ikaw ang ginoong nagligtas ng pinakamamahal kong si Stella! Maraming maraming maraming maraming maraming maraming maraming maraming..."

Lumuhod siya sa harapan ko at...

Teka teka saglit... niyayakap niya ako. Kadiri kinukuskos niya pisngi niya sa akin... yawa!!!

'Di tayo close!!!

'Utang na loob bitawan mo ako... masasapak kita...'

Tumingin ako sa kanila ni ginoong Albert at ginoong Elf, pero umiwas sila ng tingin...

Simbergwensa! Tulong... hayup.... WAAAAAAAAAAAAAAHH!

"...maraming maraming maraming..."

"Ta... tama..."

"...maraming maraming maraming..."

"Tama na!!!"

Pak!!!

Narinig sa buong paligid ang paglagapak ng batok nitong Elias.

Sa sobrang lakas, napatingin ang mga taong malalapit sa amin.

Nawalan ng malay at humandusay sa lupa ang Elias.

'Oh... kung sa sakrag niya sana ginawa yan'

"Ha... ha... ha... gi... gin... ginoong Elias?"

Takot na pagwika ni binibining Kalina habang naghahabol ng hininga.

Nangangatog pa ang kanan niyang kamay na pinanghampas niya sa batok ng Elias.

Yumuko si ginoong Elf at kinapa ang leeg ng Elias...

"Tsk tsk tsk tsk..."

Sabi niya habang umiiling.

Tumingin siya kay Albert sabay kumpas ng kanan niyang kamay sa kanyang leeg na tila nagsasabing 'wala na... patay na... tsk tsk'. Sinagot naman ito ni Albert...

"Tsk tsk... sumalangit nawa..."

Sabay lagay ng kanang kamay sa kaliwang dibdib at tumingin sa langit.

'Sumalangit nawa...', matagal ko nang 'di narinig yun ah.

"Binibining Kalina... ginawa mo ang nararapat."

Sabi ni ginoong elf kay binibining Kalina.

"Ha... ann... ano? Anong nang... *sniff... anong... *sniff... na... *sniff pasensiya na ate... *sniff... 'di... 'di ko... si... *sniff sinasadya... WAHHHHH!!!"

Inilagay ni kalina ang dalawa niyang kamay sa kanyang mukha at humagulhol nang malakas.

"Shhhhh... niloloko ka lang 'di siya patay. Tama na nga! Niloloko niyo kapatid ko gawin niyo na dapat gawin!"

"Uhmm... opo binibin-"

"Oh? Kailan ko tinuruan magpaiyak ng batang babae ang mga maginoong Tabak ng Alsanta?"

Oh!

So sila ang Tabak ng Alsanta? Ang mga inihandang bayani ng bansang ito? Ang liwanag ng Alsanta sa panahong ng kadiliman? Ang pag-asa ng Alsanta? Ang huling linya ng depensa ng bansang ito? Ang grupo na bukambibig ni ate Michelle???

Edi kung ganun... we're doomed.

[Judgerist]

Napitlang sina ginoong Albert pati narin si ginoong elf nang may magsalitang matanda sa likuran nila.

Hindi tulad ng inaasahan kong matanda, bakas ang malabato niyang katawan sa kanyang suot na itim na t-shirt na pinatungan ng kayumangging blazer.

Nakapantalon siya ng maong na kulay berde at naka....uhmm... nakasandalyas na parang galing pang ancient Rome...

May suot din siyang maliwanag na ngiti sa mukha na waring kinatatakutan ng dalawang ginoong nakabaluting puti.

Dahil sa suot niya, mukha tuloy siyang taga-Earth.

Hmm... taga-Earth... damit na maong... blazer... mukhang exosuit na baluti... nasan ba talaga ako?

Anim na dhur na ang tinagal ko rito, pero hindi ko parin nasasagot ang kaparehas na tanong ko mula pa noong una akong namulat dito...

"Uhmm... ginoong Mercedes... ma... maa... uhm... kailan po kayo nakarating dito?"

Utal-utal na tinanong ni ginoong Albert dito sa matandang may ngalan na Mercedes.

"Hmmm... kung iisipin... noong pinaiyak ni 'ginoong' Leutheorius si binibining Kalina."

Ohh... so Leutheorius (luth-yor-yus) ang pangalan nung elf?

Tunog notorious...

Walang naging pagbabago sa tindig ni ginoong Albert pero napitlag si ginoong elf na ang pangala'y Leutheorius na hanggang ngayo'y nakaupo parin sa tabi ng Elias.

"O' ano Leutheorius? Gusto mo bang umupo habang buhay?"

Tanong ni ginoong Mercedes kay Leutheorius na sinagot naman niya ng mabilisang pagtayo ng matuwid at...

"Hindi po ginoong Mercedes!"

Oh? Sino ba itong si ginoong Mercedes? At sino rin ba itong sina binibining Stella at binibining Kalina?

"Ha... sa tingin ko kailangan natin mag-usap ng masinsinan sa palasyo pero bago iyon... tapusin muna natin ang mga dapat nating gawin."

Palasyo... so maaaring Prinsesa itong sina Kalina at Stella? Hmm... make sense... hakbang na pinuno. Buti nalang 'di ako naging bastos.

Anyways, wala akong pake kung sakali man. Kahit gaano ka pa kataas na tao, kung makain ka ng hayop, ipot parin ang bagsak mo.

Napitlag sina ginoong Albert at ginoong Leutheorius.

Halata naman kasing may hindi magandang nakaabang para sa kanila...

Lumiraw ang tingin ni ginoong Mercedes paikot sa lugar. Kahit na pa'y bangkay na lamang ng mga sakrag ang nahandusay sa lupa at wala nang bangkay ng tao, kapansin-pansin parin ang nagkalat na dugo sa paligid.

Tumingin siya kay binibining Stella...

"Liban ang pagtutumpik, ayos lang po ba kayo? Hakbang na pinunong Stella?"

Hakbang na pinuno... hmmm...

"Ah... opo ginoong Mercedes, ayos lang ako. Salamat dito kay ginoong Yalmar at nakaligtas kami"

Tumingin si ginoong Mercedes sa akin at bahagyang yumuko...

"Hmm... kahit na pa'y ika'y walang manhira nagawa mo ang hindi kayang gawin ng mga mayroon... sumaiyo ang aking respeto, ginoong Yalmar."

Tumango siya habang sinasabi ang mga ito at ngumiti sa akin.

Alam niya na Kendrix ako pero maayos ang trato niya sa akin huh.

"Wala po iyon... ah... ginoong Mercedes"

Ako nama'y yumuko rin sa kanya at nagpasalamat sa kanyang papuri.

"Hahaha! 'Di mo kailangang masyadong maging pormal, mas mainam naman ang nagawa mo kaysa sa mga nagawa ng nga kulang-kulang na ito"

Tumuro siya sa mga lalaking nakasuot ng puting baluti na tinatawag na Tabak ng Alsantis. Sa kanila ni ginoong Albert.

'Sigurado naman ako ginoong Mercedes... kung hindi naman ako maging pormal, hindi rin naman magiging maganda ang impresyon ko sa inyo'

Sabi ko sa aking sarili na nais ko sanang sabihin ngunit, sinagot ko nalang siya sa pamamagitan ng marahang pagtango.

Dapit-hapon na ng matapos ang seremonyas.

Itinalaga ni binibining Stella si ginoong Roberto at ang tatlo pang sundalo upang dalhin ang mga sakrag sa bayan.

Binilinan nga rin pala ako ni binibining Stella na pag-isipan ko ang hiling kong pabuya habang papunta kami sa bayang Hopkinson.

Sa katunayan, may mga naisip na akong hilingin, kaya lang, baka hindi ito magiging maganda sa mundong ito...

Gusto ko kasi sanang humingi ng mga materyales para makagawa ng riple.

Ayos naman 'yon kaso, sigurado akong tatanungin nila ako kung ano ang gagawin ko sa mga ito at baka hingin nila ang pamamaraan sa paggawa ng mga ito.

Sa anim na dhur kong itinagal dito, wala akong nakitang pana o baril.

Para sa akin, masyado nang delikado ang manhira para madagdagan pa ng armas mula sa Earth.

'Di kalayuan mula tarangkahan ng ikatlong distrito ng bayang Hopkinson.

Hindi kami masyadong nag-uusap ng mga kasamahan ko habang patungo rito.

Sina binibining Stella ay nagpahuli dahil may pinaguusapan pa sila ng mga pari.

Sakay kami ng isang kalesang mahiwaga.

Bakit mahiwaga? Dahil hindi ito pinaandar ng isang kabayo o kung ano mang hayop.

Sa makatuwid, salamangka ang nagpapaandar dito, kaya tama lang na tawagin ko itong mahiwagang kalesa.

Ang loob nito ay parang isang pampasaherong jeepney na katulad nung mga modelo noong mga taong 2000, sa Pilipinas.

May mga upuang sa magkabilang gilid at daanan sa gitna.

Kaso gawa ito sa kahoy.

Hindi tulad ng mga kuwento, wala itong tunog na 'vrooom' o 'rmmmmm' o 'vrom-plololololot!!!' habang umaandar.

Tanging mga sagitsit lamang ng mga kahoy at tunog ng kahoy na gulong na tumatama-tama sa mga bato sa lupa.

Wala itong wind-shield, o salamin para sa wind-shield. Mayroon lang itong kahoy na naibababa para maisara ang harapan.

Katulad nung kahoy na parang bintana ng mga bahay-kubo.

Sa harapa'y may dalawang upuan.

Ang nasa kaliwa ay ang driver seat at ang nasa kanan ay pampasahero lang.

Ako'y nakaupo sa kanan.

Mas simple ang mga aparato upang mapaandar ito.

Mayroong manibelang gawa sa bakal at walang mga pedal.

Walang kambyo, tanging pingga (lever) lamang na gawa sa bakal ang nakalagay sa lugar kung nasaan nararapat nakalagay ang kambyo.

Gawa naman sa kahoy ang hawakan ng pinggang ito.

Itinutulak lang ito at pipihitin sa kanan para 'maglock' upang umandar kusa at hihilain naman kung aatras.

Ang tumawag ng atensyon ko ay ang malabong kulay bughaw na bolang kristal na nakabaon sa lugar kung saan dapat nakalagay ang 'aircon' o 'radyo' kung sakali.

Si ginoong Roberto ang nagmamaneho ng sasakyang ito. Mga ilang beses kong nakikitang inilalagay niya sa tapat nito ang kanan niyang kamay.

Umiilaw ito ng malamlam na kulay bughaw o malamlam na puti kada ginagawa niya ito.

'Di ko maiwasang magtanong...

"Uhmm... ginoong Roberto... ano po yan?"

Sabay turo ko sa magarang bolang kristal.

"Ah... ang tawag dito ay bonsirito. Ang buong sasakyang kasing ito'y pinapagana ng manhira. Ang aparatong 'to ang magkokontrol sa bilis at preno natin"

"Nilalagyan niyo po ng manhira tuwing bibilis o pepreno?"

"Hindi, kokontrolin mo lang yung manhirang nakalagay sa bonsirito, pagkatapos ay isasalin nitong bonsirito ang posisyon ng manhira sa loob upang kontrolin ang bilis ng sasakyan. Sa makatuwid, ito yung 'mensahero' na nagtutulay sa sasakyan at sa akin. Kaya kapag gusto kong bagalan, dahan-dahan kong hihilain ang manhirang nasa loob nito..."

Iniligay ni ginoong Roberto ang kanan niyang kamay sa harap ng bonsirito at dahan-dahang bumagal ang sasakyan. Medyo mas lumabo din ang kulay nito.

"...ngayon kung gusto ko namang pabilisan, itutulak ko naman ang manhirang nasa loob nito..."

Umilaw mula sa malamlam na asul patungo sa matingkad na asul ang bonsirito at bumilis ang andar ng sasakyan.

"Kung gusto ko namang pumreno, hihilain ko ng husto ang manhirang nasa loob nito..."

Krrrggg!

Umilaw mula sa matingkad na asul, malamlam na asul, malamlam na puti hanggang matingkad na puti ang bonsirito at agad-agad kaming huminto. Kumayod ang kahoy na gulong ng sasakyan namin sa lupang mabato.

Nasubasob kaming lahat sa biglaang paghinto ng sasakyan.

Buti hindi ito tumaob.

"Woah! Ngayon ko lang nasubukan yun ah! Hahaha, parang gusto kong ulitin pa hahaha!"

Please... 'di ka na bata at anong ngayon lang? Natural na masusubasob tayo noh!

Dapat maturuan ng inertia 'tong lalaking 'to. INERTIA!!!

"Ngayon nasagot naba nito ang tanong mo ginoong Yalmar?"

"...Ahh ...Opo", ngayon parang ayaw ko nang magtanong ulit. Ha...

"Basta kung may katanungan ka itanong mo lang ah"

Uhum... sige... pag-iisipan ko.

Tumango lang ako nang walang sinasabi bago tumingin sa labas ng bintana.

"Hmm... sige sige..."

Sabi ni ginoong Roberto sabay lagay ng kamay niya sa harap ng bonsirito at muli kaming umandar.

Ilang saglit pa at tanaw na namin ang malaking pader ng ikatlong distrito ng bayang Hopkinson.

Marami ritong establisyimentong pangnegosyo.

Sa madaling salita, para itong distrito na dedikado lang para sa negosyo.

Bagong-bago ang pader nito.

Mayroong malaking kahoy na tarangkahan na binabantayan ng dalawang guwardyang nakabaluting bakal.

'Higanteng tarangkahan... hay... may naalala tuloy ako kaninang umaga'.

Para tuloy nagreklamo gulugod ko.

May dalang tungkod-pansalamangka ang mga guwardyang ito ngunit, hindi katulad sa Earth, walang nagaganap na security check.

Anong silbi nung mga guwardya kung ganun?

Habang papunta kami sa bentahan ng mga nahuling hayop, o sa mas angkop na salita'y nahuling halimaw, nilakasan ko ang aking loob at muling nagtanong kay ginoong Roberto.

"Siya nga po pala... tungkol sa mga sakrag..."

Dumilim ang ekspresyon ni ginoong Roberto. Sasabihin ko na sanang 'wala po' nang biglang...

"Bakit? Anong mayroon sa mga sakrag?"

"Ah... kasi po... napapaisip lang po ako, kung makakabuo o makakagamit naman ang isang mago ng bato o kahit anong matalim na bagay, bakit po hindi nila ito gamitin upang patamaan ang mga mata ng mga sakrag?"

Hindi kaagad sumagot si ginoong Roberto...

"Hmm... sa katunayan kasi, ang mabilisang pag-itsa ng manhira sa mga bagay sa paligid ay hindi ganun kadali..."

Ipinihit niya sa kaliwa ang manibela upang lumiko.

"Tanging mga magong nagsanay na ng ilang taon mula pagkabata ang makagagamit ng ganung klaseng salamangka..."

Ipinihit niya ang manibela sa kanan upang muling lumiko.

"Wala kaming ganoon kanina... puro mga mago lamang na pangkaraniwan lamang ang lakas..."

Sa pagkakataong ito, binilisan niya ang andar ng karwahe.

Napansin kong nagbubutil ang mga pawis ng mga sundalo sa likuran.

O' ginoo, 'di na dapat ako nagtanong...

"At kung mayroon man, hindi yun ganun kadali..."

Wala kaming nilikuan ngayon subalit, mabilis ang takbo namin.

O' diyos ko, ano bang problema niya?

"Sa oras kasi na lumapit o lumapat ang isang uri ng salamangka sa balahibo ng sakrag..."

Nararamdaman ko na ang hanging pasalubong sa ami'y tila naging mas malamig kaysa kanina.

"...ay agad-agad itong nabubura"

Ha?

Ano? Nabubura?

Tila ako'y nabingi at parang bumagal ang oras. Para ring nanikip ang aking paningin sa aking narinig.

May paraan para mabura ang manhira? Totoo ba?

"Ay... pasensiya na po lolo, medyo napabilis ang takbo namin, hehe..."

"Anong tinatawa-tawa mo riyan? Muntik na akong atakihin sa puso dahil sa inyo. Ha!"

Nahila ako pabalik sa katotohanan ng sipain ng isang matandang naka sombrerong gawa sa ratan ang harapan ng aming sasakyan.

"Mga tinamaan kayo ng lintik! Hay... mga kabataan nga naman ngayon... palibhasa mahaba pa ang buhay, walang pake sa mga masasawi kahit anong gawin nila... hay!"

Galit na galit na pagbubulong-bulong ng matandang muntik nang mapaaga.

"Hehehe..."

Walang ibang magawa si ginoong Roberto kundi magkamot ng ulo.

Ano ba ang pakay nila bakit sila nasa kakahuyan?

Ano yung kahulugan ng 'hakbang na pinuno?'

Bakit ganun yung mga Tabak ng Alsanta?

Marami pa sana akong tanong...

Pero mas pinili ko nalang na itikom ang aking bibig.

Baka 'maisekai' nanaman ulit ako kapag nagkataon eh.

Tumingala ako at tumambad sa akin ang kulay cyan na Verdastania.

'Di tulad ng Earth, kitang-kita ang malabuhanging mga bituing nagkalat sa himpapawid.

Madilim na ngunit, 'di tulad ng aking inaasahan, maliwanag ang paligid.

Palibhasa'y nasa loob na ako ng aking kuwarto sa mga oras na ito kung nasa bahay Hopkinson ako..

Tinatanglawang ng mga maliliwanag na kulay kahel na ilaw, na mula sa mga poste, ang kalsada at ang mga gusaling katabi nito.

Ayon kay ginoong Roberto, ang poste ng mga ilaw dito'y pinagagana ng manhira kaya nagulat ako nang sabay-sabay itong nagbukas.

Matao at maingay parin ang kalsada kahit na pa'y pagabi na.

Ito ang tunay na masiglang paligid.

Mayroong mga mahiwaga kalesa, normal na kalesang may kabayo at mga nagtatakbuhang bata na sa tingin ko'y kasing edad ko lang.

Ngayon ko lang nakita ang liwanag tuwing dilim ng distritong ito. Ang bahay Hopkinson kasi ay nasa Ikaunang Distrito ng bayan at nasa hilagang bahagi ng lalawigang ito.

Karamihan ng mga gusali roo'y residensyal lamang.

Samantala, ang distritong ito nama'y ang lugar kung saan maraming tindahan at iba pang negosyo kaya't maliwanag ang gabi rito.

Naibenta ko na ang mga sakrag at ngayo'y hahanap na ako ng matutulugan.

Ang pinakauna kong nahuling sakrag ay naibenta ko ng sampung libong also.

Ang ikalawa naman, ang sakrag na may peklat sa kaliwang mata, ay naibenta ko ng labing-limang libong also.

At ang pinakamaliit ay naibenta ko ng walong libong also.

Kaya ang kabuuang kita ko'y tatlompu't tatlong libong also.

Sabi nung transaktor, mas maibebenta ko pa nang mahal ang mga ito kung hindi nasira ang mga mata nito.

Kaya sa susunod ay sisikapin kong hindi mata nila ang patamaan para mahuli sila.

Dahil may pera at kaya ko nang umupa ng kuwarto sa isa sa mga bahay-panuluyan dito, hindi na ako nagpahatid pabalik ng bahay Hopkinson.

Wala naman na akong naiwang kung ano roon sa ampunang iyon. Dalawang damit lang at dalawang pantalon.

Bakit naman kukunin ko pa 'yon kung makakabili na ako.

Ha... hindi ako nakapagpaalam sa kanila ni ate Sane. Pero hayaan mo na, babawi nalang ako sa susunod.

Nagtungo ako sa isang gusaling mayroong nakapaskil na "Stromni Ronte: Bahay-panuluyan".

Siyempre hindi sa roman alphabets nakasulat.

Pumasok ako rito at tumambad sa akin ang reception area na hindi ganun kalawak.

Gawa sa tabla ang mga sahig at tinatanglawan ng isang chandelier na gawa sa copper na nakasabit sa itaas.

Sa gawing kaliwa mula sa pinto, pagpasok, ay nakalagay ang reception desk.

Mayroong anim na mahahabang kahoy na bangko sa gawing kanan ko na nakaharap sa reception desk na gawa rin sa kahoy.

Sa reception desk nama'y may nakatayong babaing Alsantis na nagsusulat sa isang papel na kulay kayumanggi.

Tumingin siya sa akin, ng may pagkabigla, nang tumunog ang maliit na kampanang nakasabit sa itaas ng pinto.

Sana 'di naman niya ako napagkamalang duwende.

"Uhh... linium-nichtas hijo, anong maaari kong maitulong?"

Linium-nichtas, ibig sabihin magandang gabi o magandang hapon.

Nagtungo ako sa harapan ng lamesa niya.

Napansin ko na tumingkayad pa siya para lang makita niya ako mula sa kabilang panig ng reception table.

Humakbang ako ng dalawa hakbang palayo para mas mainam kaming magkausap.

"Uh... mag... uupa po kasi sana ako ng kuwarto. Magkano po ba?"

"Para po sa dalawa, pitompu't limang also kada emeras"

"Para lang po sa isa, sa akin lang po"

Bahagyang napaatras ang babae. Waring ipinagpalagay niya na mayroon akong ibang kasama.

"Uhmm... kung isa lang po, apatnapu't limang also kada emeras"

"Kung kada kulay ng Verdastania?"

"Ah... pangmatagalang upa po ba ang kailangan niyo?"

"Opo. Kung maaari po sana"

"Sige po, kukuwentahin ko lang po saglit"

Kumuha siya ng papel na maraming nang sulat mula sa ilalim ng lamesa niya at sumulat-sulat.

Napansin ko na ang panulat na gamit niya ay katulad ng sa Earth sa mga taong 2000.

Ang inaasahan ko'y balahibo ng ibon o uling katulad ng napapanood ko sa internet.

Hmm... siguro may nauna na sa akin dito... sa mundong ito, na galing din sa Earth... O' baka bumalik ako sa nakaraan?

Pero masyadong wirdo ang mga pangalan ng bansa rito para maging nakaraan.

"Isang libo pitong daan at sampung also kada kulay ng Verdastania"

"Kailan po ang sunod na bayaran?"

"Sa... ikalawang emeras po ng Stua Eftir Dahr"

Huh? Bakit? Paano niya kinuwenta 'yon?

'Di ba dapat sa ikalabing-isang emeras din ng Stua Eftir Dahr ang singil?

Gayun pa man... pagod na ako... gusto ko nang humiga... bukas na ako magtatanong.

"Ahh... sige po..."

'Di na ako nagreklamo.

Kumuha ako ng dalawang libong also mula sa wallet ko.

Ang pera rito ay papel, 'di tulad sa Earth na electronic currency.

Inilapag ko ang mga pera sa lamesa niya. Bahagya siyang napitlag...

"Ah... babayaran niyo na po?"

Tingin mo? Daming naman tanong...

"Opo, bayaran ko na"

Isinauli niya ang sukli kasama ang susing may nakasabit na numerong 32, pero hindi ito nakasulat sa alphanumeric.

Agad na akong pumunta sa kuwarto at humiga sa kama ng hindi na naliligo at hindi na nagpalit ng damit, bahagyang narumihan ang aking maputing damit.

Pumikit na ako.

Bigla akong napaisip, ngayong may pera na ako, siguro gagawa ako ng panibagong armas...

Yung kayang pumatay ng sakrag kahit hindi sa mata tamaan.

M24 siguro... para pangmalayuan...

...Arctic Warfare Magnum

O Barret M82

Habang iniisip ko ang mga ito, gumuhit ang ngiti sa aking labi at tila may marahang bumabang kurtina na tumakip sa aking kamalayan...

"Suwerte emeras ngayon ah..."