Naglalakad ang isang babae sa tabi ng kalsada. Wala siyang ideya kung saan siya pupunta. Basta ang alam lang niya, ayaw niyang manatili sa bahay nila ngayon. At kung maaari, hindi na rin siya babalik.
Mabilis na humaharurot ang mga sasakyan sa highway. Bukod sa gabi na, wala na ring gaanong traffic. Kaya nga lang ay kailangan ng babae na tumabi pang lalo sa gilid dahil baka mahagip siya ng mga sasakyan.
Tsk, sabi niya sa sarili na kumunot ang noo. Eh ano naman ngayon? Baka nga mas mabuti iyon.
Ipinikit niya ang mga mata, saka umiling. Hindi na nga lang niya iisipin ang mga bagay na 'yon, dahil baka lalo pang sasama ang mood niya at kung ano pang magawa niya sa sarili.
Nang mag-ring ang cellphone niya ay binuksan niya iyon. May nag-text, kaya binasa niya.
"Lucie, bumalik ka na. Kanina ka pa hinahanap nina Papa."
Kapatid niya iyon. Ang bunso sa kanila, at ang obvious na paborito ng pamilya. Mas lalo siyang nainis dahil ito talaga ang unang nag-text. Malamang, nang mapansin ng mga kamag-anak niya na wala siya sa bahay, ay ito agad ang unang ginawa nito. At malamang din, inanunsyo na nito iyon sa bahay, at pinuri na agad ito ng iba sa initiative nito.
May isa pa palang nag-text. Kahit parang alam na niya kung kanino galing iyon, binuksan pa rin niya.
"It's not the time for you to act prideful and egotistical. Get back in here. Pinapahiya mo sina Papa at Mama kina Lola at Tita. Pag may nangyaring masama sa kanila--"
Lucie had enough. Agad niyang idinelete ang text ng isa pang kapatid niya na sumunod sa kanya at hindi na tinapos ang pagbasa.
Sumikip ng konti ang lalamunan ni Lucie , ngunit bago pa man siya tuluyang maiyak ay pinahid niya ang butil ng luha sa gilid ng mata.
Lagi naman silang ganyan, eh, aniya sa isipan. Ang gusto lang nila ay lumabas na perpekto sa harapan ng mga kamag-anak namin. Kahit pa ang i-sakripisyo ako sa mga kagustuhan nila.
Bumuga siya ng hangin.
Bahala sila, sabi niya sa isipan. Mas masaya naman sila kung sila-sila lang, eh, kaya mas mabuting umalis na lang muna ako doon. Wala namang diperensya kahit family reunion pa. Wala namang magbabago eh.
Muli niyang iniling ang ulo. Ayaw niya talagang umiiyak. Mamaya na siya iiyak, kapag nasa hotel room na siya at mag-isa. Hindi dito kung saan may mga taong nakatingin.
Dumaan ang isang bus sa gilid niya. Huh, aniya sa isipan. Kung pwede lang sumakay siya doon at magpakalayo-layo. Bahala na kung saan siya dalhin ng kapalaran. Basta malayo roon sa lugar nila.
Kaya lang, sa naisip, ay napahinto rin si Lucie. Muli siyang napatitig sa likod ng bus na paakyat na ng flyover sa di kalayuan.
Oo nga no, aniya sa isipan. Wala rin naman siyang ibang pupuntahan ngayong gabi, at mas lalong wala siyang planong umuwi sa kanila. Bahala na. Mag-adventure tayo, sa malayong-malayong lugar.
Sa unang pagkakataon ng gabing 'yon ay napangiti ng konti si Lucie. May nakita siyang isang lumang waiting shed sa di kalayuan. Kaya naman doon siya naghintay.
Nag-dalawang isip pa siya sandali dahil baka anong mangyari sa kanya sa kalokohan niyang ito. Pero basta lang makapunta siya sa isang safe na hotel ngayon, di baleng saan.
Maya-maya pa'y nagsimula nang pumatak ang ulan. Maang na napatingin si Luci sa kalangitan. Kung ganoon, kailangan niya na talagang makaalis doon at maghanap ng matutuluyan ngayong gabi.
Muli siyang nag-abang ng bus.
Hanggang sa may isa ngang bus na paparating. Itinaas ni Lucie ang kamay upang parahin ito.
Huminto rin naman sa harap niya ang bus.
Pinasadahan niya muna ng tingin ang sasakyang bus. Kung hindi siya nagkakamali, ito 'yong mga bagong electric bus sa syudad nila. Tiningnan ni Lucie ang signboard. Papunta ito sa susunod na bayan.
Malayo ang susunod na syudad at kahit kailan ay hindi pa siya nakapunta roon. Ang dahilan, kahit kung tutuusin magkatabi lang ang dalawang bayan, inaabot ng higit limang oras ang byahe. Tsaka, wala naman siyang kakilala roon kaya kahit kailan talaga ay hindi pa siya nakakaapak doon.
Subalit ngayon, isang estrangherong lugar yata ang mas gusto niyang puntahan para magpalamig ng ulo. Alam niya na kalokohan itong spontaneous na byahe niya sa susunod na bayan, pero mas gugustuhin niya na lang na doon na muna manatili kung saan walang nakakakilala sa kanya, at walang babagabag ng loob niya. Siguro naman maraming hotel doon. May naipon naman siya kahit konti eh. Isa pa, long weekend, kaya ayos lang kung di siya agad uuwi bukas. O sa susunod na araw.
Bumukas ang automatic doors ng bus. Sa kung anong dahilan, ay tumindig ang balahibo niya nang salubungin siya ng malamig na hangin.
Sa aircon lang siguro, sabi ni Lucie sa sarili. Umakyat na siya sa bus.
Sinalubong siya ng isang walang kangiti-ngiti na kundoktok. Walang imik siya nitong tiningnan, kaya sinabi na lang niya na sa susunod na bayan siya bababa. Binigyan siya nito ng ticket, saka tumabi para papasukin siya sa bus.
Weird, puna ni Luci sa isipan. Napasulyap siya sa direksyon ng driver. Hindi rin ito tumingin mula sa manibela, pero naiintindihan naman niya iyon. Kaya lang ay pansin niya agad na mukha itong walang tulog, kung pagbabasehan ang maiitim na ilalim ng mga mata nito.
Napailing siya. Sana lang hindi ito makatulog habang nasa daan.
Tumulak na siya papaloob at sakto namang umandar ulit ang bus. Nakahawak siya sa mga sandigan ng upuan habang maingat na naglalakad sa aisle.
Sandali niyang inobserbahan ang mga pasahero.
Halos lahat sa mga ito ay mukhang pagod, inaantok, o nakatitig lang sa bintana. Maliban sa iilang nandoon.
Sa pinakalikod, ay tatlong maiingay na teenagers ang umuukupa sa panghuling upuan. Nagtatawanan ang mga ito at kulang na lang magsigawan. Sa sobrang lakas ng boses ng mga ito ay dinig na dinig anong pinag-uusapan nila.
"...dahil talo ka, ikaw ang mauuna sa loob, Finch!" tatawa-tawang sabi ng isang binatilyo. Kahit bowl cut ang pagkakagupit ng buhok nito, ay bumagay naman sa mukha nito. Nagmukha tuloy itong teenage KPop star.
"Hoy! Andaya niyong dalawa! Bakit ako?! Tsaka--a-alam niyo naman na pag ako ang mauuna, b-baka--" sagot ng isa sa mga teenagers. Magulo ang buhok nitong kulay brown, at may band-aid ito sa gitna ng ilong. Nakataas ang dalawang kamay nito na parang nagmamakaawa sa dalawang kasama, at may mga kaunting bandages ito roon.
"'Wag kang mag-alala, Finch. Baka nakakalimutan mo ako ang pinakamagaling na psychic sa Dacarra National High School--ibig sabihin lang niyon, kahit ano pa mang kakaharapin natin, hindi tayo mapapaano. At baka ngayon ay, sa wakas, mapapatunayan na rin natin ang existence ng Agartha!" sabi naman ng kaisa-isang babaeng kasama nila, na nakaupo sa gitna. Naka-twin ponytails ito, at kinulayan ang puhok ng purple at blonde. Pero ang pinakakakaiba rito ay ang suot nito na ngayon lang nakita ni Lucie sa mahabang panahon--isang goth-punk inspired uniform. May suot pa itong itim na gloves at marami ring borloloy sa katawan.
Nagpatuloy sa pagtatalo ang tatlo na para talagang walang ibang tao roon sa bus. Mukhang ang ibang mga pasahero ay naiinis na sa ingay nila dahil madilim ang mukha ng mga ito, pero wala naman sa kanila ang sumita.
Tumingin si Lucie sa kabilang banda. May isa pa palang unusual na pasahero ang nandoon.
Isang lalaki na nasa 50s na yata ang edad ang maingay na binabalatan ang snacks nito. Mga mani-mani at chicharon yata. Pagkatapos ay pasimple nitong itinago sa ilalim ng upuan ang mga wrappers ng snacks nito.
Ngunit habang kumakain ay napansin nito ang isang bata na nakatitig dito. Tiningnan nito ang mga kinakain na mani, saka nag-aalangang iabot 'yon sa bata. "Gusto mo?"
Ang bata na nakasuot ng ternong damit na pula ay umiling lang. Nagkibit-balikat naman ang matanda saka nagpatuloy sa pagkain at tumingin ulit sa bintana. Ngunit pasulyap-sulyap pa rin ang bata sa kinakain nito, habang idinuduyan ang dalawang nakabitin na mga paa.
Tiningnan ni Luci ang mga kasama ng bata: mag-asawa na may dalang sanggol. Hindi man lang yata napansin ng mga ito ang isa pa nilang anak na mukhang nagugutom na.
Tumabi naman ang matanda. Iyon pala ay may uupo sa tabi nito.
"Excuse me, miss?"
Lumingon si Lucie. Isang gwapong binata na mukhang nakita na niya kung saan ang bumungad sa kanya. Hindi naman ito tumingin sa kanya at pinatabi lang siya. Doon lang din niya na-realize na kanina pa pala siya nakatayo sa aisle kahit umaandar ang bus.
Humingi naman ng pasensya si Lucie saka umabante na. Sa wakas ay nakakita na rin siya ng upuan na wala siyang katabi.
"Ano, natanong mo na?" sabi ng matanda sa lalaki. Umupo ang binata sa tabi nito. "Malapit na ang terminal?"
"Actually, hindi pa raw ho," sagot ng lalaki.
"Ano palang sinabi ng driver?" sabi ng matanda.
"Wala," sabi ng lalaki.
"Wala?!"
"Wala. Hindi niya yata narinig ang tanong ko," sabi nito. "Di ko na lang pinilit. Nagmamaneho, eh."
"'Yung kundoktor?"
"Tulog."
Narinig pa ng buo ni Lucie ang usapan ng mga ito kahit nasa malayo na siya. Eh paano, ang lalakas ng boses ng mga ito at ang tahimik ng ibang pasahero. Nang tingnan ni Lucie ang mga teenagers sa likuran para alamin bakit tahimik na ang mga ito ngayon, ay hindi na naman siya nagulat. May pinapanood yata sa tablet ang mga ito.
Umupo siya sa kaisa-isang bangko roon na bakante. Pasalamat na rin siya at wala siyang katabi, so kung pipiliin niyang umiyak or maiyak talaga siya bigla, ay walang makakakita sa kanya.
Inabala niya ang sarili sa pagtingin sa bintana.
Habang nakatanaw siya sa labas, ay nagsimula nang umulan. Pinanood niya ang pagtulo ng mga patak ng ulan sa bintana, habang sumasayaw ang mga blurred na ilaw mula sa mga poste sa ibayo niyon.
Bumilis ang pagtakbo ng bus, papaakyat sa overpass.
Hindi nagtagal ay nakaramdam siya ng antok.
Hindi alam ni Lucie kung anong nangyari. Suspetsa niya ay binabangungot siya.
Nakarinig siya ng mga sigaw. Mga iyak. At mga taong nagkukumahog na tumayo. Makalabas. Hindi talaga siya sigurado anong nangyayari. Masyadong magulo ang mga nakikita niya sa isipan.
Basta, ang sunod na lang niyang namalayan ay napasinghap siya.
Nang magising siya ay napatingin siya sa paligid. Isa-isa na palang nagbabaan ang mga pasahero, hanggang sa iilan na lang silang natira.
Nakita niya 'yong bata na papalabas ng bus. Panay ang lingon nito sa likod. Sandaling nagtaka si Lucie kung nasaan ang mga magulang nito. Hindi niya yata nakikita? Ngunit pagtingin niya sa bintana ay nakita niya ang mag-asawa na nasa labas na at naglalakad papalayo, na parang hindi man lang napansin na naiwan ang isang anak nila.
Kunot-noo siyang napatayo para puntahan ang bata, ngunit agad itong bumaba at tumakbo papunta kung saan.
Sunod ay nakita niya ang matanda. Kinuha nito ang bag sa itaas ng mga upuan, at sinuot ang makalumang sombrero nito, saka lumabas na rin.
Ang tatlong teenagers sa likuran naman ay parang kagigising lang yata rin. Hula niya ay naunang magising ang binatilyong may bowl cut na buhok at ginising na lang ang dalawang kaibigan nito. Nagkukumahog naman ang mga itong kunin ang mga gamit, saka tumayo na para lumabas.
Siya na lang talaga ang naiwan sa bus, kaya naman ay napag-isipan niyang bumaba na rin. Nasa terminal na ba sila? Hindi rin siya sigurado.
Maya-maya pa'y muling umakyat ang lalaking nakita niya kanina. Bumalik ito sa inuupuan nito at ng matanda, saka kinuha ang mga gamit.
Sandali silang nagkatinginan ni Lucie. Tingin niya ay ngumiti yata ito, pero dahil malayo na ito ay hindi rin siya sigurado. Inilayo na lang niya ang tingin baka kasi kung anong isipin nito.
Dahil siya na ang huling naiwan sa bus ay bumaba na lang siya. Ngunit, nang tumapak na siya palabas ng bus, ay nasorpresa siya sa nasilayan.
Isang maganda, maliwanag, at magarang gusali ang nasa harapan nila. At nakalagay sa signage nito ang pangalan ng hotel.
Hotel d'Nilfheim.