EPISODE 1
The Weirdo Trio
Masayang lumabas si Mavis ng classroom. Pagkatapos kasi ng ilang buwan, ay sa wakas—
"Malaya na rin ako! Walang exams, walang late-night study, at higit sa lahat, wala nang makakapigil sa'kin na manood ng anime walang sa—uh, I mean, unlimited time for all my hobbies!"
Tumawa pa siya na parang kontrabida sa isang anime. Iniayos niya ang bangs na tumakip sa isang mata niya at tiningnan ang grounds ng eskwelahan sa ibaba. Ngumisi siya. Sa wakas, ay hindi niya na ulit makikita ang paaralang ito dahil tapos na ang school year. Next year pa siya magpoproblema sa boring na paaralang ito na walang nakakaintindi sa kanya. Well, kung papalarin at matanggap siya sa VA academy na ina-pplyan niya sa Japan, hinding-hindi na siya babalik dito magpakailanman.
Ngunit mapuputol lang ang pagpapantasya niya nang banggain siya sa likuran ng mga classmate na naglabasan na rin mula sa classroom.
"Hay naku. 'Wag ka ngang haharang-harang sa pinto, Mendoza," sita ng isa sa mga classmates niyang lalaki. Umiling ito.
Humagikgik naman ang babae nitong kasama. "Ang weird niya talaga."
"Bye, weirdo!" sabi naman ng isa pa. "So, sa Seaside Club tayo?"
"Tara!"
Sinundan naman ito ng asar na tingin ni Mavis habang papalayo ang mga ito. Halos kalahati yata ng mga classmates niya ay nandoon sa umpukang 'yon.
"Tsk. Boring lang kasi kayo," bulong niya. Iniling niya ang ulo niya saka huminga ng malalim. Sa loob ng ilang taon niyang pananatili sa eskwelahang 'yon, ay nasanay na naman siya sa pambu-bully. Well, sort of.
"Aray!" reklamo niya nang may bumangga na naman sa kanya.
"Ooops. Sorry. Hindi kita napansin. Akala ko si Sadako, eh."
Lumingon siya at nakita niya ang nakakaasar na mukha ni Ezio Raimei—ang transferee nilang kaklase na galing daw ng Italy. At dahil nga galing ito sa abroad, mayaman na, at gwapo daw, marami agad itong tagahanga.
Pero kay Mavis, tinik lang ang dala nito sa kanya.
"Huh. Eh paano mo ba naman kasi mapapansin ang mga tao sa paligid mo kung ganyan kahaba ang bangs mo?" sagot niya.
"Ah. Wala ka na bang maika-comeback ngayon at talagang buhok ko na ang pinagdidiskitahan mo?" sarkastikong tugon nito. "Naiinggit ka lang yata sa buhok ko. Well, I can't blame you for having such a slick and oily hair."
Tsk, ani Mavis na lalong sumama ang timpla. Sinipat niya ang pinagmamalaking buhok nito.
"Hindi ako maiinggit sa lalaking piniling maging kamukha ang isang lampaso," sagot niya. Nawala ang ngiti nito, kaya siya na naman ang ngumisi. "Ikaw tong galing Italy pero 'yang buhok mo parang medieval monk ang gumupit. Hula ko kaya ka nagsusuot lagi ng beanie ay dahil sa may kalbo diyan sa ulo mo, no?"
"Tch," sabi nito. "Wala akong panahon na makipagtalo sa isang walang fashion sense na gaya mo. Paano ka ba pinapapasok ng security guard kung nakasuot ka lagi ng black shirt sa loob at black din na jacket. Hindi mo ba alam na summer ngayon?"
Si Mavis na naman ang nawalan ng ngiti. Tinitigan niya lang ito. Actually, isang beses siyang hinila ng gwardya noong enrollment dahil akala nito na hindi siya taga-roon sa eskwelahan nila. Wala kasi silang pera pampatahi ng bagong uniform noon kaya nagsuot na muna siya ng casual outfit—consisting of black shirt, black na pantalon, at black na sumbrero. Naalala niya kung paano siya naiyak noon dahil sa sobrang pagkapahiya.
"Ah. Oo nga pala. Hindi ka nga pala pinapasok noong first day of school dahil imbes na prescribed uniform ng eskwelahan, uniform ng kulto niyo ang sinuot mo. Diba? Umiyak ka pa nga, eh."
Lalong nainis si Mavis sa sinabi nito. Gusto niyang sapakin ang nakangiting mukha nito. Hindi niya alam na nakita pala nito iyon. Syempre, hindi naman niya sasabihin dito ang totoo na hindi siya nakabili agad ng uniform noon ay dahil walang pera ang mga magulang niya.
At itong taong ito, kung makapanlait, akala mo talaga kung sino.
"Huh. Pagdating talaga sa'yo okay lahat ang mga teachers, no? Hindi ka nila sinisita kahit lampas-tenga na ang buhok mo," sabi niya. "Sabagay, parents mo nga pala ang sponsor ng paaralang ito, kaya naman kaya mong gawin lahat."
Sa sinabi niyang iyon ay dumilim ang mukha nito na para bang may nasagi siyang hindi dapat masagi. For some reason, ay natuwa si Mavis sa sarili niya. Hindi makasagot si Ezio sa sinabi niya, kaya naman ay ngumisi siya. Panalo niya ito.
"Oy. Nag-aaway na naman ba kayo?"
Sumilip si Mavis sa likuran ni Ezio at nakita niyang lumabas na rin sa wakas ang best friend niyang si Finch. Or, at least he used to be.
She guessed.
"Ha? Tinatanong ko lang naman si Mendoza kung kumusta ang exams niya. Pero pinagsalitaan niya na naman ako ng masama," ani Ezio. Sinamaan ito ng tingin ni Mavis. Ang bilis nitong makabawi.
"Mavis naman." sabi ni Finch. "Sabi mo susubukan mo siyang pakisamahan, diba?"
Inirapan ito ni Mavis at tumalikod. "Hmph."
Best friends sila ni Finch mula pagkabata. Halos hindi sila mapaghiwalay. Ngunit, simula nang dumating si Ezio sa school nila, ay nagbago ang lahat.
Naging magkaibigan na rin ito at si Ezio. Actually, nagsimula lang naman 'yon nang atasan ng nanay ni Finch na sama-samahan nito si Ezio dahil wala itong kaibigan. Pakiramdam kasi ng nanay nito—na teacher din ng paaralan—ay kailangan nilang pakisamahan ang transferee. At ang anak nitong si Finch ang inatasan nito.
Hindi na siya sumagot sa sinabi nito. Kung hindi lang talaga sila magsasabay sa pag-uwi at kung hindi lang talaga ito ang best friend (at one and only friend niya) ay nag-walk out na siya papunta sa kung saan.
"Tapos ka na magligpit sa loob?" tanong ni Ezio.
Suplado si Ezio sa lahat ng mga estudyante sa eskwelahan—maliban kay Finch. Bagay na ipinagtataka ni Mavis noong una dahil masama talaga ang ugali nito. Oo, hindi naman exclusive sa kanya ang bullying nito. Ngunit siya lang ang natataon dahil siya ang laging kasama ni Finch.
Noong una nga ay pinagsasabihan din nito ng masama si Finch ng harapan pa. Tinatawag na lampa at tanga ni Ezio sa PE classes nila. Sa katunayan ay 'yon ang unang engkwentro nilang dalawa dahil pinagtanggol niya si Finch dito. Pero inawat siya ni Finch at napagsabihan pa. Malalaman din niya kung bakit: dahil pala pinipilit ng mama nito na kaibiganin nito si Ezio.
Pero na-realize din ni Mavis na baka dahil sa likas na kabaitan ni Finch kaya naman hindi nagtagal ay parang naging magkaibigan na rin ang dalawa.
To the point na nahahati na ang oras ni Finch sa kanya na tunay na best friend, at dito sa mayamang linta na ito.
Kumunot ang noo ni Mavis sa naisip. May mayaman palang linta? Huh.
"Wala naman masyadong lilinisin eh, kasi tumulong naman ang ibang cleaners," sabi ni Finch. "Hinanap ko lang 'yong ballpen ko kasi nawala bigla."
"Tangengot. Ayan o," sagot ni Ezio.
"Ah! Oo nga! Nasa tenga ko lang pala," sabi ni Finch na natawa. "Salamat!"
"Sa susunod, 'wag kang tangengot. Kanina ka pa naghahanap, nasa iyo lang pala," sabi ni Ezio.
Nagsalubong ang kilay ni Mavis. Sinong nagbigay dito ng karapatan na laitin si Finch kung ito nga lang ang tumitiis sa ugali nito?
Lumingon siya, pero saktong narinig niya ang sunod na pinag-usapan ng dalawa.
"Tara na," sabi ni Ezio.
Tumango si Finch. "Uh-hm!"
Humarap si Mavis ng buo sa dalawa. "T-teka lang. S-sabi mo Finch diba na sasama ka sa'kin ngayon doon sa Mini Comic Con sa mall?"
Sasagot na sana si Finch pero naunahan ito ni Ezio.
"Ngayon ang showing ng Mad King Legacy, baka nakakalimutan mo?" anito kay Finch.
Napanganga si Mavis. Aba 'tong—!
"Uhm—" ani Finch na halatang naiipit sa dalawa. "'W-wag na lang tayong pumunta roon."
"Saan? Sa Comic Con?" ani Ezio.
"Sa sine?" sagot ni Mavis na hinamon ng tinginan si Ezio.
"A-actually, may naisip akong pwede nating ibang gawin," sabi ni Finch na ngumiti ng konti.
"N-natin?" kabadong ulit ni Mavis na tiningnan si Ezio.
"Kasama siya?" sabi ni Ezio na tinuro si Mavis.
Bumuga ng hangin si Finch. "Oo naman. Syempre, kaibigan ko kayo pareho, kaya mas maganda kung magkasama tayong lahat gumala. Tutal, end of school year na rin naman, diba?"
Umiling-iling si Ezio habang nag-groan naman si Mavis.
"Sige na! Please?" sabi ni Finch. "Kahit ngayon lang? Baka naman—kapag nagkasama kayo, eh—makikita niyo na hindi naman pala ganoon kasama ang isa't-isa, diba?"
Sinamaan ng tingin ni Mavis si Ezio. Tumingin din ito sa kanya nang malamig.
Hmph, ani Mavis. "Sige na nga. Pero kung ayaw niyang sumama?" aniya na umasa pa talaga na magkatotoo 'yon.
"Sasama ako," sagot nito na ikinainis niya. Ngumisi naman ito sa kanya.
"Yes!" tuwang-tuwang sabi ni Finch. Pareho silang inakbayan nito. "Sigurado akong matutuwa kayo sa pupuntahan natin!"
***
"Tsaraan! Ito ang pinakabagong tourist destination dito sa atin: ang Super Perya!" masayang-masayang presenta ni Finch pagkarating nila sa pupuntahan nila.
Napanganga naman si Mavis nang tumingala siya sa kinaroroonan nila. Sa harapan nila ay isang may kataasang makulay na gate, ngunit hindi niyon magawang maitago ang ibang mga nasa loob: ferries wheel, roller coaster rides, at iba pang mga rides. At sa di kalayuan naman ay isang gate na drinawingan at pininturahan ng iba't-ibang imahe ng fantastical creatures. Hindi masyadong maganda ang pagkakaguhit, lalo na sa drawing daw ni Pikachu na mukhang horror mascot sa laki ng mga mata nito at sa lawak ng ngisi.
Napa-snort naman si Ezio sa tabi niya. Nawala ang ngiti ni Finch.
"B-bakit, hindi niyo ba nagustuhan?" sabi ni Finch. "Marami kasing rides dito kaya naman naisip ko na dito na lang tayo gumala pagkatapos ng klase. Tsaka—kita niyo—bumili na ako ng tickets o—"
Itinaas naman ni Finch ang mga tickets nga nito. Bumili na pala talaga ito bago pa sila pumunta roon.
"Seryoso ka ba? Dito tayo?" sabi ni Ezio. Para namang na-offend si Finch sa sinabi nito. Tinaliman ito ng tingin ni Mavis. "Ang—ibig kong sabihin, sasakay tayo ng rides na parang mga bata? At sa rides pa na parang kinakalawang na."
Napasulyap sila sa ferries wheel na halatang luma na nga.
Hindi agad nakasagot si Finch. "P-pasensya na. Ito lang kasi ang pinakabago rito sa amin, eh. W-wala kasing theme park dito gaya doon sa—ibang bansa."
Bakas naman sa tono ni Finch na parang nadismaya ito sa reaksyon ni Ezio. Habang si Mavis, na umusbong na naman ang labis na inis kay Ezio lalo na sa ginagawa nito sa best friend niya, ay hinarap ang kaklase.
"Pasensya naman kung hindi ito pasok sa taste mo, mahal na prinsipe," sarkastikong sabi ni Mavis. "Tulad ng sabi ni Finch, ang tanging mga tourist spots lang dito ay mga resorts, mall, at mga park. Wala pong Disneyland dito sa amin, kaya pasensya naman kung na-disappoint ang expectations niyo."
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin, tangengot," sabi nito. "Ang akin lang, sa lahat ng pwede nating gawin, ang sumakay talaga sa ferries wheel?"
Naghalukipkip si Mavis. "Bakit? Hindi lang naman ang ferries wheel ang pwedeng sakyan diyan, ah? Mayroon namang roller coaster at marami pang iba sa loob, surely. O baka naman—natatakot ka lang talaga na sumakay sa rides?"
Nawala naman ang ngiti sa mukha ni Ezio. Pero tumawa rin ito ng pagak.
"Kung gusto mong mag-rides, mag-rides ka mag-isa mo," sabi nito. Kay Finch: "Okay, kung gusto mo talaga diyan sa perya, sige. Pero ano pa bang pwedeng gawin sa loob?"
"Hmmm," ani Finch. "May mga pa-games, gaya ng shoot the duck at lottery," sabi ni Finch. "Pero naka-uniform kasi tayo, baka—"
"Ayos lang. Ako nang bahala," sabi ni Ezio. "Tara."
"Huh," tutol ni Mavis. "Games talaga, Finch? At—sugal? B-baka mahuli tayo."
"Nag-aalala ka ba talaga na mahuli tayo, eh ikaw nga lang ang hindi nakasuot ng full uniform sa ating tatlo, eh," ani Ezio. "Ang sabihin mo lang, wala ka sigurong pambayad sa mga games."
Hindi makasagot si Mavis at sinamaan lang ito ng tingin. Ngumisi si Ezio.
"'Wag kang mag-alala. Ililibre ko naman si Finch eh, kahit may baon siguro siya. Pero ililibre na lang kita, gusto mo?" anito.
"H-hindi 'yon. Tsaka, pupunta na nga lang tayong perya, hindi pa tayo sasakay ng rides? Sayang din naman ang mga tickets ni Finch na nabili na," sagot ni Mavis. "O baka nga takot ka lang talaga na sumakay sa mga 'yan, ha?"
"Are you calling me a coward?" galit na tanong nito.
"Are you?" hamon ni Mavis.
"Guys, guys!" awat ni Finch. "Kung hindi talaga kayo magkasundo kung anong gagawin natin sa perya, m-mag-mall na lang tayo. O umuwi na lang tayo. Kaysa mag-away kayo ng away dito!"
Nagsukatan pa ng tingin sina Mavis at Ezio. Hinihintay niya na sumuko ito, pero matigas talaga ito.
Kaya naman ay umabante na talaga si Finch at pumagitna sa kanila. Tumiyad si Mavis para tingnan si Ezio. Sumilip din naman si Ezio sa pagitan ng braso at katawan ni Finch para matitigan siya pabalik.
"Seriously, guys?" reklamo ni Ezio.
Maya-maya pa'y may grupo ng mga estudyante ang papasok rin ng peryahan. Nag-uusap-usap ang mga ito.
"Dito tayo sa horror house, o!" sabi ng isa. "Diba ito 'yong pinakabago nilang attraction?"
"Oo nga! Sige, sige!"
"H-hoy! Seryoso kayo? Nakakatakot daw talaga doon! Pupunta talaga kayo?"
"Decorations lang naman 'yon, eh."
"At mga taong naka-costume. Kaya walang mangyayaring masama. Tara na!"
Napahinto naman ang mga estudyante nang makita silang nakaharang. Ngunit dahil hindi talaga sila tuminag, ay ang mga ito na lang ang nag-adjust at umikot sa gilid nila habang nagrereklamo.
"Guys pinagtitinginan na tayo ng mga tao, o," sabi ni Finch.
"Sa sobrang kaduwagan mo siguro, pati siguro sa horror house hindi ka papasok, no?" kutya ni Mavis.
"Hindi ako duwag. Maingat lang. Isa pa, anong klaseng engot ang matatakot sa mga taong naka-costume lang?" sabi ni Ezio. "Pupusta nga ako na hindi ka makakatagal sa loob ng horror house, eh."
"Huh. Tinapos ko ang Insidious series ng ako lang sa bahay, mag-isa, at walang ilaw. At isa lang 'yon sa horror movie collections ko," sabi ni Mavis. "Imbes na pumusta, ibigay mo na lang ang pera mo kasi dito pa lang panalo na ako, duwag."
"Oh? Hinihingian mo na ako ng pera? Sabi ko na nga ba pera lang ang problema mo, eh," sagot nito pabalik.
Mas lalong uminit ang ulo ni Mavis. "Don't change the subject."
"I'm not. Sige, game. Patagalan sa horror house. Ang talo, gagawin ang dare ng mananalo. Ano, deal?" sabi ni Ezio na inialok ang kamay.
Tiningnan 'yon ni Mavis saka inis na hinampas. "Deal."
Ngumisi si Ezio pero hindi 'yon umabot sa mga mata nito.
"It's done then. Mamaya ko na sasabihin ang dare pag natalo ka na," sabi nito.
"Ako rin," sabi ni Mavis. Inilayo na ni Ezio ang tingin saka tumulak na papunta sa gate ng perya.
Si Mavis na nakitang paraan 'yon para mautusan ito ay naglakad na rin papunta sa peryahan na parang susugod ng gyera.
Habang si Finch ay naiwan doon sa kinatatayuan nito. "Guys? P-pupunta talaga tayo sa horror house? Pwedeng sa iba na lang? Hoy!"
Ngunit sa dami ng tao ay hindi na ito narinig ng dalawa.
***
Sa loob ng perya ay hinanap nila ang kinaroroonan ng horror house. Malapit nang gumabi kaya nagsimula nang dumilim ang kalangitan, ngunit kasabay niyon ay pinailawan na rin ang mga stalls na nandoon. Namangha naman si Mavis sa makukulay na liwanag sa paligid.
Hindi naman nila inaasahan na sa likod ng "cheap" na pader sa labas ay isa palang malaki at maingay na perya. Marami ngang mga tao, eh, na di in-expect ni Mavis dahil mukha naman kasing walang pupunta sa mga lugar na ganito in this day and age of mall arcades and private game rooms.
"Not bad," komento ni Ezio sa tabi ni Finch. Inis na napalingon si Mavis dito. Naunahan siya! "Sorry I misjudged. Looks weird, but I've never been in a place like this, so--"
"Sabi ko na nga ba magugustuhan mo! Dito lang sa'tin ang merong ganito, alam mo?" sabi ni Finch. Pinanlisikan ng mata ni Mavis si Ezio. Pakiramdam niya ay hindi pa rin nito gusto ang lugar, pero para lang magpasipsip kay Finch ay sinabi nito 'yon. Ngumisi lang ito sa kanya, bagay na lalo pang nagpasalubong sa mga kilay niya. "Ikaw, Mavis? P-pasensya na, alam kong hindi ito ang usual na hang-out place natin, pero--okay lang naman sa'yo, diba?"
"Oo naman," sabi ni Mavis. Naghalukipkip siya. "Sa katunayan, excited na nga akong libutin ang perya, eh. At sumakay sa mga rides."
Tsk, aniya sa isipan habang nakangisi kay Ezio. Nawala ang ngiti nito kanina.
"So--hindi na ba tayo pupunta sa horror house?" masayang tanong ni Finch.
"Syempre naman, dadaan pa tayo doon, no," sagot ni Ezio. "I mean, that's the reason we came in the first place, right?"
Bumagsak ang balikat ni Finch. Alam ni Mavis na hindi fan ng horror ang best friend niya, kaya naman ikinainis niya na namimilit si Ezio na pumunta roon.
"Hindi naman natin kailangang pumunta roon na. Tutal, marami naman palang attractions dito. Mag-rides na lang tayo, gaya ng plano talaga ni Finch, diba?"
For some reason ay sumama ang timpla ni Ezio. Kahit wala itong sinasabi ay halata naman sa mukha nito. Bagay na ikinasiya ng konti ni Mavis.
Lingid sa kaalaman niya ay sumulyap ng matagal si Finch sa kanilang kaklase na may halong pag-aalala.
"Pwede rin naman. Kung ayos lang sa'yo, Ezio?" tanong ni Finch.
Nagsalubong ang kilay ulit ni Mavis. Hmph! aniya sa sarili. Bakit ba lagi na lang nitong tinatanong si Ezio kung anong gusto nito? Habang tumatagal ay lalo siyang naiinis kay Ezio, at nakakaramdam ng kaunting pagtatampo kay Finch.
"Pero kung ayaw mo rin naman, sa iba na lang tayo. Tutal, pwede naman nating palitan 'yon ng ticket para sa ibang attractions dito, eh," anito kahit hindi naman umimik si Ezio. Nakatitig ito sa roller coasters, pero agad din nitong inilayo ang tingin. "Games, Mavis? May gold fish catching doon, baka gusto mo?"
"A-ayoko," sabi niya. "H-hindi ako mahilig doon."
Lumapit ito at bumulong sa kanya. "Papautangin na lang kita. Ayos lang naman, eh."
Hindi naman makasagot agad si Mavis. Kilala talaga siya nito.
"Kung wala kayong pambayad, ililibre ko na lang kayong dalawa," singit ni Ezio nang hindi pa rin tumitingin sa kanila. "Kahit ikaw."
Ngumisi ito sa kanya.
"'Wag na lang no. Ayokong magkautang ng loob sa isang may masamang loob," sagot niya. "Kung ayaw mong sumakay sa rides, maiwan ka na lang ditong mag-isa. Kaysa naman masayang ang mga tickets ni Finch dahil lang masyado kang choosy."
Nagsalubong ang kilay nito. Hala, nagalit niya talaga yata, sabi niya sa sarili na natakot ng kaunti sa itsura nito. Kaunti lang naman.
Tumalikod ito. "Tsk. Bahala kayo. Uuwi na nga lang ako. Libre na nga, eh."
Naglakad ito papalayo, papunta sa direksyon ng gate. Napangiti ng konti si Mavis. Panalo siya.
Ngunit nawala rin iyon dahil agad itong sinundan ni Finch. "Ezio! Teka lang--"
Sa hindi kalayuan ay nakita ni Mavis na nag-uusap ang dalawa. Parang pinapakiusapan ni Finch si Ezio na manatili na muna. Sumimangot siyang lalo dahil hindi niya talaga maintindihan ang kaibigan. Ezio had been nothing but rude to him. Bakit ba ang effort-effort ni Finch dito?
Hindi niya naman maamin na ang main reason sa pagkayamot niya kay Ezio ay dahil nagseselos siya sa kaibigan.
Nagkibit-balikat si Ezio. "Sige na nga."
Oh? ani Mavis sa isipan. Napapayag ito ni Finch na sumakay sa rides kahit halatang ayaw naman nito? Nagsimula na sanang mabilib dito si Mavis ng konti dahil pinagbigyan nito si Finch, kaya lang ay mabubura rin iyon agad.
Kita niya ang pagngiti ni Finch na parang na-relieve. "Yes! Ipapa-convert na lang natin 'tong tickets para makapasok na tayo sa h-horror house."
Huh! ani Mavis sa sarili. Sa huli, si Finch pa rin pala ang nag-give way! Ang selfish talaga nito.
Sinamaan niya ng tingin si Ezio. Kumunot lang ang noo nito na para bang nagtatanong bakit galit siya.
"Sa horror house tayo gaya ng unang napag-usapan," sabi ni Finch.
"P-pero--"
"Magiging okay lang ako. Tsaka, sabi niyo nga, mga tao lang naman 'yon na naka-costume," sabi nito na may ngiti.
Ngunit alam ni Mavis na parang pinipilit lang nito 'yon. Kaya naman, lalo lang siyang nayamot kay Ezio.
Kahit naaasar ay nilunok na lang niya ang pride at siya na sumuko. "S-sa games stand na lang tayo--"
"Bakit? Natatakot ka na bang pumasok sa horror house ngayon?" sabi ni Ezio. "Game na si Finch, o."
Tinuro nga nito si Finch. Inis na tinapunan ng tingin ni Mavis si Ezio. Prick.
"Tara na. S-siguro naman mag-eenjoy tayo doon," sabi ni Finch. Tinanguan siya nito.
Wala namang magawa si Mavis kung hindi sumama na lang. Kapag kasi nakapag-decide na si Finch, hindi na ito makukumbinsi.
***
Madilim sa loob ng horror house.
Ang mga tanging pailaw lang sa loob ay mga mumunting light bulbs na kulay green para bigyan ng nakakatakot na atmosphere ang paligid.
Maingat na naglalakad sina Mavis, Finch, at Ezio sa maze-like corridors ng horror house. Maya-maya ay may nakikita silang mga horror decorations: mga paniki, mga puting telang nakalutang na ginawang multo-multuhan, torture devices, mga putol na bahagi ng katawan ng tao, at marami pang iba.
"BAHHHHH!"
Isang manananggal ang biglang nahulog mula sa kisame. Muntik nang napatili si Mavis sa gulat, ngunit si Finch ay napasigaw talaga at nagtago pa sa likuran niya. Samantala, bored lang na nakatingin si Ezio sa manananggal.
Tumawa ito. "Hah! Papaslangin ko kayo at kakainin, mga bata!"
Lumapit pa ito sa kanila hanggang ka-face to face na silang tatlo nito. Well, sabi ni Mavis sa sarili, except sa unbelievable costume nito kasama na ang intestines na kuno ay nakabitin mula sa kalahati ng katawan nito (mukha kasi lang 'yong kinulayang tubo), ay nagulat siya nito. Kaya naman ay ngumiti lang siya. In fairness naman sa performance nito. Kaya lang--
"Ang baho naman ng hininga mo," sabi ni Ezio habang tinatakpan ang ilong. "Wala bang rules and regulations ang horror house tungkol sa hygiene ng mga staff?"
Hindi agad makasagot ang manananggal. Kahit naka-makeup ito ng warts at sugat-sugat ay halata namang na-offend ito.
"Uh--" mahinang tugon ng kawawang staff. "Kakahapunan ko lang naman, eh--"
"Tch. Sa lagay nito, mas nakakagulat ang bad breath mo kaysa sa character mo," sabi ni Ezio na nilampasan ang manananggal. "Let's just move on."
Sinundan naman ni Finch si Ezio, habang si Mavis si Finch papunta sa next part ng horror house. Sumulyap pareho sina Finch at Mavis para humingi ng pasensya sa staff. Kahit sa kapal ng make-up at gulo ng buhok nito, kita pa ni Mavis ang namumuong luha sa mga mata nito.
Naawa tuloy siya.
Habang nainis siyang lalo kay Ezio.
Gusto niya sana itong awayin dahil doon, pero mukhang hindi rin naman ito makikinig. At baka mauwi na naman sa gulo sa pagitan nila.
Kung inakala niya na iyon lang ang huling panglalait na gagawin ni Ezio sa mga staff, ay nagkakamali siya.
"Huh. Paano ako mapapaniwala na prinsesa siya kung kamukha niya 'yung witch?" komento niya sa babaeng naka-costume na Snow White.
"Ang tanda mo para maging Dracula," anito naman sa isang staff na vampire. "Tsaka, school uniform ba 'yang ginawa mong cloak?"
"Si Edward 'yan, 'yung sa Twilight!" bulong ni Finch. Hindi naman makapagsalita ang staff na halatang nasaktan sa sinabi nito.
"Hindi ko kilala," sabi ni Finch. "At kung kilala ko man, malamang hindi rin sila magkamukha."
"Finally. Isang believable na zombie," sabi nito sa isang staff.
Tumigil sa kama-mop ang staff. Nang makita ni Mavis ang ID nito ay nanlaki ang mga mata niya at binalingan si Ezio.
"Janitor ako dito!" sagot ng staff. "Bulag ka ba?"
Hindi sumagot si Ezio. Asar na dinampot ng janitor ang baldeng stainless steel nito at nilayasan sila habang panay ang pagmumura sa kanila na mga "walang modong bata".
Naubos na ang pasensya ni Mavis kaya naman ay hinarap niya si Ezio. Buti na lang ay nasa medyo tago silang parte ng horror house kaya naman walang dumadaan at wala ring staff. Doon kasi ang lagayan ng generator.
"Mavis--" pigil ni Finch. Akala yata nito ay susuntukin niya si Ezio. Pero marahan lang niyang pinatabi ang kaibigan.
Tapos kay Ezio:
"Pwede bang tumahimik ka na lang? Kailangan mo ba talagang bastusin ng ganoon ang mga staff?"
Nagsalubong ang kilay nito. "Bilang customer, karapatan ko naman siguro na mag-komento sa ameneties at performance nila. So they make it better."
"Pasensya naman kung hindi ito ka-believable gaya ng mga special effects sa Hollywood," sarkastikong tugon nito. "Perya lang po kasi ito na katuwaan ng mga ordinaryong tao."
Pumalatak ako. "What exactly did I say na 'kabastusan' according to you? Totoo lang naman ang mga sinabi ko. Isa pa, they're just ripping off people. Ang mahal ng entrance fee nila, tapos zero effort sila sa costume at decoration? And if you noticed binabarat nila ang mga tao."
Lingid sa kaalaman nila ay may pumipitik sa generator. Mga sparks ng kuryente. Ngunit dahil nga abala sila sa pagtatalo ay walang nakapansin sa kanila ni isa.
"Naghahanapbuhay ang mga tao rito, ano ka ba?" sabi ni Mavis. "You're unbelievable."
"Guys--" pigil ni Finch.
"You're just stupid." Si Ezio.
"Anong sabi mo?" gigil na tanong ni Mavis.
"I said you are too stupid to notice and say anything," sabi nito. "And this place should just shut down."
"Okay, stupid na! At least hindi ako matapobre at mayabang kagaya mo," sagot niya.
Lalong nagsalubong ang kilay ni Ezio.
"Guys, tama na nga!" pigil ni Finch na pumagitna na. Ngunit saktong gumalaw ito, ay nagbrown-out bigla.
Gulat na napatingin si Mavis sa paligid kahit wala namang siyang nakikitang kahit na ano. Anong nangyayari?
Sa malayo ay may mga narinig siyang tili. Kung hindi rin siya nagkakamali, nakarinig din yata siya ng malakas na ingay. Kulog ba 'yon?
"Ayos ka lang?" sabi ng boses ni Ezio.
"O-oo. Salamat," sagot ni Finch.
Kumunot ang noo ni Mavis. Ano bang nangyayari? "Finch?!" tawag niya.
"A-ayos lang ako, Mavis. M-muntik lang akong nadapa," sabi ni Finch. "A-ano kaya 'yung nasagi ko?"
"Nasagi?" sabi ni Mavis.
"May nasagi kasi ang paa ko kaya muntik akong nadapa. Parang lubid yata--" ani Finch.
"Wire yata 'yon. Bakit ba kasi tayo tumigil sa may generator," sagot ng boses ni Ezio.
"Wire?" gulat na tanong ni Finch. "S-so, ibig sabihin--"
"Tara na," utos ni Ezio.
"Pero, hindi ba natin ibabalik muna ang wire?" sabi ni Finch.
"May nakikita ka?" tanong ni Ezio. "Tsaka alam mo saan isasaksak ang wire? Makukuryente ka lang."
"P-pero--"
"Hayaan mo na ang staff diyan. Mas alam nila iyan, tara na!" sigaw ni Ezio. Inilabas nito ang cellphone at lumingon sa kanila. "Magpapaiwan kayo dito? Sadako?"
Mula sa maliit na ilaw na nagmumula sa flashlight ay napansin ni Mavis na nakatitig pala si Ezio sa kanya. Hindi naman siya makasagot agad.
"Tara na," utos nito. Tinapik nito si Finch, habang hinila naman siya ng best friend papalayo roon.
Binagtas nila ang daanan palabas ng horror house. Inilabas na rin ni Mavis ang lumang cellphone niya para pailawin ito. Pati na rin si Finch ay nagpalabas na rin ng cellphone. Bahala na si Ezio kung lalaitin nito ang pinaglumaang cellphone na bigay ng mama niya noong birthday niya. Ngunit buti na lang ay wala itong sinabi.
Kahit sa dilim ay mabilis na iginiya ni Ezio sina Finch at Mavis sa masikip na perya. Buong perya pala ang nawalan ng ilaw. Halos wala silang makita sa dilim, ngunit kinabahan siya nang marinig ang boses ng mga tao. Nagpapanic ang mga ito. Hindi naman siya nagulat dahil natural magpapanic talaga ang mga tao. Pero nababahala kasi siya sa kung anong dahilan.
Doon ay narinig niya ang pagbulong ni Finch sa kanya.
"Mavis. Kasalanan ko yata 'yong brownout," sabi nito.
"Huh?" aniya.
"Muntik na akong madapa dahil nasagi ko 'yung wire," esplika nito.
"Sssh," sita ni Ezio.
Hindi nagtagal ay nakaabot na rin sila sa gate ng perya sa tulong ni Ezio. Sa labas ay medyo maliwanag na, pero dahil 'yon sa ilaw na nagmumula sa mga dumadaang sasakyan.
Maya-maya, ay may isang bus ang paparating.
Agad 'yong pinara ni Mavis. Kahit hindi niya binasa ang plaque card.
Huminto ang sasakyan sa harapan nila.
"Sakay na tayo, bilis," sabi ni Mavis. Napatingin naman ang dalawang lalaki sa kanya, na parang nagtatanong kung saan sila pupunta. Ngunit sa halip ay marahan lang na tinulak ni Mavis ang likod ng mga ito pasakay sa bus. Kahit na si Ezio.
Nang makaakyat na ang dalawa sa bus, sandaling napalingon si Mavis sa perya.
Gaya ng ikinakabahala niya, ay may mga nakita siyang tao na papunta sa kinaroroonan nila. Nakarinig din siya ng mga malalakas na boses, sigawan, at may mga umiiyak din.
Ngunit ang lalong ikinatakot niya ay nang makitang hindi na rin gumagalaw ang ferries wheel at roller coaster.
Nanlamig siya, saka tumalon paakyat ng bus.
Saktong nakasakay na siya ay umandar din ito. Muntik na siyang natumba, ngunit buti na lang ay nasalo siya ng dalawang kasama.
Bago sumara ang pinto, lahat silang tatlo ay napatitig sa peryang pinanggalingan, hanggang mawala na iyon sa paningin nila.