𝙁𝙡𝙖𝙨𝙝𝙗𝙖𝙘𝙠...
Nagpatuloy sa pagkukwentuhan sina Jenneth at Ryan.
"Ikaw pala? Kumusta ka naman?" Ryan asked Jenneth.
She blushed. Hindi siya handa sa pagtatanong na iyon in Ryan.
"Uhm… heto, college na. Nakakapanibago."
"Normal lang iyan," ani Ryan. "Masasanay ka rin."
Ngumiti lamang si Jenneth. Wala rin naman kasi siyang alam na sabihin. Aside sa nahihiya siya kay Ryan ay hindi rin talaga siya palakwento. Dala na nga kasi ng pagiging loner niya.
"Tapos yung feeling na mag-isa mo lang. Alam mo iyon? Buti nga sina Kenneth at Kristine magkasama sila. Si Sam naman, kahit mag-isa iyon kaya niyang makipag-friends ng ganoon kadali lang. Alam mo naman iyon, di ba?"
Tumango si Jenneth. Alam na alam niya ang ibig nitong sabihin.
"Ikaw ba, may mga kasama ka na kaklase mo dati?"
Napaisip si Jenneth. Meron nga ba? Hindi naman kasi niya ka-close ang mga kaklase niya noong high school so hindi niya alam kung meron siyang kapwa kumukuha ng Medical Technology.
"Oo nga pala," ani Ryan. "First subject mo nga pala ito, so hindi mo pa alam."
Ngumiti na lamang si Jenneth.
"Kumusta nga pala yung batch ninyo?" tanong naman ni Ryan.
"Okay lang," ani Jenneth.
"Pero batch pa rin namin yung the best batch, ha?"
Natawa si Jenneth sa sinabi nito.
"Ang tahimik mo, ano?" biglang pansin ni Ryan. "Alam mo, nauubusan na ako ng itatanong sa iyo."
Nag-blush si Jenneth dahil sa hiya. Napatingin tuloy siya sa ibaba.
"Wala ka bang gustong itanong sa akin?"
Napatingin si Jenneth dito. Lahat-lahat gusto niyang malaman tungkol sa kanya. Sa sobrang dami nga hindi niya alam kung anong uunahin. Kung ano ang unang tatanungin. Muli siyang nahiya dahil sa naisip na iyon. Napayuko ulit siya.
"Uhm... ano nga palang course mo?"
"Sa wakas!" ani Ryan. "Nakapagtanong ka rin."
Jenneth looked at him, and Ryan smiled. Lalo naman siyang nag-blush.
"AB Architecture. Alam mo na, mahilig mag-design."
Naalala nga niya noong high school na magaling itong mag-drawing. Lagi itong nananalo sa mga contest sa school na may kinalaman sa arts. Pati na rin sa inter-school competitions nananalo ito.
"Ano pa? Ano pang itatanong mo sa akin?"
Muli'y nahiya si Jenneth.
"Uhm... okay naman sa parents mo?"
"Huh?" Si Ryan naman ang nagulat sa tanong na iyon.
"Naisip ko lang kasi... di ba yung business ninyo? Baka kako mas gusto ng parents mo na may kinalaman sa business ang kunin mo."
Wala na kasing ibang maitanong at maisip sabihin si Jenneth. Tingin niya medyo hindi magandang tanong iyon kasi parang nag-iba yung aura ni Ryan. Parang bigla itong natigilan na ewan.
"Wala naman siyang pakialam sa akin."
Natigilan si Jenneth sa sagot nito. May something ba sa parents ni Ryan at ganoon ang nasabi nito?
"Sorry. Huwag na lang nating pag-usapan ang tungkol sa parents. Medyo hindi magandang topic iyon."
Lalong naguluhan si Jenneth. Anong ibig sabihin ni Ryan? May family problem ba ito? May issue din sa family nito? Iyon ba ang dahilan kung bakit naging bully ito noong unang mga taon nito sa high school?
Oo nga! Baka nga iyon ang dahilan. Kung ganoon nga, mukhang nagrerebelde lang ito noon sa parents niya. Gusto niyang tanungin ito at kumpirmahin, pero masyado naman yata itong personal. Hindi naman sila ganoon ka-close.
Hindi pa.
"Sorry din," ani Jenneth. "Hindi ko kasi talaga alam kung ano ang itatanong."
Amused na napatingin si Ryan sa kanya. Lalo naman siyang nahiya.
"Grabe! Hindi ka ba nakikipag-kaibigan?"
Umiling si Jenneth. Lalo siyang nahihiya sa takbo ng usapan, pero hindi naman niya magawang tumigil. Gusto din kasi niya iyon, iyong mas nakikilala niya si Ryan at nakakausap niya ito ng ganoon.
Tapos silang dalawa lang.
"Talaga?"
Tumango si Jenneth.
"Eh, bakit naman? Mukha ka namang mabait, ah!"
"N-Nahihiya kasi ako."
Saglit siyang tinitigan ni Ryan.
"At wala ding lumalapit para makipagkaibigan sa iyo?"
Umiling si Jenneth. "Siguro kasi feeling nga nila weird ako."
"Kahit noong elementary?"
Tumango siya. Though, iba kasi ang kaso noong elementary siya. Kaya nga lumipat siya ng school, eh. Private school na rin naman siya dati, pero hindi kasing prestigious ng CPRU. Lumipat siya ng school kasi sobrang nabu-bully at nadi-discriminate na siya nung malaman ng buong school ang istorya ng buhay niya.
"Wow! I can't imagine... Maswerte pa pala ako. Kahit tatlo lang ang friends ko, at least meron akog kaibigan."
Oo, maswerte talaga si Ryan. At hindi rin naman kasi basta-basta ang mga kaibigan nito.
"Hindi naman masama ang ugali mo kaya ganoon?"
Natawa siya sa sinabi ni Ryan. Siguro dapat na-offend na siya, pero medyo goofy kasi ang dating ng pagtatanong nito.
O iba lang kasi ang dating sa kanya noon kasi nga si Ryan Arcilla ang nagtatanong?
"Hindi nga!" Natatawa na rin si Ryan. "Baka naman ganoon, ha?"
"Hindi naman," aniya. "Nagpapakabait naman ako lagi."
"Mukha ka naman talagang mabait."
Kinilig naman si Jenneth sa sinabi nito. Hindi niya na pinigilan pa ang ngiting namutawi sa mga labi niya.
"Sige. Kung gusto mo, kami na lang ang friends mo."
Sobrang tuwa ni Jenneth sa narinig. Sa wakas! Officially ay magiging parte na siya ng barkada nina Ryan, Kenneth, Kristine at Sam. Though wala na nga lang si Samantha de Vera. Pero tingin naman ni Jenneth ay friends pa rin nila ito.
"Basta hindi talaga masama ang ugali mo, ha?"
Muling natawa si Jenneth. Enjoy naman si Ryan na panoorin siyang tumawa dahil sa joke nito.
"Nakakatuwa ka naman," ani Ryan. "Eh paano pala yung mga kapatid mo? Meron ka bang kapatid?"
"Wala. Solong anak lang."
Meron siyang mga kapatid sa father's side, pero hindi naman niya kilala ang mga iyon.
"Talaga? Oy, spoiled ka siguro? Daddy's girl ka, ano?"
Natigilan si Jenneth. Napaiwas siya ng tingin dito.
"Wala akong tatay."
Si Ryan naman ang natigilan.
"Is he..."
Jenneth looked at him, and as much as she could, she made herself sound as casual as possible sa susunod nitong sinabi.
"I never had a father."
Tuluyan nang natameme si Ryan.
Oh well, kung magiging kaibigan nga talaga niya ito, might as well tell him the truth. Kasi baka kapag tuluyan nang lumawig ang friendship nila tapos malaman nito ang sikreto ng pamilya nila, baka bigla siya nitong iwasan. Mas mabuti na yung habang mas maaga alam nito ang lihim na tinatago ng kanilang pamilya.
"My father has another family. He had an affair with my mom."
It sounded casual and ordinary, pero alam ni Jenneth na may gravity din ang sinabi niya. Alam din niyang naintindihan ni Ryan ang ibig niyang sabihin.
Pero hindi niya inasahan ang susunod nitong sinabi.
"Pareho pala tayo."
Natameme si Jenneth. Anong ibig nitong sabihin?
"My mother is also the other woman," ani Ryan. "Tinago lang ng pamilya para hindi madungisan ang reputasyon ng angkan nina Dad. Ako nga, eh. Nalaman ko lang nung grade 6 na ako."
Naisip ni Jenneth, kaya siguro ganoon ang ugali ni Ryan noon. Baka nga kasi nagrerebelde ito sa mga magulang nito.
"So you live with your mom?" tanong ni Ryan sa kanya.
"Oo," ani Jenneth. "Sa Manila sila nagkakilala nung tatay ko. Then nung nabuntis siya... dun na sila naghiwalay... ayaw kasi nung tatay ko sa akin. So nag-decide si Mama na umuwi na lang dito sa Tarlac. Nung una, okay lang naman daw kasi parang tinakbuhan lang siya nung boyfriend niya na ayaw siyang panagutan. Pero eventually, nalaman na rin ng mga tao yung totong dahilan. Grade 5 naman ako nung nagsimulang kumalat yung istorya ni Mama."
Saglit silang nanahimik. Hanggang si Ryan naman ang nagkwento.
"Iyong nanay ko naman, dating katulong sa bahay ng daddy ko. Hayun... so may nangyari. Sabi nila isang beses lang daw. Meron namang nagsasabi may relasyon daw talaga si Dad tsaka yung katulong. Hayun. Nung nabuntis, pinasilang lang ako tapos pinaalis na siya sa bahay. Kasi daw baka gamitin niya ako na pam-blackmail sa pamilya ni Dad. Pero prang hindi naman totoo iyon. Kasi nung nakilala ko si Nanay, sobrang bait niya. Talaga lang na na-in love siya kay Daddy."
"Nakilala mo siya?"
Tumango si Ryan. "Ginusto ko ngang sa kanya na lang tumira kasi... kasi they hate me at that house... My father's wife... she hates me. Kung hindi nga lang siguro dahil kay Daddy at sa mga parents niya, baka matagal na akong napatalsik sa bahay na iyon."
Ramdam ni Jenneth ang sakit sa kalooban ni Ryan.
"Nakikita mo pa ba siya?"
"Patay na siya."
Nagulat si Jenneth sa narinig.
"Binugbog nung asawa. Nalaman nga kasi na nagkaanak siya sa daddy ko. Nakulong naman iyong asawa niya. Kaso hindi ako welcome sa family ni nanay kasi parang ako yung dahilan ng pagkamatay ng anak at kapatid nila. Though hindi naman nila tahasang sinasabi sa akin. Pero malamig talaga, eh. Yung pakikitungo nila."
"Eh iyong mga kapatid mo sa kanya?"
"Andun sa pamilya nung tatay nila. Obviously, they hate me as well."
Napakamasalimuot naman pala ng kwento ni Ryan. Akala niya komplikado na ang kwento ng buhay niya, hindi pala. Meron pa palang mas malungkot na kwento kaysa sa kanya.
"See? Why do they hate us like that?" ani Ryan. "Hindi naman natin kasalanan yung mga pinaggagagawa ng mga parents natin, di ba? Pero galit sila sa atin."
"Ewan ko. Siguro kasi tayo ang mali sa perpektong buhay nila."
"Hindi naman perpekto ang buhay nila," ani Ryan. "Unfair lang talaga sila sa atin."
Jenneth smiled bitterly. "Yeah."
Muli silang natahimik. Parehong nabigla sa mga rebelasyon ng isa't isa. Siguro nga dapat hindi na sila nag-open up ng ganoon. Lalo lang yatang lumala.
O baka naman, tama lang na napag-usapan nila ang tungkol doon?
"Kaibigan na talaga kita, ha?"
Napatingin si Jenneth kay Ryan.
"Yung mga nakakaalam lang nun yung mga close friends ko talaga. Sina Kenneth lang. Tiwala naman ako na hindi mo sasabihin kasi hindi ka naman madaldal."
Napangiti siya sa sinabi nito.
"Huwag mong ipagkakalat iyon, ha? Baka tuluyan na talaga akong mapatalsik. Kailangan ko pa namang makatapos ng pag-aaral. Sila lang ang pag-asa ko, eh."
"Promise," ani Jenneth.
Ryan smiled. "Okay."
At iyon na nga ang naging simula ng pagkakaibigan nina Jenneth at Ryan. Maging sina Kenneth at Kristine ay naging malapit na rin kay Jenneth. Naging parte na nga talaga siya ng barkadahan nilang tatlo.
*************************
"Eh Tita Jhing, paano po kayo naging girlfriend ni Ninong?"
"Well, naging mag-best friends kami. Kasi nga, yung parents mo tuluyan nang naging lovers. Kaya kaming dalawa ni Ryan naiwan sa ere. Kami na lang laging magkasama. Hayun... napilitan siyang magustuhan ako."
Jenneth smiled at her own joke. Pero hindi iyon binili ni Darlene.
"Talaga po? Ang sabi po ni Daddy love na love daw po kayo ni Ninong eh. Ganoon po ba yung napipilitan lang?"
Jenneth giggled. Mukhang matalinong bata nga itong si Darlene. Hindi niya kaagad napapaniwala, eh.
"Eight years old ka ba talaga?"
Darlene looked at her innocently. That made her giggle.
"Oh well. Hindi nga iyon pilit. Tingin ko naman, na-in love na nga rin si Ryan sa akin. Eventually, siya naman ang nagka-crush sa akin."
Jenneth smiled as she continued reminiscing how Ryan Arcilla fell in love with her.