AFTER 5 YEARS
KATATAPOS lang magsimba ng pamilya ni Melody. Sabay-sabay silang mag-anak umuwi sa Villa nila sa Surigao, hindi pa rin nawala sa isip niya ang pangako ng Daddy Mansueto niyang papayagan na siyang magbakasyon nito mag-isa sa El Nido sa Palawan.
"Finally! Masaya ako't hahayaan na ako ni daddy, Yaya," masayang sambit niya sa Yaya Mely niya habang papasok sila sa malaking bahay nila.
Nasa loob na ang lahat ng pamilya niya kasama ang pitong taong gulang niyang kapatid na si Sonata.
"Mabuti naman at hindi ka na pinagbabawalan ngayon, pero dapat mag-iingat ka pa rin palagi, Melody."
"Oo naman, Ya. Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa pasalubong mo," nakangiti niyang pagkakasabi rito.
"Kahit na walang pasalubong, Hija. Alam mo naman na walang mas mahalaga sa akin kun 'di ang kaligtasan mo, kayong dalawa ni Sonata."
Napangiti na lamang si Melody sa sagot sa kaniya ng mabait nilang katiwala.
Malaking bagay sa buhay niya na at nakasama niya ito hanggang sa paglaki niya, lalo na ng bunsong kapatid niyang si Sonata, limang taong gulang lang ito at mula pagkabata ito na ang naging kasama ng kapatid niya.
Halong ang Yaya Mely na nila ang nagpalaki sa kanilang dalawa sa kabila ng pagiging abala ng mga magulang niya sa kani-kanilang negosyo.
"Kailan ang alis mo?"
"Sa susunod na sabado siguro, Yaya. Kasama ko naman si Zander at Zandra kaya walang dapat ipag-alala sa akin ang lahat," aniya ni Melody sa katiwala.
Tuluyan na silang nakapasok sa malaking bahay nila. Napakunot-nuo siya nang wala man lang siyang narinig na ingay ni Sonata.
Madalas niya itong nakikita sa malawak na sala pagka-uwi nila o 'di kaya nasa harap ito ng malaking piyano nila sa malaking espasyo sa gitna ng sala.
Kanina pa nakauwi ang mga ito at siya ay nakasunod lang sa sasakyan ng magulang kasama ang Yaya Mely niya.
"Nasaan kaya si Sonata?" tanong niya.
"Baka nagbihis na 'yong batang iyon at init na init iyon kanina sa loob ng simbahan," natatawang ani sa kaniya ng yaya niya.
Tama ito! Mula yata nagsimula hanggang sa natapos ang misa wala itong nagawa kun 'di ang magreklamong mainit at magpaypay sa mommy nilang katabi ng kapatid niya.
"Aakyat lang ho ako, Yaya. Mag-aayos na rin ako ng mga gamit kong dadalhin ko. Alam mo na, baka magbago pa ang isip ni daddy at mommy at bigla na lamang akong 'di payagan ng mga ito."
Natatawa na lamang ang yaya niya sa mga sinabi niya rito tungkol sa magulang niya. Madalas naman talaga ang mga itong magbago ang isip.
Mabuti na nga lang at napapayag niya ito sa tulong na rin ng mga kaibigan niyang kambal na mula pagkabata kilala na ng mga ito. Malapit nang ikasal si Zandra at isa lang ang gusto nilang mangyari ni Zander ang makasama nila ito sa maikling sandali bago ito lumagay sa tahimik na pamumuhay.
Umaasa rin siyang magiging maganda ang lakad nilang 'yon, dahil bukod 'yon ang unang beses na magbabakasyon siyang wala ang pamilya may inaasahan din siyang makikita sa lugar na 'yon.
Napasinghap na lamang si Melody nang maalala ang Tweet ng manager ng lalaking hiling niyang makita sa El Nido.
~
HALOS trenta minutos nang nakatuon ang mga mata ni Nikolai sa kisame ng silid niya.
Walang laman ang isip niya kun 'di ang nangyari n'on limang taon na ang nakaraan, ang ma-ambush ang buong pamilya niya kasama ang bunsong kapatid nyang si Zia.
Sariwa pa rin sa utak ni Nikolai ang lahat-lahat ng nangyari, namatay ang buong pamilya niyang mayroon siya sa isang iglap lang.
Nagtagis ang mga bagang ni Nikolai nang maalala ang naging responsable ng lahat ng 'yon walang iba kun 'di ang dating Gobernador ng Surigao na si Don Hugo Enriquez.
Hindi niya kailanman mababaon sa limot ang lahat. Buo ang loob niyang maghihiganti siya sa pamilya nito.
"Buhay ang kinuha niyo! Buhay din ang kukunin ko!" galit niyang bulong sa sarili para sa mga ito.
Iyon ang sinumpa ni Nikolai sa bangkay ng buo niyang pamilya, lalong-lalo na sa limang buwan niyang kapatid na walang kalaban-laban na pinatay ng mga ito.
"Nikolai... Gising ka na pala! Hinahanap ka ng Tito Manuel mo sa ground floor," untag ni Fernan kay Nikolai nang pumasok ito sa silid niya.
Bumangon siya at umupo sa malawak niyang kama. Hindi siya nagsalita rito hanggang sa tuluyan itong makapasok sa loob at tumayo paharap sa kaniya. Walang nagbago kay Fernan, kahit wala na ang mga magulang niyang pinuno ng organisasyong mayroon ang pamilya nila, hindi siya nito nagawang iwan kahit kailan.
"May problema ba?"
"Wala naman. May bagong report lang na natanggap tungkol sa anak ni Don Hugo."
Napatingin ng diretso si Nikolai sa kaharap. Ito ang hinihintay niya noon pang balita mula sa panganay na babaeng anak ni Hugo Enriquez.
"Ayon sa source darating daw ito sa El Nido, any moment from now. Confirmed!"
"May kasama ba siya?" walang emosyong tanong ni Nikolai dito. Kung siya lang masusunod, hindi niya idadamay ang dalaga sa kasalanan ng mga magulang nito.
Sa ilang buwan niyang pag-antabay sa social media accounts nito naging pamilyar na sa kaniya si Melody Enriquez. Isa itong piyanista sa teatro at kung saan-saan na rin ito lumabas para magtanghal sa iba't ibang sulok ng mundo.
Hindi siya mahihirapan lumapit dito kung sakali dahil nasa iisang mundo lang sila ng dalaga— ang musika.
"Ito ang files ng report na natanggap ko mula sa sekretarya ng hotel na tutuluyan nilang magkakaibigan, may dalawa itong kaibigang kambal na kasama, apat na araw at limang gabi silang mananatili sa Isla."
Pinakinggan lang mabuti ni Nikolai ang lahat ng mga sinabi nito. Hindi niya nakuhang magsalita tungkol sa lahat ng impormasyon na natanggap niya mula kay Fernan.
Dinampot niya ang brown envelope na inabot nito sa kaniya at mula r'on nilabas niya ang mga larawang kuha ng isang spy nila sa panig ng mga Enriquez.
"Makakalabas ka na, Fernan! Mag-aayos lang ako at pupuntahan ko na si Tito Manuel."
Ang tiyuhin niyang kapatid ng kaniyang ama ang tinutukoy niya, ang ginoong himalang nabuhay sa ambush limang taon na ang nakalipas.