Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Deadly–Revenge

🇵🇭MissContessa
--
chs / week
--
NOT RATINGS
2.5k
Views
Synopsis
Panahon na para maningil sa mga taong nagkasala… Sino nga ba ang may sala, sino ang totoong biktima? Mag-ingat sa mga taong iyong pinagkakatiwalaan. Dahil hindi mo alam kung siya ba ay kakampi o kaaway. Kaya mo bang pumatay para sa taong minamahal? Kaya mo bang patayin ang taong naging dahilan ng kamatayan ng iyong minamahal upang ang buhay nito ay madugtungan? Buhay kapalit ng kamatayan…
VIEW MORE

Chapter 1 - Kabanata 1

"SIGE na ate, payagan mo na akong lumuwas ng Maynila. Sayang naman ang tinapos ko sa pag-aaral kung sa pagtatanim pa rin ng palay ang magiging trabaho ko." Kanina pa siya kinukulit ng nakababatang kapatid.

"Hindi pwede," sagot ni Rose. Hinubad niya ang suot na salakot. Kauuwi lang niya galing bukid. Pumasok siya sa maliit nilang kusina. May sinaing na pero wala pa silang ulam. Kaya naman kinuha niya ang nag-iisang de lata ng sardinas na nasa ibabaw ng mesa.

"Gusto kitang tulungan, ate."

Nahinto si Rose sa pagbubukas ng de lata. Nilingon niya ang kapatid na nakatayo sa kanyang likuran. Edad onse lang ang kapatid niya nang sabay na namatay ang kanilang mga magulang. Nabangga ng truck ang tricycle na minamaneho noon ng kanilang ama. Nang araw na maganap ang aksidente ay magkasama ang kanilang mga magulang na pumunta ng bayan para mamalengke. Dead on the spot ang mga ito ayon sa sinabi sa kanya ng pulis.

At dahil payak lang ang kanilang pamumuhay at edad katorse lamang siya noon, napilitan siyang makipag-areglo sa may-ari ng truck. Sinagot nito ang gastusin sa pagpapalibing sa kanilang mga magulang.

Sa edad na katorse, naging ina at ama siya sa nakababatang kapatid. Lahat ng trabaho ay pinasok niya matustusan lang ang araw-araw nilang pangangailan. Tumatanggap siya ng labada, paglalako ng mga gulay sa kabahayan, tumutulong sa palengke na ang sahod ay isang daang piso sa walong oras.

Ika nga, dugo at pawis ang kanyang tinaya para patuloy silang mabuhay na magkapatid. Sinikap niyang makapag-aral silang magkapatid at dahil pareho silang matalino, naging scholarship sila sa Savior College sa kanilang lalawigan. Ngunit hanggang first year college lang tinapos niya dahil gusto niyang maunang makapagtapos sa pag-aaral ang kapatid niya. Kahit kasi scholarship sila, may mga pangangailangan pa rin sila na dapat bayaran.

Nang huminto siya sa pag-aaral ay inasikaso na lang niya ang naiwang bukirin ng kanilang mga magulang. Nagtatanim siya ng palay, iba't ibang gulay at kung anu-ano pa na sa tingin niya ay pwedeng pagkakitaan.

"Rissa, hindi ligtas sa Maynila. Puwede ka naman magtrabaho rito sa ating probinsya. Sa munisipyo, nangangailangan sila ng secretary. Magaling ka naman sa computer."

"Gusto ko sana, pero ang baba masyado ng sahod," reklamo nito. "Kapag sa siyudad ako nakapagtrabaho, tiyak na malaki ang sahod ko at matutulungan na kita, Ate Rose. Ako naman ang tutulong sa 'yo na maipagpatuloy ang pag-aaral mo. Gusto kong suklian ang lahat ng mga nagawa mong sakripisyo sa 'kin."

"Ayoko!" matigas niyang pagtanggi. "Magkapatid tayo. Hindi mo kailangan suklian kung ano man ang mga nagawa ko sa 'yo. Tungkulin ko iyon dahil ako ang panganay."

Tumahimik naman si Rissa. Pero nakita niya sa mukha ng kapatid na masama ang loob nito dahil sa hindi niya ito mapagbigyan sa hinihiling nito. Dalawa na lang sila, hindi ligtas sa siyudad lalo na't iyon ang magiging unang beses ng kapatid na lumuwas ng Maynila. Walang katiyakan na may naghihintay na magandang kapalaran sa kapatid niya. Kung makakasama niya ito sa probinsya, hindi siya minu-minutong mag-aalala.

Isinalin ni Rose ang laman ng de lata sa mangkok. Kinuha niya ang kaldero at ipinatong ito sa mesa na gawa sa kawayan.

"Please, ate…"

"Maupo ka na, Rissa. Kakain na tayo," sa halip ay iyon ang kanyang sinabi. Nilagyan niya ng kanin ang dalawang plato na nasa mesa.

"Hindi ka pa ba napapagod sa ganitong pamumuhay ha, Ate Rose?" Gumagaralgal na ang boses ni Rissa. Kahit hindi niya tingnan ang kapatid, alam niyang impit itong umiiyak. "Dahil ako, pagod na pagod na ate. Gusto kong maranasan naman natin ang maginhawang buhay. Tulad ngayon, sardinas na naman ang ulam. Isang linggo na tayong kumakain niyan. Kung walang de lata, katakot-takot na tuyo naman ang iuulam natin."

"Napapagod ka?" nagtitimpi na balik-tanong ni Rose sa kapatid. "Ni minsan ba ay narinig mo akong nagreklamo, ha, Rissa? Kahit pagod na pagod na ako ay hindi mo ako narinig nagreklamo. Kahit gusto ko nang sumuko sa buhay ay lumaban pa rin ako! Lumaban ako para sa ating dalawa, Rissa. At kaya hindi kita pinapayagan na lumuwas ng Maynila dahil ayokong mapahamak ka. Magulo sa siyudad. Hindi lahat ng mga taong makikita at makikilala mo sa lugar na 'yon ay may malasakit sa kapwa. Minsan na tayong nawalan ng mga mahal sa buhay. Ikaw na lang ang mayroon ako. Baka hindi ko kayanin kung may masamang mangyari sa 'yo sa siyudad."

Walang imik na umupo si Rissa sa katapat niyang upuan at tahimik na kumain. Nakaramdam siya ng awa sa kapatid nang makita niyang palihim nitong pinunasan ang luha sa mga mata. Pero pinili niyang magsawalang-kibo na lamang.

Nang matapos silang kumain ng tanghalian ay wala pa ring imik ang kapatid niya nang lumabas ito ng kusina. Alam niyang magkukulong na naman ito sa kwarto nilang magkapatid.

Huminga nang malalim si Rose bago sinimulan ligpitin ang mga hugasin. Habang naghuhugas siya ay abala naman ang kanyang isip.

Naitanong niya sa sarili kong mali bang pigilan niya ang kapatid sa gusto nito? 

Nagiging makasarili na nga ba siya gaya nang malimit isumbat nito sa kanya?

Tama bang hadlangan niya ang mga pangarap ng kapatid sa nais nitong marating? Ang maginhawang-buhay na maging siya man din ay pinangarap 'yon.

Ngunit natatakot siya sa maaaring mangyari kay Rissa, milya-milya ang layo nila sa isa't isa kung sakaling payagan niya itong makipagsapalaran sa siyudad. Nasanay siyang tuwing gigising sa umaga at uuwi ng bahay mula sa bukid ay nakikita niya ang kapatid.

Alam niya sa sariling hindi siya makasarili. Ginagawa niya iyon ay dahil ayaw niyang mapahamak ang kapatid. Mahal na mahal niya si Rissa. Ang kapatid niya ang naging inspirasyon niya para patuloy na lumaban sa buhay.