Chereads / Deadly–Revenge / Chapter 2 - Kabanata 2

Chapter 2 - Kabanata 2

ILANG araw na ang lumipas, kibuin-dili si Rose ng kapatid. Oo nga't ginagawa nito ang mga gawaing-bahay kapag nasa bukid siya, 'pag nasa bahay naman siya ay para lang siyang hangin na hindi nito nakikita.

Alam ni Rose na masama pa rin ang loob sa kanya ni Rissa. Sinubukan niyang magtanong sa munisipyo kung bakante pa rin ang posisyong sekretary dahil gusto niyang makuha ng kapatid ang trabahong 'yon. Ngunit ayon sa nakausap niyang babae, may bagong luklok na sa posisyong 'yon.

Nalungkot si Rose sa nalaman. Pero naisip niyang marami pa naman puwedeng mapag-aplayan ng trabaho ang kapatid. Ayaw niya pa rin kasing payagan sa gusto nito si Rissa.

"Rose, ang kapatid mo bang si Rissa ay may trabaho na?" tanong sa kanya ni Aling Susan. Kapitbahay nila ito at isang mabuting kaibigan ng nasira niyang mga magulang. Ang babae ang madalas na tumulong sa kanilang magkapatid at ito rin ang matiyagang nagbabantay noon kay Rissa kapag nasa lansangan siya para maghanap ng puwedeng pagkakitaan.

"Wala pa ho," sagot niya.

Umupo si Rose sa upuang gawa sa kawayan. Kasalukuyang naroon sila sa bukid. Kasama sila ni Aling Susan sa mga inupahan ni Kapitan Juancho na maggapas ng palay sa bukid nito. Sumama siya at sayang din ang one hundred fifty. Tatlong araw ang serbisyo nila, malaki na para sa kanya ang four hundred fifty pesos.

"Ayaw pa ba niyang magtrabaho?"

"Gusto niya naman po, kaso ang gusto niya ay sa siyudad pa siya magtrabaho." Hinubad niya ang salakot at ginamit itong pamaypay. Alas-nueve pa lang ng umaga pero tirik na ang araw.

"Magandang oportunidad din naman kung sa Maynila siya magtatrabaho. Dahil kung dito lang siya sa ating probinsya, baka matulad lang siya sa mga kabataang naging libangan na ang pag-aasawa."

May katotohanan ang tinuran ni Aling Susan. Isa iyon sa napansin niya sa kanilang baryo. Iyon ang ayaw niyang mangyari. Napakabata pa ni Rissa para mag-asawa. Hindi niya nga ito pinapayagan makipag-nobyo kahit nasa hustong edad na ito.

"Aling Susan ang totoo ho niyan, nagtatampo sa 'kin si Rissa. Matagal niya nang inuungot sa 'kin na gusto niyang makipagsapalaran sa Maynila."

"O, bakit? Hindi mo ba pinayagan?" tanong nito. Tumango siya bilang tugon. Nakita niyang bumuntong-hininga ito. "Ayaw mong mapalayo sa 'yo ang kapatid mo?"

"Oho. Gusto kong dito siya magtrabaho para lagi ko siyang nakikita. Kapag kasi nasa siyudad siya, tiyak na minu-minuto akong mag-aalala sa kanya. Lagi akong nakikinig ng balita sa radyo, kaya alam kong puro karahasan ang nagaganap sa siyudad. Ayokong may masamang mangyari sa kanya. Wala na kaming mga magulang at si Rissa na lang ang matatawag kong pamilya."

Sandali siyang tinitigan sa mukha ni Aling Susan. Mayamaya ay napatango-tango ito.

"Nauunawaan ko ang damdamin mo, Rose. Lalo na't ikaw ang nagsilbing magulang sa kapatid mo. Wala ako sa posisyon na panghimasukan ang gusto mo sa iyong kapatid, nanghihinayang lamang ako sa oportunidad na naghihintay kay Rissa."

"Kakain na!" sigaw mula sa kanilang likuran.

Tumayo si Rose. Itinali niya sa gilid ng baywang ang kanyang karet. Tinulungan niyang makatayo si Aling Susan. Bilib din siya sa babae, kahit may katandaan na ay patuloy pa ring nagtatrabaho sa bukid. Namatay na kasi ang asawa nito, dalawang taon na ang nakalipas. Naiwan itong mag-isa dahil hindi biniyayaan ng anak. Inalok niya itong sumama sa bahay nila, maliit man ay kakasya naman silang tatlo. Pero tumanggi ito. Pakiramdam daw kasi nito ay kasa-kasama pa rin ang namayapang asawa.

MAAGANG umuwi si Rose nang hapon na 'yon mula sa bukid. Marahil ay hindi inaasahan ng kapatid na uuwi siya ng maaga kaya nagulat ito nang makita siya sa kusina. Kitang-kita ni Rose sa mukha nito ang takot.

"Kailan ka pa natutong manigarilyo, ha, Rissa?!" tungayaw niya. Galit na hinablot niya sa bibig ng kapatid ang stick ng sigarilyo na akmang sisindihan nito. Marahas na hinawakan niya ito sa braso. "Ito ba ang ginagawa mo kapag wala ako sa bahay?"

"A-ate Rose…nasasaktan ako," nginig ang boses na sabi nito. Pero lalo niyang pinagdiinan ang pagkakahawak sa braso ng kapatid.

"Sagutin mo ang tanong ko. Kailan pa, ha?"

"Ngayon lang, ate." 

Marahas niyang binitawan ang braso nito. "Gusto mong magrebelde, ha, Rissa?!"

Hindi naman nakasagot si Rissa.

"Tingin mo ba mababago ng pagrerebelde mo ang aking pasya? Hindi, Rissa! Ngayon pa nga lang ay pinatunayan mo sa 'kin na hindi kita dapat pagkatiwalaan kapag mag-isa ka. Baka mapariwara ka lang kapag nasa siyudad ka na!"

"Ganyan ka naman, ate!" Humulagpos na rin ang sama ng loob na kinikimkim ni Rissa. "Ang hirap kasi sa 'yo, kung ituring mo ako ay isa pa ring paslit. Kung ikaw ay kuntento na sa ganitong buhay, pwes, ako hindi! Magkaiba tayo, ate. Mataas ang pangarap ko sa buhay!"

Hindi naman nakaimik si Rose sa sinabi ng kapatid.

"Sawang-sawa na ako sa pagiging mahirap. Napapagod na akong magtiis. Ayokong matulad sa 'yo na masaya sa kakarampot na kita sa pagtatrabaho sa bukid. Ayokong yakapin ang kahirapan natin sa buhay. Ayokong matulad sa 'yo at sa mga magulang natin na walang pangarap makaahon sa putik na ating kinasadlakan! Ayok–"

Isang sampal ang pinadapo ni Rose sa mukha ng kapatid dahilan para hindi nito matuloy ang sasabihin. Nagtaas-baba ang kanyang dibdib sa sama nang loob sa mga pinagsasabi ng kapatid.

"Wala kang utang na loob sa ating mga magulang!" Pinilit ni Rose na huwag masinok. Ayaw niyang lumuha. Dahil kahit minsan, hindi pa siya nakikita nitong umiiyak. Dahil ayaw niya iyong ipakita rito. Gusto niyang isipin ng kapatid na matapang siya sa lahat ng hamon ng buhay. "Marahil ay hindi nila nagawang mabigyan tayo ng magandang buhay, pero binusog naman nila tayo sa pag-aaruga at pagmamahal. Walang kapintasan ang ating mga magulang. Biktima lang din sila ng kahirapan."

Humihikbing sapo ni Rissa ang nasaktan na pisngi. Hindi na ito nagsalita. Umiiyak na tinalikuran siya ng kapatid.

Mariing naipikit ni Rose ang mga mata. Tila habol niya ang paghinga dahil sa sobrang sama ng loob. Tila tinakasan siya nang lakas na umupo sa sahig. Hindi niya na mapigil ang damdamin, umiiyak na nakasubsob ang mukha niya sa kanyang mga palad.

Nakaramdam din siya ng konsensya dahil nasampal niya si Rissa. Iyon ang unang beses na nasaktan niya ang kapatid. Ngunit nagawa lamang niya iyon dahil hindi na maganda ang lumalabas sa bibig nito.

Hindi makatarungan na isisi nito sa mga magulang ang kanilang kahirapan. Sadyang walang kakayahan ang mga ito na ibigay sa kanila ang marangyang buhay. Ang kanilang ama, hindi man lang nakapagtapos ng elementarya dahil bata pa lang ay ito na ang bumubuhay sa mga magulang na parehong may malubhang karamdaman.

Ang kanilang ina naman, oo nga't nakapagtapos ng high school, pero pinagmalupitan ng mga kamag-anak na kumupkop dito. Anak sa pagkadalaga ang ina nila, namatay na lang ito na hindi nakilala ang totoong ama at hindi minahal ng sarili nitong ina.

Sino ba sila ni Rissa para isumbat ang kahirapan sa mga magulang nila?