Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

MAHARLIKA: Modernong Katipunero

🇵🇭Jiel
--
chs / week
--
NOT RATINGS
2.8k
Views
Synopsis
Ang tawag sa kanila ay mga Hunters, ang mga modernong katipunero ng bansang Pilipinas. Pero ano nga ba talaga sila? Pumapaslang lang ba sila ng mga masasamang nilalang sa dilim para protektahan ang mga inosente? Ang mga Hunters ay mayroong tinatawag na 8th sense, isang uri ng superhuman ability na ginagamit nilang panlaban sa mga folkloric creatures na naghahasik ng lagim sa kahit na saang parte ng bansa. Bago pa man tumapak sa delikadong mundo ng mga Hunters ang ating bida, mapupunta muna siya sa isang malagim na uri ng laro, ang death game o tinatawag ng mga Hunters na Awakening Phase. Dito masusubukan ang kaniyang tatag, tapang, at lakas pati na ang iba pa niyang mga kasama bago tuluyang magising ang natutulog nilang 8th sense. Mamumulat sila sa bagong mundo na hindi nila inakalang totoo. Mga nilalang na nababasa lang sa mga kuwento at sinasabi ng mga matatanda ay nagkalat at kailangan nilang gamitin ang buong lakas at talino nila para pigilan at puksain ang mga ito upang maprotektahan ang mga kapwa Pilipino. Mga modernong katipunero, lalaban hindi sa mga mananakop kundi sa mga halimaw na hindi kayang tapatan ng mga ordinaryong tao lamang.

Table of contents

Latest Update3
11 years ago
VIEW MORE

Chapter 1 - i

University of Abra (Abra State Institute of Sciences and Technology)/December 18, 2020/4:00 PM

"All students, please gather in the school gymnasium now." Isang SG (Student Government) officer ang nagpunta sa bawat silid para ipaalam na kailangan nilang pumunta sa gym.

Ang mga mag-aaral ay binitbit ang kani-kanilang mga bag at iba pang mga gamit at nagtungo sa gymnasium. Ilan sa kanila ay naglalakad kasama ang mga kaklase at kanilang mga kaibigan ngunit mayroon din namang iilan na mas piniling maglakad nang mag-isa. Bilang isang unibersidad na halos kasinglawak ng isang barangay, ang distansya sa pagitan ng gym at ng college department ay hindi gaanong kalapitan pero hindi rin naman gano'n kalayo.

"Magbabakasyon na nga lang tayo may ipapagawa na naman sila?"

Isang babae ang mabilis na tumatakbo para lamang maabutan si Ace na tila ba nagmamadali sa paglalakad.

Nakasimangot si Ace habang naglalakad ngunit nang marinig niya ang boses ng babaeng papalapit sa kaniya ay bigla na lang itong naging maamo.

"Hindi ko alam..." Tugon ng binata bago ialok ang kaniyang kamay. Agad namang tinanggal ng babae ang suot nyang bag at iniabot ito sa kaniya, isang maginoong tunay.

"Bakit ba palagi mo na lang dinadala itong laptop mo?"

"Duh? Because I need it everyday." Sagot nito at bahagya pang pinitik ang ibang hibla na kaniyang buhok na nakaharang sa mga mata niya.

"Kailangan mo ito araw-araw kasi palagi kang nanunuod ng mga drama series." Umiling na lamang si Ace, ang bag ng babaeng ito ay talaga namang napakabigat. Charger ng laptop, yung laptop, power bank, notebook, mga libro, at isang ballpen. Kumpara sa laman ng bag ni Ace, ang bag ni Sofia ay parang isang lata ng sardinas, siksik sa laman.

"Hoy, Ace..."

"Ano?"

"Hehe! Magsimba kaya tayo mamaya?" Kumunot ang noo ni Ace nang marinig ito mula sa kaibigan.

"Papayagan ka ba ng mga magulang mo? Akala ko ba ayaw nila na sumasama ka sa mga lalake? Minsan nga iniisip kong maging bakla na lang." Tugon ni Ace rito at inilagay ang kaniyang hintuturo sa kaniyang baba na tila ba nag-iisip.

"Haha! Ang galing mo talagang magbiro. Pupunta rin naman 'yong dalawa."

"Sina Jiel at Darell?" Tanong nito.

Sa mga taong kilala ni Ace, ang naiisip niya kapag ang mga salitang "'yong dalawa" ay nababanggit ay ang dalawang ito. Mula senior high school hanggang ngayon na nasa ikalawang taon na sila ng kolehiyo, ang dalawang iyon ay hindi pa rin naghihiwalay.

Hindi naman sa hinihiling nilang maghiwalay sila.

"Oo! Hindi pa gusto ni Jiel na pumunta no'ng una pero nang sabihin kong pupunta si Darell eh um-oo rin naman."

Pagkatapos ng ilang minutong paglalakad, ang dalawa ay nakarating na rin sa gymn. Sa loob ng gusali ay makikita ang mga estudyanteng nakaupo at sa entablado, isang lalakeng nasa katanghaliang-gulang ang nakatayo habang hawak-hawak ang isang mic.

Sinuri ni Ace ang mukha ng bawat estudyanteng nakaupo para hanapin ang isang tao at nang makita niya ito, agad niyang ibinalik kay Sofia ang bag nito na nakatayo lamang sa likuran niya.

"Anong- Hoy! Mabigat!" Sigaw nito ngunit hindi man lang tumingin si Ace pabalik sa kaniya.

***

Umupo si Ace kasama ang isang grupo ng kalalakihan. Kung titignan ang suot nilang mga uniporme, masasabi mong iba-iba sila ng inaaral na kurso pero ang pagkakaibigang nabuo mula noong sila ay high school pa lamang ay matibay pa rin.

"Hmm... Ano na naman kaya 'to?" Daing ng nakaupo sa tabi ni Ace, nakatutok lang naman siya sa kaniyang selpon at kung anu-ano ang ginagawa. Ang pangalan niya ay Edrian.

Naging tahimik ang buong lugar nang nagsimula nang magsalita ang presidente.

"Good afternoon, students. The semester will resume on January 5 so enjoy your short vacation." Pauna nitong sabi sa kanila.

"Gusto kong matulog nang maaga mamayang gabi..." Bulong ni Ace sa sarili bago sumandal sa sandalan ng kaniyang upuan.

"Parehas lang tayo." Tugon pa ni Jiel dito habang humihikab. Ang mga mata niya ay nakatingin sa labas, sino ba ang nakakaalam kung ano ang tumatakbo sa isipan niya ngayon?

"Hindi mo ba puwedeng suyuin si Darell na sa susunod na lang tayo magsimba? Tutal may anim na gabi pa naman. Balak niyo bang kumpletuhin yung siyam na gabi ng misa?" Tanong ni Ace sa kaibigan.

"Kahit na gusto ko, 'di ko kaya. Siguro kailangan ko na ring magsimba palagi. Sobrang dami ko nang kasalanan." Bumuntong-hininga pa si Jiel pagkatapos niya itong sabihin. Yung mga kaibigan naman niya ay umiling na lamang nang marinig ang mga sinabi niya, seryoso ba siya? Pakiramdam nila sila ang tinutukoy niya noong sinabi niyang sobrang dami na niyang kasalanan.

Kahit na masasabing mayroong good guy card si Jiel, sobrang hirap paniwalaan ng kaniyang mga salita.

"Mukhang maganda nga 'yan..." Sabi pa ni Aris habang tinatanggal ang butones ng kaniyang uniporme.

Sa sandaling ito, marami nang nasabing mga salita ang presidente ngunit tila ba walang naririnig ang kahit na sino sa kanilang grupo. Inaasahan nang ito ang mangyari dahil bawat isa sa kanila ay mayroong sariling mundo.

"Grabe! Para tayong pinapakuluan dito ah. Mauna na kaya tayong umuwi? Hindi rin naman natin naiintindihan yung mga sinasabi ng matandang 'yan eh." Reklamo ni Aris. Walang kumontra sa mga sinabi niya dahil totoo naman ang mga ito. Ang dahilan lamang kung bakit sila nandito ay dahil sa sinabihan silang pumunta rito.

Sobrang dami na sana ng pagkakataon nilang pumuslit pauwi pero dahil sa kanilang kaosyosohan sa kung ano ang sasabihin ng presidente ay naisipan nilang manatili muna. At ngayon na hindi na nila gustong magpatuloy sa pakikinig ay hinihiling na lamang nilang mawala rito.

"Tiis-tiis lang, quarter to 5 na nga oh. Sobrang gusto mo na bang maglaro na naman? Miss mo na yata yung mga supporters mo na nagbibigay ng mga hearts at kisses sa livestream." Pasinghal na sabi ni Jiel na sinundan ng pigil na tawa, syempre hindi sila tatawa nang malakas.

"Tumahumik ka, hindi ba palagi mong sinasabi na "pa shout out naman tol!" tuwing naka live ako?" Tanong pa ni Aris dito.

"Oo, dapat lang 'yan kasi magkakaibigan tayo. Kung sikat ka, hindi ba't parang mas fair kung sisikat din kaming mga kaibigan mo?" Naitanong ni Ace rito bago itapat ang kaniyang selpon sa mukha ni Aris.

"Kita mo? Sobrang dami na ng mga reacts ng meme ko dahil sa 'yo." Ipinakita ni Ace ang edited na litrato ni Aris na inupload niya sa internet kani-kanina lamang.

Yung kaninang abala sa kapipindot sa kaniyang selpon ay agad napatawa nang malakas matapos makita ang litrato ngunit agad din naman itong natigil matapos siyang busalan ni Ace gamit ang narolyong towel.

Namula ang mukha ni Edrian habang pinipigilan niya ang kaniyang pagtawa.

"B-buwisit! Hindi ko alam na makakagawa ka ng ganiyan kapangit na mukha." Tinakpan ni Edrian ang kaniyang mukha gamit ang kaniyang bag.

Ang photoshopped picture ni Aris ay mayroong sipon na tumutulo mula sa dalawang butas ng kaniyang ilong habang natutulog. Pero kung titignan nang maigi, hindi naman talaga ito sipon.

"Tanggalin mo 'yan!" Sinubukang agawin ni Aris ang selpon mula kay Ace na agad namang tumayo mula sa kaniyang upuan at aalis na sana patungo sa tabi ni Sofia nang agad siyang napatigil.

"You there! GET OUT!" Tinuro ng school president ang grupo ni Ace gamit ang kaniyang hintuturo, umalingawngaw ang galit niyang boses sa buong gym.

"Napakabastos! Gusto niyo bang ipatawag ko ang mga magulang niyo dahil sa kawalang-hiyaan ninyo!? Ito na ang una at huling paalala ko sa inyo at ipapatawag ko na ang mga magulang niyo rito ngayon din!"

Hindi lang si Ace, maging si Aris at Jiel ay pinandilatan din si Edrian na ngayon ay natatakpan pa rin ng bag ang kaniyang mukha. Tila yata wala siyang kaalam-alam na ang atensyon ng lahat ng tao sa gymnasium ay nasa kanila na.

"Ano pa ang tinatawa-tawa mo riyan? May nakakatawa ba?" Galit na tanong ng presidente. Halata sa itsura at boses nitong galit na galit siya ngunit tuloy pa rin ang tawa ni Edrian.

Kung iisipin, matagal nang napapansin ng presidente ang grupo nila ngunit hinayaan niya lamang sila.

"Kapag hindi pa kayo lumabas, you will do a school service until this school year ends!"

*Clatter

Si Ace ang unang tumayo at siya rin ang unang tumakbo palabas ng gusali. Hindi man lang siya tumingin sa likuran niya, takot na makasalubong ng tingin si Sofia.

Sumunod naman sina Edrian at Aris, ang tanging naiwan na lamang ay si Jiel na tila ba nanigas na sa kinauupuan niya.

Ang kanilang grupo ay kinuha ang atensyon ng bawat estudyanteng nasa loob, iniisip nila Ace na nahihiya lamang tumayo at maglakad si Jiel sa harapan ng daan-daang tao.

Ang babae namang nakaupo sa pinakaharap na upuan na siyang pinakamalapit sa entablado ay nakatingin kay Jiel na siya namang hindi alam kung ano ang gagawin.

'Nandamay pa talaga itong baklang ito!' Sa isip ni Jiel at pagkatapos ay naramdaman niyang nag-vibrate ang kaniyang selpon.

-Ano pang ginagawa mo?😡

Ang text ay mayroon ding galit na kalbo o emoticon. Isa itong tanong na hindi kailangang sagutin dahil para kay Jiel, isa itong utos na nagsasabing "umalis ka na dito!".

"Excuse me..." Agad tumayo si Jiel at naglakad na rin palabas.

Nang makalabas na siya, humampas sa kaniyang mukha ang preskong simoy ng hangin na nagbigay sa kaniya ng magandang pakiramdam.

"Mauna na ako, sa susunod ulit." Paalam ni Aris sa mga ito.

"Magpakabait ka na sa susunod na nagsasalita si Mr. President." Tinapik ni Edrian ang balikat ni Jiel at sunod na umalis. Tanging sina Jiel at Ace na lang ang natira maliban sa mga estudyanteng nasa labas na hindi pumasok.

Sa sandaling ito, isang batang lalake na nasa junior high school pa lang ang lumapit sa kanilang dalawa.

"Kuya, puwede bang mahingi 'yong game ID mo?" Tanong nito. 'Di naman alam ng dalawa kung kanino siya nagtatanong.

"Ako?" Turo ni Ace sa sarili.

"Kayong dalawa, hehe!" Kinamot ng bata ang kaniyang ulo at iniabot ang hawak niyang selpon kay Ace.

Agad namang binuksan ni Ace ang kaniyang selpon at nag-login sa isang laro, pinindot ang kaniyang profile at tinype ang kaniyang ID na makikita sa ibaba ng kaniyang avatar sa selpon ng bata. Ganito rin ang ginawa ni Jiel.

"Salamat!" Agad na umalis ang bata matapos idagdag ang dalawa bilang kaniyang mga in-game friends.

Mayroong malawak na lupain ang University of Abra. Mga palayan, taniman ng mangga, herbal gardens, vegetables farms, poultry, at iba pa.

Umupo si Jiel sa nakaparadang motorsiklo. Mula sa kaniyang bag, naglabas siya ng isang botelya at tinanggal ang takip nito.

Tinusok ni Jiel ang laman ng botelya na naging kasing-tigas na ng yelo, nagawan pa niyang amuyin ito bago takpan ulit at ilagay sa loob ng kaniyang bag.

Naghintay pa ang dalawang lalake ng ilang sandali bago magsilabasan ang mga estudyanteng nasa loob ng gym, agad naman silang lumapit at tumayo sa pintuan ng gusali at naghintay hanggang sa ang dalawang babaeng hinihintay nila ay makalabas.

"Bitbitin mo bag ko." Inabot ni Sofia ang backpack niya kay Ace bago niya ito lampasan. Samantala, si Jiel naman ay nakatanggap ng malupit na kurot sa kaniyang tainga hanggang sa magsisigaw siya sa sakit.

"Tanga! Hmp!"

"B-bakit ka galit!? Sila yung tumawa! Hindi ako." Tinaas ni Jiel ang kaniyang hintuturo at itinapat kay Ace na napakunot na lang ng kaniyang noo.

"Hindi na 'yon importante. Tama nang sinabihan mo na may sayad yung teacher natin noon."

Si Darell ang future breadwinner ng kanilang pamilya. Sa kanilang apat na magkakapatid, siya ang panganay.

Honor student mula sa elementarya at valedictorian sa high school, ang pressure mula sa mga taong nakapaligid sa kaniya ay nagbabagsakan na parang ulan. Kahit na palagi niyang binibigay ang lahat ng gusto ng kaniyang kasintahan, hindi niya ito hahayaan na lang kung kasama niya ang kaniyang mga kaibigan at gumagawa ng kalokohan, kahit pa nadamay lamang si Jiel.

***

Ang bahay nila Ace ang pinakamalapit mula sa paaralan na aabutin lamang ng sampung minutong lakaran. Matapos niyang ihatid si Sofia sa kaniyang sasakyan pauwi, naglakad na siyang mag-isa paalis.

"Sigh... Magiging boring na naman ito." Bulong ni Ace sa sarili.

Pagkatapos ng sampung minutong paglalakad, nakarating na rin siya sa harapan ng kanilang bahay. Pumasok siya sa pinto at nakitang nakabukas ang TV pero walang nanunuod, ang tanging nandito lamang ay ang kaniyang nanay na abalang nakatingin sa monitor sa harap niya.

"Pakisundo 'yong kapatid mo, maghapon na siyang naglalaro sa labas."

Napakibit-balikat na lang si Ace sa sinabi ng kaniyang ina. Naghugas muna siya ng kaniyang katawan at nagpalit ng damit bago lumabas ng bahay.

Kapag may oras, palaging hinahayaan ng kaniyang nanay na maglaro ang kaniyang nakababatang kapatid sa labas na parang ito na ang huling araw na makakatapak siya sa lupa.

Sa mga magkakalapit na bahay, isang grupo ng kabataan ang nagsisisigaw at nagtatakbuhan sa paligid ng basketball court. Ang atensyon ni Ace ay dumapo sa isang batang lalake na tumatakbo na parang mailap na kabayo habang hinahabol ng tatlong nakamaskarang bata.

"Rawr!" Gumawa ng ingay ang tatlong humahabol sa kaniya at mas binilisan niya pa ang pagtakbo nang bigla na lamang nilang mabangga ang isang tao.

"Aray!" Daing ng tatlong humahabol.

"Hoy! Naglalaro kami rito!" Sigaw pa ng isa kay Ace na ngayon ay nakaharang na sa harapan nila. Parang mga sisiw ang tatlong bata sa harap ng isang malaking aso

"Psst! Umuwi na tayo." Tinawag niya ang atensyon ng kaniyang kapatid. Parang kawawa ang bata habang naglalakad palapit sa kaniyang kuya na nakaharang pa rin sa tatlong kalaro niya.

Gusto pa niyang kunin 'yong mga maskara mula sa kaniyang mga kalaro nang makaramdam siya ng hapdi sa kaniyang kamay.

"Umuwi na rin kayo, gabi na." Sabi ng binata sa tatlong kalaro ng kapatid.

"Pero... Yung mask ko, gagamitin ko pa 'yan bukas." Naiiyak na sabi ng kapatid ni Ace.

"Edi kunin mo bukas." Tugon ni Ace sa kapatid bago ito hilain palayo. Hindi niya kinalimutang tumingin saglit sa tatlong batang lalake sa likuran niya.

"Hmp! Ano'ng tinitingin-tingin mo riyan!?"

"Hintayin mo lang, bubugbugin kita paglaki ko!"

"Oo, maghintay ka lang!" Sigaw ng mga ito kay Ace. Ngumisi lang si Ace sa sinabi ng tatlong bata.

Habang naglalakad ang magkapatid, pansin ng batang kapatid na tumigil ang kaniyang kuya kaya agad siyang napatingin dito.

"Natakot naman ako..." Daing ni Ace at tinakpan ang kaniyang mukha gamit ang mga palad niya.

Malapad na ngumiti ang tatlong bata sa saya. Hindi naman mapigilan ni Ace na kantiyawan ang tatlong bata sa kaniyang isipan.

"Natakot ako na mga supot pa kayo! Hahaha!" Malakas na tumawa si Ace bago lumapit sa batang may kayumangging buhok.

Umupo si Ace sa harapan ng bata bago mabilis na hinawakan ang pagitan ng kaniyang mga hita.

Tila nanigas naman ang bata at agad lumayo kay Ace.

"BAKLA KA BA!? Isusumbong kita sa ate ko!" Mangiyak-iyak na tumakbo paalis ang bata na may kayumangging buhok. Tumingin naman si Ace sa dalawang natira na agad ding tumakbo paalis.

"Umuwi na kayo at tsaka magpatuli na rin. Kung gusto niyo ako pa tumuli sa inyo eh." Natatawang sigaw ni Ace sa tatlo bago bumalik sa tabi ng kapatid niyang nakatingin lang sa kaniya.

*Grab

"Gusto mo pang maglaro, ano?" Tanong nito sa kapatid na umiling lang bilang sagot.

"Mabuti..." Tugon ni Ace bago hilain ang kapatid pauwi.

"Mukhang si nanay na naman pinagtrabaho mo sa bahay. Abala siya sa trabaho kaya tulungan mo naman minsan." Sabi pa niya habang hawak-hawak ang kamay ng nakababatang kapatid.

"Naghugas ako ng mga pinagkainan, pinakain ko rin 'yong mga aso't pusa." Sagot ng bata at talagang nangangamoy na rin siya dahil sa pawis at dumi.

Ang kanilang ina ay isang abogado at ang tatay naman ay isang company commander ng 1st Scout Ranger Regiment.

Nang makauwi ang dalawa, hinatid pa ni Ace patungong banyo ang kaniyang kapatid upang maligo bago siya magtungo sa kaniyang silid.

*Titing!

Tumunog ang kaniyang selpon habang siya ay nakahiga at nang tignan niya kung ano ito, nabasa niya ang text message ng kaniyang kaibigan.

-Mamaya, 7:30

***

Sabay kumain si Ace kasama ang kapatid at ina. Kahit na madalas wala ang mga magulang, sinisiguro naman nilang makakakain sila nang magkakasama kapag nandito sila.

"Anak, sa bahay ng lola mo kami magpapasko, gusto mo bang sumama?" Naitanong ng kaniyang ina.

Patuloy lamang sa pagkain si Ace habang iniisip kung sasama siya o hindi.

"Dito na lang siguro ako, nay. Kailan kayo aalis? Pupunta rin ba si tatay?"

"Bukas kami aalis ng kapatid mo." Sagot ni Lorena sa anak.

"Baka pupunta rin ako kapag nagbago ang isip ko. Aalis pala ako mamaya, magsisimba lang."

"Mag-isa ka?" Tanong ni Lorena kay Ace na agad din namang sumagot.

"Kasama ko sila Sofia."

"Hmm... Umuwi ka agad pagkatapos, 'wag ka nang pumunta kung saan pa, delikado. Hindi mo ba alam 'yong balita na ilang mga estudyante na ang nawawala?" Nag-aalalang paalala ni Lorena sa anak.

"Alam ko na 'yan, nay." Tugon ni Ace sa nag-aalalang ina.

"Mabuti naman kung gano'n. Ilagay mo na lang 'yong mga plato sa lababo pagkatapos ninyong kumain." Nagtungo ang kanilang ina sa kaniyang kuwarto pagkatapos kumain upang ipagpatuloy ang kaniyang ginagawa kanina.

"Si Junjun na lang ang maghuhugas." Saad ni Ace habang nakatingin sa nakababata niyang kapatid na labingtatlong taon ang agwat sa kaniya.

Pinapanuod niya ito habang sarap na sarap na kumakain, tila ba hindi niya rin narinig ang pinag-uusapan ng dalawa niyang kasamang kumain.

Pagkatapos niyang hugasan ang mga pinagkainan at pakainin ang mga alagang aso at pusa, nag-ayos na rin siya ng sarili bago umalis.

Mula sa polo at sapatos na suot niya, lahat ay puti.

Makalipas ang ilang sandali nang nasa labas na siya ng kanilang bahay, hindi niya pinaandar ang motor dahil tinulak muna niya ito palabas ng kanilang gate.

Nang paandarin niya ang motor, narinig naman ito ng kaniyang ina ngunit hindi na niya naabutan si Ace sa labas ng bahay dahil agad nitong pinaharurot ang motor palayo.

***

Sampung minuto bago magsimula ang misa, nakarating din si Ace sa simbahan na labinlimang minuto lamang ang layo sa kanilang bahay.

Marami nang tao sa loob ng simbahan pati sa pasukan pero nagawa pa rin niyang pumuslit papasok, dito ay nakita niya ang isang babaeng nakasuot ng pulang maluwag na polo at brown na fitted jeans.

"Puti rin ba 'yong brip mo?" Pabirong naitanong ni Jiel nang maupo si Ace sa tabi nila, hindi naman ito pinansin ni Ace dahil sa tingin na ipinupukol sa kaniya ni Darell.

***

"Punta lang akong banyo..." Bulong ni Ace kay Jiel bago tumayo at umalis.

Nang makarating siya sa banyo, tumingin muna siya sa salamin bago umihi nang muling bumukas ang saradong pinto ng banyo. Sumunod na pumasok ang isang naka suit na lalake.

'Sigh... Overtime na naman.' Sa isip ni Ace habang sinusundan ng tingin ang bagong pasok na lalake.

Makalipas ang ilang sandali, mabilis na lumabas si Ace sa banyo ngunit nang makalabas siya, narinig niya ang boses na tumawag sa pangalan niya.

"Ace! Ikaw ba si Ace Santos?" Tanong ng lalakeng kalalabas lamang ng banyo.

"Ako nga..." Nag-aalangang tugon ni Ace rito

"Ah, I thought you look familiar. I am from CBC Entertainment." Ipinakita ng lalake ang kaniyag ID. Ang CBC entertainment ay literal na para sa entertainment lamang. Mayroon silang branch dito sa probinsya ng Abra at siguro galing dito ang lalakeng ito

"Bakit?" Naitanong ni Ace at humarap sa lalake nang maayos.

"Gusto ka naming imbitahan sa paparating na January 1 bilang isa sa mga nakilahok sa nakaraang Summer Camp."

Ang Summer Camp ay isang paligsahan na ginaganap bawat taon sa pagitan ng buwan ng Abril at Agosto. Mayroon itong iba't ibang uri ng paligsahan kagaya na lamang ng sports at esports. Ang mga kalahok ay galing pa sa daan-daang mga unibersidad at state colleges ng bansa.

Ang mga runner ups o mga kampeon sa iba't ibang larangan ay talagang sisikat, maging ang kanilang paaralan.

Hindi lumahok si Ace sa ano mang category at wala siyang balak lumahok sa kahit na ano pero sapilitang inilista ni Aris ang kaniyang pangalan maging ang dalawa pa nilang kaibigan sa esports category. Kahit na hindi taos-puso ang kanilang pagsali ay sineryoso pa rin nila ang paglalaro.

Ang mga kilalang mobile battle royale games na CAD at PABG ang pinili ng kanilang grupo, at suportado naman sila ng UA. Suwerte o hindi, sila ang kampeon sa una at 3rd placer sa huli.

Naaalala pa rin ni Ace ang mga salitang binanggit ni Aris matapos silang maging 3rd placer lamang sa PABG. "Kapag hindi pa tayo nanalo rito, itakbo niyo agad ako sa pinakamalapit na ospital." Hinahalikan din niya ang kaniyang selpon habang binabanggit ang mga salitang ito. Talagang bumili pa siya noon ng bagong smartphone para lamang dito.

Hindi na kailangan pang ipaliwanag ng lalakeng ito ang nais gawin ng CBC entertainment sa pag-imbita kay Ace, halata namang isa itong group at one-on-one interview.

"Hindi ka pupuntang mag-isa. Sa totoo niyan, ikaw ang pinakahuling nabigyan ng imbitasyon sa labindalawang guests na pinili namin."

"Naiintindihan ko, salamat." Pagpapasalanat ni Ace at pinanuod lamang ang likuran ng lalake habang paalis ito. Binulsa lang niya ang itim na envelope bago umalis sa lugar.

*Sigh

Alam niyang magiging sobrang saya ni Aris kapag nalaman niya ito

***

Makalipas ang halos sampung minuto...

Hindi na pumasok pa si Ace sa loob ng simbahan at naghintay na lamang sa labas.

"Goodnight!" Kumaway si Sofia kay Darell nang nakasakay na ang kaibigan sa motor ni Jiel.

"Same!" Nakangiting tugon naman ni Darell bago paandarin ng kasintahan ang motor at umalis.

"Ihahatid na kita pauwi." Sabi ni Ace kay Sofia habang hinihintay nilang maging maluwag na ang daan palabas ng parking area.

At nang makaalis na sila ay naitanong naman ni Sofia kung bakit hindi na siya bumalik. Hindi naman siya naniwala na pupunta talaga si Ace sa banyo kanina at nang hindi na siya bumalik hanggang sa matapos ang misa, naghinala na siya na may iba siyang ginawa.

"May staff na nanggaling sa CBC, binigyan ako ng invitation. Nakipag-usap lang kaunti kaya natagalan." Sagot naman ng binata rito.

***

Tumigil sila sa harapan ng isang bahay at doon bumaba si Sofia.

"Kitakits na lang tayo ulit sa January." Tinapik pa ni Sofia ang braso ni Ace bago ito tumungo sa kanilang bahay kung saan naghihintay ang kaniyang ina sa pintuan, nakatingin pa ito sa kanilang dalawa.

"Magandang gabi po..." Magalang na bati ni Ace bago ngumiti nang pagkatamis-tamis.

"Ingat sa pagmamaneho." Balik naman ng ina ni Sofia.

Agad din namang umalis si Ace at makalipas ang ilang minuto ay nakarating din siya sa bahay nila. Ang unang napansin niya pagkauwi ay ang mga plastic bottles at papel na nagunting na nagkalat sa tabi ng kanilang sasakyan sa garahe.

Nang makapasok naman siya sa bahay ay nakita niyang nakatulog na si Junjun sa sopa at ang kanilang ina naman ay hinahanda na ang mga gamit na dadalhin nila bukas.

"Nay, ako na. Matulog ka na lang." Kahit na naka Christmas leave ang kanilang ina, mayroon pa rin siyang ginagawang mga paperworks.

"Dadating 'yong tatay niyo bukas."

"Tsaka iwan mo na rin 'yong mga laruan ng kapatid mo..." Bilin ng kanilang ina bago tumungo sa kaniyang silid para matulog na rin.

Nang matapos na siya ay agad din naman siyang nagtungo sa kaniyang kuwarto at sinipa ang pinto para sumara ito.

*Sniff

Inamoy-amoy niya ang envelope na binigay sa kaniya kanina habang siya ay nakahiga.

"Saang lugar ba ito nanggaling?" Tanong nito sa sarili nang malanghap ang kakaibang amoy matapos niyang punitin ang envelope.

No'ng una, hindi pa siya sigurado kung saan nagmula ang amoy ngunit nang mailabas na niya ang papel mula sa loob ng envelope ay doon niya nalaman na ito pala ang amoy mabaho.

Balak na sana niya itong buksan upang mabasa ang laman ngunit bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo.

Biglang kinabahan si Ace nang hindi niya alam ang dahilan.

'Parang lasing lang...' Sa isip nito bago alugin ang kaniyang ulo. Sinampal pa niya ang kaniyang noo ngunit mas pinalala lamang nito ang sakit at hilong nararamdaman niya.

Makalipas pa ang ilang sandaling pagpigil sa mga mata niyang gusto nang pumikit ay bumigay rin siya.

***A/N***

Ito ay isang kathang-isip lamang. Ang mga lugar, pangyayari, at mga pangalan ng tao sa kuwento ay walang ugnayan sa totoong buhay.