-Every place inside the town is accessible.
-Players are free to do everything they want with each other inside but should comply with the words of the Game Master.
-It is "just" a game
-The tower will close at 12 midnight and will open at 6 in the morning. In the duration of 6 hours, no one is allowed to stay inside the tower.
-Expect that you will be rewarded when the game ends.
-Do not panic, be wise, and stay alive...
Ito lang ang mga salitang nakalagay sa booklet, ang ibang mga pahina ay blangko pa rin.
"Tower? 'Tong gusaling ito ba ang tinutukoy nito?"
Lumapit si Ace sa bintana at tumingin sa labas, madilim. Sinubukan niya ring buksan ang bintana ngunit nakalock ito, hindi rin niya ito mababasag dahil ang bintana ay gawa sa polycarbonate glass na kayang salagin ang bala ng baril.
Ang ibang mga gusali naman, lalo na ang mga bahay ay mayroon lang taas na hindi lalampas sa pitong metro o katumbas ng dalawang palapag na gusali. Sa ngayon ay nasa ikapitong palapag si Ace pero kung titignan mo ang tower mula sa labas ay mapapagtanto mong hindi lang pitong palapag ang taas nito.
*Knock knock!
Nang marinig niyang may kumatok sa pinto, hindi agad siya kumilos upang pagbuksan ito at hinintay pang magsalita kung sino man ang nasa labas.
"Ace?" Tawag ng taong nasa labas.
Nakilala niya na boses ni Angel iyon kaya lumapit siya sa pinto at binuksan ito. Nandoon din pala ang mga kaibigan niya.
"Nabasa mo na ba yung nakasulat sa booklet?" Tanong ni Darell sa kaibigan.
"Oo, may nakuha rin ba kayo mula sa CBC?" Naitanong ni Ace at tanging tango lang ang natanggap bilang sagot.
"Mukhang napunta tayo rito sa parehong paraan." Tugon dito ni Sofia.
"Walang patutunguhan kung isip tayo nang isip, tignan na lang natin kung ano ang mangyayari bukas." Saad pa ni Jiel na nakatayo lang sa sulok.
Nawalan ng malay si Ace matapos malanghap ang amoy na nanggagaling sa invitation letter at nang magising siya ay nasa gitna na siya ng gubat, walang ideya kung ano ang nangyari.
Pilit niyang kinakalkal sa kaniyang isipan kung may ganitong lugar ba sa Abra pero wala siyang maalala.
Kung nasa malayo man sila, naisip ni Ace na gano'n na lang ba kalakas ang pampatulog para hindi sila magising?
Hindi pa rin masyadong pinapansin ni Ace ang masamang pakiramdam niya sa nangyayari, siguro isa lang itong prank kung saan kasabwat ang kanilang mga magulang. Hindi na bago para sa mga content creators sa social media ang mag below the belt para lang sa pera at views kaya hindi na magugulat pa si Ace kung ganito nga ang dahilan kung bakit sila narito.
Pero ang tanong, sino ang may pakana?
'Secret game o prank? Ang galing naman ng gumawa ng plano kung gano'n nga.' Pagpuri pa ni Ace sa kaniyang isipan.
Ngunit paano nga kung nadukot talaga sila ng mga masasamang tao para sa isang eksperimento? O kaya ay gagamitin ang kanilang mga katawan bilang containers ng illegal drugs. Sana ay hindi ganito ang mangyayari.
"Saan mo ba binuksan 'yong envelope?" Tanong ni Darell kay Sofia na agad namang sumagot.
"Sa loob ng kuwarto ko "
"Eh, ikaw?" Pabalik na tanong ni Ace kay Darell.
"Kagaya rin ng kay Sofia, sa loob ng kuwarto ko. Pati siya ay gano'n din." Tugon ni Darell habang nakatingin sa kaniyang kasintahan na tahimik na nakatayo sa tabi ng bintana, nakamasid sa madilim na himpapawid.
Tumingin ang dalawang babae kay Angel na siyang may naiibang sagot.
"I opened it immediately. No'ng maibigay sa akin ay binuksan ko na."
Kagaya ng sinabi ni Jiel kanina, hindi ngayon ang tamang oras upang problemahin ang lahat.
Kinamusta lang naman nila ang isa't isa at masaya silang ayos ang lahat.
Nang umalis na ang mga kasama, nagpaiwan si Sofia para makipag-usap muna kay Ace.
Pinagmasadang mabuti ni Ace ang mukha ng dalaga.
Mapa gabi man o umaga, kasingganda pa rin siya ng puting rosas.
"Hindi mo kilala si Angel?" Biglang naitanong ni Sofia sa kasama
"Huh? Hindi, kakikilala ko lang. Bakit?"
"Nanalo siya sa Young Chemist of the Year nang dalawang magkasunod na beses. Una ay noong 2nd year college siya at pangalawa noong 3rd year."
"Oh, tapos? Chemistry, hindi ako interesado sa bagay na 'yan." Walang ganang tugon ni Ace sa kaibigan.
Napasimangot na lang si Sofia bago hawakan nang sobrang higpit ang kamay ni Ace na siyang ikinagulat ng binata.
"???"
Balak pa sana niyang tanggalin ang pagkakahawak ng dalaga pero hindi niya itinuloy. Kakaina kasi siya tumingin sa kaniya.
"Ace, natatakot ako..."
Ano'ng dapat niyang ikatakot? Ito ang iniisip ni Ace. Hindi alam ni Sofia ang nangyayari gaya niya kaya normal lang na makaramdam siya ng takot.
Nasa kani-kanilang mga bahay lang ang mga estudyanteng nandito ngayon pero walang anumang napunta sila rito. Sino namang hindi matatakot dito? Ang pinakamalas pa ay hindi rin nila alam kung bakit sila narito.
Game? Game Master? Ano'ng ibig sabihin ng mga salitang ito?
"Bumalik ka muna sa kuwarto mo at magpahinga, bukas na lang ulit tayo mag-usap, okay?"
'Pati nga ako natatakot, nililibang ko lang ang sarili ko.' Sa isipan ng binata.
*Sigh
Hinatid ng binata ang kaibigan sa kaniyang kuwarto at agad din namang umalis pagkahatid nito.
Masama ang pakiramdam ni Ace pero hindi niya maipaliwanag kung bakit.
Sa lahat ba ng pagkakataon ay kailangang manaig ang conscious reasoning kaysa sa intuition? Hindi. Kahit na sa lahat ng pagkakataon ay kailangan nating kumilos at gumawa ng desisyon base sa matalinong pagpapasya, hindi pa rin dapat balewalain ang intuwisyon o kutob. Alam ni Ace ang bagay na ito ngunit tila ba inaasahan na niyang may masamang mangyayari dahil sa takot at kabang nagsisimula nang mabuhay sa kaniyang dibdib.
Ang kabang nararamdaman niya ay iba sa kabang nararamdaman niya noong Summer Camp kung saan milyong tao ang nanunuod. Isa lang ang dahilan kung bakit siya nakakaramdam ng ganito, iyon ay panganib.
***
*Ring
Kinaumagahan ay patalon na nagising si Ace nang bigla na lang umalingawngaw ang napakalakas na tunog sa tower.
Nagsisimula pa lang sumikat ang araw.
Tumagal nang isang minuto ang tunog at kasunod nito ay ang padyak ng mga paang naririnig ng lahat sa labas ng kani-kanilang mga silid.
"You're given 5 minutes to prepare." Pagbati ng masked man sa puting barong nang buksan ni Ace ang pinto ng silid niya. Nakabukas rin ang pinto ng kuwartong katabi niya.
Mabilisan namang inayos ni Ace ang sarili matapos niyang maligo. Limang minuto lang ngunit sapat na ito para ayusin ang sarili.
"Tapos na ang limang minuto."
Isang masked man ang bigla na lang pumasok sa kuwarto ni Ace at hinila palabas ang binata.
Napatingin si Ace sa lalakeng kasama niya sa palapag na ito.
Kalbo at may hikaw sa magkabilang tainga.
Kalmado lang itong maglakad at tila hindi alintana na may baril na nakatutok sa ulo niya.
***
Limampu't dalawang mga estudyante ang nakatayo ngayon sa basketball court habang sa apat na sulok naman ng lugar ay nakabantay ang mga armadong masked men.
"Each one of you has a card that you should hold on no matter what happens and keep it away from others. If you tell other players what card you have, expect that you will be eliminated first from the game." Babala ng nakaputing masked man.
"Sigurado akong alam niyo na ang pagkakahanay ng panlarong baraha, mula sa Ace hanggang sa King. Puwedeng kunin ng Ace ang pinakamababang puwesto ngunit ito rin ang pinakamataas sa lahat. Ang club ang pinakamababa sa apat na suitmarks, sunod ay ang diamond, heart, at ang pinakamataas ay ang spade."
"Mula sa Ace patungong number 10, kung ang card niyo ay of spades, mayroon kayong matatanggap na regalo. Malalaman ninyo kung ano iyon mamaya."
"Samantala, mula sa Jack, Queen, at King, naitala kayo bilang mga hunters. Pero..."
Tahimik ang lahat habang sinasalubong ang mapanuring tingin ng lalakeng nakasuot ng puting barong.
"You cannot hunt and eliminate a player who is holding a card of spades if your card is not of spades. Let a hunter who is also holding a spade card do the job."
Ibig sabihin ay kahit pa ang may hawak ng King of Hearts ay hindi puwedeng atakihin ang player na may hawak ng 2 of Spades. Ang mga hunters na hindi spades ang suitmark ay hindi puwedeng galawin ang mga players na may suitmark na spade, mababa man o mataas ang ranggo ng hawak niyang card.
"Ang larong ito ay tungkol sa mga baraha. Kung sino ang may pinakamalakas at pinakamataas na bilang ng baraha ang mananalo. Ngunit, kailangan ninyong pigilan ang ibang mga kalahok na kunin ito mula sa inyo."
Hindi alam ng mga kalahok kung ano ang ibig sabihin ng lalake sa huling mga salita niya.
"Paano naman namin makukuha ang card ng iba?"
Nang marinig ng lalakeng nakaputing barong ang tanong, gumalaw nang kaunti ang kaniyang mask na tila ba ngumiti siya o kung ano man.
"Attempting to get other person's card is an irreversible life and death battle. If someone tried to get other's card and failed, the hunters will do the job to clean the mess. The hunters have the most advantage, if many participants failed to get their opponent's cards, the hunters will be the ones to eliminate each one of you and get your cards. Failure means death for the both."
"So what do you mean by failing to get the card?" Sunod na tanong ni Ace. Bigla siyang kinurot ni Sofia dahil dito.
"Ang leon at tigre ay hindi puwedeng maghatian sa isang hiwa ng karne, kailangan nilang mag-agawan at kung sino ang mananalo, siya ang magmamay-ari nito."
"Kapag sumuko ka at ibinigay ang card mo sa kalaban dahil sa tingin mo ay mabubuhay ka nang mas matagal, nagkakamali ka. Hayaan ka mang mabuhay ng kalabang player, mamamatay ka naman sa kamay ng mga hunters. A fight between two card holders should have a winner, the loser will be eliminated by the hands of the winner or by the hunters but if none of you won the fight, the hunters will hunt both of you and get your cards. In the end, no winner means the death of both of you."
Naintindihan agad ng mga estudyante ang mga salitang binitawan ng masked man.
'It is just a matter of stealing and defending.' Ika nga nila sa kanilang mga isipan.
"Kapag nakuha mo ang card ng kalaban mo, panalo ka! Kapag hinayaan mo siyang mabuhay pagkatapos, maghintay ka lang ng ilang minuto bago ma-eliminate ang player na 'yan sa kamay ng ating mga hunters."
'Mabuti na lang Ace of Spades ang card ko, ang pinakamataas sa 52 playing cards. Ano kaya ang sinasabi nitong regalo?' Saad ni Ace sa kaniyang isipan habang sinusulyapan ang mukha ng mga kasama niya.
Sa mga kasama ngayon ni Ace, si Angel lamang ang nakangiti dahil sa may magandang bagay siyang narinig. Si Jiel naman ay hindi mabitawan ang kamay ng kaniyang nobya.
Siguro iniisip ng iba na kapag eliminated ka na sa laro ay makakaalis ka na sa lugar na ito. Karamihan sa kanila ay gusto nang umuwi at umalis. Naiinisip lang naman nila ang ganitong mga bagay dahil hindi nila pinagtuunan ng pansin ang "life and death battle" na nasabi kanina, siguro inaakala nilang may ibang ibig sabihin ito.
Alam ni Ace na dalawa sa kaniyang mga kaibigan ay hunters dahil ang natitirang cards na lamang matapos niyang pumili ng kaniya ay Ace of Hearts, King of Diamonds, at Jack of Clubs.
"Kailangan ba talagang itago kung anong card ang hawak namin?" Naitanong ni Ace habang nakataas ang kaniyang kamay.
"Yes, that is the first rule of survival. The higher the rank of your card, the more dangerous it is for you, everyone will aim to have a powerful card combination. We do not recommend telling anyone what card you have even if it is to your friend, it will not be fun if many are eliminated at once, right?" Tugon ditong nakaputing masked man. Sa likod ng suot niyang maskara ay ang malapad na ngiti.
"Alam kong hindi niyo ito seseryosohin kung hindi niyo alam ang nakataya rito, hindi ako at hindi kami nagbibiro na mamamatay kayo sa larong ito. Siguro kayong mga players iniisip niyong biro lang ito ngunit labindalawa sa inyo ay alam na hindi ako nagbibiro."
Ang ibig sabihin ng masked man ay ang labindalawang hunters, mula Jack hanggang sa King.
"Limang bilyon, limang bilyong piso ang magiging premyo ng mananalo!"
*???
"What if there are more than one winner?" Isang lalake na ang nagtanong at halata ang pangungutya sa tono ng kaniyang pananalita.
"Well, they will divide the prize. Why? Hindi ka naniniwala?" Hindi lang si Mike dahil maging ang iba ay gano'n din.
"Hindi maliit na bagay ang limang bilyon, hindi nga namin alam kung niloloko mo lang kami."
"Tapos?" Dahan-dahan na nilagay ng masked man ang kaniyang kamay sa likuran niya na parang may inaabot.
"Kailangan patunayan mo. Hindi kami pumunta rito nang kusa, paano kami maniniwala sa mga salita ng mga mandurukot namin?"
Napaisip naman ang masked man, wala pa ring reaksyon ang iba pang masked man sa paligid na parang mga estatwa. Hinaplos-haplos ng masked man ang kaniyang baba bago tumingin nang diretso sa mga mata ni Mike.
"Hmm... Tama nga naman."
*Click
"Kailangan ko lang patunayan na hindi-ako-nagbibiro."
Naging tahimik ang lahat hindi dahil sa salitang binitawan ng masked man kundi ang tunog na nag-click sa likod ng masked man.
Matapos ang ilang segundong katahimikan, isang putok ng baril ang umalingawngaw sa lugar.
*Bang!
"!!!"
Hindi agad naka react ang mga estudyante matapos nito ngunit nang bumagsak ang katawan ni Mike sa sahig ng basketball court ay doon na lang sila natauhan.
"AHH!"
Sino namang maniniwala sa mga sinabi ng masked man? 5 billion? Ang tanong, may ganiyan ba silang kalaking pera?
Mamamatay sila kapag nakuha ng ibang players ang hawak nilang card, nakakatawang nakakainsulto para sa mga estudyante ang mga salitang ito. Siguro ay mas maniniwala pa ang mga estudyanteng ito kapag sinabi ng masked man na mga human traffickers sila o kaya ay ibinebenta ang mga lamang-loob ng mga taong dinudukot nila.
"Sino pa ang gustong magtanong kung nagbibiro ako o hindi!?" Sigaw ng masked man, dahilan upang manginig sa takot ang mga estudyanteng naroon. Halata sa boses nito na galit na galit siya.
Ang nangyari ay binaril niya si Mike sa kanang balikat niya, isang salita pa at siguradong ulo na ang isusunod sa kaniya. Ang bala ng baril sa loob ng katawan niya ay patunay na lahat ng narinig nila rito ay totoo.
"M-mike!" Isang lalake ang mabilis na lumapit kay Mike at tinakpan ang tama nito para pabagalin ang pagdurugo. Agad namang pinalibutan ng ilan sa kanila si Mike na parang hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.
"Baliw ka ba!? Sa tingin mo makakatakas ka sa ginawa mo, ha!?" Ang lalakeng ito ay malamang kaibigan ni Mike.
"Hindi ba't ito naman ang gusto niyo? Elimination means death, wala kayong karapatang sisihin ako kung mabubuhay o mamamatay kayo. Gusto niya ng patunay kaya binigyan ko siya, dapat magpasalamat kayo at napatunayan kong hindi ako nakikipagbiruan, hindi ba?" Dahan-dahan na lumakad ang masked man patungo kay Mike bago ito kinapkapan at kinuha ang kaniyang card sa bulsa nito.
10 of Hearts
"Hindi ka spade? Kung spade ka siguro hahayaan pa kitang mabuhay. Ito ang resulta ng pagiging matapang kapag hindi naman kinakailangan." Pailing-iling na sabi ng masked man.
Si Jayson, ang kaibigan ni Mike, ay nakatulala lamang habang nakatutok ang baril ng masked man sa ulo ng kaniyang kaibigan na hindi na makapagsalita sa takot.
"10 of Hearts, eliminated." Malinaw at malakas na pagkakasabi ng masked man.
*Bang!
Naging mabilis ang lahat ng pangyayari. Wala pang tatlumpong segundo no'ng nakatayo pa si Mike ay patay na siya.
Agad nanlaki ang mga mata ni Jayson nang maramdaman ang mainit na dugo ng kaibigan sa kaniyang suot na damit at mukha.
"MIKE!!"
"A-ano'ng ginawa mo!? Pumatay ka ng tao!" Binitawan ni Jayson ang katawan ng kaibigan at sumugod sa masked man na pumatay sa kaibigan.
Nanginginig ang mga tuhod niya sa takot at galit, gusto niya itong sakalin hanggang sa mamatay ang taong ito. Hindi pa man siya nakakalapit ay isang masked man sa itim na barong ang agad nakarating sa likuran ni Jayson, gamit lang ang isang kamay nito ay nagawa niyang padapain si Jayson sa sahig ng court na parang maliit na bata.
"Kung ayaw mong mamatay, umayos ka." Bulong nito kay Jayson habang nakasakal ang isa niyang kamay sa batok ng binata.
Kahit pa malungkot at galit siya sa pagkamatay ng kaniyang kaibigan, hindi pa rin maalis ang takot na ngayon niya lang naramdaman sa tanang buhay niya.
Paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan ang sandaling pagkamatay ng kaniyang kaibigan kahit na anong subok niyang hindi ito isipin.
"Jayson, patay na ang kaibigan mo. Hindi ba't nararapat lang na maging mas matatag ka at mapanatili ang iyong buhay hanggang sa matapos ang lahat? Simula pa lang ito..."
Tumalikod ang nakaputing masked man matapos bitawan ang mga salitang ito kay Jayson. Lumapit siya sa isa sa mga masked men at may ibinulong. Doon ay inabot niya ang card ni Mike rito bago tumungo ang masked man sa loob ng tower.
Nasa "state of shock" pa rin ang mga estudyante, hindi nila maintindihan nang maayos ang sinasabi ng nakaputing tuxedo na ito.
Napatingin na lang si Jayson sa duguang damit at kamay niya, ang mga kamay na humawak sa patay niyang kaibigan. Dahan-dahan, tumulo ang luha sa kaniyang namumulang mata habang nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin sa galit.
Isang masked man na nakaitim ang lumapit sa katawan ni Mike at hihilahin na sana ito palayo nang mabilis na tumayo si Jayson at inatake ito.
Bumagsak ang katawan ng dalawa sa sahig at umamba ng suntok si Jayson nang ang nakaputing masked man, ang kanilang leader, ay sinipa sa ulo si Jayson.
Bago pa man mapatay si Jayson kagaya ng kaibigan niya, ilang mga estudyante na ang lumapit at pumigil sa kaniya.
"Bitawan niyo 'ko! Papatayin ko ang hayop na 'yan!"
*Sigh
"Alam kong masakit pero huwag kang maging tanga at ilagay sa kapahamakan ang buhay mo." May isang bumulong sa kaniyang habang mahinang tinatapik ang kaniyang balikat. Para bang may halong mahika ang boses nito at nagawang pakalmahin si Jayson.
Balak pang lumapit ni Ace sa katawan ni Mike ngunit isang kamay ang mahigpit na kumapit sa kaniyang balikat.
Umiling si Jiel sa kaibigan niya.
Tumigil si Ace sa balak niyang gawin.
Nanahimik ang lahat habang binitbit na palayo ang katawan ni Mike.
"What just happened..."
"Parang hindi sila mga tao..."
Karamihan sa kanila ay napako na sa kanilang kinatatayuan, pinag-iisipan kung tatakbo ba sila patungo sa gates o hindi.
Hindi naman sila mga bobo para subukang tumakbo at tumakas sa lugar na ito matapos makita ang nangyari kay Mike. Alam nilang hindi sila makakaalis kahit na anong subok nila.
"Seems like leaving this place will not come easy."
Mga college students lang sila pero bakit sila napunta sa sitwaysong ito?
*Tot
Ang malaking TV sa taas ng tower ay nagpalit ng screen, ngayon ay nakapakita na ang isang kamay na may hawak nq susi.
"Of course, won't it be useless if you can leave here that easy when we had our hardest time just to kidnap everyone and take them here?" Sabi na naman ng pamilyar na boses ng isang babae.
"Now now, your meals are prepared, you should eat first so that you will have a strength to play our game."
*Tot
Nang bumalik na sa dating screen ang TV, napansin nilang 51 na lang ang numerong nakaflash sa screen.
"51..."
"Ano'ng gagawin natin?"
"Hindi ko alam... Wala akong maisip..."
"Fuck! We don't even know where we are and now we're going to play a game where we are all going to die? Anong klaseng mundo 'to?" Malakas na sinipa ng isang lalake ang maliit na bato sa lupa.
Lahat sila ay pare-pareho ng iniisip maliban sa sidhi ng kanilang mga emosyon.
"We didn't even agree to play anything." Bulong pa ng isa pero nagawa pa rin itong marinig ng nakaputing masked man.
Tumigil lang siya saglit bago tuluyang umalis kasama ang mga tauhan niya.
"Tayo na, gutom na rin ako." Pag-aya ni Jiel sa mga kaibigan niya.
Lumapit naman ang isang hindi kilalang babae kay Jiel at tinanong ito.
"Susundan mo ba talaga sila?"
"Oo, wala rin naman tayong mapapala kung hindi tayo susunod sa gusto nilang mangyari." Sagot ng binata rito.
Tama naman. Wala silang mapapala kung tatayo lang sila rito.
Kahit pa makatakas sila sa lugar na ito, hindi rin nila alam kung saan sila pupunta.
***
Nakarating sila sa isang restaurant kung saan ay nandoon na rin kumakain ang iba nilang mga kasama.
"Enjoy your meal." Masayang sabi ng masked man kay Jiel nang umalis ito sa counter.
Nang marinig ito ng ibang mga nasa loob, tila nagdalawang-isip pa sila kung kakain o hindi. Mas lalo lang silang natakot.
Sumulyap si Ace sa mga pagkaing nakahain sa mahabang lamesa bago sumunod sa mga kaibigan.
"Dito na tayo..." Sabi ni Jiel sabay hila kay Ace na kanina pa patingin-tingin sa paligid.
"Relax lang, Ace." Nakangiting saad ng binata sa kaibigan. Kailangan nilang manatiling matapang para sa mga kasama nila.
Naintindihan naman ni Ace ang ibang ibig sabihin ng kaibigan sa mga binitawa nitong salita.
Nang nagsimula na silang kumain, hindi mapigilan ni Jiel na mapatingin kay Angel dahil hindi siya kumportable. Napapaisip ang binata kung bakit tingin nang tingin ang dalaga sa kaniya.
"Wala ka bang ibang kilala rito maliban sa amin?" Pagbasag ni Ace sa katahimikan.
"Ako ba?" Paninigurado ni Angel na siya ang tinanong ni Ace.
"Wala, as in kayo lang talaga. Normal lang ito sa akin kasi hindi naman ako nakiki socialize sa iba pati na rin sa pinag-aaralan ko." Sagot ng dalaga sa tanong.
"Kung makakalabas man tayo sa lugar na ito, 'wag niyong kalilimutan ang daan pabalik. Siguradong pagtatawanan lang tayo kapag nalaman ng iba ang nangyari." Sabi ni Darell sa mga kaibigan..
"'Yan ay kung makakalabas pa tayo. Hindi natin alam kung kailan din tayo magagaya kay Mike." Sabi pa ni Jiel.
"Kailangan lang nating mag-ingat sa mga gagawin at sasabihin natin." Tugon ni Ace.
"Tumakas kaya tayo?" Wala sa sariling nasabi ni Sofia kaya agad tinakpan ni Ace ang bibig niya.
"Mag-iingat ka sa sinasabi mo." Hindi alam ni Ace ang maaaring mangyari kung sakaling marinig ng mga masked men ang sinabi ng kaibigan.
Ayon sa nakasulat sa notebook na mayroon silang lahat, puwede nilang gawin ang kahit na anong gusto nila. Kahit pa magpatayan sila, walang pakialam ang Game Master.
Sa ngayon, wala pa rin silang ideya sa kung ano ba talaga ang maaaring mangyari sa kanila.
Napailing na lang ang isang lalake sa gilid nang marinig ang pinag-uusapan ng magkakaibigan.
Mukhang lahat ng mga nandito ay iniisip ang tumakas na lang pero mas mapapadali lang ang pagkamatay nila kung gagawin nila ito.