Maaga akong gumising, tulad ng dati papasok na naman ako, unang araw na naman ng klase ano naman kayang kamalasan ang naghihintay sa akin? Nasanay na akong sinasalubong ng hindi kagandahang pangyayari sa mga unang araw ko sa klase.Naglalakad ako papasok na sa aming building habang hinahagilap ng mga mata ko si Mariane nang hilahin ako sa braso ng isang babae kaya nilingon ko iyon. Nakita ko si Karina, seryoso ang mukha niya. Ano na naman kaya ang kasakanan ko sa babaeng ito? Alam naman na niya na kami na ni Justin at wala namang bayolenteng reaksyon mula sa kaniya.
Napansin ko ang kasama niyang babae, medyo may edad na ito pero bakas pa rin ang ganda sa kaniyang mukha. Bihis mayaman at mukhang istrikta. Iisipin ko sanang nanay ito ni Karina pero masyado itong maganda para maging nanay niya. Hmp! minus ten na naman ako sa langit nito. Makasalanan na talaga 'tong isip ko.
"Iha, ikaw ba si Arianne ang kasintahan ng anak ko?" aniya. Napanganga naman ako. Ito pala ang mommy ni Justin.
"O-opo," medyo ngumiti ako. Kinakabahan na ako, ano na naman bang kalokohan ni Karina at dinala pa rito ang nanay ni Justin?
"Iha, hindi ako naparito para kumprontahin ka o para ilayo ang anak ko sa'yo, gusto ko lang ipaalala sa'yo na maraming responsibilidad si Justin, alam mo naman siguro kung anong klaseng pamilya ang mayroon siya," panimula nito. Wala naman akong magawa kung hindi ang makinig sa mga sasabihin niya.
"Wala siyang oras sa mga hindi naman importanteng bagay tulad ng pag punta niya sa Boracay ay malaki ang nawala sa kumpanya," patuloy nito. Dumarami na ang mga nakiki-usyoso sa amin. Dahil nga kilala ang ina ni Justin.
"Hindi niya kailangan ng babaeng hihilahin siya pababa, kailangan niya ng supportive at maipagmamalaking girlfriend," sabi pa nito at tumingin kay Karina.
"Know your place iha, ilagay mo ang sarili mo sa dapat na puwesto, huwag kang mangarap ng napaka tayog dahil baka lumagapak ka bigla. To tell you frankly, hindi kita gusto para sa anak ko," hindi ko alam ang magiging reaksyon ko sa mga sinabi ng Ina ni Justin, ang alam ko lang ay napaka bigat ng dibdib ko na parang gusto nang sumabog. Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko.
"Masyado ka kasing ambisyosa! Gold digger! akala mo naka sungkit ka na ng matabang isda tulad ng iyong ina?" sabi ni Karina. Nagtaas ako ng mukha at kahit puno ng luha ang mga mata ko ay nanlilisik na tiningnan ko si Karina. Bakit niya dinadamay ang Nanay kong wala namang kinalaman dito?
"Guys listen!" tawag pansin ni Karina sa mga naroon. Halos lahat na ay nakatuon ang atensyon sa amin, partikular sa akin!
"This woman is a gold digger! certified gold digger kapareho ng Nanay n'yang atsay sa ibang bansa at inakit ang mayamang amo, ayun! asawa na niya at step farther na nitong malanding gold digger na to!" mahabang litanya niya na akala mo sikat na sikat dahil kinukuhanan pa ng video ng ibang estudyante. Maging ako ay hindi nakaligtas sa mga videos at pictures na kinunan nila.
Nanliit ang tingin ko kay Karina dahil sa sinabi niya, bakit ba niya idinadamay ang nanay kong wala namang ginagawang masama? Pina-imbestigahan talaga ako ng bruhang ito.
Hinablot ko ang mahabang buhok ni Karina at nang maiharap ang mukha niya sa akin ay sinampal ko ng ubod lakas.
"Wala kang karapatang idamay ang nanay ko sa gulong ito, kung si Justin ang habol mo ay sa'yong sa'yo na siya!" malakas at mariin kong sa sa harap mismo ng mukha niyang namula agad dahil sa sampal ko.
"Oo, mahirap lang kami pero galing sa malinis ang perang ginagasta namin sa araw araw. Kung sasabihin mo lang na hiwalayan ko si Justin dahil sa iyo siya ay gagawin ko agad dahil pare pareho kayong mga matapobre!" sabi kong padarag na binitiwan ang hawak ko paring buhok niya. HIndi siya maka laban sa akin dahil bukod sa mataas at mas malaki ang katawan ko kaysa sa kaniya ay mas hamak na malakas ako.
Hindi na ako tumuloy sa klase ko. Umuwi akong napakabigat ang dibdib ko hindi matanggap ang mga pinagsasabi sa akin ng Ina ng lalaking pinakamamahal ko. At idagdag pa ang Karinang iyon. Siguro ay tanggap ko pa kung ako lang nilait lait niya, pero idnamay pa niya si Mama. Ibang usapan na iyon. Hindi ako papayag na pagsasabihan lang si Mama ng mga salitang hindi naman angkop sa kaniya. At sa harap pa ng maraming tao.
Hindi ko na mapigilan ang emosyon ko nang maka pasok ako sa bahay nina Tiya, umiyak na ako ng malakas. Nag-aalalang nilapitan ako ni Tiya at niyakap kahit na hindi pa niya alam ang iniiyakan ko. Maging si Tiyo na paalis na sana ay lumapit at inalo ako.
"Heto, uminom ka muna ng tubig para lumuwag iyang dibdib mo. Ano ba kasing nagyari sa iyong bata ka?" si Tiya habang inaalalayan akong uminom.
"May bumastos ba sa iyo? hinoldap ka ba?" si Tiyo naman habang siniyasat kung okay ba ako, tiningnan pa ang bag ko.
Humihikbing ikinuwento ko ang nangyari sa kanila. Galit na galit sila lalo na si Tiyo Arthur, kung naroon lamang siguro si Justin ay baka napatay na nito.
"Hayaan mo na, hindi kawalan ang lalaking iyon! Hindi siya bagay sa'yo, Kung ganiyang ang kaniyang Ina ay hindi malayong ganiyan rin ang ugali niya!" si Tiyo na galit na galit pa rin.
Umalis na ito para buksan ang kaniyang shop. Sinamahan naman ako ni Tiya sa maghapon dahil baka raw maisipan kong magpakamatay. HIndi pa naman ako nasisiraan para gawin iyon.
Kinabukasan ay pumasok pa rin ako sa mga klase ko. Pero papasok pa lang ako ng campus ay pinagtitinginan na ako ng mga tao. Nagbubulungan at tinitingnan ako mula ulong hanggang paa saka tatawa.
Hindi ko na lang pinansin, Pero nang pumasok ako sa una kong subject ay kinausap ako ng aming professor. Hindi na raw nila ko amatatanggap sa eskwelahan dahil sa karahasang ginawa ko kay Karina nang nagdaang araw. Mabilis raw na kumakalat sa social media ang mga video at hindi nila kayang kontrolin kaya walang magagawa ang university kung hindi ang i-expel ako para isalba ang pangalan ng university.
Kahit na nagpaliwanag ako ay hindi ako pinakinggan ng pamunuan ng iskwelahan. Nanlulumong napa-upo na lamang ako sa sahig. Kalalabas ko lamang sa opisina ng dean. Sumandal ako sa pader at tila nauupos na kandilang napa-upo na lamang. Ano na ang gagawin ko? Paano na ang mga pangarap ko. Napaluha na naman ako. Para akong basang sisiw na walang gustong magpa silong.
Wala na akong nagawa sa desisyon ng eskwelahan. Maayos naman ibinigay sa akin ang records ko na kakailanganin kung sakaling mag-enrol sa ibang university.
Umuwi na naman akong tila wala sa sarili. Ginamit ni Karina ang kanilang impluwensya para mawala sa akin ang lahat.
Naisip kong tawagan si Justin pero out of coverage na ang numero niya at tanging operator lamang ang sumasagot.
Muli akong nanlumo, hindi ako maka tulog ng maayos hindi rin ako maka kain dahil sa mga nangyari.
Naisip ko si Mama, sina Lolo at Lola. Ayaw ko na sana silang mag-alala pero mukhang hindi ko rin maililihim ang pagkaka-expel ko sa school.
Tinawagan ko si Mama.
"Mama..." sabi kong gumaralgal agad ang boses ko. Para akong batang nagsusumbong.
"Anak may problema ba?" tanong ni mama mula sa kabilang linya halata sa boses ang pag-aalala.
"M-mama," sabi kong tuluyan nang kumawala ang pinipigilan kong iyak. Gusto kong yakapin si Mama at isumbong ang mga taong dahilan ng pag-iyak ko pero malayo s'ya.
Kahit paputol putol ay ikinuwento ko kay Mama ang mga nangyari. Naunawaan naman niya, pinalakas niya ang loob ko. Kahit paano ay naibsan ang bigat sa dibdib ko.
Pero simula pa lamang pala ng mas malaking problema. Ilang araw ang lumipas ay nagbago ang kalusugan ko, bumaba ang timbang ako at lagi akong nahihilo. Sinamahan ako ni Tiya magpa-check up. Natutop ko ang bibig ko nang sabihin ng Doctor na baka raw buntis ako dahil ang mga nararamdaman ko ay sintomas ng pagbubuntis.
Halos tatlong buwan na rin pala mula nang may mangyari sa amin ni Justin. Naalala kong hindi pa pala ako dinaratnan mula noon. Hindi ko na napansin dahil sa sobrang busy sa kasal ni Jasmine at sa paghahanda ko sa next school year.
Pinayuhan ako ng doktor na magpa-pregnancy test. At ilang oras lamang ay lumabas na ang resulta ng laboratory test ko. Positive! Buntis ako!
Muli na namang gumuho ang mundo ko. Mga pangarap ko, mga plano ko. Biglang nabura at naglahong parang bula.
Tulala ako hanggang maka-uwi kami ni Tiya. Maging siya ay hindi rin makapaniwala.
Muli na namang nagalit si Tiyo, gusto niyang hanapin at sugurin si Justin pero pinigilan ko siya. Wala na rin naman akong magagawa.
Nagkulong ako sa kuwarto, tinatawagan ako ni Marianne pero hindi ko sinasagot. Gusto ko munang gumawa ng sarili kong mundo, iyong ako lamang at walang makakapanakit sa akin. Maging ang mga tawag ni Jasmine at ni Mama ay hindi ko rin sinasagot. Hindi ko kinausap ang kahit na sino. Tila nawalan na ako ng boses, nakatulala lang ako sa kawalan at paminsan minsan ay hinihimas ang nagsisimula nang umumbok na tiyan ko. Minsan ay tumutulo lamang ang mga luha ko pero walang ano mang salita ang nagmumula sa akin. Basta ang alam ko ay malungkot ako at kailangan ko munang mapag-isa. Gusto ko ng mundong ako lang muna. Iyong walang sino man ang makakapasok para walang makakapag bigay muli ng kabiguan sa akin.
Matagal din bago ko napagtagumpayang maka takas sa realidad. Isang araw pag-gising ko ay napaka gaan ng pakiramdam ko. Muli kong hinaplos ang tiyan kong bahagya nang maumbok. Naka ngiti ako, pero hindi ko pa rin mahanap ang tinig ko na tuluyan na yata akong iniwan. Bahala na basta magaan ang pakiramdam ko ay ayos na. Paminsan minsan ay lumalabas ako ng aking silid pero madali lang dahil natatakot akong lapitan na naman ako ng mga taong mapanakit.
Dumating si Mama, tuwang tuwa akong niyakap siya. Gusto kong mag kuwento kay Mama pero hindi ko pa rin mahanap ang boses ko. Wala na sigurong mas tatahimik pa natagpuan kong katahimikan. Ang mga mapanakit sa paligid ay biglang nawala. Hindi ko na rin sila maalala maging ang sakit na dulot nila ay tila naglahong parang bula.
Ang hindi ko maintindihan ay ang patuloy na pag-iyak ni Mama kahit na naka ngiti ako sa kaniya. Sorry na lang at hindi ko na alam ang umiyak. Magaan na ang pakiramadam ko at ayaw ko nang ibalik ang pakiramdam ng umiiyak.
JASMINE'S POV
Nabalitaan ko ang nangyari kay Arianne, narito pa kami sa baguio kaya hindi muna ako makaka-uwi. Tinawagan ko lang muna siya para damayan siya. Kinausap pala siya ng Mama ni Justin sa mismong loob ng university kaya sobrang napahiya siya lalo pa at idinamay ang kaniyang Mama. Kilala ko ang pinsan kong iyon, mapagpasensya pero huwag mo lang makanti ang mga mahal niya sa buhay at talagang ilalaban niya ng patas.
Kinabukasan naman ay nag text ulit si Mama at ibinalita ang pagkaka- expel ni Arianne sa University. Nalungkot ako para sa kaniya, alam kong buhay n'ya ang mga pangarap niya. Mga pangarap at plano niya ang bumubuo sa buhay niya. Ramdam ko ang unti-unting pagka upos ng pinsan ko kahit hindi ko siya nakikita. Alam kong may hangganan ang katapangan niya.
Nagdesisyon akong hindi muna sumama kay Daniel sa Amerika para damayan si Arianne. Alam kong kailangan niya ng kausap. Pero ilang araw pa lang ay ibinalita ulit ni Mama na nagkakasakit ang pinsan ko. Dinala niya sa Doctor si Arianne at nakumpirmang buntis ito, at ang walang hiyang Justin na iyon ang ama! Justin na bigla na lamang naglaho, ni ha ni ho ay wala.
Next week pa naman kami babalik ng Maynila kaya kahit gustuhin ko man aluin at damayan siya ay hindi ko magawa.
Isang tulalang Arianne ang nadatnan ko, ayaw magsalita at tila tagusan kung tumingin. Kahit na anong gawin kong pakiusap ay hindi niya ako naririnig. Paminsan minsan ay hinahaplos niya ang kaniyang maumbok nang tiyan at muli ay titingin sa kawalan. Ayaw lumabas ng kaniyang silid. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Kung magagalit ba ako sa kaniya dahil pinaparusahan niya ang kaniyang sarili o maaawa dahil sa nakikita kong kalagayan niya. Alam kong hindi biro ang pinagdaanan niyang masasakit na pangyayari.
Gusto ko siyang sampalin, pero tuluyan na niyang iniwan ang mundo ng realidad at gumawa ng sariling mundo. Minsan ay naka ngiti siya. Nitong mga nakaraang araw nga ay parang napaka gaan ng pakiramdam niya dahil lagi na siyang naka ngiti, nawala na ang mga luhang palagiang nahuhulog mula sa mga mata niya.
Nagpasya kaming dalhin na siya sa ospital pero sabi ni Mama ay hintayin na muna si Tita mula sa UAE.
Ilang araw nga lang nandito na siya. Pero tulad ng dati ay walang reaksyon mula kay Arianne kahit nang makita si Tita. Awang awa ako sa kaniya. Para siyang buhay na patay. Parang tagusan lamang ang mga tinitingnan niya, maging sina Lolo at Lola ay hindi rin nakikilala. Naka ngiti lamang siya at walang ano mang salita. Basta't naka ngiti lang pagkatapos ay titingin na naman sa kawalan.
Ipina tingin namin si Arianne sa mga doktor at pare pareho ang naging diagnosis nila. Mental breakdown! Sumuko siya emotionally at pilit na gumawa ang isip niya ng mundong siya lamang ang nakakaalam para takpan at kalimutan ang mga sakit at hirap na nararamdaman. Sabi ng Doktor ay concious pa rin daw si Arianne sa kaniyang paligid pero ang utak niya ang nagdedesisyon na manatili sa sariling kapaligiran. Gagaling naman daw si Arianne dahil kusa raw nitong bubuksan ang sariling isip kapag tuluyang naka recover sa mga kinatatakutan, o kaya ay kapag naka kita ito ng mga bagay na puwersahang makakapag pabalik sa kaniya sa kasalukuyang realidad.
Inalagaan na lamang namin si Arianne, paminsan minsan ay dinadala sa doktor para sa kaniyang check up. Mayroon din siyang regular na therapy para bumalik siya sa dating pag-iisip. Malaki na rin ang kaniyang tiyan, Nagpasya si Tita na sa UAE na lamang siya manganak para malayo na rin sa environment na nakakapagpa alala sa kaniya ng mga masasakit na karanasan.