Chereads / Nuestro Amore ( Our Love) / Chapter 2 - Kabanata 1

Chapter 2 - Kabanata 1

~*~

NANG umandar ang kalesa ay hindi maiwasang manghina ni Estella. Iiwan niya ang nag-iisang lugar na kaniyang kinagisnan. Siguradong hahanap-hanapin niya ang bukang-liwaylaway na natatanaw niya sa kanilang bahay sa tuktuk ng bundok. Pati na ang paliligo nila sa batis ng kaniyang mga kaibigan. Huminga siya ng malalim at dinama ang mahinang pagdampi ng hangin sa kaniyang mukha. Madalas niya iyong gawin kapag nababahala o nalulungkot siya . Tila nabawasan ang isa sa ilang daang bagay na gumugulo sa kaniyang isip sa mga oras na iyon.

Mag-aalas nuwebe na ng marating niya ang pwerto. Kahit na ilang beses na siyang nakapunta roon ay hindi pa rin siya nasasanay sa pinaghalong ingay ng mga tao at makina ngabapor. Nakakasulasok. Idagdag pa ang masangsang na amoy ng isdang nakapaloob sa mga banyera at amoy ng krudo. Tinungo niya ang parte ng daungan kung saan nakatigil ang mga bangkang tatawid papunta sa El Grande. Iyon na siguro ang pinakatahimik na bahagi ng pwerto. Mabibilang lang sa kamay ang mga taong pumaparoo't pumaparito. Isa lang ang bangkang nakadaong sa gilid ng mga oras na iyon. Matagal niya iyong tinitigan. Narito na ang piraso ng kahoy na magdadala sa kaniya sa dayuhang lupain. Malaki ang isinakripisyo niya para dito kaya naman kahit na nangangati ang kaniyang mga paang umuwi ay ininda niya iyon at sa halip ay inaliw na lamang ang kaniyang sarili sa dahan- dahang pagsayaw sa maliliit na alon sa ilog.

" Ineng, pupunta ka ba ng El Grande ?" ani ng boses na nanggagaling sa kaniyang likuran. Otomatikong hinarap niya ang pinanggalingan noon at isang tipid na ngiti ang gumuhit sa kaniyang bibig.

" Opo."

" Kung gayon ikaw ang bagong katulong ng mga Valiente?"

" Opo, ako nga po. Kanina pa ba kayo naghihintay?"

" Hindi naman gaano, huwag kang mag-alala. Tsaka matagal-tagal na rin akong hindi nadadayo dito sa San Isidro, " ngumiti ang matandang lalaki sa kaniya ng malapad. Ngunit parang may kung ano sa likod ng ngiting iyon. Iyong ngiting parang may napakadilim na sikretong itinatago. Iwinaksi niya iyon.

Napapraning lang siguro siya bunga ng mga kwentong naririnig niya patungkol sa lugar na kaniyang tutunguhin.

" Dito din ako nagkaisip pero lumipat ang aming pamilya sa El Grande noong limang taong gulang pa lang ako. Tuwing piyesta lang kami nadadayo dito. Pero nitong mga nakalipas na taon eh , hindi na. Masiyado kaming abala sa hacienda".

Tumango-tango na lamang siya sa kwento ng matanda kahit na katiting ay wala siyang interes doon.

"Naku! Tirik na pala ang araw," pagpapatuloy nito at iginiya siya sa bangka. "Halika at hinihintay ka na nila."

Habang papalapit ang bangkang kaniyang sinasakyan sa isla ay unti-unti ding nababalot ng matinding kaba ang kaniyang katawan. Parang may nagbabadyang masamang mangyayari. Hindi na lingid sa kaalaman ni Estella ang kababalaghang bumabalot sa lugar na iyon. Bukambibig ng lahat sa kanilang baryo ang karimarimarim na nangayayari sa isla. Nitong mga nakalipas na taon ay bumabagabag sa isip ng mga taga-El Grande at kalapit na mga isla ang misteryosong pagkawala ng mga dalaga. Noong una ay hindi ito binigyang pansin ng karamihan. Hindi na kasi bago ang pagtatanan ng mga magkasintahan o paglalayas ng ilan. Ngunit, nang magsimulang magsilitawan ang mga walang buhay nilang katawan ay doon na nagsimula ang mga haka-hakang madalas gamitin ng mga matatanda na panakot sa mga bata. Ayon sa iilan ay gawa iyon ng halimaw o aswang. May iilan din nagsasabing kagagawan iyon ng kulto at iniaalay sa demonyo ang mga dalaga.

Hindi nga naglaon ay nag-imbestiga na rin ang mga gwardiya sibil at kasapi ng gobyerno ngunit tila ba mailap ang kanilang hinahanap. Walang nakakita. Walang nakarinig. Walang ni isang makakapagpatunay kung sino o ano ang nasa likod ng mga pagpatay. Puro haka-haka lamang ang kanilang nakalap. Kalaunan ay itinigil din iyon. Iniisip na lang ng karamihan na marahil ay iyon ang paraan ng langit o ng Diyos mismo sa pagpaparusa ng makakasalan tulad ng mga pari sa simbahan. Para kay Estella, bilang isang masugid na taga-kinig ng mga istoryang kababalaghan ay isa lamang iyong pampalipas ng oras. Isang walang kamatayang paksa na paboritong saluhan ng lahat, mapabata man o matanda.

Subalit habang iilang metro na lang ang layo ng nasabing isla ay hindi niya mapigilang mangamba. Paano kung siya ang susunod na biktima? Paano kung hindi na siya kailanman makauwi katulad ng ipinangako niya sa kaniyang Ina? Nagkakaugat sa kaniyang diwa ang ganitong nga ideya. Parang mas gusto niyang na pahintuin ang bangka at bumalik sa kaniyang nakalakihan. Ngunit wala na rin naman siyang magagawa dahil ng puntong iyon ay dumaong na ang bangka sa buhangin. Nalalanghap na niya ang mabigat na hanging pumapalibot sa El Grande.

" Nandito na tayo."

Animo wala sa sariling bumaba si Estella ng bangka ng inanunsyo ng matanda ang kanilang pagdating. Inilibot niya ang kaniyang mga mata sa dalampasigan. Iilan lang ang mga nakatayong kabahayan at napatahimik ng lugar. Kinasasabikan niya noon ang panaka-naka nilang pagpunta sa dagat. Ni isang bata ay wala siyang nakita dito. Ang tanging naroon lang ay isang grupo ng kalalakihan na nagbaba ng kanilang mga nahuling isda mula sa kanilang mga bangka.

" Lino!"

Mula sa kung saan ay bilugang tinig ng babae ang bumasag sa naghaharing katahimikan sa isla. Sa pagitan ng mayayabong na ligaw na halaman ay isang bulto ng babae ang nagpakita. Lumapit ito sa kinaroroonan nila ng may pagmamadali.

" Ito ba si Estella?" anito. Napilitan naman siyang ngitian ito pabalik at bahagyang tumango upang kumpirmahin na siya nga ang tinutukoy nito. Base kasi sa kilos at pananamit nito ay mukhang isa ito sa mga katulong ng pamilyang kaniyang pagsisilbihan.

" Opo. Taga kabilang isla lang po ako."

" Nasabi din nga sa akin ni Senyora Celeste na may kapalit na si Gina. Naku! Ewan ko ba sa batang iyon at umalis ng hindi man lang nagpaalam. Balita ko nga ay nagtanan na sila ng kaniyang nobyo. Hirap tuloy kami lang ni Manang Elsa ang nakatoka sa gawaing bahay. Si Clara naman ay hindi mapirme sa isang lugar," kwento nito. " Si Clara pala yungbatang babantayan mo. Pitong taong gulang pa lang iyon at napakakulit. Mabuti nga at hindi na tumagal ang paghahanap sa iyo."

Medyo nabunutan siya ng tinik ng malaman hindi niya pangunahing gawain ang mga gawaing-bahay. Kahit na ilang taong na siyang hinahasa ng kaniyang ina sa paghuhugas ng pinggan, paglalaba at paglilinis ay masasabi niyang wala siyang talento pagdating sa mga bagay na iyon. Sa katotohanan ay medyo nahirapan siyang maghanap ng trabaho dahil malamya siya pagdating sa gawaing bahay. Kaya ng sinabi sa kaniyang ang tanging gagawin niya lang roon ay magbabantay ng isang batang babae ay dali-dali na niyang sinunggaban ang opurtunidad. Mabuti na lang at walang may gustong kunin ang trabahong iyon maliban sa kaniya dahil nga sa mga balitang patayan sa El Grande.

" Siguradong pagod ang batang iyan. Pagpahingahin mo muna siya. Kabago-bago pa lang niyan eh ang dami mo ng kwento," pabirong sita ni Mang Lino dito.

" Ewan ko sayo, Lino ! Gusto ko lang na hindi manibago itong bata sa akin," irap naman nito sa matanda. " Ako nga pala si Chona. Halos tatlong taon pa lang akong kasambahay sa mga Valiente."

" Sige na humayo na kayo, Chona at baka abutan pa kayo ng takipsilim sa dami ng kwento mo. Huwag mo ng paghintayin pa si Crispin."

" Grabe po kayo sa akin ha. Gusto ko lang siguraduhin na panatag ang loob ng bata sa akin," pabirong pagtatampo ni Chona dito. " O siya sige na nga. Halika na, Estella. Kanina pa naghihintay si Crispin para ihatid ka sa mansyon."

~*~

MALAYO sa bayan ang bahay ng mga Valiente na kaagad ipinagkataka ni Estella. Ang sabi sa kanya ay mayaman at prominente ang pamilyang kanyang pagsisilbihan subalit ilang minuto na nilang nalaktawan ang bayan. Napalitan na nang malalapad at mayayabong na kakahuyan ang mga nagtataasang bahay na bato ng mga principales. Hindi na ingay ng merkado ang maririnig kundi pagaspas ng mga dahon at manaka-nakang himig ng mga ibon. Marahil ay napansin ni Aling Chona ang nababagabag niyang mukha at agad namang pinaliwanag sa kanya ang lahat.

" Mayroong malubhang sakit sa baga ang ikalawang lalaking anak ng mga Valiente kaya naman ay napagdesisyunan nilang huwag magpatayo ng tahanan sa bayan. Isa pa nasa bukid ang kanilang kabuhayan. Mas gugustuhin ni Don Samuel na siya mismo ang mamahala ng kanilang lupain at huwag itong ipagkaloob kung sa kung sino- sino man," anito. Dala na rin ng kanyang natural na kuryusidad ay ibinigay niya sa matandang babae ang kanyang buong atensyon. Saka wala namang ipinagkaiba ang tanawin sa paligid sa mga nakikita niya sa kanila sa San Isidro.

" Magsasampung taon pa lang ng nagtungo dito ang mga Valiente mula sa Espanya. Isa sa mga namatay ang kaniyang asawa ng dahil sa epidemyang nanalasa doon. Naiwan sa puder niya ang tatlo nilang anak. Napgdesisyunan niyang bigyan ng bagong buhay ang kaniyang mga anak sa Pilipinas. At isa pa pala, malapit ang pamilya ni Don Samuel sa hari kung kaya't tinatanaw talaga dito sa isla. Kung tutuusin ay kaya niyang mailuklok sa kahit anong pwesto sa gobyerno kahit ano man ang gustuhin niya. Kung direkta niyang hilingin sa hari na gusto niyang maging gobernador heneral ay kayang -kaya niya. Nanggaling kasi sa angkan ng Valiente ang ina ng hari. Subalit mas pinili ng Don na mamuhay ng simple dito at hindi sa Maynila. Buong buhay niya kasi ay sa sentro siya pinalaki. Nasanay na siya sa ingay at marangyang pamumuhay doon. Kaya naman ay heto, mas pinili nilang manirahan sa pinakaliblib na parte ng isla."