Chereads / Nuestro Amore ( Our Love) / Chapter 4 - Kabanata lll

Chapter 4 - Kabanata lll

~*~

" ITO ba ang bagong katulong?" tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa na para bang hinahamak ang kanyang kaluluwa.

" Opo, Senyora. Siya si Estella at simula ngayon ay maninilbihan na siya sa mansyon." Bahagya siyang siniko ni Nana Elsa at pinandilatan ng mata dahil nakatitig lang siya sa babae. Sa tanang buhay niya ay ito pa lang ang unang beses na kinabahan siya sa presensya ng isang tao. Kaagad naman siyang napayuko upang magbigay galang sa Senyora.

"Mukhang masunurin din naman. Siguraduhin niyong alam niya ang kaniyang lugar sa pamamahay na ito," anito sa mahinahon ngunit ma-otoridad at nagbabantang boses. Napalunok na lamang si Estella ng laway upang pawiin ang paniigas ng kanyang kalamnan dahil sa sinabi nito.

" Sa tingin nyo, Manang. Ilang buwan kaya ang kakayanin ng batang ito?" Hindi niya parin inaalis ang kaniyang titig sa kanya. May pangahahamak din ang paraan niya ng pagsasalita. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na mag-iisang buwan pa lang ang dati nilang katulong ng makipagtanan ito sa kanilang hardinero.

Si Manang ang nagsalita," Hindi ko po alam, Senyora. Ngunit sana ay magtagal siya rito. Sa panahon ngayon ay mahirap ng makahanap ng katulong na magtatagal."

Napaismid naman ang Senyora Celeste sa sagot ng matanda. " Sabagay, ano pa bang maasahan sa mga maralita? Kaya hindi sila umaasenso ay dahil mga tamad. Lalo na ang mga kabadalagahang tulad nito. Naghahanap ng mayayamang mabibingwit."

Hindi pa nakuntento ang senyora sa pang-iinsulto sa kanya. Lumapit ito sa kanya habang matamis na nakangiti at bumulong," Huwag kang umasang makakaakit ka ng isang Valiente. Hindi kami mahilig sa marurungis na tao.Tandaan mo kung ano ka sa pamamahay na ito." Saka ito humakbang palayo at tumalikod ngunit kaagad ding huminto.

" At siya nga pala, Estella. Itapon mo ang suot mong damit at pati na rin ang kung ano pang kasuotan na mayroon ka sa bayong na iyan."

" Po? Anong isusuot ko kung itatapon ko ang lahat ng ito?"

Pansamantalang namayani ang katahimikan sa paligid. Pinandilatan na naman siya ni Manang Elsa na parang may nagawa siyang karumal-dumal na krimen.

" Estella, may isa pang batas sa pamamahay na ito na ang dapat mong malaman. Ayokong marinig ang salitang bakit lalong-lalo kapag may iniutos ako. Anumang ipinaguutos ko ay hindi kinikwestyon, sinusunod ito. Iyan ang tandaan mo. Elsa, ipagamit mo sa kaniya ang naiwang uniporme ni Gina."

Saka lang siya nakahinga ng maluwag ng tinahak ulit ng Senyora ang hagdan pabalik sa taas at pumasok sa isa sa mga kwarto doon.

" Unang araw pa lang pinainit mo na ang ulo ni Senyora, ineng. "

"Pero nagtanong lang naman ako kung ano ang susuotin ko kapag itinapon ko ang mga damit ko."

" Ay naku! Sige na, humayo ka likod bahay. Makikita mo doon ang isang maliit na kubo kung saan pansamantala kang maninirahan habang nasa puder ka ng mga Valiente. Inihanda na ni Chona ang gagamitin mong silid. Sa may aparador makikita mo ilnag damit, mula ngayon iyon na ang gagamitin mo. At huwag mong kalimutang itapons ang iyong damit o itago mo kung saan hindi makikita ni Senyora Celeste. Bumalik ka kaagad dito upang makilala mo si Clara."

Medyo nasiyahan si Estella sa sinabi ni Manang Elsa na pwede niyang itago ang kanyang mga damit. Iniisip niyang kapag nakauwi siya sa kaniya ay ito ulit ang gagamitin niya.Tinungo niya ang likod bahay at natagpuan niya nga roon ang kubo kung saan siya pansamantalang maninirahan. Isiniksik niya ang bayong sa pinakailalim ng kanyang tulugan. Sa may loob ng aparador nakahilera ang mga unipormeng tinutukoy ni Manang Elsa. Magkakapareho ang mga ito. Mga puting bestida na pare-pareho ang disenyo. Simple at walang kaarte-arte. Ang tanging nagpapaiba dito ay ang kwelyo nitong paniguradong matatakpan ang buong leeg niya na hindi niya kailang man gusto. Dali-dali niyang isinuot ang uniporme. Sinipat niya ang sarili sa salamin. Medyo naging pormal na siyang tingnan. Unang beses pa lang ni Estella na makakita na ang mga katulong ay may suot na uniporme. Sabagay, hindi naman ata kaaya-aya ang maglibot-libot sa magarang mansyon kahit na isang katulong na ang suot ay luma at kupasing kasuotan.

~*~

NANG makabalik si Estella sa loob ng mansyon ay kaagad niyang napansin ang isang batang babae sa tabi ni Manang Elsa. Para itong manika sa suot nitong bestida at pagkakapusod ng kulot nitong buhok. Bilugan ang mata nitong kulay abo, manipis ang mga labi at hugis aritokratiko ang ilong. Hindi rin maipagkakaila ang pagiging mestiza nito dahil sa bahagyang pamumula ng kanyang pisngi. Ngumuti siya dito ngunit nagtago lang ang batang babae sa likod ni Manang Elsa.

" Sige na, Clara. Sumama ka na kay Estella dahil simula ngayon ay siya ang magbabantay sa iyo," pag-aalo ni Manang Elsa dito subalit ikiniling lang nito ang kanyang ulo at mas hinigpitan pa ang pagkakapit sa bestida ng matanda. Gustuhin man ni Estella na ayain ito ay ayaw naman niya itong pilitin.

" May gagawin pa ako , Clara. Papagalitan na naman ako ng iyong mama kapag hindi ko iyon natapos. Tsaka maglalaro kayo ni Estella sa bakuran. Di ba gusto mong manakip ng paru-paru?" Nagkakulay ang mukha ni Clara at tumango -tango sa matanda. Doon na alamang siya nakahinga ng maluwag ngunit agad na kumaripas ang bata palabas ng mansyon. Sa sobrang pagkabigla ay hindi na nagawa pang makahakbang ni Estella.

" Estella, sundan mo ang batang iyon. Hindi iyon nakukuntento sa bakuran at malaki ang tsansang dumeretso iyon sa kakahuyan. Ayaw na ayaw pa naman ni Senyora Celeste na nagagala iyon doon."

Tumango siya sa tinuran ng matanda at kaagad na tinahak ang kaparehong daan na tinahak niClara. Malawak ang bakuran ng mga Valiente at napapalibutan ng nagtataasang mga bulaklak. Sa likod ng mga punpun ng mga rosas ay ang kakahuyang tinutukay ni Manang Elsa. Tahimik na naipanalangin ni Estella na hindi doon nagpunta si Clara. Hindi niya kasi kabisado ang lugar na iyon. Posibleng may mababangis na hayop na naninirahan doon o kung mas malala pa ay halimaw na tinutukoy sa mga kwento tungkol sa El Grande.

" Senyorita Clara!" sigaw niya. Makailang beses na niyang tinawag ang pangalan ng bata ngunit hindi pa rin ito nagpapakita. Magkakalahating oras na niya itong hinahanap at malapit na siyang maiyak sa desperasyon. Naiisip niyang baka may masamang nangyari kay Clara. Ito pa naman ang unang araw niya sa trabaho kapag nagkataon ay masisisante siya. Ayaw naman niyang umuwi sa kanila kaagad. Kailangan niya pang mag-ipon upang maipagamot ang kanyang tatay. Nalumpo ito dahil sa pagkakahulog sa niyog. Ngayon ay buong araw na lang itong nakahiga sa katre habang inaasikaso naman ng kanyang ina ang kanyang kapatid. Nasa kanya nakasalalay ang gagastusin niya doon. Nang mga oras din na iyon ay nakita niya si Aling Chona na kakalabas lang sa mansyon. May dala itong mga labahan at papunta na sana sa aljibe upang maglaba.

" Aling Chona!" sigaw niya rito. Mabuti na lang at narinig nito kaagad ang tawag niya. Lumapit siya sa kinaroroonan nito.

" O bakit, Estella ? May problema ba ? Bakit pawis na pawis ka ?"

" Si Senyorita Clara ho kasi bigla na lang tumakbo palabas. Kanina ko pa tinatawag pero hindi parin sumasagot."

" Paano sasagot si Clara? Pipi iyon. Hindi ba nasabi sa iyo ni Nana Elsa?"

" Hindi po eh. Bago ko lang nga po nalaman sa inyo."

" Nakalimutan niya ata. Pero huwag kang mag-aalala. Nakakarinig naman ang batang iyon kaya marahil ay narinig niya ang pagtawag mo sa kanya. Nagtatago lang yan diyan sa gilid-gilid. Mahahanap mo rin yan. Mahilig kasi maglaro nbg tago-taguan. Sige na, maglalaba pa ako at baka makita na naman ako ni Nana at masigawan na naman ako," anito saka umalis. Napakunot-noo naman si Estella sa naging sagot nito. Parang mas naguluhan pa siya kaysa maliwanagan. At dahil wala ng ibang pagpipilian ay sinimulan na lang niyang galugarin ang buong bakuran. Iniisa-isa niya ang mga lugar na pwedeng pagtaguan ng bata. Ngunit, kalaunay ay gusto na niya rin sumuko. Napaupo na lang siya sa damuhan at nagmumuni-muni.

"Bakit kasi ang bilis tumakbo ng batang iyon?"

Hindi ata sapat ang pagsasanay niyang habulin ang kanyang maliliit na kapatid. Nang mga oras ding iyon ay naisip niyang baka nagpunta si Clara sa kakahuyan. Mayroong daan sa likod ng mga punpon ng roas napapasok sa kakahuyan. Kahit na pakiramdam niya ay nanginginig ang kanyang kalamnan sa parehong pagod at kaba ay tinungo niya nga ang kakahuyan. Sa isang iglap ay nilamon na siya ng matatayog at nagsisilakihang mga puno.

" Senyorita Clara! Nasaan ka?!" Mas nilakasan niya pa ang kanyang boses ngunit tanging kaluskus ng mga dahon ang sumagot sa kanya. Hindi gaanong sumisilip ang liwanag ng araw sa bahaging iyon kaya medyo hindi niya maaninag ang kanyang paligid. Naglalaro na naman ang kanyang imahinasyon at hindi niya mapigilang isipin na parang may kung anong halimaw ang lilitaw mula sa puso ng kagubatan. May sala-salabid na daan ngunit natatabunan ito ng mga matataas na damo. Hinahawi niya ang mga iyon upang makadaan. Nakahinga siya ng maluwag ng makita niya sa di kalayuan si Clara at nakaupo sa isang patay na sanga ng puno.

" Senyorita Clara !" bago pa aman siya makahakbanga papunta sa kinaroroonan nito ay natigilan si Estela. Napansin siya na hindi ito nag-iisa, may bulto ng lalaki sa harap nito. Hindi niya aninag ang mukha nito dahil natatabunan iyon ng talukbong ng suot nitong itim na roba. Sa pagkakaalaala niya ay dalawa lang ang lalaki sa mansion. Ayon kay Manang Elsa ang Senyor ay nasa Maynila at may inaasikaso. Nasa hacienda naman si Mang Lino dahil ito ang naatasang pamahalaan ang mga trabahador habang wala ang Senyor habang si Crispin, ang kutsero ay nasa bayan. Impossible isa sa kanila ang lalaking nakaroba. Sino ang misteryosong binata?

Hindi pansin ng dalawa ang presensya kaya naman tinawag niya si Clara.

" Senyorita Clara! A-anong ginagawa mo-"

Napatingin sa kanya si Clara na may pagkabigla sa kanyang mukha. Sa isang kisap mata ay nawala ang lalaki at sa halip ay ilang daang paniki ang pumalit sa pwesto nito. Sinunggaban siya ng mga nilalang na iyon ito. Napatili siya. Dahil sa takot at pagkabigla ay nawalan sya ng balanse at napahiga sa lupa. Nakaramdam siya ng kirot sa likod ng kanyang ulo. Mukhang tumama iyon sa isang bato. Ilang segundo lang ang itinagal ng maging maulap ang kanyang paningin at tuluyang lumabo ang paligid. Ngunit bago pa man siya tuluyang mawalan ng malay ay lumitaw muli ang aparisyon ng lalaki.

"llamá a alguien," ( Call someone) anito sa baritonong boses kay Clara. Tumalima naman ang bata at lumabas ng kakahuyan.