"Bakit ka nandito? Ano ang hanap mo?"
Ito ang usual question ng mga taong makakausap mo, hindi lang ng dating apps. Kaya ito na ang chance mong pagnilaynilayan kung bakit mo nga ba gustong mag-sign up sa ganitong paraan ng paghahanap ng special someone. (Pwede namang magpareto ka na lang sa mutual friends tapos kapag naging successful, ilibre mo sila bilang pasasalamat dahil may love life ka na, yay! Kasi logically mas sure at safe ka kung kaibigan ng kaibigan mo ang kaka-ibiganin mo kaysa mag-talk to strangers, di ba?) Mag-retreat or recollection ka na kahit hindi pa Mahal na Araw tutal naman nasa bahay ka lang. Hindi ka makakalabas, wala ka ring mapupuntahan. Ika-third season na ng lockdown, baka nga matalo pa natin ang Ang Probinsyano sa paramihan ng seasons niyan (eight and counting since ipinasok pa si Julia Montes, real-life partner daw ni Coco). Marami kang oras para pagtuunan ang purpose of your existence—at least man lang kahit sa dating apps.
WARNING: Medyo emo ang parteng ito. Hindi ako madramang tao kaya sinasabi ko na sa inyo, mag-ready na kayo sa isang mala-MMK na kwento. Huwag ninyo nang hulaan ang title dahil wala akong papremyong GCash.
********************************
Dear Ate Charo,
Katulad ng ilang bilyon-bilyong tao sa mundo, isa ako sa mga na-shookt nang sumabog ang pandemya at mag-lockdown sa NCR noong March 2020. Introvert naman ako at advocate ng work-from-home set-up pero ang pakiramdam ko para akong ikinulong sa tore ni Rapunzel with all the conveniences. May aircon, pagkain, TV, mga libro at iba pang mapaglilibangan pero doon lang ako sa pinakatuktok ng tore—nakatanaw sa mga ulap, bundok at dagat sa malayong-malayo. Hindi ako makapaglakad sa labas o makalanghap man lang ng sariwang hangin dahil walang hagdan pababa ng tore. Ang magagawa lang ay maghintay sa pagdating ng witch at makinig sa pambi-bitch niya para kahit paano may kausap ka namang iba; hindi lang pamilya na ka-preso o mga kaopisina at kaibigan sa laptop. Para akong na-displaced mula sa nakasanayang traffic sa kalsada at interaction sa labas ng bahay, sa piling ng mga pamilyar na mukha maging ng mga nakakasalubong na walang pangalan, tungo sa isang bagong mundo na akala mo sa Black Mirror lang pwedeng magkatotoo. Kung saan si COVID-19 and cohorts ang nagdidikta kung kailan mo pwedeng i-treat sa restaurant ang tropa o dalhin sa playground ang mga batang pamangkin, kung sino ang mamamaalam na o maaaring kumapit pa.
Ito rin ang panahong said na said ako pagkatapos ng isang failed relationship, apat na FO (Friendship Over) at tatlong pagpanaw ng mga tiyahing kinalakihan. Samahan pa ng pinakarurok ng stress sa trabaho kaya ayun para akong balon na natuyuan. Walang laman, walang maramdaman. Pero kailangang mag-astang normal para makapag-function nang mabuti at hindi maging alalahanin ng sinuman sa pamilya, opisina o barkada. Kung kaya namang solusyunan mag-isa bakit hihingi pa ng tulong sa iba? Baka maging pabigat pa. Pero hindi ko rin kinaya huhuhaha at nauwi ako sa pagse-set up ng online appointment sa isang tarot reader.
Hindi naman niya sinabing matatagpuan ko ang The One sa dating apps pero nailabas ko kahit paano ang mga hanash at medyo nagkaroon ng konting hamog sa loob ng balon. But since mental health is 1001% real at nararamdaman ko nang lalong dumidilim at lumalalim ang sementadong butas na kahit si Sadako matatakot bumaba dito, kumunsulta na ako sa isang psychologist tutal libre naman sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Saka nakakahiya naman, hindi ko pa ba papatusin ang libre eh nagbayad nga ako ng isang libo sa tarot reader? Nagkaroon uli ng release ang kung anumang nakabaon sa pusod ng balon at ang realization ko sa parehong insidenteng ito: nakakatulong ang pakikipag-usap sa mga estranghero. May kakaibang comfort na naidudulot ang pagbubukas-loob sa taong hindi mo kilala. Hindi ka required magpaliwanag nang pagkahaba-haba. Wala rin silang karapatang husgahan ka. Ang pang-araw-araw na normal human interaction na tinangay ng pandemic ay unti-unting nabubuo muli sa bawat chance encounter sa pagitan ng mga taong hindi man magkakakilala pero pareho-pareho siguro ang hinahanap: meaningful connection o ang ilusyon ng pagkakaroon nito.
Lubos na gumagalang,
Rio
*******************************
Okay, back to regular programming, folks.
Kaya para sa akin, mahalaga ang alam mo kung anong ilalagay dito → LF:
Relationship: Tanungin mo muna ang sarili mo, "Handa ka na ba?"—kung ayaw mong ma-Rated K as in Kakairita o Kakagalit ka. Mamaya niyan iyan nga ang hanap mo pero hindi ka pa pala nakaka-move on sa ex mo. Or baka naman hindi ka pa emotionally mature. Huwag kang mandamay ng iba kasi seryoso itong papasukin mo. Pwede kang makasakit at masaktan din kung medyo warfreak at violent ang matatagpuan mo. Mayroon ding Rated K as in Karma, besh. Ingat.
Marriage: Kung seryoso ang Relationship eh mas lalo na ito. Hindi lang sa isip, sa salita at sa gawa ang commitment—pati na sa papel, sa mata ng Diyos at ng tao. Kung sa simbahan (o anumang institusyon na kikilanin ang pag-aasawa ng LGBTTTQQIAA) na talaga ang tuloy mo, siguraduhing sawa ka na sa buhay pagde-date at gusto mo nang lumagay sa tahimik na pagsasama with your One True Love for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness and in health, until death do you part. Huhu, group hug for the ultimate goal!
Friends: Kung ang kailangan mo lang naman ay support group dahil wala kang makausap at ayaw mo nang dumagdag pa sa mga pinagdadaanan ng long-time friends mo, why not make new ones? At least ito walang pressure magpa-cute sa profile picture kasi wala ka namang balak mang-impress ng kahit sino. And who knows what could happen next, di ba? Sa friendship naman minsan nagsisimula ang love. Mas mabuti na magkakilala muna kayo nang maigi para walang hiya-hiya sa pagpapakita ng mga hidden kawirduhan.
Something Casual: Honesty is the best policy kaya kung for fun lang muna ang kaya mong ibigay at tanggapin sa ngayon, sabihin mo agad para iwas expectations. Marami-rami rin namang ganyan lang din ang hanap since mahirap naman talagang pumasok agad-agad sa isang relasyon na mauuwi sa kasalan this pandemic. Iyong pisikal na pagkikita ninyo nakadepende sa gobyerno at sa dami ng COVID cases. At kung sakali mang pwede na kayong magkita, hindi rin kayo pwedeng mag-HHWW-PSSP (Holding Hands While Walking, Pa-Sway Sway Pa). Ang gastos niyan sa alcohol! Lalo namang hindi pwede ang MOMOL (Make Out, Make Out Lang) at baka magkawahaan pa kayo, makahawa pa kayo ng ibang tao.
Monogamous relationship: See Relationship above. Add Monogamous, which means One, and you get pa-isa-isang karelasyon lang. Huwag bwakaw.
Polyamorous relationship: See Relationship above again. Add Polyamorous, which means Many, and you get pwedeng sabay-sabay na relasyon sa magkakaibang tao. Though ito ang dapat mong tandaan: Dapat pumapayag ang lahat ng karelasyon mo sa ganitong set-up. Kung ikaw lang ang nakakaalam na may ganito pala, isa kang dakilang manloloko.
Don't know/Not sure yet: Keri lang naman kung hindi mo pa alam kung ano talaga ang gusto mo. Wala namang makakapag-impose niyan sa iyo. Ikaw lang ang natatanging makakapag-isip at makakapagdesisyon pagdating diyan. Basta huwag ka lang pa-yummy para walang masasaktan, okay?
WARNING: Ang bahaging ito ay rated SPG. Striktong patnubay at gabay ng moralidad ang kailangan. Maaaring may maseselang tema, lengwahe, kaharasan, sekswal, horror o droga na hindi angkop sa mga batang-isip.
In short, bawal judgemental at mayroon naman talagang mga taong ganito ang hinahanap out of necessity. Kung hindi mo trip, wala namang problema. Eh di huwag kang sumali sa kanila. Mag-decline ka kung may ganitong proposal. Ganoon lang kasimple iyon. Kung ikaw naman ang may trip sa ganito, igalang mo kung may mga taong ayaw pumayag sa gusto mo. Hanap ka na lang ng ibang willing.
Hook-Up: Parang call of nature lang kagaya ng pag-ihi o pagtae pero tawag ng laman. Iyong iba nagpapadala pa ng photos ng boobs nila for proof na seryoso sila. Pero sex lang talaga ha, walang feelings involved. Kaya ingat dito iyong mga mabilis mahulog at magkakabukol kayo. Madalas ONS (One-Night Stand) lang ito. Parang promo, for a limited time only, may expiry date kaya huwag masyadong umasa dahil baka wala nang sunod na pagkikita.
Unicorn: Ito naman ang hanap minsan ng ibang couples na naghahanap ng konting adventure sa buhay. Siguro dahil nababagot. Ewan natin, huwag tayong magmarunong, sila lang ang nakakaalam. Basta gusto nila ng isang kakaibang nilalang na sasakyan ang trip nila for a—sabihin natin in French to set a sexy mood—ménage à trois or threesome, pwedeng sa sex lang or something more pa. Depende iyan sa mapag-uusapan.
So, mamser, ano na hanap mo? 👀