Chereads / Livin’ La Covida Loca / Chapter 3 - G-Spot

Chapter 3 - G-Spot

Luh, R-18 yarnnn?! Sorry, hindi (pa).

Alam kong hawt na hawt ka nang mag-swipe right, mag-like, mag-heart—all in preparation for paglalandi pero wait muna. Cool ka lang. May next big question pa. And that is kung paano mo malalaman kung katribong tibo ang gusto mong harutin? Diyan na papasok ang G-Spotting, G for Gayrl o Gay+Girl. 🕵️‍♀️

Unless nasa dating app ka na "created for queer people by queer people" (Uy, Google na iyan! Walang anuman, gayrls. Enjoy!), medyo tricky ang bahaging ito. Lalo na sa mga taong hindi man lang talaga nakuhang maglaan ng ilang minuto para maglagay ng kaunting laman sa profile description nila at puro litrato lang ang inatupag na i-upload. Intindihin na lang natin. Baka sobrang busy sa buhay kaya nagawang mag-sign up sa dating app. O pwede ring nagpapaka-mysterious. Tipong kapag nahulaang mong tibo ako, akin ka. Whatever.

Mayroon namang LGBTTTQQIAA emojis to watch out for para obvious kung anong gender identity ng mga tao like 🌈 🏳️‍🌈 👩‍❤️‍💋‍👩 👩‍❤️‍👩 at minsan may pasimpleng hirit na "Love wins." Pero siyempre hindi naman lahat komportableng ipagsigawan sa mundo ang sexual preference nila. Mayroong discreet pa rin. Mayroong hindi pa nga talaga out; malamang naghihintay lang ng tamang pagkakataon. Which is super duper fine naman. Huwag tayong ano, mapanghusga o nakakabwisit na tao. Tayo-tayo na nga lang ang dapat nagdadamayan, magpapakialamanan pa ba sa desisyon at diskare ng bawat isa? Tandaan: walang tao, bagay o sitwasyon na dapat makapag-impose sa sinuman na maglagay ng label sa sarili niya nang hindi pa siya handa nang buong-buo. Siya lang ang bukod-tanging makapagsasabi kung sino o ano siya sa panahong gusto niya.

Pero sino nga ba ang tunay na tibo?

Naalala ko noong nasa kolehiyo ako, hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa sarili ko. Matapos kasi ang high school, wala ng uniporme ang pwedeng gamitin para itago kung ano talaga ang damit na gusto mo at komportable kang isuot. Wala ng blusa at palda with matching sando at shorts at black leather shoes na Mary Jane style ang magsisilbing "safety gear" mula Lunes hanggang Biyernes para hindi ka paghinalaan dahil ang gusto mo naman talagang OOTD ay shirt, jeans o shorts at rubber shoes. Wala na ring excuse na nanggaling kang all-girls school kaya boyish kang kumilos. Na ironic nga kung iisipin mong mabuti kasi all-girls tapos boyish. Ano raw?! Kaya pagtungtong ko sa isang coed na kolehiyo at nakita ko iyong mga out and proud na tibo sa org namin na lalaking-lalaki magdamit at kumilos, ang naitanong ko sa sarili ko: Tibo ba ako?

Pakiramdam ko para akong bakla sa piling ng mga lalaki. Oo nga, halos pare-pareho kami ng porma pero bakit parang hindi ako makasabay? Macho sila, malambot ako. Maikli ang buhok nila, mahaba iyong akin. Maingay sila, tahimik ako. Malaya at matapang silang bansagan ang isa't-isa na tibo, tomboy, tiborsya, lesbiyana at lulu nang walang pikunan. Nangingimi at naiilang ako. Hindi ako maka-relate. Kaya iniiwasan kong makasama sila sa org tambayan. Para kasing wala akong maibabahaging kwento na kung tutuusin dapat nga mayroon dahil uso ang pakikipag-on sa amin noong high school. Normal lang. Kung wala ka man lang naging ka-on kahit isa o ka-letter writing, napaka-uncool mong tao. Iyon siguro ang katumbas ng nerd sa all-girls school. Ayoko ring tawagin nila akong tibo, tomboy, tiborsya, lesbiyana o lulu. Ang weird ko, no? Kahit nga noong panahong nagkaroon na ako ng girlfriend sa kolehiyo at naging official na hindi lang phase ang pagiging tibo, tomboy, tiborsya, lesbiyana o lulu ko na bunga ng kulturang all-girls school, ayoko pa rin silang makasama. OP (Out of Place) talaga ako sa kanila. Para akong Janitor Fish sa isang aquarium na napapalibutan ng mga Piranha. Takot na takot akong makain nang buhay.

Sa unang trabaho ko, doon ko natuklasan na bukod sa tibong lalaking-lalaki mayroon din palang tibong babaeng-babae at tibong babaeng-babae na gusto ang parehong lalaki at babae. It's complicated, no? Mga kasama ko ito sa trabaho, si Femme 1 at Femme 2. Magaganda, matatangkad at sexy sila. Laging naka-blouse, palda, bestida, short shorts o tight jeans kapag pumapasok sa opisina. Si Femme 1 maputi at kulot ang buhok na hanggang tenga. Nagbakasyon lang daw galing sa Amerika at hindi na bumalik ever. Piniling manatili sa Pinas dahil nainlababo sa butch na PE coach sa isang eskwelahan. Sabi ni BFF ni Femme 1, si butch grabe raw pagalitan si Femme 1 kapag may nagawang mali. Tinatawag na "tanga" o "bobo." Hindi na lang umiimik si Femme 1 dahil wala na siyang babalikan sa Amerika; na-disown na yata ng pamilya, relihiyo raw kasi. Si Femme 2 naman mahaba ang buhok at kayumangging Indian beauty. Architect sa Australia ang butch na girlfriend. Nagpapadala ng pera buwan-buwan pero selosa. Kapag tumawag sa cellphone, kailangang sagutin agad. Naging close ko si Femme 2. Marami siyang kwento tungkol sa relasyon nila. Siya pa nga ang nagpakilala sa akin ng first blind date ko noong naghiwalay na kami ni College Girlfriend kahit na ilang taon na akong resigned sa kumpanya. Si Blind Date kamukha at kakatawan ni Sunshine Cruz, bisexual at may anak na lalaki mula sa isang ONS (One-Night Stand).

Sa pangalawang trabaho ko, nakilala ko si Bossing. Noong magsimula ako, isang buwan na lang at manganganak na siya sa pangalawa nila ni Kuya, tawag namin sa asawa niya. Kaya itinuro niya sa akin ang lahat ng dapat kong gawin habang wala siya nang dalawang buwan. Astig si Bossing. Manganganak na iyan at lahat pero nagmamaneho pa rin papasok ng opisina at pauwi sa bahay. Very independent, nasanay sa kultura ng Amerika dahil doon siya nag-kolehiyo at nagtrabaho hanggang umuwi ng Pinas para maiba naman daw. Pagbalik niya sa trabaho, isang bagong Bossing ang nakita ko. Wala ng maternity dress, naka-blouse at slacks na. Namayat na siya at nagpaikli na ng buhok, pixie cut. Mabiro at malibre pa rin siya katulad nang dati kaya gusto siya ng halos lahat ng katrabaho namin. Masaya na ang work, masaya pa ang life. What is work-life balance, di ba? Ikaw na ang maging si Bossing.

Mid-thirties na siya noon habang early twenties kaming mga bagong empleyado ng kumpanya, halos fresh graduates. Pero parang walang generation o seniority gap. Nasasakyan niya ang mga pinag-uusapan namin kahit usaping relasyon dahil two out of five sa aming puro babae full-pledged lesbians. Minsan nakikisali pa siya. Minsan nagbibigay ng payo. Galing din kasi siya sa all-girls school at nagkaroon ng mga ka-on. Siguro sa sobrang komportable namin sa isa't-isa kaya nasabi ng isa naming kasama, "Never akong papatol sa tibo." At iyon ang naging trigger sa pagbabagong-anyo, o mas tamang sabihin, pagbabalik-loob ni Bossing. Pagkatapos ng ilang bouquets of roses, movie dates, fancy dinners at araw-araw na hatid at sundo, naging sila ni Bossing in a couple of months. Ni minsan hindi ko narinig kay Bossing na tibo, tomboy o lesbiyana siya. Basta kung sino siya, iyon lang ang ginagawa niya. Walang pagbibigay ng kahit anong paliwanag, walang panghihingi ng pasensiya sa kahit kanino.

Kay Bossing ko natutunan na maaaring hindi naman kailangan ng label para sa sarili mo kung may kumpiyansa ka naman sa kung sino o ano ka talaga. Minsan kasi iyong label pwede kang ikahon sa estilo ng haircut, damit at sapatos na isusuot, timbre at baba ng boses, pagkilos at pag-iisip, at kahit na ng taong iibigin. Eh gusto mo ngang maging malaya sa pinili mong klase ng pagmamahal at pamumuhay, di ba? Pwedeng maging "out and proud" na hindi "out, loud, and proud." Ang mahalaga ay tanggap mo kung sino o ano ka nang buong-buo at walang katiting na pagsisisi.

Halos tatlong dekada rin ang questioning phase ko kahit na kinder pa lang naman alam at ramdam ko na na tibo, tomboy, tiborsya, lesbiyana at lulu ako. Hindi naman kasi madaling tanggapin na kakaiba ka at ikwento iyon sa mga kaibigan. Kinailangan pang sumali ako sa isang community group para ivalidate na hindi ako nag-iisa, marami kami at iba-iba ang hugis at kulay ng pagka-lesbiyana. Rainbow nga, di ba? Kaya noong dumating ako sa puntong tanggap na tanggap ko na ang sarili ko bilang tibo, tomboy, tiborsya, lesbiyana at lulu, tinangka kong mag-out sa unang pagkakataon sa isang katrabaho na naging malapit na kaibigan. Iyon lang! Ayaw niyang maniwala dahil nagba-blouse daw ako. Kinailangan ko pa talagang mag-thesis defence para lang seryosohin niya ako. 😆

Kahit hanggang ngayon sa dating apps, nakakakuha pa rin ako ng ganitong tanong: "Hi! Lesbian ka po ba?" Hindi ko na alam kung dahil sa litrato, edad, profile o mismong vibe ko. Ayoko nang mag-thesis defence uli! Sa dinadami-dami ng tao sa mundo, tanggapin na natin na mas lalong dadami ang gender identities habang mas kinikilala at nakikilala natin kung ano at sino tayo. Mayroong non-binary, gender fluid, trans woman, trans man, pangender, polygender, bigender, agender, genderqueer, androgyne, neutrois, gender non-conforming, two-spirit, trans feminine, trans masculine, womxn at iba pa. Sa lesbian universe pa lang iyan ha! Kaya Google na lang.

Basta ako gold star lesbian. 🤩