Chereads / Mga Kwento Ni Aliyah / Chapter 2 - Planet X

Chapter 2 - Planet X

"Planet X"

"SIGURADO KA BA RITO, ATE JACKIE?" paniniguradong tanong sa akin ng pinsan kong Ria habang nakatingala siya sa digital Billboard sa itaas ng gusali ng Mall Of Asia Arena kung saan pini-feature roon ang mga upcoming concerts ng mga sikat na artist, mapalocal man or international.

Napabaling ako ng tingin sa kanya. Hindi ko alam kung namamangha ba siya sa kanyang nakikita o natatakot.

Trenta anyos na ako at isang dakilang single. Kasalukuyan akong nagtatrabaho bilang isang Cashier sa isang convenience store na malapit sa aming tinitirhan. Samantalang si Ria naman ay mas bata sa akin ng halos limang taon. At nag-aaral siya ng Housekeeping dahil nagpaplano siyang makapag-abroad. Mga bata palang kami ay siya na ang tinuturing kong pinakamatalik na kaibigan. Kaya naman siya ang naisip kong isama nang manalo ako ng dalawang concert ticket mula sa paborito kong rock band.

Ang Planet X.

Binubuo ng apat membro ang naturang bandang iyon. Si Jiro ang vocalist; si Rico, ang bassist; Si Tom, ang drummer; at ang ultimate crush kong si Taru, ang lead guitarist at tumatayong leader ng banda. At ayon kay Google, halos magkakasing-edad lang kami!

"Hindi ko naman kasi trip ang mga rakrakan eh!" katwiran ni Ria sa akin.

"Pero sayang naman diba? Saka gusto ko talaga makita sa personal 'yung mga member ng Planet X! Lalo na si Taru!" nangungusap ang mga mata ko nang tignan ko siya, "Saka malay mo, siya na pala ang Mr. Right ko!  Alam mo ba? Wala akong goal sa buhay kungdi ang mapangasawa siya, Ria!"

"Obsessed ka na talaga!" komento nito, "Nagkagusto rin ako sa mga guwapong artista pero hindi ko sila pinangarap mapangasawa! Suntok sa buwan niyan ateng! Gising-gising din!"

"Ah, basta!" napasimangot ako, "I'm deeply inlove na sa kanya!"

"Ay, ewan ko sa'yo!" pagsuko na nito.

Kinikilig na napangiti ako sa kanya. Ewan ko nga ba, hindi naman ako mahilig sa mga rock band. Pero nang mapakinggan ko ang mga kanta nila, talagang napahanga ako sa ganda ng boses ng kanilang vocalist na si Jiro. Pero mas lalo pa akong naging fan ng naturang bandang iyon nang mapansin ko ang husay sa paggigitara ni Taru. Simula noon, talaga naman naging updated na ako sa kanila. At nang mag-announce sila ng concert, hindi ko na pinalagpas ang pagkakataon. Sumali ako sa mga promo at paraffle, at mapalad akong nanalo ng dalawang concert ticket nila na gaganapin ngayong gabi sa mismong Mall Of Asia Arena.

"Hay, Ria! Super guwapo ni Taru, paano pa kaya sa personal?" nahuhumaling kong tanong sa kanya, "Yung ngiti niya. Yung bilugan niyang mga mata. Yung nangangalit niyang muscle kapag naggigitara siya! Walang tapon mula ulo hanggang paa! Ano kaya ang feeling ng maging misis niya?"

"Sige na…sige na…" awat na nito, "Kung hindi lang talaga ito libre, wala naman talaga akong balak na samahan ka!"

Muli akong napatingin sa kanya, "Promise, never mong pagsisisihan ang napanuod sila!" nginitian ko naman siya kahit pa irap ang ginanti niya sa akin.

Nagdesisyon na rin kaming magtungo sa parking lot ng arena kung saan naroroon ang ibang fan ng Planet X na manunuod. Eksaktong alas syete ng gabi nang binuksan ang gate, at isa-isa nang pumasok ang mga tao.

First time kong makapasok sa Mall Of Asia Arena kaya naman hindi ko maiwasan ang labis na mamangha sa laki at lawak nito. Nang mapatingin ako sa stage, at makita ko ang logo ng Planet X, parang gusto kong umiiyak sa tuwa. Dati-rati kasi sa youtube at facebook ko lang napapanuod ang mga concerts nila. Pero heto ako ngayon, nasa naturang venue na!

Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ko. Alam ko sa sarili ko, nasa iisang lugar lang kami ni Taru. Ang lupang tinutungtungan ko ngayon ay ang lupang tinutungtungan din niya ngayon. Nasa iisang lugar lang kami. At ilang sandali na lang, nasa harapan ko na siya.

"Matagal pa ba?" may pagkainip na tanong sa akin ni Ria.

Aktong sasagutin ko na sana siya nang isa-isang namatay ang mga ilaw. Hudyat na malapit nang magsimula!

Nagsimulang umugong sa buong arena ang hiyawan nang makarinig kami ng isang tinig ng babae na wari'y isang robot. Isinalaysay nito ang kasaysayan ng 'Planet X'. Kung papaano nagsimula ang lahat, at kung papaano sila nabuo. Nagflash din sa malaking screen ang buong universe kabilang ang iba't ibang planeta.

Ayon rito, Planet X ang tawag sa mga unknown planet na hindi pa nadidiscover ng NASA. Matatagpuan ang mga Planet X sa pinaka ilalim o pinakadulo ng universe.  Sa haba ng panahon, isa sa mga planet X ang nagkaroon ng kakayahan na maglakbay. At natagpuan nila ang Earth.

Sa ganda ng lights effects na sa loob ng arena, pakiramdam ko ay nasa gitna na rin ako ng kalawakan. Halos namilog din ang aking mga mata nang lumitaw mula sa ceiling ang isang space ship. 

"Fiction lang naman ang lahat ng iyan diba?" bulong sa akin ni Ria.

"Oo naman!" natatawang tugon ko, "High tech noh?"

Tumango-tango lang siya, pero bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala.  Hindi ko na masyado pang pinansin ang pinsan ko dahil mas focus ako sa mga lights effects ng buong arena na parang nagiging totoo sa aking paningin.

Nang humintong magsalita ang tinig ng isang babae, saka naman tumutok ang spotlight sa stage kung saan isa-isang naglitawan roon ang apat na myembro ng Planet X. Umugong ang malalakas na hiyawan ng mga taong naroroon, at nangingibabaw ang mga tili ng kababaihan na labis ang pagkahumaling sa kaguwapuhan ng mga ito.

Lalo pang umugong ang mga hiyawan at tili nang magsimulang tugtugin ng mga ito ang kani-kanilang istrumento.

"Taruuuuu!" malakas kong sigaw. Nagbabakasakali akong marinig niya ang tinig.

Hindi ko alam pero matapos kong isigaw ang kanyang pangalan ay parang napatingin siya sa dakong kinaroroonan ko. Pakiramdam ko pa ay nagtama ang aming mga paningin dahil naramdam kong parang may spark. At parang huminto ang oras sa pagitan naming dalawa. Wari'y tinatanggay ako sa kalawakan ng kanilang musika.

"Ria!!!!" tili ko habang kinikilig kong hinila-hila ang braso ng pinsan ko. Pero bigla akong natigilan nang mapansin kong parang may hindi tamang nangyayari sa kanya, "Ok ka lang?" nag-aalalang nilingon ko siya.

"A-ano kasi… p-para biglang sumakit ang ulo ko," anito, "H-hindi ko talaga gusto ang mga ganitong tugtugan!"

"A-ano ka ba?" natatawang saway ko saka ako napatingin sa ibang tao sa paligid namin.

Karamihan sa kanila ay sobra ang enjoyment. May iba pa ngang nagheheadbang.

"E-enjoy m—" hindi ko na natapos pa ang aking sasabihin nang bigla siyang napaupo, at parang namalipit siyang bigla sa sakit ng kanyang ulo. "R-ria! Ria!" may pag-aalala ko siyang nilapitan. Saka ko muling pinalinga-linga ang paningin ko, at nakita ko may iilan nang nahihimatay. Hindi ko alam kung dahil sa siksikan ng tao o nakakaranas na rin sila ng sintomas na katulad sa pinsan ko, "Ria? Bakit ka nagkakaganyan?"

"P-parang sasabog na ang utak ko, Ate…J-jackie!!!!" tugon niya habang namimilipit pa rin siya sa sakit ng kanyang ulo.

"A-aalis na tayo ri—" aktong aalalayan ko na siya para makatayo nang biglang tumalsik sa aking mukha ang mga sariwang dugo, at nagkapira-pirasong utak ng pinsan ko. Kitang-kita ng dalawa mata ko kung papaano pumutok na parang lobo ang ulo ni Ria.

Malakas na tili ang pinakawalan ko. Hindi tili ng pagkamangha, kungdi tili na naghuhudyat na may nangyayaring hindi maganda! Hindi lang ako ang may ganoong sitwasyon, kungdi maski ang iilang taong naroroon. Nagsimulang magkagulo ang buong audience ngunit patuloy sa pagtugtog ng kanilang instrumento ang apat na myembro ng Planet X. Walang pakealam ang mga ito kung ano man ang nangyayaring kaguluhan. May iilang pa ring audience ang patuloy na nakikinig na parang na hypnotise ang mga ito.

"R-ria…" umiiyak kong kinalong ang wala ko nang buhay na pinsan. Hindi ko magawang tignan siya dahil wala na siyang ulo. Halos maligo na rin ako sa kanyang dugo. Pero wala akong pakealam, hindi ko alam kung papaano ko maibabalik ang buhay niya.

Nasa gitna ako ng pagdadalamhati nang isa-isang lumabas sa backstage ang mga staff. Nilalapitan ng mga ito ang mga nahypnotise na fans.  Maski ang apat na myembro ng Planet X ay bumababa na rin sa stage.

Laking-gulat ko dahil sa dami-daming taong naroroon ako ang nilapitan ni Taru. At sa mismong harapan ko, nakita ko ang pagbabago ng kanyang anyo.

Lumaki at binalutan ng itim ang kanyang mga mata. Nawala rin ang kanyang tenga, at lumiit ang kanyang ilong. Lumawak din ang kanyang bibig kung saan lumitaw roon ang mala-ahas niyang dila. Parang ganitong-ganito ang mga nakikita kong itsura ng mga alien sa mga sci-fi movies na napapanuod ko. Nakaramdam ako ng hindi maganda, pero hindi ko magawang makatayo man lang. Pakiramdam ko, bigla akong nanghina.

Umangat ang kanang kamay ni Taru. Nakita ko ang mahahabang daliri niyang tumuturo sa akin. Ilang saglit pa, parang may malakas na pwersa ang humawak sa aking mga braso para mapatayo akong bigla. Ni hindi ko magawang makagalaw. Pakiramdam ko, may humahawak sa buo kong katawan. Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi ko nararamdaman ang sahig.

Lumulutang ako!

"P-please huwag kang lalapit!" nagmamakaawa kong sabi nang mapansin ko ang unti-unting paghakbang ng mga kanyang paa papalapit sa aking kinaroroonan. Kasabay niyon ang pagtulo ng aking luha dahil sa matinding takot.

Pero parang wala itong naririnig. Hindi ko alam kung naiintindihan ba niya ang pakiusap kong iyon dahil patuloy pa rin siya sa paglapit sa akin. Mariin akong napapikit, at handa na ako sa possible niyang gawin. Hindi ko lang akalain na ang lalaking sinimulan ko nang mahalin ay ang papatay sa akin.

Pero si Taru nga ba itong nasa harapan ko?

Ilang saglit pa ay muli akong napadilat dahil naramdaman ko ang hintuturo niya sa aking dibdib. Dinig na dinig ko ang malakas na pagkabog ng puso ko.

"M-matindi ang pagkakagusto mo kay Taru," gumuhit ang nakakakilabot na ngiti sa kanyang mga labi.

"N-nakakapagsalita ka?" gulat ko, "P-pinatay n'yo ang pinsan ko!"

"Hindi kinaya ng pinsan mo ang frequency na nanggagaling sa aming musika kaya sumabog ang kanyang utak!" katwiran nito, "Ikaw, dahil sa matinding pagkahumaling mo sa aming musika kaya nananatili kang buhay!"

"Kung alam ko lang na isa kang halimaw, hindi ikaw ang—"

"Matagal ko nang sinakop ang buong utak ng tunay na Taru," pagpapatuloy nito na siyang kinagulat ko.

"I-ibig sabihin…"

"Matagal nang wala sa mundong ito ang tunay na Taru!"  humalakhak ito, "At dahil sa matinding pagkakagusto mo sa taong ito, ibabahagi ko sa'yo aking mga binhi."

"A-ano'ng gagawin mo?" nanlaki ang mga mata ko nang bigla niyang hinawakan ang aking baba, at pilit niyang binubuka ang aking bibig. Nagpupumilit akong makawala pero may kung anong pwersa ang pumipigil sa akin. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang paglabas ng isang kulay berde na ahas sa kanyang bibig, at dumiretso ito papasok sa aking bibig.

Halos maduwal ako nang maramdam ko ang unti-unti niyang pagdaan sa aking lalamunan. Halos hindi ako makahinga sa nangyayari hanggang sa maramdaman ko ang pagbagsak ko sa sahig. Mabilis kong hinakawan ang aking leeg dahil ramdam kong naroroon ang nilalang na iyon.

Hindi lang ako ang nakakaranas ng ganoon. Ang iba ay namimilipit na rin sa sakit. May iba naman ay sumisigaw ng malakas. Umalingawngaw sa buong arena ang nakakakilabot na paghingi ng saklolo ng iilan.

Tumulo ang aking luha habang pilit kong inaabot ang paahan ng lalaking kinahuhumalingan ko. Pero ilang saglit pa, naramdaman ko na tila may kakaibang nangyayari sa loob ng aking utak.

Parang may apoy.

Parang may kumakain nito.

Nagsisimula na ring mamanhid ang buong ulo ko.

Gumapang ang matinding kirot dahilan para mapasigaw ako ng malakas. Hanggang sa magblangko ang aking paningin. Ang huling nakita ng aking mga mata ay ang nakakakilabot na itsura ng nilalang na nanggaling sa Planet X.

Wala na akong ideya sa mga sumunod na nangyari. Nagising ako. At ang tanging alam ko lang ay ang pagnanais kong tuparin ang misyon na binigay sa akin.

Iyon ay ang sakupin ang buong mundo.

The End