"I HATE TEACHER'S PET!"
Inis kong bulong habang matatalim na tingin ang binabato ko sa kaklase kong si Jenny.
Ako si Marivic Hernandez. At ito ang aking kwento....
Kasalukuyan na akong nasa Grade Eight. Ako rin ang Class President namin. Kapwa mga teacher ang magulang ko kaya naman maliit palang ako ay pangarap ko nang maging katulad nila. Noon pa ay pinagbubutihan ko na ang aking pag-aaral dahil ayaw kong madissappoint sila sa akin.
Pero dahil kay Jenny, pakiramdam ko ay inaagaw niya ang posisyon ko. Inagaw niya sa akin ang pagiging Class President ko. Masyado na siyang pabida sa Adviser naming si Sir Oliver.
Si Sir Oliver ang bagong Teacher namin. At noong unang dating palang nito sa aming eskwelahan ay marami nang kababaihan ang nabighani sa kaguwapuhan nitong taglay. Batang-bata ang itsura nito, matipuno ang pangangatawan, at mestizo. Mapungay-pungay rin ang mga bilugan nitong mata, at sadyang matangos ang ilong. Wala rin akong masasabi sa magandang hubog ng mga labi nito. At kahit sinong babae siguro ay papangarapin na mahalikan ito.
Aaminin ko, nakakaramdam ako ng selos kay Jenny sa tuwing nagiging bida ito sa aming klase. Kaya naman, dumating na sa punto na umiral na ang kamalditahan ko. Nagawa kong patirin si Jenny nang mapadaan ito sa harapan ko.
Parang huminto ang oras sa loob ng classroom namin dahil sa ginawa ko. Kitang-kita ng lahat kung papaano napasubsob si Jenny sa sahig.
Kaagad naman akong sinundot ng konsensya dahil sa ginawa kong iyon. Kaagad ko siyang nilapitan. Pero nang magtama ang paningin naming dalawa, bigla na lang nag-iba ang kulay ng mga mata nito.
Parang mata ng pusa!
Natigilan ako.
"Are you okay, Miss Samonte?" nag-aalalang tanong ni Sir Oliver na hindi ko namalayan na nakalapit na ito kaagad sa amin. At ito na rin mismo ang umalalay sa dalaga para makatayo.
Samantalang ako naman ay parang nanigas sa aking kinalalagyan. Sa isang iglap, muling bumalik sa dati ang kulay ng mga mata ni Jenny.
"Ganyan ba dapat ang attitude ng isang Class President, Miss Hernandez?" Galit na baling sa akin ni Sir Oliver.
Para naman akong sinampal dahil sa sinabi nito.
"After class, linisin mo ang buong classroom na ito bilang parusa mo, Miss Hernandez!" galit na utos ni Sir Oliver na labis kong kinagulat.
"P-po?"
"Or else, ipapatawag ko ang parents mo!"
Hindi na ako nakakibo.
Mas gugustuhin ko na lang na maglinis ng buong classroom kaysa ang ipatawag ang magulang ko.
"Don't worry, tutulungan kita!" bulong sa akin ni Louise.
"Salamat!" nagawa ko namang gantihan ito ng ngiti.
Halos magtatakip-silim na nang matapos ang klase namin. Nang kami na lang ni Louise ang nasa classroom, saka naman namin sinimulan ang pagwawalis.
Si Louise, siya ang kababata ko. Simula noong Grade One palang kami ay magkaklase na kami. Kahit ngayong mga dalaga na kami ay talagang siya na ang pinakamatalik kong kaibigan.
Habang abala kami sa pagwawalis ni Louise, hindi naman mawala sa isipan ko ang nakita ko kanina kay Jenny. Alam ko sa sarili ko na hindi ako namamalik-mata lang. Nakita ko ang pagbago ng mga mata nito.
Napansin naman ni Louise ang pag-iisip kong iyon kaya nagtanong siya sa akin.
"Ano'ng iniisip mo?"
"W-wala...." umiling-iling ako. Ayoko munang sabihin kay Louise kung ano man ang nakita ko kanina hangga't hindi ko pa ito napapatunayan.
"Alam mo ba nagustuhan ko 'yung ginawa mo kanina kay Jenny? Hindi....Hindi ko naman sa sinasabi na tama ang ginawa mong pagpatid sa kanya. Alam ko naman na matagal na rin natin siyang naging kaklase, pero parang nitong mga lumipas na buwan.....Parang... Parang nag-iba na siya. Pakiramdam ko, hindi na siya 'yung dating Jenny na nakilala natin. Tapos, napansin ko rin na iba siya makatitig sa akin. Parang gusto niya akong kainin ng buhay! Wala naman akong ginagawa sa kanya!"
Bumukas sa mukha ni Louise ang pagkabahala. Saka ko na rin napansin ang pagkakahawak niya sa kanyang tiyan.
"Ilang buwan na 'yan?" biglang tanong ko.
"Magtatatlong buwan na," tugon nito.
"Pinagtapat mo na ba sa parents mo ang tungkol d'yan?"
"H-hindi pa," tugon niya sabay ang pag-iwss niya ng tingin sa akin.
Oo, buntis siya. Bilang bestfriend, ako lang ang nag-iisang taong nakakaalam sa kalagayan niya. Ayaw ko namang kunsintihin ang kalokohan niya kaya ilang beses ko na siyang pinagsabihan na magtapat na ito sa kanyang magulang dahil ilang linggo na lang ay mahahalata na ang kanyang tiyan.
"Ah, Marivic! Maiwan muna kita! Naiihi na ako!" pagpapaalam nito.
Hindi ko alam kung dahilan lang ba niya iyon sakin para makaiwas sa usaping iyon, o talagang ihing-ihi na siya. Ni hindi ko na magawa pang pigilan siya dahil nagmamadali na siyang lumabas ng classroom namin.
Pinagpatuloy ko na lang ginagawa ko. Nang matapos na akong magwalis ay pinunasan ko naman ang blackbroad namin. Pero habang ginagawa ko iyon, nakarinig ako ng malakas na tili.
"L-louise?"
Umusbong ang kaba sa aking kalooban nang makilala ko ang pagtiling iyon. Kaagad na pumasok sa isip ko na baka may masamang nangyari sa kanya. Kaya naman, dali-dali na akong lumabas ng classroom namin.
Sinisipat ng aking paningin ang tahimik na hallway.
At kahit nakakadama ako ng takot, naisipan ko pa ring puntahan ito sa Comfort Room. Pero hindi pa ako tuluyang nakakapunta ng banyo nang maaninagan ko si Louise na nagmamadaling lumabas roon.
"T-tulong..." anito.
Napakunot ang noo ko. Aktong tatawagin ko na ang pangalan niya nang makita kong si Jenny naman ang sumunod na lumabas roon. Naglakad ito sa direksyon kung saan tumakbo si Louise.
Wala akong ideya kung ano ang nangyayari. Pero nagawa ko silang sundan ng palihim. Muli akong natigilan nang may mapansin akong pulang likido sa sahig. At kung hindi ako nagkakamali, dugo iyon!
Dahil sa aking natuklasan, binilisan ko ang pagsunod sa kanila. Pero muli akong natigilan sa mga sumunod akong nakita.
Mula sa kinaroroonan ko, kitang-kita ko ang mahahaba at matatalas na kuko ni Jenny. At dahil makatalikod siya sa akin, tanging reaksyon lang ni Louise ang nakikita ko.
Takot na takot ito. At nangnginig pa. Ni hindi ito makagalaw sa kinatatayuan nito.
"Huwag kang lalapit! Hindi ako papayag na makuha mo ang baby ko! Isa kang aswang! Aswang ka!" sigaw ni Louise at sa muling pagkakataon ay humingi ito ng saklolo.
Natigilan ako.
Aswang?
Si Jenny? Aswang?
"Tulong!" malakas na sigaw pa rin ni Louise.
Sa pagkakataong iyon, nagawa ko nang magpakita sa kanila. Nag-ala super hero ako sa harapan ng bestfriend ko. Kaagad ko siyang nilapitan, at inalalayan. Pero bigla akong nagulantang nang makita ko ng harapan ang itsura ni Jenny.
May mahaba na itong pangil.
At ang mga mata nito ay parang sa mata ng mga pusa!
Mabilis na gumapang ang kilabot sa buo kong katawan.
"J-jenny..."
"Umalis ka dito, Hernandez! Hindi ikaw ang target ko! Kungdi ang nasa sinapupunan niya!" anito sabay turo kay Louise.
"Tara!" hinila ko ang mga kamay ni Jenny. At mabilis kaming tumakbo.
Naging alerto naman si Louise.
Kasalukuyan na kaming pababa ng hagdanan nang biglang tumalon si Jenny na parang pusa, at sinunggapan nito si Louise.
Napatalsik ako sa sulok. Samantalang si Louise naman ay napahiga sa sahig, at nasa ibabaw nito si Jenny.
Kitang-kita ko ang pag-arko ng matatalas na kuko ni Jenny sa ere, at mabilis nitong dinakmal ang tiyan ni Louise.
Louise!!!" malakas na sigaw ko.
Halos nanlaki ang mga mata ko nang bumulwak ang sariwang dugo ni Louise. Narinig ko pa ang nagmamakaawang tinig nito.
Parang nanigas naman ako sa kinatatayuan ko dahil sa sobrang pagkagimbal.
Sa isang iglap lang, binawian ng buhay ang bestfriend ko.
Samantalang si Jenny naman ay parang isang gutom na hayop, at sarap na sarap ito sa kinakain.
Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakasaksi ng ganito. Hindi ko napigila ang pagbaliktad ng sikmura ko nang nakita kong sinupo ni Jenny ang maliit na fetus. At parang kumain lang ito ng spaghetti nang sipsip nito ang mahabang pusod ng sanggol.
"Napakasama mo!" mangiyak-ngiyak kong sabi habang pilit akong tumatayo. Ramdam na ramdam ko ang pangangatog ng mga tuhod ko dahil sa sobrang takot.
Nadinig naman ni Jenny ang sinabi kong iyon kaya napabaling ang tingin niya sa akin. Punong-puno ng dugo ang mukha nito, at ang mga mata nito ay hindi pa rin bumabalik sa normal.
"Marivic…"
Pagbigkas ni Jenny sa pangalan ko na parang umeecho pa hanggang sa dulo ng aking tenga. Pagkaraan ay gumuhit ang nakakakilabot na ngiti sa mga labi nito.
Bigla naman akong kinutuban nang muli siyang tumindig. Kumabog ng malakas ang dibdib ko dahil nakita ko ang paghakbang mga mga paa niya papalapit sa kinaroroonan ko.
Pinilit kong makatayo. Kailangan kong iligtas ang aking sarili.
Aktong tatakbo na ako nang biglang lumitaw sa aking harapan si Sir Oliver.
Nagtama ang paningin namin. Nakita ko ang mga mata niyang parang sa mga pusa.
Walang sabi-sabi, bigla niya akong kinabig. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa matinding pagkabigla.
Mabilis kong naramdaman ang pagbaon ng mga pangil nito sa aking leeg.
Ilang saglit pa ay unti-unti ko nang naramdaman ang pamamanhid at panghihina ng buo kong katawan. Nagsimula na ring mandilim ang paningin ko hanggang sa magblangko na ang aking utak.
Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na nawalan ng malay-tao. Namalayan ko na lang ang aking sarili na nasa isang bakanteng warehouse. Bumungad na rin sa aking paningin si Sir Oliver na kasalukuyang may hawak na baril, at nakatutok ito kay Jenny.
Si Jenny naman ay nakadipa sa sahig. At bakas sa mukha nito ang labis na pagmamakaawa.
"Nagiging pasaway ka nitong mga nakaraang araw! Ilang beses ko nang sinasabi sa'yo, maghintay ka ng tamang panahon at oras para makuha ang batang iyon! Pero hindi mo ako sinunod! Masyado kang nagmamadali! Ngayon kinakailangan ko pang linisin ang mga naiwan mong kalat!"
"H-hindi ko po kasi mapigilan ang sarili ko sa tuwing maaamoy ko ang bata sa sinapupunan niya!" mangiyak-ngiyak na katwiran ni Jenny.
"Ilang beses mo na akong pinapahamak dahil sa katigasan ng ulo mo!" singhal ni Sir Oliver
"A-alam ko naman kasi na hindi para sa akin ang sanggol na iyon kungdi para sa kanya!"
Natigilan ako nang tinuro ako ni Jenny.
"Alam kong mas gusto mo siya kesa sa akin! Nakahanap ka na ng bagong alaga kaya itatapon mo na ako!" pagpapatuloy nito.
Hindi ko alam kung ano nga ba ang nangyayari? Pero isa lang ang nasisiguro ko, hindi karaniwan ang nararamdaman ko ngayon.
"Masyado na akong nahihirapan sa'yo! Iyon ang totoo! Masyado na kang nagiging pabigat sa akin!" Galit na sabi Sir Oliver kay Jenny. At walang sabi-sabing kinalabit nito ang gatilyo ng hawak nitong baril. Umalingaw-ngaw sa bawat sulok ang malakas na pagputok. Kasunod niyon ang pagdaloy ng sariling dugo ni Jenny sa sahig.
Napasigaw ako ng malakas na siyang naging dahilan para mapatingin sa aking kinaroroon si Sir Oliver.
Nagsimula akong pumalag-palag pero nakagapos ang mga kamay ko. Hindi ako mapakali sa kinalalagyan ko dahil naamoy ko ang kakaibang aroma ng sariwang dugong nanggagaling sa patay na katawan ni Jenny.
Nakakaramdam ako ng gutom.
Ng uhaw!
"Take it easy, Honey!" tuwa ni Sir Oliver na hindi ko namalayan na nakalapit na pala siya sa akin. Pagkaraan ay nilislis nito ang braso niya at tinapat niya sa bibig ko.
Nakaramdam ako ng pananabig habang titig na titig ako sa makinis na braso ng aking guro.
Ilang saglit pa, naramdaman ko ang paghaba ng mga pangil ko. At hindi na ako nagdalawang-isip pa na kagatin ang makinis nitong braso. Sabik na sabik akong sinipsip ang dugo nito.
Nalasahan ko ang sariwang dugo niya. Nakakadama ako ng kakaibang init nang maramdaman ko ang pagdaloy ng dugo nito sa aking mga ugat.
Kumakabog ng malakas ang dibdib ko.
Kakaibang pakiramdam.
Parang may gustong kumawala sa kaloob-looban ko. At parang may mas gusto pa akong makuha ng higit pa roon.
Biglang bumitaw si Sir Oliver dahilan para mapasigaw ako ng malakas. Kasabay niyon ang paglabas muli ng matatalas kong mga pangil na may bahid ng sariwang dugo. Doon na rin nagsimulang mag-iba ang kulay ng aking mga mata.
Parang katulad ng mga mata ng isang pusa.
Pumalag-palag ako. Umaasa akong makakawala ako sa pagkakagalos niya sa akin.
Hindi na ako mapakali.
Nabitin ako!
Gusto ko pa!
Nagugutom pa ako!
"Shhhh…" pag-amo sa akin ni Sir Oliver at nagawa pa nitong himasin ang buhok ko.
Pero dahil sa ginagawa nito, nagsimulang pumapanatag paunti-unti ang kalooban ko.
"Good Girl," puri nito at panay himas pa rin niya sa aking ulo.
Simula noon, wala na akong ibang sinusunod at pinapakinggan kungdi si Sir Oliver.
The End