Ngumingiti't tumatawa
Kasiyahan ay nasa mukha
Ngunit ito'y totoo nga ba?
***
Maraming kasama
Ngunit parang nag-iisa
May kakwentuhan
Ngunit walang makausap.
***
Sinisikap magpakatatag
Pinipilit maging manhid
Nang ang sakit
Ay 'di na indahin.
***
Itinatago sa likod ng halakhak
Pusong naghuhumiyaw sa kalungkutan,
Damdaming nananaghoy sa pangungulila.
***
Napapagod na ako sa pagkukunwari,
Sa pagbabalat-kayo na ako'y matatag
At sa tingin ng iba'y walang pakialam.
Ngunit ang totoo'y naguguluhan.
***
Hanggang kailan nga ba
Ako ay ganito?
Puno ng takot at kalungkutan
At 'di malaman ang gagawin.
***
Nagtatago sa likod ng maskara
Laging sa kanila'y ngumingiti
Na sa kanilang halakhaka'y sumasabit
At sa kwentuhan'y nakikipagsabayan din.
***
Itinatago sa likod ng maskara
Ang aking pangungulila,
Ang aking kalungkutan,
Ang aking takot.
***
Itinatago sa likod ng maskara
Ang labis na sakit ng kalooban
Ang kapaguran sa pagkukunwari
Na ako'y matatag at malakas.
***
Kailan ko ba matatanggal
Ang aking maskara?
At makatatakas sa.....
Isang pagkukunwari.