Chapter 43 - LIANE

Abala ako sa pag-re-record ng mga bagong dating na orders nang umagang iyon. Pero ilang beses kong paulit-ulit na pinasadahan ng basa ang listahan dahil bigla na lang akong natutulala kapag naaalala ang naging pag-uusap naming lima nang nakalipas na gabi.

Kaya naman kesa magkamali ako ay itinigil ko na muna ang aking ginagawa at muling inalala ang naging pag-uusap namin habang kumakain ng hapunan.

***

"Nakapagpahinga ka ba ng maayos?" Usisa ni Alexander ng makaupo ako sa isa sa dalawang bakanteng upuan sa tabi nito. Habang naupo naman sa Chris sa isa.

"Medyo gumaan na ang pakiramdam ko."

"Mabuti naman. Kain na tayo." Napatango na lang ako at akmang aabutin ang kanin nang maunahan ako ni Chris at ito na ang naglagay sa plato ko.

"Salamat."

"Anong gusto mo? Sinigang o tinola?" Tanong ni Jake habang hawak ang isang maliit na mangkok.

"Ahm…sinigang, salamat." Nahihiyang sagot ko dahil hindi ako sanay sa trato nila sa akin.

Nang makakuha na kaming lahat ay tahimik na kaming kumain. Pero hindi rin iyon nagtagal nang marinig kong tumikhim si Alexander. Kaya nabaling ang atensyon ko rito.

"Alam kong hindi ito ang tamang pagkakataon na pag-usapan ang bagay na ito. Pero gusto ko lang na magkaroon na tayo ng desisyon bago matapos ang gabing ito." Hindi pa man nagsasalita si Alexander ay alam ko na kung ano ang idurugtong nito. Lalo na ng bumaling ito sa akin kaya wala sa sariling dinampot ko ang basong may lamang tubig para pawiin ang panunuyo ng aking lalamunan. "Liane, napag-usapan namin na bukas ng gabi na natin itakda ang pagkumpleto sa bond."

Kahit inaasahan ko na ang sasabihin nito ay nagulat pa rin ako, dahilan para bumara ang iniinom ko sa aking lalamunan. Halos hindi na ako makahinga dahil sa walang patid na pag-ubo.

"Liane, ayos ka lang ba?" Nag-aalalang tanong ni Chris habang hinihimas ang aking likuran.

"Oo, pasensiya na," sagot ko sa pagitan ng pag-ubo.

"Sorry…" nasabi na lang ni Alexander.

"Ayos lang… Alam ko namang iyon ang sasabihin mo, pero nagulat pa rin ako."

"So? Okay lang naman sa `yo, `di ba?" Nag-aalalang tanong ni Jake.

"Hindi ko masasabing oo, hindi ko rin masasabing hindi. Pero kung iyon ang dapat na mangyari tatanggapin ko ng walang pag-aalinlangan."

"Salamat naman at naiintindihan mo kami…" sabi ni Alexander sa mahinang tinig. Nakita kong gumuhit ang isang maliit na ngiti sa mga labi nito. Na sinuklian ko ng isang nahihiyang ngiti.

Nang ma-settle na ang tungkol sa pagkumpleto sa bond, ay kung saan-saan na lang napunta ang usapan. Pero hindi ko na gaanong napansin ang mga iyon dahil sa pag-iisip ng nalalapit na pagkumpleto sa bond.

Napahinto ako sa pagbabalik-tanaw nang makarinig ng katok mula sa nakabukas na pinto ng stock room.

"Ikaw pala, Melanie? May kukunin ka ba?" Usisa ko habang inaayos ang hawak kong mga papel.

"Wala naman. Madalang ang tao ngayon kaya matumal ang benta. At para hindi ako antukin magkwentuhan muna tayo," sagot nito habang nakasandal sa gilid ng pinto at naka-krus ang mga braso sa tapat ng dibdib.

"Baka maabutan tayo ni sir Alexander."

"Hindi `yan. At kung sakali man, p'wede nating sabihing kukuha ako ng produkto."

"Sabagay… Halika, doon na lang tayo sa labas," yaya ko rito. Nauna na itong lumabas habang ini-lock ko naman ang pinto at ibinulsa ang susi. "Pasensiya na, isa lang ang upuan."

"Ayos lang. Dito na lang ako sa table, wala namang mga nakapatong." Napatango na lang ako habang umuupo.