Chapter 44 - CHRIS

Hindi ko mapigilang mapangiti at mapasipol habang nagmamaneho patungo sa site nang umagang iyon. Dahil sa wakas ay magagawa na naming kumpletuhin ang bond mamayang gabi. Hindi na ako makapaghintay na matapos ang araw na ito ang sumapit na ang gabi. At alam kong ganoon din ang nararamdaman ng mga kapatid ko dahil pare-parehong nakangiti ang mga ito habang kumakain kami ng almusal.

"Hindi na ako makapaghintay…" bulong ko na sinundan ng isang buntonghininga. Bahagya akong napangiwi ng makaramdam ng discomfort dahil sa nabubuhay kong pagkalalaki. "Relax ka lang, buddy. Makakalabas ka rin mamaya…" Napailing na lang ako dahil sa inaasta ko.

Nang matanaw ko na ang construction site ay mabilis kong inayos ang aking sarili at binura ang ngiting nakaguhit sa aking mga labi. Matapos kong maiparada sa gilid ng kalsada ang kotse ay nakita kong napahinto sa pagtatrabaho ang ilang sa aking mga tauhan. Mabilis na akong bumaba sa sasakyan bitbit ang floor plan ng itinatayong building at naglakad palapit sa mga ito.

"Good morning sir Chris!" Sabay-sabay na bati ng mga ito.

"Good morning," ganting bati ko sa mga ito. "Sige na ipagpatuloy n'yo na ang mga ginagawa ninyo." Pagkatapos ay bumaling ako sa aking assistant. "Siya nga pala, naipadala mo ba ang address nitong site kay Mr. Reyes?"

"Yes, boss."

"Good. Kapag dumating tawagin mo na lang ako."

"Okay, boss."

"Sige, alamin mo kung may problema iyong ibang trabahador." Pagkatapos kong sabihin iyon ay nagtungo na ako sa pansamantalang opisina ko sa lugar na iyon. Na binubuo lamang ng apat na haligi at bubong panangga sa init ng araw o sa ulan. Kung saan mayroong isang mahabang kahoy na mesa.

Nang makarating ako doon ay agad ko ng inilatag ang dala kong plano upang tingnan kung tama ba ang ginagawa ng aking mga tauhan. Isang buwan na rin mula ng simulan ang pagpapatayo ng building na ito. At kahit papaano ay may naitatayo ng ilang pundasyon.

Hindi ko inaasahang mangyayari pa ang ganito. Kahit papaano ay umuunlad na itong lugar namin. Maswerte pa rin kami dahil kahit may harang ang lugar na ito ay maaari pa ring makalabas ang mga nakatira dito. At makapag-aral sa labas kung gugustuhin nila. Hindi man makapasok ang mga taga-labas ay umuunlad pa rin ang bayang ito.

Kasalukuyan kong kinakausap ang foreman ko upang alamin kung ano na ba ang progress. At kung ano ang dapat matapos sa araw na iyon, nang makita ko ang papalapit kong assistant.

"Boss, dumating na iyong si Mr. Reyes." Imporma nito. "Doon na lang daw siya maghihintay sa may lipim ng malaking puno, para makapg-usap daw kayo ng maayos. Masyado raw kasing maingay dito."

"Sige, susunod na ako." Pagkatapos ay binilinan na lang ito na siguraduhing matatapos ang dapat gawin.

"Okay, boss. Ako na ang bahala."

"Salamat." Nang masigurong nasabi ko na ang lahat ay naglakad na ako patungo sa kinaroroonan ng bago kong kliyente.

Natanaw kong naroon nga ito at nakatayo sa lilim ng malaking puno. Na nasa kabilang bahagi ng kalsada. Habang papalapit ako sa kinaroroonan nito ay pilit ko pa ring iniisip kung matagal na ba itong nakatira sa lugar na ito. Dahil kahit anong gawin ko ay wala akong maalalang nakita ko na ito.

Nakilala ko lang ito nang tumawag ito isang linggo matapos dumating ni Liane. Dahil gusto nitong ipa-renovate ang luma nitong bahay upang gawing tatlong palapag. Nakita kong napangiti ito ng matanaw na papalapit ako.

"Good morning, Mr. Reyes," bati ko rito nang makalapit kasabay ng paglahad ng kamay, na nakangiti naman nitong tinanggap.

"Good morning din. Pasensiya ka na kung ikaw pa ang pinapunta ko rito. Masyado kasing maingay doon sa kinaroroonan mo, hindi tayo makakapag-usap ng maayos."

"Okay lang ho. Nakagawa na ho ba kayo ng listahan ng mga materyales na gusto ninyong gamitin? At kung nakapagdesisyon na kung anong disenyo ang gusto ninyo para sa bahay?"

"Oo. Narito sa brief case ko ang listahan," sagot nito na iniangat ang dalang brief case. "Maari mo bang hawakan para mabuksan ko?"

Hindi ko alam kung bakit, pero pakiramdam ko ay mayroong hindi magandang mangyayari. At dahil distracted ako ay wala sa sariling pinagbigyan ko ito. Inilahad ko ang aking kanang kamay upang maipatong doon ang bag habang pasimpleng inililibot ang tingin sa paligid.

"Nakuha ko na ang kailangan ko." Narinig kong sabi nito kaya nabaling ang mga mata ko sa direksyon nito. Biglang nanlaki ang mga mata ko ng makita ang balak nitong gawin.

Tinangka kong umiwas pero huli na dahil naramdaman ko na lang ang pagdapo ng kamao nito sa aking kanang pisngi. Dahilan para tumilapon ako patungo sa direksyon ng mga puno at palayo sa site. Walang kamalay-malay ang mga tauhan ko sa nangyayari sa akin dahil natatabunan ng ingay ng mga makina ang ingay na nilikha ng pagbagsak ng ilang puno.

Nang bumagsak ang katawan ko sa lupa ay agad akong tumayo. Naramdaman ko ang mainit na likidong umagos mula sa kanang butas ng aking ilong at gilid ng labi.

Pinahid ko iyon gamit ang likod ng kanang kong kamay habang hindi inaalis ang tingin sa kalaban. Kaya kitang-kita ko ang unti-unting pagbabago ng anyo nito. Sa isang kisapmata ay naging pula na ang buong mata nito, kasunod ang pagtubo ng matutulis nitong mga ngipin. Napangiwi pa ako ng makita kong tumutulo ang mga laway nito, na para bang isang asong ulol. Nagkaroon din ito ng mga kulay itim na mga ugat mula sa leeg paakyat sa mukha at tumigil sa ilalim ng mga mata. Maging sa mga braso ay mayroon din ito, mula sa dulo ng mga daliri nitong may maiitim at matutulis na mga kuko hanggang siko.

"Sino ka?!" Hinihingal na sigaw ko rito.

"Isa sa inatasang tumapos sa inyong magkakapatid," sagot nito na halos hindi ko maintindihan dahil sa mga ngipin nitong nakausli. Pagkatapos nitong sabihin iyon ay mabilis itong tumakbo patungo sa direksyon ko. At tinangka akong kalmutin sa mukha, na agad ko namang nasalag. Mabilis naman akong nakakilos at binigyan ito ng isang malakas na suntok sa sikmura. Dahilan para tumilapon ito at tumama sa mga punong na ali dahil sa lakas ng impact.

"Sino ang panginoon mo?" Usisa ko ng mabilis akong makalapit dito at sakalin ito gamit ang kaliwa kong kamay. At walang pagdadalawang-isip na iniangat ito sa ere.

"Wala ka ba talagang ideya? O pilit mo lang ikinakaila sa sarili mo ang totoo?" Nanunuyang tanong nito na binuntutan pa ng nakakalokong tawa. At dahil sa sobrang inis ko ay ubod-lakas ko itong ibinalibag sa lupa.

Pero agad itong nakatayo na para bang walang nangyari at mabilis na sumugod. Dahil sa pagkabigla ay hindi agad ako nakailag sa pagtangka nitong kalmutin ako. Kaya nadali nito ang kanang bahagi ng aking tiyan. Napadaing ako ng maramdaman ko ang pagbaon ng mga mahahaba at matutulis nitong mga kuko.

"Ang hina mo naman pala," tuya nito habang nakangisi. Hindi ko na napigilan ang pagkawala ng isang maikling sigaw nang maramdaman kong lalo pa nitong ibinaon ang mga kuko nito.

Kaya agad kong hinawakan ng mahigpit ang braso nito upang mapigilan ang pagbaon ng mga kuko nito. Pagkatapos ay gamit ang sarili kong mahahaba at matutulis na mga kuko ay kinalmot ko ang mukha nito. Napasigaw ito dahil sa ginawa ko at paatras na tumalon palayo sa akin habang sapo ang dumurugong mukha.