"Mahina ang signal kapag tatawag sa labas ng lugar na ito. Ilang beses na naming sinubukan," sagot ni Alexander.
"Nasagot na namin ang tungkol sa harang. Isusunod ko naman ang tungkol sa soulmate."
"Na naman? Bakit?"
"Dahil hindi pa kami tapos magpaliwanag nang bigla ka na lang nawalan ng malay." Biglang nag-init ang buong mukha ko nang maalala ang sinabi ng mga ito tungkol sa soulmate na iyon. "Alam mo na na soulmate ka namin. Pero kailangan mo ring malaman na kailangan nating buohin ang bond para maging mas matatag ang samahan, relasyon at koneksyon natin sa isa't isa."
"Bond? As in kasal?"
"Bond, physically, emotionally and sexually." Matapos nitong sabihin ang huli ay gumuhit ang kakaibang ngiti sa mga labi nito.
"Alex!" Bulalas ko na napatakip pa sa mukha dahil sa hiya.
"What? Nagsasabi lang ako ng totoo. At kailangan na nating gawin iyon sa lalong madaling panahon. Dahil isa na rin iyon sa magiging proteksiyon mo kung sakaling bumalik ang lalaking iyon at muli kang saktan," seryosong sabi nito habang nakatitig sa akin.
"At paano naman ako magiging ligtas?"
"Mararamdaman agad namin kung nasa panganib ka, kung anong iniisip at nararamdaman mo," sagot ni Alexander.
"Ha? Mababasa ninyo ang iniisip ko?" Alanganing tanong ko habang isa-isang tinitingnan ang mga ito.
"Hindi naman literal na mababasa namin. Mararamdaman lang namin." Natigilan ako ng mapagtanto ko ang sinabi nito.
"Mararamdaman ninyo ang mararamdaman ko? Ibig sabihin nararamdaman n'yo rin ang nararamdaman ng isa sa inyo?" Sabay-sabay na tango lang ang naging tugon ng mga ito. "Ibig sabihin... iyong araw sa opisina mo..." Baling ko kay Alexander. "Alam nila iyon?"
"Oo naman," nakangising sagot ni Alexander dahilan para mag-init ang buong mukha ko. "Kaya pag-uwi ko katakut-takot na sermon ang sumalubong sa akin. Anong magagawa ko? Hindi napigilan ang sarili ko nang makaharap na kita at maamoy kita."
"Huwag ka ng mahiya, kapag nakompleto ang bond mararamdaman mo na rin ang nararamdaman namin para sa `yo." Isang masamang tingin ang ipinukol ko rito pero tumawa lang ito.
"So kasalanan ko pa, gano'n?"
"Hindi naman kita sinisisi. Pero parang gano'n na rin."
"Ewan ko sa `yo. Alex. Hmp!" Napahalukipkip na lang ako habang hindi inaalis ang masamang tingin dito. Na ikinatawa lang ng magkakapatid. Pero dahil wala na rin namang akong magagawa dahil nangyari na ay itinuon ko na lang sa mas importanteng bagay ang aking isip. Napabuntonghininga muna ako bago muling nagsalita. "So? P'wede n'yo bang sabihin kung anong klaseng nilalang kayo? Kung iyong kakambal ng daddy n'yo ay kayang kumain ng laman ng tao at uminom ng dugo? Ibig sabihin kayo rin?" Kinakabahang tanong ko.
"Maaari. Pero hindi namin kailanman ginawa o sinubukan," sagot nito sa matigas na tinig.
"May lahi ba kayong aswang?"
"Ang totoo niyan hindi namin alam dahil walang sinabi ang mga magulang namin. At namulat na kami na ganito..." sagot ni Sam sa mahinang tinig.
"Pero p'wede mo kaming ihalintulad sa mga bampira. Enhance lahat ng senses namin, mabilis kaming tumakbo, pula ang mga mata. At tulad ng ibang nilalang, mayroong mabuti at mayroong masama. At ginawa ang harang para sa kanila."
"Kung may mga katulad ninyo sa labas ng lugar na ito, bakit wala naman napapabalitang gulo na gawa nila sa ibang lugar?"
"Hindi mo ba napapanood ang mga krimen na nangyayari? Ang mga karumaldumal na pagpatay? Ang malawakang nakawan at paglaganap ng mga iba't ibang krimen?"
"What..." Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi ni Alexander. Ibig sabihin iyong mga pumapatay na animo'y hayop lang iyong pinatay nila ay kalahi nila Alexander? "Pero, pero paano nila nagagawa iyon? Parang hayop lang kung ituring ang mga biktima."
"Hindi ba't may kakayahan kaming kontrolin ang katawan mo?" Mabagal akong napatango bilang sagot kaya muli itong nagpatuloy. "Kapag kumain ng laman-loob at uminom ng dugo ay nagiging mas malakas ang kakayahang iyon. At nagagawa ng kontrolin maging ang isipan. At para mapanatili ang ganoong kakayahan ay kailangan mong laging kumain ng sariwang laman-loob at uminom ng dugo. Ang gumagawa ng ganoon ay ang mga kauri naming hindi makuntento sa tahimik at natural na pamumuhay."
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa takot na naramdaman. Napaka-imposible ng lahat ng iyon. Hindi ko mapaniwalaan na iyon ang dahilan ng lahat ng mga pagpatay.
"Sino ang may motibong maghiganti sa inyo? At idinamay pa ako."
"Wala kaming ibang maisip maliban kay... Sa kaniya," sagot ni Jake.
"Sino?" Kunot-noo kong tanong, pero agad ko ring naisip kung sino ang tinutukoy nito. "Iyong kakambal ng daddy Ian ninyo?" Pero wala ni isa mang umimik ng bigkasin ko ang mga salitang iyon. "Bumabalik siya upang maghiganti dahil sa pagpapalayas sa kaniya. Pero bakit ngayon lang? Kung matagal ng nangyari ang lahat, bakit ngayon lang siya muling nagparamdam sa inyo?"
"Dahil sa `yo."
"Sa `kin? Bakit?"
"Hindi pa rin namin alam. Pero maaaring ngayon lang sila kumilos dahil alam nilang sa pagdating mo ay hihina ang harang," sagot ni Sam na napakunot-noo noo. "Pero... paano nila malalaman ang tungkol doon?" bulong nito na rinig pa rin namin.
"Ako? Paanong mangyayari `yon? Eh, ni hindi ko nga alam na nag-e-exist ang lugar na ito o kahit ang tungkol sa inyo."
"Hindi mo man alam na nag-e-exist kami, pero kami alam namin na pagsapit ng itinakdang araw ay makikita at makikilala ka namin, na makikilala mo kami. Dahil matagal na iyong nakatakdang mangyari."
"Ano'ng gagawin ko? Ayoko ng maulit ang nangyaring pagpatay. Baka kailangan ko ng umalis para bumalik sa dati ang lahat."
"Hindi!" sabay-sabay na sigaw ng mga ito dahilan para mapaigtad ako.
"Sorry..." hinging-paumanhin ni Alexander na hinimas pa ang kaliwang braso ko.
"Hindi mo kailangang umalis at hindi ka namin papayagang umalis. Dahil lalo ka lang mapapahamak, isa pa wala namang kasiguraduhan na kapag umalis ka ay babalik na sa dati ang lahat."
Nang marinig ko iyon ay hindi ako nakapagsalita dahil totoo naman ang sinabi ni Alexander. At isa pa wala na akong ibang lugar na mapupuntahan, lalo ng hindi ako babalik sa bahay namin.
"Liane?" Naputol ang pag-iisip ko ng marinig ko ang tinig ni Chris kaya napatingin ako rito.
"Bakit?"
"Ngayong alam mo na ang tungkol sa tunay naming katauhan. Hindi ka ba natatakot sa amin?" Tanong nito sa mahinang tinig. At bakas sa mapungay nitong mga mata ang takot sa magiging sagot ko. At kahit hindi ko pa sila gaanong kilala, alam kong si Chris ang pinaka labis na maaapektuhan kung sakali. Isa-isa ko muna silang tiningnan bago ibinalik kay Chris ang aking atensiyon.
"Sa totoo lang hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na nasa ganito akong sitwasyon. Isang sitwasyong sa mga libro at palabas sa telebisyon ko lang nababasa at napapanood. At kahit alam kong dapat akong matakot katulad ng mga characters sa mga kwento, ay hindi ko magawa," sagot ko rito. At alam kong alam nilang nagsasabi ako ng totoo. "Nararamdaman kong hindi kayo masama. Hindi katulad nang lalaking nasa panaginip ko na nagliliyab sa galit sa kaniyang pulang mga mata. Na kahit alam kong panaginip lang iyon pakiramdam ko ay namanhid ang buong katawan ko dahil sa takot nang magsalubong ang aming mga mata."