Chapter 31 - LIANE

Hindi ko alam kung gaano katagal akong palutang-lutang sa kawalan na walang ibang naririnig kundi ang tibok ng sariling puso. Nang bigla na lang akong makaramdam na para bang may humihigop sa katawan ko. At nang magmulat ako ng mga mata nakita kong nakatayo ako sa isang hindi pamilyar na lugar. Inilibot ko ang paningin sa paligid para alamin kung nasaan ako, pero wala akong ibang makita kundi ang mahabang pader sa magkabilang side ng pasilyong kinatatayuan ko.

At nang tingnan ko ang magkabilang dulo nakita kong dead end ang nasa aking kaliwa kaya maingat akong naglakad patungo sa nag-iisang daan na nakita ko. At habang palapit ako nang palapit sa bukana niyon ay unti-unti kong naririnig ang hindi pamilyar na mga tinig.

Nang makarating ako sa dulo ay maingat akong sumilip sa takot na may makakita sa akin. At halos mapasinghap ako nang makita ko ang lalaking nanakit sa akin na nakaluhod sa harapan ng malaki at mataas na upuan.

Mabuti na lang at natakpan ko agad ang aking bibig at sumandal sa pader. Pinilit kong pakinggan ang pinag-uusapan ng mga ito, pero dahil malayo ako sa kinaroroonan ng mga ito ay hindi ko gaanong marinig ang mga sinasabi nila.

Maliban sa panginoon, binabantayan, magkakapatid, pagkuha at pagganti.

Napakunot ang noo ko dahil wala akong naintindihan sa mga narinig ko. Pero binalot ng kilabot ang buong katawan ko ng marinig ko ang pagtawa nito na para bang nasisiraan ng bait. Kaya napaupo ako sa sahig habang pilit na tinatakpan ang magkabilang tainga. Pero kahit anong gawin ko ay tila nanunuot pa rin iyon maging sa bawat himaymay ng aking laman.

Hanggang sa napasinghap na lang ako ng muli kong maramdaman na tila hinihigop ang aking katawan. At muli, namalayan ko na lang na nakalutang na naman ako sa kawalan. At kahit anong gawin ko ay hindi ako makagalaw hanggang sa tuluyan na akong lamunin ng dilim.

At ng muli kong imulat ang aking mga mata ay nakita kong naroon na naman ako sa lugar kung saan ko nasaksihan ang isang nakakapangilabot na eksena. Pero sa pagkakataong iyon alam kong isa na lang itong panaginip.

At ang tanging nakita ko na lang ang nilalang na nakatayo sa tapat ng lugar kung saan ako nagtago noon. Marahas akong napasinghap at napaatras ng bigla na lang itong lumingon sa kinatatayuan ko. At kitang kita ko ang nagkalat na dugo sa paligid ng bibig nito, maging ang nanlilisik at nagliliyab nitong pulang mga mata.

Alam kong imposibleng nakikita niya ako dahil isa lang itong panaginip, pero hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng takot. Lalo na nang humakbang ito palapit sa kinatatayuan ko.

"Humanda ka na dahil ikaw na ang susunod…" anas nito kasunod ng pagguhit ng nakakalokong ngisi sa mga labi nito.

Nanlaki ang mga mata ko ng marinig ko ang pamilyar na tinig. Kaya wala sa sariling napahakbang ako paatras. "I-ikaw… ikaw `yong lalaking n-nasa stock room…"

Lalong lumawak ang ngisi nito na nauwi sa isang nakapangingilabot na halakhak. Gaya ng halakhak nang lalaking tinawag nitong panginoon. Tila ito nasisiraan ng bait. Napatili at napatakbo na ako ng makita kong naglalakad na ito palapit sa akin. Pero kahit anong gawin kong takbo ay hindi ko magawang makalayo rito.

"Liane!"