Chereads / Ka-ibigan [BL] / Chapter 25 - Ka-ibigan - Chapter 25

Chapter 25 - Ka-ibigan - Chapter 25

Nakatingin sa akin si Kevin at hindi nakagalaw pa. Isang ngiti ang ibinalik niya sa akin.

Dahan-dahan niyang ihinarap sa akin ang kanyang laptop ng walang pagaatubli.

Mabilis ang tibok ng aking dibdib sa kaba na malaman kung ano man ang aking ipinagdududa sa mga oras na iyon.

Bukod sa ibang applications na nakabukas sa desktop ni Kevin ay ang Google mail niyang nakabukas at pangalan niya ang nakalagay.

Nagkamali ako sa aking akala at buntong hininga ang kumawala sa aking bibig.

"Okay na. Salamat!" ang sabi ko sa kanya sabay kong iniikot ang kanyang laptop pabalik sa kanyang harapan.

"Bakit di ka pa kasi magbootcamp tulad ni Jeremy." ang natatawang sagot sa akin ni Kevin.

"Ayoko hindi ko gusto yan." ang sagot ko sa kanya sabay tutok muli sa aking screen at napansing may reply agad si Sybil sa akin:

----------------------------

My J,

I wish I can know more about you pero hindi tayo ganoon kaclose. Sa araw na malaya na ang puso mo. Magpapakilala ako.

Sa ngayon, masaya akong magkaibigan na tayo.

Nagmamahal,

Sybil

----------------------------

"Naloko na. Sino kaya ito? Wala na. No choice. Patay ka sa akin." ang nasabi ko sa sarili. Hindi ko gustong ginagawa ito pero sa email niya ay malolocate ko siya at malalaman kung sino talaga siya.

Mula sa email na pinadala niya sa akin natrace ko kung saan galing ang mensahe na mula sa server sa US. Asia ang origin ngunit hindi ko na natukoy pa ang sender IP dahil sa wala akong access sa ganoong detalye kung wala ako sa opisina.

"Shet! Sayang!" ang nasabi ko sa aking sarili.

"Oh? Bakit ganyan nanaman mukha mo para kang nalugi?" ang natatawang puna sa akin ni Kevin.

"Wala!! Wala!!! Wala akong maisip!!! Nabablanko ang isip ko!!" ang nagpapatawang palusot ko sa kanya na di naman pumalya.

Napalingon si Kevin sa labas ng bintana kita na ang liwanag ng umaga.

"Hala. Umaga na pala." ang sabi niya sa kanyang napuna.

"Oo nga. Gusto mo dito muna magpahinga? Dun ka na sa kama ko dito ako sa sala." ang alok ko sa kanya.

"Hindi na. Uwi kasi ako ng QC ngayon eh. Next time." ang sagot niya sabay bitiw ng isang pilit na ngiti. Halata na sa mukha niya ang pagod at puyat.

Isinara na niya ang kanyang laptop sabay tayo sa kanyang upuan habang binibitbit na ito.

"Una na ako Seph." ang paalam niya.

"Ingat ka ha? Salamat sa lahat! Babawi din ako sa iyo balang araw." ang sagot ko sa kanya.

"Wala lang yun. Para sa isang kaibigan." ang sagot niya sabay ngiti.

Hinarap na niya ang pintuan palabas ng bahay at sinundan ko lang siya ng tingin sa paglabas ng bahay.

Naramdaman ko na rin ang pagod at puyat kaya nang maisarado na ni Kevin ang pinto matapos niya itong ilock ay tumungo na ako sa aking silid upang matulog.

Sa kama ay nakahilata akong humiga habang tinititigan ang aking telepono at binabasa isa-isa ang mga nakaraang matatamis na usapan namin ni Harold.

Hindi talaga ako makapaniwala sa mga mabilis na pangyayari. Hindi ako makapaniwalang sa mga oras na iyon wala na kami ni Harold.

Wala na si Raffy, umalis na si Jeremy at Dexter. Si Kevin umuwi na ulit ng QC marahil sa kanyang jowa. Ako na lang ang naiwan.

Wala na. Ako na lang.

Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang aking mga luha sa oras na iyon. Namamanhid na ang aking damdamin.

Isa-isa kong tinititigan ang mga larawan namin ni Harold. Pilit inaalala ang lahat ng masayang nakaraan. Hindi ko talaga amintindihan kung bakit niya ako iniwan. Lahat ng oras na magkasama kami ay masaya. Lahat ng sinabi niya at ipinakita niya sa akin ay walang dudang tunay na pagmamahal.

Lumipas ang ilang buwan. Malungkot at walang makausap kung hindi ang isang hindi ko kilalang tao na sinasabing mahal na mahal daw ako.

Natigil man ang kanyang mga delivery sa akin naging maganda naman ang pagsasamahan namin kahit sa emails lang. Lubos na gumaang ang loob ko sa kanya kahit di ko pa siya nakikita.

Marami kaming napag-usapang napagkakasunduan namin. Napapatawa niya ako sa kanyang mga kwento at biro.

Nakakabalita naman ako sa email ni insan pero sila lang iyon. Hindi ko ipinaaalam sa kanila ang aking kalagayan. Ayaw kong mag-alala sila para sa akin.

"Ganito ba kapait ang aking kapalaran? Walang taong kasama kung hindi ang isang taong di ko nakikita at kilala?" ang mga tanong na madalas kung ulitin sa aking sarili.

Kumakain ng mag-isa. Naggagala mag-isa. Hindi ako makatiis. Kailangan ko ng mga kasama.

Hanggang sa isang araw napag-isipan ko nang umuwi muna sa bahay ng aking mga magulang sa Sampaloc.

Ang mga araw ng aking kabataan ay sabay-sabay na bumabalik sa aking diwa. Nang makababa ako sa kantong binababaan ko sa tapat mismo ng mga tindahan sa kanto ng G. Tuazon.

Habang binabaybay ko ang kalsada bitbit ang aking magaang na mga dalang damit tungo sa aming bahay ay hindi ko naiwasang tignan ang aking kapaligiran. Magkahalong saya at lungkot ang aking nadarama.

Ang ligaya na naglalakad na ako sa lugar na aking kinalakihan na aking iniwan mula nang mag-aral ako sa kolehiyo hanggang sa nagtrabaho na ako. Sampung taon na rin ang nakalilipas.

Malungkot dahil natauhan akong matanda na ako at hindi ko na maibabalik pa ang aking kabataan. Hindi ko na maibabalik pa ang mga panahon na sinayang ko para kay Harold. Ang mga panahon na sana'y matagal na naming pinagsaluhan ni Raffy bilang magkapatid.

Dumating ako sa bahay kung saan ako'y ipinanganak at lumaki. Walang pinagbago ang Calabasita Street maliban lang sa pagluma ng mga nakatayong bahay dito sabay sa paglipas ng panahon.

Natigil ako sa tapat ng pintuan ng aming bahay na lumang apartment na. Hindi na napinturahan ni papa. Marahil dahil sa kanyang karamdaman.

Biglang bumukas ang pinto at nagkita kami ng aking ina. Parehong gulat ang aming mga mukha sa aming muling pagkikita.

Di ko napigilang umasal na parang bata sa aking ina. Naghahagulgol akong niyakap siya ng mahigpit at siya nama'y ganoon din ang ibinalik sa akin.

"Ma... marami akong ikukuwento sa iyo... pero ma... ang sakit sakit ng damdamin ko ngayon... pakiramdam ko nag-iisa na lang ako sa mundo." ang sumbong ko sa kanya.

Hinarap niya ako at binigyan ng kanyang ngiti na matagal ko nang hindi nakikita.

"Mamaya na tayo mag-usap ng papa mo. Gusto ko sabay naming maririnig ang mga iyan. Dumaan ka na ba sa Holy Trinity?"ang sabi niya sa akin.

"Hindi pa ma. Excited na akong umuwi eh." ang sagot ko sa kanya sabay bitiw ng isang pilit na mga ngiti.

"Akin na yang bag mo. Punta ka muna doon." ang sabi niya.

Alam ni mama na pag malungkot ako ay doon ako nagtutungo kahit noong bata pa lang ako. Alam niyang madasalin kasi ako. At doon lang sa simbahan na iyon ako madalas magpunta hindi dahil sa malapit kundi dahil doon ako bininyagan.

"Wag kang maglalaro sa organ doon ha? Malaki ka na anak." ang pabirong paalala sa akin ni mama dahil sa malikot ako noong bata ako at tuwing may misa ay doon ako sa isang hindi ginagamit na organ doon naglalaro mag-isa.

"Nandoon pa rin ba?!" ang gulat kong itinanong sa kanya.

"Oo anak. Nandoon pa rin yun. Sige na punta ka na muna don. Alam kong mas gusto mong pumunta muna don. May bibilhin lang sana ako sa tindahan para sa hapunan natin ipasok ko na muna ito." ang nakangiting binalita sa akin ni mama.

Kinuha na nimama ang aking bag at ako nama'y tumungo na sa simbahan. Malapit lang iyon. Sa katunayan sa harap lang ng bukana ng kalsada ang Holy Trinity. Matapos kong tawirin ang Calabash street.

Marami nang nabago sa lugar ngunit ang simbahan ay ganoon pa rin. Pagpasok ko sa tamihimik na looban ng simbahay ay tinignan ko agad ang aking kaliwa. Naroon pa nga sa sulok ang lumang organ na madalas kong palaruan kapag nagsisimba kami noong musmos pa lang ako. Napangiti ako sa aking nakita. May mga bagay na nagbabago ngunit maraming bagay rin na nananatiling tulad pa rin ng dati. Mga bagay na hindi maaaring iwan mula sa nakaraan.

Lumuhod ako sa isang upuan na gawa sa kahoy at may barnis lang ito na malapit sa harapan ng altar. Tahimik sa simbahan at mga huni lang ng ibon ang aking naririnig.

"Bakit ganito? Ang inaasam ko parang mahirap na abutin. Bakit lahat ng mayroon ako bigla na lang nawala? Sana tulungan niyo po ako. Sana may magmahal sa akin na tulad ng kaya kong ibigay na pagmamahal. Salamat kahit papaano nandiyan si Sybil na kahit hindi ko kilala ay nakakusap ko." ang panalangin ko.

Matapos ang ilang sandali ng katahimikan sa aking pagdarasal ay umuwi na rin ako sa aming bahay.

Sa bahay.

Habang ako'y nakaupo sa aming sofa at nakatingala akong pinagmamasdan ang ang lahat ng maaabot ng aking paningin.

May mga agiw na ang aming kisame. Hindi na rin ganoon kaputi ang pinturang nakalagay dito di tulad noong malakas pa si papa. Lagi nila ni mama nililinis ang among bahay. Sa sobrang sipag nila maglinis naiinis ako.

Abot tanaw sa aking kinauupuan ang aming hapagkainan.

"Anak kain na tayo." ang masayang yaya sa akin ni mama. Si papa ay paupo na sa harap ng hapag at nakangiti sa akin.

Masaya kami nagkwentuhan at kahit naikwento ko sa kanila ang lahat hindi ako umiyak. Iba ang pakiramdam pag kausap mo ang mga magulang mo sa mga bagay na hindi mo masabi sa iba. Kahit papaano nauunawaan nila ang katayuan ko ngunit alam din nila ang hirap na dinaranas ng aking kalooban ngayon.

Nang matapos kumain ay agad akong umakyat sa akin silid upang magtrabaho gamit ang pinakaunang kong computer na binili sa akin nila mama at papa nang makatungtong ako sa highschool.

Maingay ang aking mga paa sa aking pag-akyat sa aking silid dahil gawa sa barnisadong kahoy ang aming hagdan.

Hindi nakalock ang pintuan ng aking silid. Pagbukas ko ng pintuan at agad kong nakita ang bintana ng aking silid na nakaharap sa harap ng bahay kita ang kalsada.

Ganoon pa rin ang ayos ng aking silid ngunit medyo maalikabok na ang aking mga gamit. Kulay light green na nangupas na sa paglipas ng panahon.

"Windows... hah!" ang natatawa kong sinabi sa aking sarili habang binubuksan ko ang aking computer na nakapatong sa study table ko na sa babang paanan lang ng aking kama.

Tulad ng aking nakagawian habang gumagawa ng aking story blogs. Nakabukas ang lahat ng window ko kasama ang aking email.

Nang hindi nanaman ako makapagsulat dahil sa wala ako sa tamang damdamin ay naisipan kong magbasa-basa ng emails. Napakarami na pala.

May emails ako galing kay insan na may mga masasayang litrato nila ni Dexter. Nasasabik akong nakita silang dalawa. Bumalik nanaman ang aking pagkainggit sa kanilang pagmamahalan. Kurot sa didib ang aking naramdaman sa pait na hinding hindi ko nararanasan ang ganong uri ng pagmamahal. Kinamusta ako ni insan at sinabi ko na lang sa kanya na umuwi muna ako ng bahay namin sa Manila.

Nagtataka lang ako sa aking pinsan kung bakit panay ang hingi nya ng paumanhin sa akin sa dulo ng kanyang mensahe. Hindi ko na maisip kung ano man iyon. Hindi ko na lang ito pinansin.

May tatlong emails si Raffy sa akin ngunit hindi na ako nag-abalang buksan pa ito dahil sa subject pa lang nakalagay na "I'm Sorry Baby Bro".

Nang matira ko na lang ang mga baong emails ni Sybil sinunod ko na itong isa-isahin. May mga poems at love songs na ipinadala niya na kuha mula sa kung saan-saan sa internet. Para niya akong nihaharana.

Sa huling mensahe niya ako ay lubos na tinamaan:

----------------------------

My J,

Alam kong gusto mo na akong makilala. Ako ma'y gustong gusto na ring magpakilala sa iyo. Gusto ko lang malaman kung kaya mo rin akong mahalin bilang ako at hindi sa kung sino ako. Sana'y mahalin mo rin ako ng tulad ng pagmamahal ko sa iyo.

Gusto ko nang dumating ang araw na kasama kitang pupunta sa isang lugar na pareho nating hindi pa napupuntahan. Gusto kong sa bawat pagkakataon ay magkasama tayo. Nagkukuwentuhan ng ating mga hilig at sa lahat ng mga bagay na ating napagkakasunduan. Gusto kong matulog na ikaw ang huli kong nakikita at ikaw din ang gusto kong una kong makikita pag ako'y gumigising.

Gusto kong kasabay mong bumuo ng iyong pangarap at gusto kong maging bahagi ka ng pangarap na bunubuo ko ngayon.

Gusto kitang makasama sa lahat ng pagkakataon. Gusto kong makita ang lahat ng expressions na lalabas sa mukha mo. Sabik na sabik na akong makita ka ng malapitan. Gusto kitang mayakap. Gusto kitang pagsilbihan. Gusto kong magpakaalipin na sa iyo.

Kahit hindi man tayo magpakasal. Ang maging tayo lang ay lubos na masaya na ako.

Gusto kong sa balikat ko ikaw ay tatangis kung ikaw ay nalulungkot. Gusto kong pawiin kung ano man ang sakit na iyong dinadala sa iyong dibdib.

Ikaw ang pinakamahalahang bahagi ng buhay ko. Sana balang araw ako rin sa iyo.

Ngayong malaya ka na. Iniaalay ko sa iyo ang awiting ito. Susunduin ko ang puso mong nag-iisa upang ipadama sa iyo ang aking pagmamahal na hindi ko na ngayon pipigilan pang lumago itong nadarama ko para sa iyo.

Kay tagal kong sinusuyod ang buong mundo

Para hanapin, para hanapin ka

Nilibot ang distrito ng iyong lumbay

Pupulutin, pupulutin ka

Sinusundo kita,

Sinusundo

Asahan mong mula ngayon pag-ibig ko'y sayo

Asahan mong mula ngayon pag-ibig ko'y sayo

Sa akin mo isabit ang iyong lumbay

Di kukulangin ang ibibigay

Isuko ang kaba tuluyan kang bumitaw

Ika'y manalig

Manalig ka..

Handa na sa liwanag mo

Sinuyod ang buong mundo

Maghihintay sayo'ng sundo

Nagmamahal,

Sybil

----------------------------

Naantig ako sa kanyang mga sinabi. Sinuri kong maigi ang aking sarili.

Wala na ang sakit na ibinigay ni Harold sa akin dahil na rin sa palitan namin noon ng mga emails. Ang mga payo niya sa akin na lubos na nakatulong sa aking pagkalimot kay Harold. Napagtanto kong mag-iisang taon na rin pala ang nakalilipas nang iwanan ako ni Harold.

Nagsimula na akong makaramdam ng pagnanasang magmahal na muli.

Naisip kong ipadala sa kanya ang isang music file na nagdadala rin ng aking damdamin na tulad ng kanya.

Bilang sagot sa kanya.

----------------------------

Sybil,

Lubos akong naantig sa iyong mensahe. Salamat at ibinigay mo sa akin ang iyong pagmamahal kahit alam mong hindi kita kayang mahalin dahil sa hindi kita kilala.

Tinatanggap ko lahat ng pinakita mo sa aking at naniniwala akong mahal na mahal mo nga ako. Pero hindi ako karapatdapat hangga't di kita nakikita.

Dahil sa iyo nakaramdam ako ng pag-asa. Dahil sa iyo nakalimutan ko ang mga taong nawala na sa aking buhay.

Sasagutin lang kita sa araw na magkita tayong dalawa. Aaminin ko. Sa mga nakaraang pag-uusap natin. Natuto na akong pahalagahan ka ng tulad sa isang tunay na kaibigan. Magaang ang loob ko sa iyo Sybil pero hanggang doon lang ang maiibibigay ko sa ngayon. Sana maunawaan mo ako.

Sana magpakilala ka na. Hindi nalalayo ang mga inaasam nating dalawa aking kaibigan.

Seph

----------------------------

Isang buntong hininga ang aking pinakawalan matapos ipadala sa kanya ang aking mensahe.

Bigla akong nakaramdam ng pagnanasang makita na siya. Naghahanap na ang puso kong walang laman.