Malakas ngunit mabilis ang mga galaw ni Wong Ming habang makikitang hinahabol pa rin siya ng mga Ice Demon Wolves na siyang dahilan upang takasan niya ang mga ito. Hindi niya aakalaing ganito ang kahihinatnan ng unang paglalakbay niya sa isang ancient ruins sa Mint City na isang nawasak na siyudad.
Habol pa rin niya ang hininga niya habang nakatingin sa gawi ng mga mababangis na mga Ice Demon Wolves na akala mo ay hindi man lang nakakaramdam ng pagod sa matagal na habulang ginagawa nila.
Ngunit biglang natigilan si Wong Ming nang makaramdam ng kakaibang awra sa hindi kalayuan sa direksyong kaniyang tinatahak.
Kusang huminto ang paa niya habang nakaramdam ng kakaibang enerhiyang patungo sa direksyon niya.
Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang mga naglalakihang mga ginintuang panang mabilis na bumulusok patungo sa likuran niya.
BANG! BANG! BANG!
Kitang-kita niya kung paanong mabilis na nangabasag ang mga katawan ng mga Ice Demon Wolves na animo'y hindi kinaya ang enerhiyang nagmumula sa ginintuang panang bumutas sa katawan ng mga ito hanggang sa malakas na sumabog ang mga ito maging ang kalupaang kinaroroonan ng mga ito.
Tila nabalot ng makapal na usok ang lugar sa hindi kalayuan mula kay Wong Ming ngunit maya-maya lamang ay nawala rin ito at tuluyang bumungad sa kaniya ang nangaputol na parte ng mga katawan ng Ice Demon Wolves.
Ilang minuto ang hinintay ni Wong Ming ngunit tila hindi bumalik sa ayos ang nasabing katawan ng mga Ice Demon Wolves na siyang labis na ikinapagtataka niya at ikinabigla.
"Ano'ng tinutunga-tunganga mo binata? Ngayon ka lang ba nakapunta sa lugar na ito?! Bago ka ba?!" Sambit ng isang boses sa hindi kalayuan mula sa likuran niya lamang.
Agad na napalingon naman si Wong Ming sa pinanggalingan ng boses at napagtanto ang sitwasyong kinaroroonan niya.
Nagulat naman siya ng makita ang isang batang lalaking kung titingnan niyang mabuti ay nasa edad walong taong gulang lamang kung tutuusin. Hindi makapaniwala si Wong Ming sa kaniyang nakikita. Sino ang batang lalaking ito? Bakit ito nandito sa delikadong lugar na ito?! Gulong-gulo ang pag-iisip niya.
Kahit sino naman siguro ay magtataka lalo pa't hindi pangkaraniwan na may mga tao rito at masyadong delikado ang lugar na ito para puntahan ng isang bata o kung anumang batang walang nuwang sa panganib ng lugar na ito.
"Ah eh, oo bago lang ako rito. Kita mo ngang hinahabol ako ng mga Ice Demon Wolves pero maiba tayo? Ano ang ginagawa ng isang batang paslit na katulad mo rito?! Di mo ba alam na delikado ang pagpunta sa lugar na ito ha?!" Seryosong sambit ni Wong Ming habang kitang-kita na iniba nito ang usapan at kinwestyon ang nasabing paglitaw ng batang paslit sa lugar ng nawasak na lungsod.
"Aba aba, ikaw na nga ang tinulungan ko at parang kasalanan ko pa?! Ano'ng pinagsasabi mo ha? Di mo ba alam na teritoryo namin ang lugar na ito noh!" Sambit ng batang lalaking may hawak-hawak na pana habang makikitang may nakasukbit na mga palaso sa likuran nito.
Kitang-kita naman ni Wong Ming kung paanong pinaningkitan siya ng isang paslit na siyang ikinainis niya.
"Salamat ngunit hindi ko kailangan ang tulong mo bata. Sabihin mo, ano'ng ginagawa mo rito sa nawasak na siyudad? Bakit nagawa mong paslangin ang mga Ice Demon Wolves ha?!" Seryosong wika ni Wong Ming ng patanong. Habang lumilipas ang minuto o oras sa harap ng batang lalaking nasa harap niya ay hindi niya mapigilang nakaramdam ng kakaiba rito.
Kung titingnan kasing mabuti ay kahit sa murang edad nito ay kakikitaan ng pagiging bihasa sa paggamit ng pana. Sa kaniyang tantiya ay nakagamit ang batang ito ng sampong pana sa isang iglap lamang o mas mabuting sabihin na isang martial arts skill iyon. Golden Mint Arrow iyon kung hindi siya nagkakamali ngunit ayaw niyang sabihin ito lalo pa't masyadong bata pa ang paslit na nasa harapan niya para magawa iyon pero hindi siya maaaring magkamali sa resulta ng paggamit ng paslit na batang ito.
"Sinwerte ka lamang... Hindi ko aakalaing mayroong naglakas ng loob na pumasok sa tahanan naming matagal ng kinalimutan ng lahat." Makahulugang sambit ng batang lalaking tumulong kay Wong Ming.
"Ano'ng sinabi mo?!" Sambit ni Wong Ming habang gusto nitong ulitin ang sinabi ng batang paslit na nasa harapan niya.
"Wala!" Malakas na wika ng batang lalaki habang makikitang naglakad na ito palayo sa kaniya.
"Ahaha narinig ko iyon. Kung gayon pala ay ako ang kauna-unahang nakapunta sa lugar na ito tama ba ko?!" Sambit ni Wong Ming habang nakangiti. Gusto niya lang inisin ang paslit na barang ito. Kahit na bata lamang ito ay pakiramdam niya ay parang matanda ito kung mag-isip o baka guni-guni niya lamang ito. Hindi kasi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nito ngunit ramdam niyang parang may mali.
Napahinto naman ang batang lalaki habang isinukbit nito ang hawak-hawak nitong pana sa likod niya at muling tiningnan si Wong Ming sa gawi nito.
"Kauna-unahan? Ang sabihin mo ay ikaw ang pinakahuling pumasok dito sa Mint City. Hindi mo ba alam na mapanganib rito? Isinumpa ang lugar na ito at lahat ng pumasok sa siyudad na ito ay napaslang sa malagim na pamamaraan." Seryoso ngunit makahulugang wika ng batang lalaki habang makikitang naglakad na ito papalayo.
Mabilis namang naglakad si Wong Ming at sinundan ang nasabing binata. Nagulat man siya sa sinabing ito ng batang lalaki ngunit wala siyang pagpipilian kundi ang manatili muna rito at ang mainam na gawin niya ay sundan ang batang lalaki na nagligtas sa kaniya mula sa mababangis na Ice Demon Wolves.
...
Tahimik lamang na nakasunod si Wong Ming sa likuran ng batang lalaking tumulong sa kaniya kanina. Ramdam niyang may kakaiba talaga ngunit isinawalang-bahala niya lamang ito. Pakiramdam niya ay wala siyang mahihita na kahit ano'ng impormasyon kung hindi siya tatahimik.
Pakiramdam niya ay malaki ang suliranin nito ngunit wala naman siya sa lugar upang tanungin ito.
Mabilis na nakalipas ang mga oras ngunit panay pa rin ang lakad nila at ilang kabukiran na rin ang nalampasan nila. Makitid at matarik ang lupang tinatapakan nila ngunit hindi na siya magreklamo pa at baka supalpalin pa siya ng batang lalaking tumulong sa kaniya.
Napabilib siya sa lakas ng panang iyon. Gumana na naman ang pagiging malikot ng isip niya dahil hindi niya aakalaing malakas palang talaga ang nasabing skill na nagmula sa Mint City na akala niya ay haka-haka lamang.
Maya-maya pa ay natanaw ni Wong Ming ang kakaibang mga liwanag sa hindi kalayuan.
Hindi naman mapigilan ni Wong Ming na hindi magtanong sa nakikita niya.
"Isang komunidad? Hindi, napakalaki naman ng teritoryo na ito para maging isang komunidad lamang. Sino ka bata? Bakit ganito?!" Sambit ni Wong Ming habang natigilan ito sa kaniyang sariling pwesto habang makikitang nanlaki ang kaniyang mga mata habang hindi niya alam kung isa lamang ito malaking kalokohan.
Lumingon naman ang batang lalaki kay Wong Ming at may kakaibang ngiti na nakapaskil sa kaniyang mukha.
Naramdaman na lamang ni Wong Ming ang biglang panghihina niya at panlalabo ng paningin niya.
Gusto mang pigilan ni Wong Ming ang biglaang panghihina niya at kakaibang nangyayari sa sarili ngunit sa huli ay naramdaman niya lamang ang sarili niyang bumagsak sa matigas na lupang kinatatayuan niya hanggang sa wala na siyang naramdaman pa.