Mainit ang namumuong tensyon sa loob ng malawak na metting hall sa loob ng Peacock Tribe habang makikitang tila ba hindi nagkakasundo ang mga opisyales ng nasabing tribo sa mismong Peacock Tribe Chief na si Huang Chen.
"Hindi kami makakapayag Chief sa naging desisyon niyo upang tulungan ang isang dukhang angkan kahit na alam niyong hindi na dapat natin tulungan ang mga iyan!"
"May punto siya Chief na hindi na dapat tayo makigulo pa sa Sky Flame Kingdom, maaaring tayo pa ang mapinsala kung sakaling sumiklab ang matinding kaguluhan sa loob ng Sky Flame Kingdom."
"Maging ako ay nag-aalinlangan na sa maaaring mangyari lalo na at apektadong lubos dito ang Sky Flame Kingdom. Anumang klaseng tulong sa labas ay maaaring maging suliranin pa."
"Isipin mo Chief ang malaking tribo natin. Buhay at kapalaran ng Peacock Tribe ang nakasalalay rito. Hindi maaaring dapat lamang tayong magpadalos-dalos ng desisyon."
"Una pa lamang ay masama na ang kutob ko sa Li Clan na iyan. Hindi maaaring mangyari na maaapektuhan tayo o makialam man lang sa problema nila. Mabuti sana kung maliit lamang na pwersa ang babanggain natin pero hindi eh, sobrang laki ng pwersa ng kalapit na kaharian na maaari nating ma-offend."
"Maghunos-dili ka Chief sa maaaring desisyon mo, alam mong nagkakainitan na ang Sky Flame Kingdom at Sky Ice Kingdom, hindi dapat tayo maipit sa dalawang malaking nag-uumpugang mga bato."
"Ano'ng Sky Ice Kingdom lang, nakakalimutan mo atang malaki ang interes ng Wind Fury Kingdom na siyang kinabibilangan natin maging ng Hollow Earth Kingdom sa lupain ng Sky Flame Kingdom. Tiyak akong hindi papalampasin ng bawat kaharian ang magbenepisyo ng malaki sa oras na mawalan ng bisa ang titulo ng Sky Flame Kingdom bilang isang kaharian."
"Pero hindi naman lingid sa kaalaman natin na mukhang makikisali na rin ang Dou City sa usaping ito. Tiyak na malulugmok ang Sky Flame Kingdom mula sa malaking gulong ito."
Ito lamang ang maririnig mula sa hanay ng mga nakaupong mga opisyales ng malaking tribo ng Peacock Tribe sa meeting hall. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ang malubhang suliraning sangkot ang Sky Flame Kingdom na bali-balitang maaaring malusaw sa mapa ng apat na kaharian. Mula sa balanse ng apat ay tila ba ang hinating kaharian ay magiging kalahati na lamang ang matitira at yun ay ang Sky Ice Kingdom.
Tahimik ngunit seryoso namang pinag-iisipan ng Peacock Tribe Chief na si Huang Chen ang sinabi ng mga opisyales ng tribo lalo na at hindi niya ginawa ang pagpupulong na ito para sa wala. Alam niyang medyo malaki ang problema na kakabanggain nila kung sakali.
Mukhang tama din ang mga sinasabi ng mga ito at nasa punto naman lalo na ang Peacock Tribe ay sakop ng Wind Fury Kingdom habang ang pagtulong sa labas lalo na sa alinmang organisasyon o angkan sa loob ng Sky Flame Kingdom ay maaaring malaking gulo nga kapag nalaman ito ng publiko lalo na ng mga awtoridad sa bawat kaharian.
"Alam kong alam niyo na ang kalagayang kinasasadlakan ng Sky Flame Kingdom ngunit naalala niyo bang sa mundong ginagalawan natin ay mahalaga pa ring ipakita natin ang sensiridad sa pagtulong sa nangangailangan. Tandaan niyo, hindi kailanman umaatras ang Peacock Tribe sa problema. Kahit ako man ay medyo tutol sa gagawing pagtulong sa Green Martial Valley Union ngunit naniniwala ako sa kakayahan ng ama ko." Puno ng kaseryosohang saad ng nasabing Peacock Tribe Chief na si Huang Chen habang tiningnan nito ang ama nitong nakaupo lamang hindi kalayuan mula sa kaniyang pwesto. Natural lamang ito lalo na at sa ganitong klaseng senaryo ng pagpupulong ay hindi siya maaaring umasa lamang na ipagtatanggol ng ama niya dahil kaya niya ng tumapak sa responsibilidad na iniatang sa kaniya bilang bagong Tribe Chief.
Tiningnan naman siya ng ama nitong si Huang Lim at makikitang tila walang ekspresyon ang mukha nito. Halatang hanggang ngayon ay may tampuhan pa rin silang mag-ama.
May nakumbinsi rin sa mga sinabi ni Peacock Tribe Chief Huang Chen mula sa mga pahayag nito ngunit meron pa ring ibang tila di pa rin kumbinsido sa binabalak ng nasabing tribe chief nito lalo na at ayaw nilang madamay sila sa matinding gulo at maipit sila.
"Sabihin na natin Chief na pinoprotektahan natin ang reputasyon ng Peacock Tribe ngunit alam naman natin na delikadong makisawsaw pa tayo sa maaaring matinding gulo na dulot ng iba pang pwersa liban sa ating kaharian." Magalang na sambit ng isang may katandaang lalaking tila kunot-noong nakatingin sa Tribe Chief. Bilang nakakatanda ay hindi niya gustong isugal ang kinabukasan ng Peacock Tribe sa maaaring sigalot at baka madamay sila.
"Tama siya Chief, oras na malaman ng Wind Fury Kingdom ang pagtulong natin sa Green Valley magpahanggang sa kasalukuyan ay maaari tayong gitgitin ng ating kahariang kinabibilangan." Hindi naman mapigilang bulalas ng isa pang opisyales.
"May punto siya Chief, alam nating di masama ang pagtulong ngunit kung sobrang maaapektuhan tayo ay maiintindihan nila naman siguro iyon." Pagsang-ayon naman ng isa pa habang makikitang hindi na rin ito sang-ayon sa pagbibigay ng tulong ng Peacock Tribe sa Green Valley.
"Maging ako ay hindi na rin maaaring sumang-ayon sa gusto mo Chief. Alam nating lahat ang naging kapalit ng tulong natin sa kanila ngunit iyon lamang iyon. Buhay ang pinag-uusapan natin dito at pwede naman sigurong isipin natin ang kapakanan natin mula sa taga-labas." May inis na wika ni Huang Song na ngayon ay hindi na rin makapagtimpi sa katampalasan ng desisyon ng ama niyang si Huang Lim. Magkapatid sila ni Huang Chen sa ama ngunit anak siya ng concubine nito kaya nga malaki ang galit niya kay Peacock Tribe Chief Huang Chen dahil sa ito ang naging Tribe Chief. Samantalang siya ay higit na mababa ang posisyon niya sa tribo na halatang kinawawa siya ng mga ito.
Magkagayon man ay wala siyang magagawa pa, isa pa ay nagbabalak din siyang patalsikin ang hamak na Huang Chen na ito maging ang amain niya dahil sa hindi makatarungang pasya ng mga ito sa kaniya. Gagamitin niya ang sigalot na ito upang patalsikin ang mga ito palabas ng Peacock Tribe sa hinaharap. Humahanap lang siya ng tiyempo upang maisakatuparan niya ang maitim niyang plano laban sa mga ito.
Napatahimik na lamang si Huang Chen sa patutsada ng nagmamagaling niyang kapatid na si Huang Song at napaisip ng malalim. Nagulat nga siya dahil ngayon lamang ito nagsalita at di pa ito sang-ayon sa kaniya. Mabilis na rin itong nagsalita.