Chereads / Supreme Asura / Chapter 597 - Chapter 597

Chapter 597 - Chapter 597

Kitang-kita ng dalawang mata ni Wong Ming ang lumulutang na isang kulay itim na bagay.

May kaliitan man ito ay alam niyang isa itong uri ng orasan. Hindi lamang iyon dahil isa itong pambihirang orasan, ang Devil's clock.

Kitang-kita ni Wong Ming kung paanong nabalot ng kulay pulang ulap ang kanina lamang na itim na itim na ulap. Parang kakulay ng sariwang dugo ang nasabing mga makakapal na kaulapan.

Nabahala naman si Wong Ming sa nangyayari at ganoon na lamang ang kaniyang pagkahilakbot ng makitang nakatayo sa hindi kalayuan ang lahat ng mga mamamayan ng nasabing nawasak na siyudad.

Nakatayo lamang ang mga ito ngunit maya-maya pa ay tila naglulupasay ang lahat ng mga ito sa lupa mapa-bata man o matanda ay ganoon ang reaksyon ng katawan ng mga ito.

Ang sumunod na pangyayari ang mas lalong nagpahilakbot kay Wong Ming lalo pa't kitang-kita ng dalawang mga mata niya ang pagbabagong anyo ng mga ito na kagaya ng mga nakikita niyang mga mababagsik na mga nilalang na humabol sa kaniya noong pagkapasok na pagkapasok niya sa kinalimutang lungsod na ito.

Biglang naging mga mababangis at naglalakihang mga lobo ang mga mamamayan ng Mint City at masasabi ni Wong Ming na kakaiba ang nangyayaring ito. Makikita kasing hindi normal sa mga tao ang magpalit ng anyo ng ganon-ganon lamang.

Inilibot ni Wong Ming ang paningin niya sa mga ito at kitang-kita niya na handang-handa na siyang sakmalin ng mga ito.

"Ice Demon Wolves?! Paano'ng nangyari ang mga ito?! Kung gayon ay tunay ngang isinumpa ang lugar na ito ng Mint City?!" Seryosong turan ni Wong Ming sa kaniyang sariling isipan lamang.

Awooohhhh! Awooohhhh! Awooohhhh!

Malalakas na mga alulong ng mga lobo ang naririnig ni Wong Ming habang kitang-kita niya pagkatingala niya sa ere ang kulay pulang buwan.

Tumutulo at tila naging gutom na mga lobo ang nakikita niyang patungo sa kaniya at walang naisip na gawin si Wong Ming kundi ang paslangin ang mga ito.

Ngayon ay alam na ni Wong Ming ang nangyayari at iyon ay hindi niya pinaniniwalaan noong una pa lamang. Ngayon ay nauunawaan niya na ang nangyayari sa loob ng lugar na ito.

Papalapit na sa lugar ni Wong Ming ang mga Ice Demon Wolves na sobrang laki habang makikitang siya ang punterya ng mga ito.

BANG! BANG! BANG!

Malalakas na mga suntok at tadyak ang ginawa ni Wong Ming sa mga mababangis na mga Ice Demon Wolves nang kitang-kita niya ang pagsulong ng mga nilalang na ito.

Hindi rin nagtagal ay nagawa niyang paslangin ang mga ito isa-isa.

Sa isang iglap lamang ay naging abo ang mga ito. Ramdam niya ang mga life force ng mga ito ngunit napakahina na lamang Sigurado siyang naubos na ang natitirang life force ng mga mamamayan ng Mint City noon pa man.

Napagtanto ni Wong Ming na ang mga nakakasalamuha niya ay hindi na mga buhay bagkus ay produkto na lamang ang mga ito ng masamang epekto ng pagkasaid ng mga life force ng mga ito.

Ang memoryang sana'y meron ang bawat isa ay wala na at ang katawang lupang meron ang mga ito ay matagal ng nasira.

Ito ay isa lamang produkto ng paggamit ng Devil's clock. Masyadong malaki ang naging kabayaran ng paggamit ng Devil's clock hanggang sa ang mismong gumagamit nito nagsakripisyo ng sariling buhay nito.

Ramdam ni Wong Ming ang pait ng dulot ng pagpaslang niya sa mga Ice Demon Wolves dahil alam niyang bawat isa sa mga ito ay bunga ng lumulutang na Devil's clock.

Masakit mang makita ang paspaslang sa walang buhay at hindi na nararapat na mabuhay pang namayapang mga miyembro ng Mint City ngunit iyon ang nararapat na gawin.

Ang tanging magagawa niya lamang ay sirain ang buong pananggalang ng lugar na ito para masira ang kakaibang uri ng enerhiyang nagmumula sa mismong Devil's clock.

Bago pa man maisagawa ni Wong Ming ang gagawin pa lamang niyang atake nang biglang nakita niya ang pagvibrate ng Devil's clock sa ere at kitang-kita ni Wong Ming ang pagguhit ng mga kakaibang linya sa lupang tinatapakan niya maging sa iba't-ibang parte ng lugar kung saan ay partikular na tito ang lupang kinaroroonan niya.

Kitang-kita ni Wong Ming ang paglabas ng mga matatalas na mga bagay sa lupa patungo sa kaniya dahilan upang mabilis na isinangga niya ang kaniyang sariling mga braso.

Arrghh!

Malakas na daing ni Wong Ming nang makaramdam siya ng hapdi sa mga braso niya.

Sunod-sunod na mga atake pa ang biglang umalpas kagaya ng mga nauna ngunit mabilis ang mga galaw ni Wong Ming at inilabas niya nasabing selyo.

Ganoon na lamang ang pagkapanatag ni Wong Ming nang biglang nagkaroon ng pananggalang ang sarili niya laban sa mga atakeng hindi niya alam kung saan nagmumula o kung sino ang may gawa.

Para kasing may kumokontrol sa pormasyon habang ang Devil's clock ay lumulutang na parang may kumokontrol sa bagay na ito.

Maya-maya lamang ay nakita ni Wong Ming ang tila paghulma ng napakaitim na anino sa harap mismo ng Devil's clock.

"Hindi mo ko matatalo binata. Kahit sa kamatayan ay magagawa ko pa ring kontrolin at angkinin ang mga bagay na meron ako hahahah!" Malakas na sambit ng itim na anino habang nagpakawala ito ng malalakas na tawa sa huli.

Makikitang hindi naman nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Wong Ming at kitang-kita kung paanong mabilis na humulma ang ngisi sa mga labi nito.

"Nagpapatawa ka ba? Kumpara sa mga nakalaban ko at nakaharap ay ikaw lamang ang pinakamahina. Ang iyong ginawang mga kalapastangan ay hindi naman ganoon kalaki." Mapang-uyam na wika ni Wong Ming habang kitang-kita sa mga mata nito na hindi ito nagbibiro at seryoso siya sa mga katagang binitawan nito.

Tila hindi naman natuwa ang itim na anino habang nagpakawala ito ng malakas na hangin upang ipabatid na hindi ito natutuwa sa inaasal ng binatang ilang dipa lamang ang layo mula sa pwesto nito.

"Hindi gaano kalaki? Sino ka para sabihin sa akin iyan? Isa pa ay hindi masama ang ginawa ko. Tanging malakas lamang ako at lubhang matalino para maging sangkap ko sila upang mas lalo pa akong lumakas!" Mayabang na turan ng itim na anino habang bakas sa toni ng pananalita nito na hindi man lang ito nakaramdam ng awa sa naging biktima nito.