"Parating na ba sila?" tanong ni Vince na inaayos ang mga tela sa mesa.
"Malapit na raw," sagot ni Romeo habang hawak ang kaniyang cellphone.
Papalubog na ang araw at nasa rooftop sila ngayon ng boarding house na tinutuluyan ni Athena. Kamag-anak niya ang may-ari nito kaya pinayagan silang gamitin ang rooftop ng building. May iba't ibang kulay ng ilaw na nagsasayawan, mga mesa at upuang may kulay pulang tela na nakabalot, mga pagkain at iba pa ang makikita. Dahil nga talo sila sa laro nila noong nakaraang araw, ililibre nila ang kabilang grupo at ito ang kanilang naisipan. Tutal ang "Love birds" naman ang nanalo, isang triple date ang kanilang inihanda.
Nakasuot sila ng kulay pulang kasuotan na pang-waiter na hiniram ni Athena sa may-ari ng building na may negosyo ring catering services.
"Maghanda na kayo, guys. Nandiyan na sila," anunsiyo ni Bruce.
Pumuwesto sila para sa kanilang mga nakatalagang gawain. Pagkarating ng "Love birds" na nakasauot ng formal attire sa rooftop ay agad nagpatugtog si Athena gamit ang kaniyang violin at nagsikantahan ang mga ibon na pinakiusapan ni Bruce na sumali sa kanilang plano. Lumipad din ang mga paru-paro sa kanilang paligid na parang naglalaro.
"Akala ko ba debut 'tong—"
"Bryan, ito 'yung libre namin sa inyo," ani Vince.
"Ang ganda!" namamanghang saad ni Sheina habang nakahawak kay Vincent. Dinala sila ni Vince sa kani-kanilang mga mesa. Nang sila'y nakaupo na ay nag-serve na sina Ervin at Romeo ng mga pagkain.
"Nagluto kayo?" tanong ni Melody.
Natawa lang si Romeo at sinabing, "Nagpa-deliver lang kami. Akala mo naman may magaling magluto sa barkada natin."
"Sa amin lang ba ito? Hindi ba kayo sasabay sa aming kumain?"
"Libre naming 'yan sa inyo, April. Nagpa-deliver naman kami para sa amin, eh. Huwag niyo na kaming alalahanin. Just enjoy!" saad ni Ervin at iniwan na sila.
Habang silang lahat ay kumakain, patuloy pa rin sa pagkanta ang mga ibon at ang mga paru-paro'y lumilipad pa rin sa paligid—maganda sa pandinig at paningin.
"Guys, may kukunin lang ako sa room ko," pagpapaalam ni Athena sa mga kaibigan.
Pagkatapos kumain at magkwentuhan ay inaya ni Bryan si April na sumayaw.
"Bryan, wala si Athena para tumugtog."
"May mga ibon naman na kumakanta, ah."
"Ako na lang ang tutugtog," pagpresenta ni Romeo at kinuha ang violin. Nataranta silang lahat dahil dito.
"Huwag!" sigaw ni Ervin.
"Bakit—ay! Oo nga pala! Nakalimutan ko,"malungkot na saad ni Romeo.
Biglang dumating si Athena na humihingal. "Guys!"
"Anong problema?" tanong ni Vince.
"May mga magnanakaw."
"Puntahan natin," sabi ni Bruce.
"Huwag muna. Tingnan muna natin sa CCTV," pagpigil ni Gerald. Kinuha ni Gerald ang kaniyang cellphone at tiningnan ang CCTV footage sa buong building. "Pito sila. Nasa second floor ang tatlo, nasa third floor ang dalawa at nasa fourth floor ang nalalabing dalawa."
"Dadalhin ko 'tong violin, sakaling kailangan," wika ni Romeo.
Nang makababa sa fifth floor ay napatigil si Gerald. "Papunta rito ang isa sa kanila."
"Ako na ang bahala."
"Mag-ingat ka, Aries," sabi ni Melody.
"Sasamahan na kita para masurpresa ang magnanakaw na 'yan," saad ni Vince.
Sinalubong nina Aries at Vince habang invisible ang isa sa mga magnanakaw na may dalang baril. Hinawakan ni Aries ang kamay ng magnanakaw na may hawak ng baril at binali kaya napasigaw ito. Malakas na batok din ang nakuha nito kaya nawalan ng malay. Dumating ang isa pa nitong kasama na nagtataka kung anong nangyari dahil hindi nakikita sina Vince at Aries. Ganoon din ang sinapit nito sa kamay ng magkaibigan. Dinala nila ang mga ito sa fifth floor at doon ginapos.
"Iwan na natin ang mga 'yan diyan. Tumawag na ako ng mga pulis," ani Athena.
"Mukhang matagal-tagal pang magigising ang mga kumag na 'yan. Napalakas ko yata 'yung pagbatok," natatawang sambit ni Aries.
Pumunta sila ng third floor at doon naabutan ang dalawang magnanakaw na tinututukan ng baril ang mga boarders sa isang kwarto.
"Ako na," saad ni Sheina at mabilis na tumakbo para makuha ang mga baril nito. Nagulat ang mga ito sa nangyari at naglakad papunta sa kanilang magkakaibigan habang hawak ang mga kutsilyo. Hindi batid ng mga magnanakaw na nasa likod pala nila si Vince at Aries. Pinag-untog ni Aries ang mga ulo nito kaya nakatulog. Iginapos nila ang mga ito sa isang tabi ang tela na kanilang hiniram sa mga boarders.
"Nakita nila ang ability ni Vince," nag-alalang wika ni Melody.
"Mauna na kayo sa second floor," utos ni Romeo. Pumasok siya sa kwarto dala ang violin ni Athena.
"Tatlo ang natitira sa baba," saad ni Gerald.
"Susunod ako sa inyo. Tatawag lang ako ng back-up," ani Bruce.
Nang makababa sila ay nakita nilang may dalang mga bag ang tatlong magnanakaw. Nakakulong sa mga kwarto ang mga boarders na sumisigaw ng tulong.
"Hoy, mga pangit!" sigaw ni Melody.
"May mga bata, nakakatakot," sarcastic na sabi ng isang magnanakaw at humagalpak sa tawa pati na ang mga kasama.
"Ibigay niyo sa amin ang mga pera at cellphone ninyo. Kung hindi, mapapahamak kayo," utos ng isa habang itinutok ang dalang baril sa magkakaibigan.
"Sheina—"
"Subukan niyong kumilos, sasabog ang bungo ng isa sa inyo," banta nito. Hindi sila nagtangkang gumalaw dahil kahit mabilis si Sheina ay hindi niya matatalo ang bilis ng bala lalo na't malapit sa kanila ang magnanakaw na tumututok ng baril.
"Baka gusto mong malapa ng aso," sabi ni Bruce sa kabilang bahagi ng pasilyo kasama ang mga asong kalye na galit na galit.
Napalingon dito ang mga magnanakaw kaya ginamit iyong pagkakataon ni Sheina upang bawiin ang mga baril nila. Nagulat sila nang natumba si Athena. Itinapon ni Sheina ang mga baril sa kanilang likuran.
"Athena!" sigaw nilang magkakaibigan.
"Pagbabayaran mo ang iyong ginawa," galit na asik ni Ervin. Lumakas ang hangin at tumilapon ang lalaking bumaril kay Athena patungo sa kaniyang dalawang kasama. Nag-igting ang panga ni Ervin at ikinuyom ang mga kamay nang mahigpit dahil sa galit.
Humawak sa kanilang mga leeg ang tatlong lalaki na nahihirapang huminga. Tumakbo ang mga aso sa kanila at sila'y pinagpiyestahan. Sakto namang dumating ang mga pulis.
Tumigil na ang mga aso sa pag-atake sa tatlo na ayon sa utos ni Bruce. Dinakip nila ang tatlong may gutay-gutay na mga damit at nanghihina. Sinamahan naman nina Bryan at Vincent ang iba pang mga pulis sa kinaroroonan ng apat pang magnanakaw. Tinulungan na rin nilang makalabas ang mga nakulong na mga boarders.
Natumba si Ervin at sa kabutihang palad ay nasalo siya ni Gerald. Mabuti na lang at may nurse sa mga boarders kaya madaling nalapatan ng first aid si Athena. Maswerte siya dahil daplis lang ang kaniyang natamo. Si Ervin naman ay binuhat nila patungo sa isang kama at doon tiningnan ang lagay nito.