Chapter 14 - Chapter 14

«»«»«»«»«»

"Nakilala mo na siya Kuya Enrico?" saad nang kakambal kong si Elli. Limang minuto ang tanda o agwat ko sa kanya. Identical twins kami bagamat may ilan din mapapansin pagkakaiba sa amin dalawa.

"Sino?" napakunot-noo ako dahil sa tanong ni Elli.

"Si Monica!"

"Monica?"

"Iyon batang babae na napagkamalan niyang ako ikaw."

"Ahh, Siya ba! Oo."

"Oo lang sasabihin mo?"

"Bakit? Ano ba ang dapat kong sabihin?"

"Hay, Kuya, May crush ka na ba?" saad pa ni Elli. Napatayo ako mula sa kama kung saan ako nakaupo. Namimilog ang mga mata ni Elli habang nakatingin sa akin. Nakangisi rin siya. Nakaupo si Elli sa upuan tumba-tumba. Nasa loob kaming dalawa ng kuwarto namin na nakapuwesto sa ikalawang palapag ng bahay namin.

"Cru--crush! Anong klaseng tanong iyan?" sagot ko pero halos mautal na ako.

"Crush. Iyon taong gusto mo. Iyon taong gusto mo palaging makita o makasama."

"Ang bata mo pa para magka-crush. Ten years old ka pa lang, Elli!" sabi ko habang napahiyaw na ako nang dahil sa tinuran niya.

"E ano ngayon? Crush lang naman Kuya."

"Paano kung mahuli ka ni Mommy? Pareho tayong malalagot," saad ko na may pagbabanta sa akin tinig.

"Kung hindi mo ako isusumbong. Hindi mangyayari iyon. Saka mag-iingat naman ako Kuya," paliwanag naman ni Elli.

"Paano kung bigla kang atakihin ng sakit mo? Sa tingin mo ba hindi mag-aalala sa iyo si Mommy at kapag nangyari iyon, ako na naman ang makakagalitan niya," tugon ko naman habang hindi ko maiwasan hindi mapasibangot sa tuwing naiisip ko ang nangyayari sa akin kapag nagagalit si Mommy.

"Sorry Kuya! Gusto ko lang naman makalabas paminsan-minsan. Naiinip na ako sa bahay. Wala akong nakikitang ibang tao. Si Mommy kahit nandito, palagi siyang busy sa mga ginagawa niya. Tapos bigla na lang siya umaalis. Naiiwan ako sa bahay. Ikaw palagi kang nasa school. May nakakausap ka at nakakalaro," mahaba-habang litanya ni Elli. Nahihimigan ko sa tono ng pananalita niya ang tampo.

"Kasi bawal sa iyo ang lumabas ng bahay."

"Kasi dahil sa sakit ko."

"Ahh, basta huwag ka nang makulit Elli. Ako ang kuya kaya kailangan mong makinig sa akin."

"Pero gusto mo siyang maging kaibigan?"

"Ah, oo! Ah--ahh, hindi! hindi."

"Huli ka!"

"Ano ba Elli! Huwag mo akong pinagtitripan."

"Kunwari ka pa Kuya, gusto mo rin naman maging kaibigan si Monica."

"Hindi totoo iyan!"

«»«»«»«»«»

"Ang daya-daya mo naman Elli. Ang bilis mong tumakbo at umakyat sa langit. Magpahuli ka naman," sabi ni Monica sa akin habang nakapamaywang siya at nakasibangot ang mukha. Naglalaro kasi kami ng langit, lupa.

Ang akala ni Monica ako si Elli. Si Elli dapat ang kalaro ni Monica ngunit biglang nagkasakit si Elli kaya nakiusap sa akin ang kapatid ko na ako na lang ang makipagkita kay Monica dahil nakapangako ito na maglalaro silang dalawa.

Ang totoo dapat magpapakilala na ako kay Monica bilang Enrico sapagkat iyon din naman ang sinabi sa akin ng kakambal ko. Ang magpakilala na kay Monica kung sino ako. Ngunit hindi ko itinuloy.

Inamin sa akin ni Elli na gusto niya talaga akong ipakilala kay Monica o ipaalam ang tungkol sa akin pero natatakot siya na gawin ito. Takot si Elli na malaman ni Mommy ang tungkol sa palihim na pagtakas ni Elli upang makipaglaro sa ibang bata lalo na at nakikipagkaibigan pa kung kani-kanino si Elli. Pinagbabawalan kasi kaming dalawa lalong-lalo na si Elli na maglalabas ng bahay namin. Natatakot si Elli na magbanggit sa ibang tao nang tungkol sa akin sapagkat kapag nahuli kami ni Mommy ay alam ni Elli na ako ang pagagalitan ng husto ni Mommy kaya hindi ako magawang banggitin ni Elli kay Monica kung sino ako sa buhay ni Elli. At kagaya rin ni Elli ay natakot din akong umamin.

"Ayoko nga, kapag ginawa ko iyon talo na ako," sagot ko kay Monica. Ang batang babae na madalas kalaro ni Elli rito sa parke at ngayon ay kalaro ko na rin siya.

"Ayoko na Elli! Tampers muna. Ang daya mo naman kasi ayaw mong magpahuli," saad ni Monica habang hinahabol ang hininga sa tuwing nagsasalita. Napasalampak din siya sa damuhan. Habang ako ay nakatayo sa harapan niya at pinagmamasdan siya.

"Ang bagal mo kasi Monica," sabi ko habang nakangisi. Umirap siya. Tatayo na sana siya mula sa kinauupuan niya ngunit hindi siya makatindig ng ayos dahil na rin siguro nanghihina pa ang mga tuhod niya dahil sa matagalan pakikipaghabulan sa akin kaya iniabot ko na lang sa kanya ang mga kamay ko para alalayan siya sa pagtayo. Inabot niya ang mga kamay ko at bahagya siyang napasandig sa akin dahilan para maamoy ko ang tila strawberry flavored na amoy.

Ilan minuto rin siyang nakasandig sa akin bago siya nagsalita.

"Anong amoy iyon?" saad niya ng itiningala niya ang ulo niya at iniharap sa akin ang mukha niya habang mataman nakatitig sa akin mga mata at tila sinisinghot pa ang amoy ko?

"Ma--mabango ako hah!" depensang sagot ko kay Monica sabay bahagyang itinulak ko siya papalayo sa akin.

"Hmp, wala naman akong sinasabing mabaho ka. Ang sabi ko kung ano iyon naaamoy ko?" paliwanag niya sa akin. Nakapanguso pa siya habang nagpapaliwanag sa akin.

"Ano ba kasi iyon naaamoy mo?" tanong ko habang nakahalukipkip ang mga braso ko.

"Mabango. Parang amoy ng isang bulaklak," sagot niya sa akin habang patuloy na sumisinghot-singhot ang ilong nito.

"Sa tingin ko ikaw iyon Elli?" saad niya sa akin sabay lapit niyang muli sa kinatatayuan ko. Bahagya naman akong napaatras sapagkat nagitla ako sa ginawa niyang paglapit.

"Ano ka ba Monica, huwag ka nga lumapit. Amoy pawis ka kaya!" sabi ko sa kanya dahilan para hampasin niya ako sa braso. Siyempre hindi totoong amoy pawis siya.

"Hindi kaya! Mabango ako hah."

Nagpalitan pa kami ng asaran hanggang sa maisipan namin umupo sa isang upuan bato na nakadikit sa isang pader na nakapalibot sa parke.

"Ngayon ka lang ba gumamit ng pabango? Kasi kapag nakakasama naman kita hindi ko naman naaamoy iyon pabango mo," tanong sa akin ni Monica habang nakatitig ng maigi sa akin mga mata.

"Hin-- ah, oo! Naisipan ko lang gamitin iyon pabango ng kapatid ko," sagot ko sa kanya.

"Kapatid mo? May kapatid ka?" manghang tanong ni Monica habang namimilog ang mga mata nito.

"Hah? May--may sinabi ba ako? Wala naman akong sinabi," tugon ko habang pailing-iling ang ulo ko.

"Kasasabi mo lang kaya. Sabi mo, nakigamit ka sa pabango ng kapatid mo," paliwanag sa akin ni Monica habang hindi inaalis ang tingin sa akin.

"Mali lang ang narinig mo," sagot ko na lamang sa kanya.

"Hayan ka na naman Elli!" sabi ni Monica. Sinundot-sundot niya tagiliran ko kaya naman hindi ko maiwasan hindi mapaigtad. Katagalan sa ginagawa niyang pangingiliti sa akin ay gumanti na rin ako dahilan para umiwas siya sa ginagawa ko. Nagtatawanan kami habang umiiwas siya sa mga pangingiliti ko.

Muli kaming huminto sa amin ginagawa at muling umupo sa upuan bato. Pamaya-maya ay narinig ko siyang humikab.

"Inaantok ka na yata Monica. Umuwi na tayo. Hapon na rin. Baka hinahanap ka na sa inyo," saad ko habang napapakusot na rin ako sa akin mga mata.

Alas-kuwatro y medya nang makauwi ako sa amin. Nalaman ko na may sakit si Elli sapagkat binilinan ako ni Mommy na bantayan si Elli. Alam kong mali ang ginawa kong pagsuway sa utos ni Mommy. Pero noon mga oras na iyon, gusto ko talagang makilala si Monica. Simula ng banggitin ni Elli ang tungkol kay Monica, ginusto ko nang maging kaibigan din siya kaya pumayag ako sa sinabi ni Elli na puntahan si Monica. Saglit lang dapat ako pero...

"Puwede bang kaunting oras pa?"

"Wala pa sina Mama at Papa sa bahay. Wala akong kasama sa amin," saad ni Monica na bahagyang ngumiti.

"Magkuwento ka na lang sa akin ng kahit ano. Makikinig ako, basta huwag lang nakakatakot ang ikukuwento mo," dagdag pang saad ni Monica.

"O--o sige, kahit ano hah!" tanging tugon ko kay Monica. Nakita kong muling humikab siya.

"May--may sasabihin din sana ako sa iyo. Pe--pero huwag kang magagalit hah," saad ko habang bahagyang tumingin kay Monica.

Noon una hindi kami masyadong magkadikit habang nakaupo sa upuan bato pero namalayan ko na lang na umusad pa siya para magkadikit ang amin mga tagiliran. Uusad sana ako pero bigla niyang inihilig ang kanyang ulo sa akin balikat kaya hindi ko na nagawang kumilos.

"Mo--monica! Nag--nagsinungaling ako," panimulang saad ko ngunit tila may nakabara sa akin lalamunan.

"Hhmm, tungkol saan?" mahinang tugon ni Monica.

"Tungkol sa kap--kapatid ko," dagdag kong tugon ngunit pakiramdam ko ay para akong malalagutan ng hininga dahil sa sobrang kaba na nadarama ko.

"Kapatid mo?" tanging sagot ni Monica.

"Oo, Monica. Ang to-- Ang totoo, hindi ako-- hindi ako si Elli." Huminga muna ako ng malalim bago sinabi ang mga katagang iyon.

"A--ako si Enrico. Ang kakambal niya. Sana hindi ka magalit sa amin Monica," muli kong saad habang naghihintay ng sagot mula kay Monica ngunit wala akong narinig. Ang tanging naririnig ko ay ang tila mahinang paghinga kaya naman napatingin ako kay Monica at nakita kong nakapikit siya at tila natutulog.

Gigisingin ko sana si Monica ngunit pinigilan ko ang sarili ko. Napabuntong-hininga na lamang ako dahil kahit paano ay nabawasan ang kaba sa dibdib ko. Pumikit na rin ako sapagkat nakakaramdam na rin ako ng antok.

«»«»«»«»«»

"Hijo, gising na. Hijo." Malumanay ngunit buo na boses ang akin naririnig dahilan upang maalimpungatan ako. Dahan-dahan kong iminumulat ang akin mga mata upang tingnan ang isang pigura na nakatindig sa harapan ko.

"Mabuti naman gising ka na hijo. Naku, pasensiya ka na kung inabot na kayo ng dapit-hapon dahil sa pakikipaglaro nitong anak ko sa iyo. Mabuti na lamang at malapit lang dito ang bahay namin. Ikaw ba hijo? Hindi ka pa ba uuwi sa inyo? Baka hinahanap ka na nang iyong mga magulang?" tanong sa akin ng isang ginoo na may katangkaran ngunit may pagkabilugan ang mukha. May pagkachubby din ang pangangatawan nito. Nakangiti ito sa akin habang mataman nakatingin sa akin. Karga rin niya si Monica na katulad nang sa mga ikinakasal.

"Sino po kayo? Ahh, ang ibig ko pong sabihin ay--"

"Ako ang Papa ni Monica. Wala pa kasi sa bahay ang asawa ko kaya ako na lang ang sumundo kay Monica. Salamat hah! sapagkat sinamahan mo siya. Ikaw si Elli, hindi ba?" muling saad nang ama ni Monica.

"Hin--o--opo!"

"Madalas kang maikuwento sa amin ni Monica na palagi mo nga raw siyang sinasamahan kapag wala pa kami sa bahay. Salamat ulit hijo. Sige na, uwi ka na rin, baka mapagalitan ka pa kapag hindi ka pa umuwi," saad sa akin nang ama ni Monica.

Ihahatid sana ako nang ama ni Monica papauwi sa amin ngunit ako na ang tumanggi sa alok.

«»«»«»«»«»

Lagot ako nito kay Mommy.

"Saan ka nagpunta Enrico?" Malakas na bulyaw ang bumungad sa akin nang mabuksan ang pinto ng amin bahay, kasabay rin noon ang isang matunog na sampal na dumapo sa akin kanan pisngi dahilan para hipuin ko ito. Napamulagat ang akin mga mata nang mapagtanto ko kung sino ang gumawa noon sa akin.

"Mommy!" tanging nasambit ko. Marahas na hinila niya ako sa braso para papasukin sa loob ng bahay namin. Pagkapasok ko, nakita ko na may patpat sa ibabaw ng amin sofa. Hindi na ako nagulat kung para saan iyon o kung kanino ito gagamitin.

Sanay na ako. Kapag mainit ang ulo niya o nagagalit siya, sa akin niya ibinubunton.

"Lintik na bata ka! Wala ka talagang kuwenta! Hindi ba kabilinbilinan ko sa iyo na bantayan mo ang kapatid mo, pero anong ginawa mo? Lumantak ka ng layas at kung saan nagpupupunta at talagang nagpaabot ka pa ng gabi," mahabang saad ni Mommy habang pinandidilatan niya ako ng mga mata niya.

Inihahampas din niya sa akin ang patpat na hawak. Kung saan-saan parte ng katawan ko ito tumatama pero kahit ganoon hindi ako umiilag o pumapalag, tinatanggap ko lahat kahit masakit ang bawat paglapat ng patpat sa katawan ko.

"Sorry po Mommy!" tanging sambit ko.

"Sorry! Sorry! Walang magagawa ang pag-so-sorry mo. Alam mo ba ang nangyari sa iyong kapatid dahil sa kapabayaan mo hah? Alam mo ba?" nanggagalaiting sagot ni Mommy sa akin. Iniharap niya ang mukha ko sa kanya sapagkat marahas na hinawakan niya ang magkabilang pisngi ko habang pinipisil ito. Bagamat hindi ko nais umiyak sa harapan niya, hindi ko maiwasan hindi mapangiwi dahil sa sakit. May nangingilid pang mga luha sa akin mga mata.

"Ano pong nangyari kay Elli?" saad ko habang nanginginig ang boses ko.

"Nandoon lang naman ang kapatid mo sa hospital dahil sa katangahan mo!" pabulyaw na sagot sa akin ni Mommy sabay ilan beses na tinampal ang akin mukha at marahas na itinulak ako dahilan para mawalan ako ng panimbang at sumadsad sa sahig namin.

"Talagang kahit kailan, wala ka ng ginawang tama Enrico. Talaga bang papatayin mo kaming lahat! Hindi ka na nakuntento. Namatay ang asawa ko dahil sa kagagawan mo, tapos heto isusunod mo pa pati ang kapatid mo."

"Hindi po totoo iyan, Mommy. Kahit kailan hindi ko ginustong mawala si Daddy at lalong hindi ko po ginusto ang nangyari kay Elli. Bakit ba palaging ako na lang ang sinisisi ninyo Mommy? Anak mo rin ako. Nawalan din ako ng ama!" saad ko habang humihiyaw ako. Hindi ko na napigilan pumatak ang akin mga luha. Sa sobrang sakit nang nararamdaman ko dahil sa mga naririnig ko mula sa bibig ni Mommy ay halos kapusin na ako ng hininga. Parang mga malilit na karayom na hindi nakikita ang sa pakiramdam ko ay tila tumutusok sa akin puso.

"At sinong sisisihin ko? Ibang tao? Totoo naman na kagagawan mo kaya namatay ang Daddy mo. Kung hindi ka nag-inarte at nagpumilit na bumili ng ice cream. Hindi sana siya maaaksidente. Kung hindi sana matigas ang ulo mo. Hindi sana siya mamamatay. Hindi sana siya mawawala sa atin." Humahagulgol na saad ni Mommy. Napasalampak na rin siya sa sahig habang niyayapos ang sariling katawan. Nagpilit akong tumayo para lapitan siya sa kanyang kinatatayuan ngunit nabigla ako sa ginawa niya.

Pinaghahampas niya ako gamit ang kanyang mga kamay. Hindi na ganoon kalakas ang pagkakahampas niya sa akin pero para sa akin mas masakit marinig ang mga binibitawan niyang salita.

"Sana ikaw na lang ang nawala. Sana kasama ko pa ang asawa ko pero dahil sa iyo nawala siya sa akin. Ikaw ang pumatay sa kanya. Ikaw!"

Natahimik na lang ako dahil sa mga narinig ko. Hindi ko inaasahan na hindi pa rin pala ako napapatawad ni Mommy dahil sa nangyari kay Daddy. Kasalanan ko kung bakit hanggang ngayon nasasaktan si Mommy.

«»«»«»«»«»

"Honey, nandito na ako!"

"Hi, Hon! Ang aga mo yatang umuwi?"

"Oo, Honey. Kanina pa kasing sumasakit ang ulo ko. Nagpaalam na lang ako kay Boss na uuwi na ako dahil baka kapag itinuloy ko ang pagtatrabaho ay lalong lumala sakit ng ulo ko at hindi pa ako makapasok bukas.

"Ganoon ba. Mabuti pinayagan ka niya. Teka mayroon pa yata akong gamot para sa sakit ng ulo. Inumin mo hah! Pero kumain ka muna at nang magkalaman ang tiyan mo bago ka uminom ng gamot."

"Sige, salamat Honey. Ang mga bata nga pala nasaan sila?"

"Nasa itaas, naglalaro sa kuwarto nila."

"Mommy, Mommy! May ice cream."

"Dahan-dahan ka naman sa pagbaba sa hagdan Enrico. Mahuhulog ka niyan dahil sa ginagawa mo."

"Saka kakain na tayo ng tanghalian. Huwag ka nang mag-ice cream dahil mabubusog ka kaagad Enrico. May mga dumadaan din mga sasakyan diyan sa kalsada baka mahagip ka pa."

"Sa tabi naman po ako maglalakad at kapag may sasakyan hindi naman po ako tatawid, Mommy."

"Huwag makulit Enrico. Maglaro na lang kayo sa itaas ni Elli. At saka kakain na tayo."

"Pero Mommy naman!"

"Hayaan mo na Honey si Enrico. Matalino naman iyan anak mo. Maalam kang tumawid hindi ba anak?"

"Opo Daddy! Payagan ninyo na ako bumili ice cream."

"Sige bumili ka na Anak pero mag-iingat ka sa mga sasakyan."

"David! Hayan ka na naman, ini-spoil mo na naman ang bata."

"Okay lang iyon Honey. Kailangan din nilang tumayo sa sarili nilang mga paa para kahit wala na ako o tayo. Kaya na nilang pangalagaan ang mga sarili nila."

"Ano ba iyan sinasabi mong mawawala ka. Hindi ako natutuwa sa mga sinasabi mo hah."

"Huwag kang mag-alala, hindi naman ako mawawala sa inyo."

«»«»«»«»«»

"Salamat po, Manong!"

"Hijo, huwag ka basta tatawid hah at baka mahagip ka ng sasakyan."

"Hmm, sarap. Matutuwa nito si Elli."

"Hoy bata, tumabi ka!"

"Huh?"

"Enrico, Anak!"

"Dadd--" usal ko ngunit pakiramdam ko ay tila may isang malakas na puwersang tumulak sa akin.

Bigla akong nakaramdam nang pagkahilo ngunit hindi ko alam kung bakit? May nauulinigan akong mga boses at tila nagsisigawan sila. Marahan kong iminumulat ang akin mga mata. May mga naaaninag akong mga pigura sa akin paligid. Mga tao silang nakatitig lang sa akin habang nakatayo sila at tila hindi mapakali ang kanilang mga kilos. Pero bakit? Pamaya-maya ay may tila isang senaryo ang pumasok sa aking isipan.

"Da--daddy!"

Nakita ko si Daddy na nakahandusay sa may kalsada. Kahit nanlalabo ang akin mga mata ay mayroon pa rin akong naaaninag. Nakita ko ang tila mapulang likido na nakakalat sa kalsada. Nakita ko si Daddy at tila nahihirapan siya sa kanyang kinatatayuan.

Naalala kong may paparating na sasakyan. Humaharurot ito. Mahahagip na sana ako nang sasakyan sapagkat hindi ako nakatingin habang tumatawid sa kalsada ngunit may isang pigura ang sumulpot sa akin harapan. Bigla niya akong itinulak sa isang tabi dahilan para tumilapon ako at mapasadsad sa isang bahagi ng kalsada. At ang taong gumawa niyon ay si Daddy.

"Daddy!"

«»«»«»«»«»

"Mr. Ayala? Mr. Ayala?" Isang pamilyar na tinig ang pumukaw sa akin atensiyon dahilan para itigil ko ang pagmamaneho.

"Mo--monica!" Hindi ko alam kung bakit bigla na lang kumilos ang mga bisig ko. Bigla ko siyang niyakap dahilan para magulat siya. Sa halip na mailang ako. Niyakap ko pa siya ng mahigpit.

"Mr. Ayala?"

"Monica."

"Kahit ngayon lang Monica," usal ko.