— March 19, 1814 —
Sumapit ang dapit-hapon, at nakaupo na muli si Leros sa may gilid ng tulay. Hindi lang dahil hinihintay niya si Callum. Ngunit ito ang inspirasyon niya sa kanta- ang dapit-hapon.
Ipinikit niya ang kaniyang mata at dinama ang bulong ng hangin habang ang init ng palubog na araw ay nakadikit sa kaniyang balat. Bigla niya narinig ang boses ng lalaking hindi nagpatulog sa kaniya ng maaga kagabi.
"Leros!" tawag ni Callum. Gusto man mainis ni Leros ay hindi niya magawa, minulat niya ang kaniyang mata at ilang metro na lamang ang agwat ni Callum sa kaniya.
Dala-dala niya ang berde na gitara tulad ng kaniyang sinabi. Dahil doon ay natunaw ang inis na sinubukang buuin ni Leros. Hindi niya alam kung bakit pero isang ngiti ang puminta sa kaniyang labi.
Bumibilis ang tibok ng kaniyang puso pero, parang hindi naman nagalaw ang mundo. Hindi na niya napansin, nakatulala na lamang siya kay Callum. Hindi na rin niya narinig ang mga sinasabi nito.