Chapter 3 - 2.KLOSETA

Sa bawat oras, ngiti ko'y makikita

Sa bawat sandali na puno ng saya

Sa kwento ng pag-ibig o pagkadismaya

Suot ko ang maskara sa loob ng kloseta

Tunay na kaylamig, sadyang kay dilim

Mag-isa kong kinukubli, ang aking lihim

Hindi mababago, panalangin ma'y taimtim

Sa tunay na ako, oras-oras ay takip silim

Sa bawat gabi'y kukumutin ang kalungkutan

Yayakapin ang dilim, iiyak ng marahan

Kalapating bahag-hari'y tila nasa kulungan

Sa loob ng kloseta'y di mapalaya ninoman

Sa bawat umaga'y isusuot ang maskara

Pipilitin ngumiti, kahit nahihirapan pa

Pilit aalisin ang amoy ng paminta

At taong hindi ko kilala ang ihaharap sa iba

Sa harap ng salamin, damdami'y isinisigaw

"ayoko na sa'yo, Ayoko nang maging ikaw"

Batid namang isang araw, sikreto'y sisingaw

Ngunit walang magawa, dahil isip ay ligaw

Sisimulan nang ihanda ang puso

Sa badyang pagkawasak at pagdurugo

Na dulot ng maling pag- ikot ng mundo

Para sa mga taong gaya at katulad ko

Kapag nawala ang takot, kloseta'y iiwanan

Proteksyong binigay ay pasasalamatan

Lahat ng aking dinanas ay di malilimutan

At isasabuhay ang aral na natutunan

lalaya ng tuluyan ang kalapating bahag hari

Tinataglay na kulay, hindi na ikukubli

Pagkat tuluyan nang natanggap ang sarili

paghubad ng maskara'y totoo na ang ngiti

Iiwanan sa kloseta, hinubad namaskara

Pati ang takot, sa sasabihin ng iba

Saking pag labas ay magiging matapang na

At sa bagsik ng daigdig ay haharap na

Sa pag ibig ako'y muling susugal

Iiwan na rin sa kloseta, takot na magmahal

muli mang mabigo'y idadaan sa atungal

At hihintaying ang tamang tao'y dumatal

Klosetang madilim na naging tahanan

Sa aking pag iyak sya ring nagpatahan

Asahan mong ikaw ay di ko malilimutan

Ngunit patawad subalit di ka na babalikan