Chapter 4 - 3. Sayaw Nating Patago

Kung ang nararamdaman nati'y kasalanan sa mundo,

Kung ang pag tingin sa isa't isa ay kailangang itago,

Walang nang pangamba ang umiibig kong puso,

Pagkat ikaw ang aking kasama, akoy hindi mabibigo

Wala nang ibang tanong, nasagot nang lahat ng paano

Wala ring pag-aalinlangan, wala lahat ng siguro

Pagtingin sa isa't-isa ay walang halong pagbibiro

Subalit sa kasalukuyan ay kailangan munang itago

Kung sa atin nakatutok ang kanilang mga mata

Bitawan mo ang aking kamay ngunit umakbay ka

Pagkat ang kamay mo sa aking balikat ay hindi kahinahinala

Sa isip nila'y tayo ay simple lamang na magtropa

At Sakali mang sa ating dalawa'y walang nakakakita,

Kunin mo ang aking kamay at tumingin sa aking mga mata.

Humakbang ng dahan dahan, sumabay sa musika,

Isayaw mo'ko ng mabagal sa loob ng kloseta.

Pagkat tayo ay ligtas sa ating sayaw na patago,

Ligtas sa panghuhusga maging sa mga kritisismo,

At sa loob ng kloseta kung saan tayo nagtatago,

Patuloy na iibig sa iyo ang binihag mong puso

Pagkat nang aking ikulong ang aking sarili sa pag-ibig mo

Saka ko lamang napalaya ang tunay at totoong ako

At kung tuluyan man tayong talikuran ng mundo

Wag matatakot pagkat nasa harap mo ang mga labi ko.