Chereads / AGNOS / Chapter 4 - LANDAS

Chapter 4 - LANDAS

Naging kilala at mabenta ang mga luto ni ina nitong mga nakalipas na taon. Dahil rito, lumaki ang aming tahanan at mas naging masagana ang aming pamumuhay.

Ang tahanan namin ay gawa sa kahoy at may dalawang palapag. Ang una'y ginagamit bilang kainan. Sementado ang sahig, nakabarnis ang mga kagamitang kahoy, ang mga mesa'y may mga mahahabang upuan para sa mahaba nitong gilid at mga pang-isahang silyang may sandalan para sa maiksing parte, at sa bungad naman pagkapasok sa pintuan tatambad ang tanggapan ng mga parokyano. Ang silid sa likod ng tanggapan ay ang maliit na kusina ni ina. Ako ang nagsisilbing tagahain at tagalinis, si ina ang tagatanggap ng bayad at tagaluto ng mga pagkain bago magbukas ang kainan, at ang aking kapatid namang si Christine ang sumasalubong sa mga papasok na parokyano.

Ang pangalawang palapag nama'y may tatlong kuwarto na nagsisilbi naming tuluyan. Tig-isa kami ni Christine at magkasalo naman sina ina't ama. Payak lang ang aking kuwarto, 'di mo nga aakalaing babae ang may-ari. 'Di naman ako mahilig sa mga palamuti, at sa mga bagay na uso sa mga kababaihan para sa aking edad. Ang pinakamagandang masisilayan sa aking kuwarto ay ang aking tokador na may salamin sa ibabaw. Handog ito sa akin ni ama noong ako'y nagdalaga. Naaalala ko pa ang aking saya nang buksan ko ang mga kahon nito, may kasama pa palang kulay asul na bestida ang nasa loob. Nakapatong rin sa aking tokador ang aking litrato na nakunan noong kaarawan kong iyon. Sa loob ng kuwadro sa likod ng aking larawan nakatago ang litrato namin ng aking tunay na ina.

Sa ngayon, laging mag-isa si ina sa kaniyang kuwarto dahil napakaraming inaasikaso ni ama sa kaniyang trabaho. Madalas na naman tuloy akong mapag-initan ng aking ina't kapatid. Pasalamat ako at nariyan lagi ang kababata ko, na dito ko na rin sa siyudad nakilala — si David. Nagkatagpo kami noong nag-iigib ako ng tubig mula sa poso sa likod bahay. Agad siyang umalalay, talagang likas na kay David ang pagiging matulungin. Agad kaming nagkagaanan ng loob simula noon.

Sa tuwing malapit na ang kaarawan mo, ina, ay napakarami ko na namang alaala ang nagbabalik. Napakarami ko na na namang kuwento ang sinasalaysay sa iyo. 'Di ko namalayan na kay tagal ko na palang nakayapos sa ating litrato.

"Cateline!" isang malakas na sigaw mula sa ibabang palapag ang gumambala sa aking pagkakahiga. "BIlisan mo, 'wag mo akong punuin."

Bigla namang binuksan ni Christine ang pintuan ng aking kuwarto't sumandal sa hamba ng pintuan. "Cateline ano ba?! Bingi ka na ba? Kanina ka pa tinatawag!"

"Patawad," sagot ko. Tumayo na ako sa aking kinahihigaan at inayos ang suot kong damit. Nag-umaga na ba? Tumingin ako sa labas ng aking durungawan at nasilayan kong gabi pa lamang. Ano't tila nagmamadali sila.

Lumapit sa akin si Christine at tinitigan ang aking hawak na litrato. Agad ko naman itong ikinipkip sa aking dibdib. Puna niya, "Aba, nagiging maramdamin ka na naman sa harap ng litrato ng nanay mo."

Nagpatuloy pa kaming mag-usap. "Ano't tila nagmamadali?" aking tanong. Sa isang malakas na kalampag, laking gulat ko nang bigla na namang bumukas ang pinto ng aking kuwarto. Huminto si ina sa gitna ng bukas na pintuan at naghalukipkip. "Cateline ano ba?! Mamalengke ka nga!" utos niya sa akin.

Agad kong itinago sa aking likuran ang litrato namin ngunit, napansin ito ni ina. 'Di mapakali at nanginginig akong napasagot, "Gabi na po't pasara na ang mga bilihan. Kaya ko naman pong gumising nang mas maaga bukas kung gugustuhin niyo."

"Si Helen na naman ba 'yan? Sagutin mo ko, si Helen na naman ba 'yan?"

"Itatago ko na po. Patawad po." nangingig ang aking mga braso at tuhod sa kaba.

"Itago mo na 'yan." naging maluha-luha na ang mga mata ni ina. Hindi pa rin yata lumilipas sa kaniyang isip ang panibagong tensiyon kanina kaya't emosyonal pa rin siya hanggang sa ngayon.

"I-ina," sinubukan kong magpaliwanag.

"Umalis ka na. Umalis ka na!" hinilod ni ina ang kaniyang noo.

"Opo." tugon ko.

Nagmamadali si ina na ako'y paalisin. Hindi ko mawari kung ano ang nais niya dahil tuwing umaga naman ako lagi namimili para sa mga sangkap ng kaniyang mga iluluto. Alam ko na wala akong magagawa kundi sumunod kaya inayos ko na lang ang aking nagusot na damit at nagpatuloy na ako sa pagpunta sa pamilihan. Alam ko rin naman na kay bigat ng kaniyang dinadala at mas mabuting huwag nang dagdagan pa.

Habang patungo ako sa pamilihan, nararamdaman kong tila may nagmamasid mula sa aking likuran. Nang ako'y lumingon, nahapyawan ng aking mga mata saglit ang hugis ng isang lalaki. Katangkaran, ngunit hugis lang ang aking nagawang makita dahil mabilis itong nakapagtago. Kinabahan ako kaya't nagmadali na akong nagtungo sa pamilihan.

Kumuha ako ng karne ng baboy at manok. Kumuha rin ako ng mga pampalasa gaya ng sibuyas at bawang. Papalapit na ako sa maggugulay nang may na-amoy akong kahali-halina. Alam ko ang amoy na iyon. Amoy iyon ng Kalingag. Mukhang may bagong pitas ngayong araw. Nagmadali akong lumapit sa tindahan ng mga halamang gamot. Tumakbo ako't napahinto nang bigla na lang may nabunggo akong lalaki.

"Patawad po," yumukod ako sa kaniyang harapan.

Laking gulat ko na lang nang tumambad sa akin ang mukha ng heneral. "Ikaw pala, Cateline." Ngumiti siya't nagpatuloy na sa pag-alis. "Mag-iingat ka," sambit niya sa akin bago tuluyang makalayo, "sa dilim."

Nakita ko na naman ang kasuklam-suklam niyang mukha. Walang ikabubuti kung iisipin ko pa ito kaya ipinagsawalang-bahala ko na lamang ito't muli na lang akong lumingon sa tindahan ng mga halamang gamot. "Ale!" sigaw ko ngunit inabutan na ako ng oras ng pagsasara. Hay! Mapapagalitan na naman ako ni ina dahil hindi ko nagawang makumpleto ang dapat kong mga bilhin.

Naglakad na lamang ako upang umuwi. Sinubukan kong sa ibang daan magtahak bilang pag-iwas sa lalaking kaninang aking natanaw. Ngunit, may bigla sa aking sumitsit. Bumilis ang tibok ng aking puso sa kaba, namawis ang aking mga kamay, at nanginginig ang aking tuhod. Naririnig kong unti-unting mas bumibilis at mas lumalakas ang mga yapak sa semento. Nagmadali akong tumakbo.

"Psst!" sitsit ng lalaki. "Magandang binibini! Lingon naman diyan!" tila may kalasingan na sigaw pa nito.

Kumaripas pa ako. Sinubukan kong lumingon at tanaw kong nakagawa ako ng distansiya mula sa humahabol. Akala ko'y magagawa kong makatakas, ngunit may isa pa palang lalaki ang nakaabang at bigla nitong hinablot ang aking mga kamay. Nawalan ako ng balanse't naitapon ko ang aking mga naipamili.

"Kamusta magandang binibini? Gusto mo bang sumama sa aming kasiyahan?" pahalakhak nitong sambit. Humigpit ang kaniyang pagkakakapit sa aking braso at pinipilit niya pa akong hatakin papalapit.

Nagpupumipiglas ako mula sa kaniyang mahigpit na pagkakahawak. "Nakainom kayo. Lubayan niyo ako. Kailangan ko nang makauwi."

"Uwi? Sa amin ka na umuwi, liligaya ka pa." muli nitong halakhak.

"Bitawan niyo 'ko!" sigaw ko, "Tulong! Tulong!" Sinubukan ko pang magpumiglas. Sinipa ko ang ari ng lalaki. Napayukod ito ngunit hindi sapat ang aking lakas upang makatakas. Muli niyang nahablot ang aking mga kamay at mabilisang naitali. Hinahabol ko na ang aking hiniga at bilis ng tibok ng aking puso. HIndi ko magawang makaalis mula sa aking pagkakagapos. Uh! Sinubukan kong yumugyog. Sinubukan kong umiling. Sinubukan kong magwala ngunit hindi ako makapiglas papaalis.

"Aba, matapang ang babaeng ito. Gusto ko 'yan!" ngumiti ito, nanlaki ang mga mata, at naglaway.

Natatanaw ko ang unang lalaki na pasuray-suray na kumakaripas papunta sa aking direksiyon, "Hawakan mo lang 'yan!"

"Maawa kayo sa akin. Pakawalan niyo na ako. Tulong! Tul—"

Tinakpan ng lalaki ang aking bibig. Pinipilit ko pa ring sumigaw at magpumiglas ngunit kakaunti na lang ang lakas na natitira sa akin. Unti-unting nilalapit ng lalaki ang naglalaway niyang nakakadiring dila papalapit sa aking mukha. Pilit kong nilalayo ang aking mukha. Nagulat ako nang may ginoong nakamaskara ang biglang nagpabagsak sa lalaking may gapos sa akin gamit lamang ang isang suntok. Ang unang lalaking naiwan ay biglang naglabas ng baril at pinaputok ito sa aming direksiyon. Mabilis akong hinatak ng ginoo sa isang sulok upang maiwasan ang bala. Mabilis niya rin akong napakawalan mula sa aking pagkakatali. HInawakan niya ang aking mga kamay at tinangay niya pa ako papalayo. Bumilis ang pagtibok ng aking puso, ngunit iba ang pakiramdam nito ngayon. 'Di ko mawari. Nawala ang aking takot kasabay ng hampas ng maaliwalas na hangin sa aking balat. Sinusundan ko lamang ang kaniyang pagtakbo na tila kay bagal kung pagmasdan. TIla siya lang ang aking nakikita. Ano ito?

Nagpatuloy pa kami hanggang mapahinto kami sa dulo ng isang bangin. Sinilip ko ito. Napakataas, mahamog, 'di rin tanaw ang ibaba kaya't ako'y umatras. Patuloy pa kaming hinabol ng lalaking may baril at nang aambahan na kami'y paputukan, hinawakan ng ginoo ang aking kamay at sabay kaming bumuwelo at tumakbo patalon sa ibaba. Napakalakas ng tibok ng aking puso, liban sa taas ng bangin ay hindi pa rin ako nakalalangoy ni minsan. Kinakabahan, ngunit parang ligtas ang aking pakiramdam sa tabi ng ginoo. Metro-metro ang taas na aming sinuong. Sampung segundo lang, ngunit parang naging napakatagal ng aming paghulog. Tila naglalakbay kami sa pagitan ng mga ulap patungo sa malawak na karagatan. Nang tuluyan nang mahulog ang aking sarili sa tubig, nanatili ako upang hanapin ang ginoo sa karimlan na tanging ang mahinang ilaw lamang ng buwan ang nagpapaliwanag. Lumutang paitaas ang itim niyang maskara. Mula sa ilalim, unti-unti siyang lumapit sa akin at ako'y kaniyang niyapos. Sumunod ako sa kaniyang paglangoy hanggang makarating kami sa ibabaw ng tubig. Habang nakalutang at malapit sa isa't isa ang aming mga katawan, nasilayan ko ang maganda nitong hitsura na lalo pang pinalamutian ng pagkinang ng mga butil ng tubig sa kaniyang balat. TIla nakalaan sa amin ang liwanag ng buwan. Napakaganda, kaya naman lumingon ako sa direksiyong pinagmumulan at pinagmasdan ko ang kaluwalhatian nito sa gitna ng tila abot-kamay na kalangitan. Iniangat ko ang aking kamay. Tanaw rin ng aking balintataw, sa pagitan ng aking mga daliri, ang animo'y mga hiyas na kumikislap sa ibabaw ng karagatan sa gitna ng kadiliman. Pagkatapos, muli akong lumingon sa ginoo. Tangan niya ang aking kamay habang sinasabayan ko ang paggalaw ng kaniyang mga paa. Ginabayan niya ako sa aking unang paglangoy.

Nagtungo kami sa isang di-kalakihang kuwebang ang bunganga'y halos lamunin na ng dagat. Inalalayan niya ako paakyat. Dito, pansamantala kaming nanatili. Naging maayos ang aming kalagayan at nagpapasalamat ako na wala kaming tinamong galos o sugat.

"May ganito palang kuweba rito. Kay ganda!" naiwika ko sa pagkamangha. Piniga ko ang aking damit at ang aking buhok. Napansin ko na hindi man lang ako nililingon ng ginoo. "Maraming salamat sa pagligtas. Nais kong malaman ang iyong pangalan ginoo." mahinhin kong sambit upang kunin ang kaniyang atensiyon. "Ginoo?"

Hinubad ng ginoo ang itim nitong pang-itaas upang pigain at patuyuin. Namasdan ko ang matipuno niyang pangangatawan at ang tila perlas niyang kutis. Ngunit, nasilayan ko rin ang kaniyang kanang kamay na kulang ng hinliliit at palasingsingan. Napansin niya, kaya't itiniklop niya ang kaniyang palad. Unti-unti niya akong nilapitan hanggang sa pulgada na lang ang layo ng aming mga mukha, ng aming mga labi. Napatigil ako; natulala. Namumula ang aking mukha at tila nag-iinit ang aking katawan. 'Di ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Nabighani nga ba ako? Nagising ako nang biglang tumuro sa aking likuran ang ginoo.

"P-patawad." nauutal kong sambit. Napangiti ako at iniling-iling ko ang aking ulo sa kahihiyan. "Ano iyon ginoo?"

"Sundan mo lang ang lagusan na may mga nakakalat na kabibe at makababalik ka na sa itaas." Naging matalim ang titig niya sa aking mga mata. "'Wag ka nang bumalik rito." mariing utos ng ginoo. Sa kabila noon, tila kay sarap pakinggan ng kaniyang malalim na boses. Madiin niyang hinawi ang kaniyang palad sa kaniyang buhok para bang naiinis sa kadahilanang hindi ko naman alam.

"Maari mo ba akong samahan," aking hiling, "sapagkat maaring ako'y maligaw." Dagdag ko pa, "Maaring hindi ko na makita ang ibang kabibe sapagkat kay dilim na roon sa kalaliman."

Hindi tumugon ang ginoo ngunit naglakad siya at nauna sa aming paglalakbay.

"Tatanawin ko itong malaking utang na loob, ginoo. Salamat."

Bagamat kay dilim, walang hirap kaming dumaan sa pasikot-sikot na dugtong-dugtong na mga kuweba. Kabisado niya ang lugar na tila likod ng kaniyang kamay. Makalipas ang ilang minuto, dinala ako ng lagusan sa bunganga ng isang maliit na kuweba palabas sa dalampasigan. 'Di ko alam na may tila laberinto pala ng mga lagusan at kuweba sa ilalim ng kinatatayuan ng bayan.