Chereads / AGNOS / PROLOGUE

PROLOGUE

Copy of map:

https://drive.google.com/file/d/1vlXj5ZynDGsz4IBXqNmkl5Nf1Ol3UOFc/view

Tagpuan:

Sa panahon kung saan laganap ang giyera, may isang arkipelagong bansa ang hitik sa likas-yaman. Naging mainit sa mata ng ibang malalakas na bansa ang yamang ito, kaya naman unti-unti silang sinakop. Inuna ng mga mananakop ang mga probinsiya ng bansa na mayaman sa likas-yaman, estratehiya na tiyak magpapahina sa bansa.

Ang bansa ay umaasa sa mga probinsya nito para sa mga likas-yaman, mga saka, at iba pang produktong pagkain. Ang kapitolyo naman ng bansa ay matatagpuan sa isang malaking isla na binubuo ng apog o limestone. Tinawag ang isla na ito na 'Apopulo'. Ang siyudad, ang 'Mangis', na pinagtatagan ng mga haligi ng pamahalaan ay matatagpuan mula sa timog-kanluran ng isla. Ipinangalan ang siyudad sa nasyonalismo ng mga mamamayan. Sa gitna ng siyudad nakatayo ang Bahay Pamahalaan ng bansa. Nakapalibot naman dito ang Pamilihang Bayan, Kagawaran sa Seguridad ng Kayamanan, Kagawaran para sa Kapayapaan, Bilangguan, Hukuman at iba pang mga Komisyon, Kagawaran, at Departamento ng bansa.

Mayaman sa magandang dalampasigan ang isla bagamat magmula sa kanlura'y patarik ng patarik ang dalisdis nito — kaya't sa kanluran matatagpuan ang pinakamataas na bangin. Sa hilaga naman matatagpuan ang Bulubunduking Dumakulem. Nabiyayaan rin ng isang malaki't malinis na ilog ang isla. Tinawag nila itong Ilog Bakunawa dahil sa tila ahas nitong hitsura. Mayroon ring isang ilog na hugis titik J sa hilagang-kanluran ng isla. May parte ang ilog na ito na bumabagtas iilang metro lamang mula sa likuran ng Bahay Pamahalaan. Ang ilog ay dumadaloy pahilagang-kanluran kung saan nito tinatagpo ang dagat. Pakanluran mula sa bangin, nakausbong ang isang mahabang bahurang naka-arko, ang Bahura Dakila. May pagkamalalim ang mga tubig, ang Dagat Aman Sinaya, sa pagitan ng isla at ng bahura. Nabiyayaan ang lugar na ito ng masasaganang mga huli. Mayroon ring dalawang gubat sa loob ng isla. Ang Gubat Kalingag sa hilagang-silangan at ang malawak na Gubat ng Lanaw sa silangan.

Ang kapitolyo ng bansa ay isa sa mga nanatiling matatag sa kabila ng dinanas nito sa nakaraang unang yugto ng digmaan. Ito ay dahil sa estratihiko nitong heograpiya. Ang napakataas na bangin sa kanluran at ang malawak na bulubundukin ang nagiging natural na pananggalang ng kapitolyo mula sa mga mananakop na taga-malayong kanluran. Dagdag pa rito ang mahabang bahurang nagpapababaw ng tubig pakanluran mula roon. Nagawa nilang mapagtagumpayan ang digmaan, ngunit hindi ito sapat —pinabagal lang nito ang pagkakasakop. Alam iyon ng pinuno ng bansa kaya naman sumang-ayon ito sa inalok ng mananakop na kasunduang pangkapayapaan bagamat maraming kapalit noong muling nagbalik ang mga ito sa isla labinglimang taon na ang nakalilipas.

Naging mapayapa ang bansa't naging ligtas rin ito dahil sa pagbabantay ng dati nilang mananakop. Isa sa mga naging kapalit, ang militar ng kalabang bansa ang mamumuno at hahawak sa mga probinsya ngunit mananatili ang sarili nitong pinuno at hanay ng militar. Hindi rin sila dapat magpayabong pa ng sarili nilang sandatahang lakas. Ang kasunduan, bagamat nagdulot ng kapayapaan, ay tila isang rehas na kumukulong sa pag-usbong ng bansa.

Sa kasalukuyan, naalala pa rin ng bansa ang sinapit nito. Ngunit, unti-unti na rin nilang nararamdaman ang tunay na kapayapaan sa paglipas ng panahon. Muling nanumbalik ang sigla ng hindi lang mga mamamayan ng kapitolyo, kundi na rin ang mga industriya. Nagkaroon pa nga sa timog na bahagi ng isla ng karnabal, at iba pang industriyang panglibang at pang-aliw. Umusbong rin ang kainan na kabuhayan ng pamilya nina Cateline.

Sina Cateline ay nakatira sa bandang timog-kanluran ng isla, malapit sa gitna ng siyudad. Dito, nagsisilbi siya sa mga parokyano at naglilinis ng kanilang kainan.

Ano kaya ang mangyayari sa masalimuot na pagkaugna-ugnay ng mga tagpo at mga tao? Ano ang kayang gawin ng umiibig para sa kaniyang minamahal? Ano ang mangyayari kung biglang nakawin sa iyo ang nakasanayan mong kapayapaan? Ano ang kahihinatnan nitong kwento ng isang trahedya? Tunghayan natin ang kuwento mula sa mga mata ni Cateline, ang kuwento sa loob ng Agnos.