Chereads / Mahal kita, Severino / Chapter 5 - Kabanata 3

Chapter 5 - Kabanata 3

Kanina pa kami palakad-lakad dito sa maliit na pamilihan malapit sa mansion at nagtatanong sa ibang mga tao kung mayroon ba silang nalalaman na hardin ng rosas ngunit iisa lamang ang kanilang mga sagot-- 'wala po, Ginoong Severino'.

Nawawala na rin ang araw at lumilitaw na rin ang buwan. Hanggang anong oras pa ba kami maglalakad? Sumasakit na ang aking mga paa.

"Ginoong Severino!" Napalingon ako kay Gascar na kumakaway habang nagpapasada ng kalesa na ikinahinto naming dalawa. Nang tumigil na siya sa aming harapan ay ang paglingon niya sa akin at muling tumingin kay Ginoong Severino. "Ginoo, ano pong ginagawa niyo rito sa pamilihan? Papalubog na po ang araw. May sadya po ba kayo rito?"

Nakapamulsang nakangiti ang ginoo. "May hinahanap lamang. Saan ka galing? May iniutos ba si Ama sa iyo?"

"Ako'y kanyang inutusan na ipaabot ang liham kay Don Luisito." Halos mapunit na ang labi nito kakangiti, litaw ang maliliit na biloy sa kanang pisngi.

Si Gascar Elmundo ay isang hardinero at punong kutsero ng pamilya y Fontelo. Apat na taon na itong nagtatrabaho sa pamilya kung kaya't labis na itong pinagkakatiwalaan lalo na ng gobernadorcillo.

May lumapit naman na isang dalagang babae sa amin, nakaputing baro't saya, mukhang nagmula sa may kayang pamilya at bumati kay Ginoong Severino. "Magandang hapon po, Ginoo." Hindi niya ako pinansin bagkus tumingin kay Gascar at ngumiti nang matamis. "Magandang hapon din sa iyo, Gascar." Iba ang ngiti ng babaeng ito sa kasama naming kutsero, a.

Sumingkit naman ang mga mata ni Gascar at nagbigay ng isang kakaibang ngiti - sinsero ba o mapang-akit na ngiti. "Magandang hapon din sa iyo, Carlota. Mas marikit ka pa sa hapon at papalubog na araw."

Magandang lalaki rin kase itong si Gascar kaya't lapitin din ng mga kababaihan. Lalaking-lalaki ang tindig at humahapit sa kanyang malapad na pangangatawan ang puti at mahabang manggas at itim na salawal. Katamtaman lamang ang puti ng balat, magaganda at kayumangging mata at magulo-gulong buhok na mas nagpapadagdag sa kanyang taglay na kagwapuhan. Isa pa, siya ay pilyo at bihasa na ang bibig sa mga mabubulaklak na salita.

Nagmukhang kamatis naman ang maputi at malambot na pisngi ng babae at dahan-dahang napangiti. Napatakip pa sa kanyang bibig gamit ang kanyang panyo. Mayamaya pa'y nagpaalam na siya sa aking dalawang kasama.

"Matinik ka talaga sa babae, Gascar!" natatawang saad ni Ginoong Severino habang napapailing pa.

"Nagmana lamang po ako sa inyo, Ginoo. Syempre magagandang lalaki tayo. Hahahaha." Pareho silang natawa at nag-apir pa.

Ngayon ko lamang nakita na malapit talaga sila sa isa't isa. Pareho ngang matitinik sa babae at pareho ring mataas ang tingin sa sarili.

"Ano nga pala ang hinahanap ninyo, Ginoo? Sumakay na ho kayo rito upang hindi na po kayo mahirapan," pag-iiba ni Gascar ng usapan, muling tumingin sa akin at ngumiti nang nakakaloko. "Hindi niyo man lamang sinabi na lihim pala kayong namamasyal ni Emilia. Akalain mo iyon, Ginoong Severino, nabihag mo ang kanyang matigas na puso."

Napaikot ko na lamang ang aking mga mata. Wala akong panahon para depensahan ang aking sarili. Pareho lamang sila.

Sumulyap sa akin ito ng sandali habang nakangiti. "Hindi ko nga alam kung paano ko nabihag ang kanyang puso. Umamin na lamang siya sa akin kanina na siya'y umiibig sa akin."

"A-Ano?" Nakaawang ang aking bibig, kumukurap at nanlalaki ang aking mga mata. Ano ba ang kanyang sinasabi? Anong umiibig? Sino? Ako? "Wala akong sinabing ganyan sa iyo, Ginoo." Kung hindi ko lamang siya amo marahil ay nasaktan ko na ito. Hindi ako ang umiibig sa kanya kundi si Georgina.

"Talaga? Ang lakas pala ng iyong loob, Emilia. Natalo mo pa si Georgina na ilang taon ng humahanga kay Ginoong Severino. Hahaha." Halos mangibabaw ang malakas na tawa ni Gascar kaya't ang ibang mga taong dumadaan ay napapatingin sa amin.

"Tumahimik ka, Gascar. Ihanap mo na lamang kami ng hardin ng rosas. Sumakay na po tayo, Ginoo." Hindi ko na sila tiningnan pa at sumakay na sa kalesa.

Sumunod naman siya sa akin ngunit tumabi kay Gascar nang natatawa pa. "Lagi kang masungit, Emilia. Lagi ka bang may buwanang-dalaw?"

Hindi ko alam kung ako ba'y mahihiya o maiinis sa kanyang tanong. Maselang usapan ang kanyang binanggit. Hindi ba niya alam iyon?

"Marahil ay nagdadalang-tao, Ginoo. Hindi ba ganyan ang senyales ng nagdadalang-tao?" Rinig na rinig ko ang mahina niyang pagtawa habang pinapasada ang kalesa.

Isa pa itong si Gascar. Sila talaga ang palaging magkakampi sa panunukso. Tahimik na lamang akong nakatanaw sa daan. Mga taong namimili ng mga prutas at gulay, ang iba'y tumitingin ng mga tinda pampaganda at ang iba ay hindi magkamayaw sa kanilang mga gagawin. Mabibilis ang galaw ng mga tao at maingay rin.

"Ikaw ay nagdadalang-tao, Emilia?" rinig kong tanong niya at bakas pa ang pagkagulat sa kanyang boses. "Ngunit sino ang ama? May nobyo ka? Akala ko ba wala kang panahon sa mga ganyang bagay ngunit bakit ikaw ay nagdadalang---,"

Pinutol ko na ang kanyang sinasabi at lumingon nang seryoso sa kanya. "Hindi ko batid kung bakit ka naniniwala sa sinasabi ng kutserong iyan."

"Hindi totoo?" paninigurado pa niya.

Tiningnan ko lamang siya at napasulyap ako sa nakatalikod na si Gascar. Gumagalaw ang magkabilang balikat senyales na siya ay tumatawa.

"Ilang buwan akong nawala rito. Maaaring totoo ang sinabi niya. Hindi ko naman alam ang nangyayari sa iyo, Emilia." Nakatingin siya sa akin nang seryoso maging ang kanyang boses ay seryoso rin.

Napabuntong-hininga na lamang ako. Sumasakit ang aking ulo sa kanilang pinaggagawa. "Hindi totoo iyon. Maghanap na lamang tayo ng hardin." Tumingin akong muli sa labas. Napangiti ako nang unti-unti nang nasisilayan ang paglubog ng araw. Sayang at hindi ko man lang mapupuntahan ngayon ang aking mga kaibigang bulaklak.

"Para saan ang hardin, Ginoong Severino? Mayroon naman kayong hardin sa hacienda," tanong ni Gascar.

"Hardin ng mga rosas ang aking hinahanap. May alam ka ba kung saan ito maaaring matagpuan?"

"Mayroon ngunit wala rito. Doon pa sa kalapit bayan natin."

"Saan?"

"San Diego."

Bigla na lamang akong napatigil at napalingon sa kanila. "San Diego?"

"Bakit, Emilia?" tanong ni Ginoong Severino.

"Wala po. May naalala lamang." Doon ako rati namamasukan bilang katulong sa San Diego sa loob ng apat na taon bago ako mapunta sa pamilya y Fontelo.

"Ano ang iyong naalala? Maaari mo bang ibahagi sa amin ni Gascar?" Tipid pa siyang ngumiti at tumitig sa akin na nagdulot na naman ng kaba.

Bakit ba ako kinakabahan kung wala naman akong ginagawang mali? Ayaw ko lamang ikuwento sa kanya iyon dahil hindi naman na nararapat.

"Hindi ba't doon ka nanilbihan bago ka mapunta sa hacienda?" tanong ni Gascar at saglit pang sumulyap sa akin.

"Hmm hmm," tanging sagot ko ay sinabayan pa ng mahinang pagtango.

"Talaga? Doon ka nanilbihan? Maaari ba natin iyon puntahan? Baka ikaw ay may nalalaman na hardin doon?" Tila nabuhayan siya ng pag-asa nang banggitin niya ang hardin. Nais niya talagang sorpresahin ang nagngangalang Floriana.

Naalala ko na may hardin ng rosas ang pamilyang dati kong pinagsisilbihan ngunit aking napag-alaman na lumipat na sila sa Maynila. Hindi ko lamang alam kung kailan sila lumipat. Matagal na nilang inabandona ang kanilang mansion. "Ang alam kong hardin ng rosas ay matagal ng wala roon. Wala ring saysay kung tayo'y tutungo pa."

Unti-unting nawala ang saya sa kanyang mukha matapos kong sambitin iyon. Totoo rin naman, iyon lang ang alam kong hardin ng rosas. Mula nang lumipat sa Maynila ang pamilyang iyon ay unti-unti na ring namamatay ang mga bulaklak dahil walang nag-aalaga. "Mayroon naman kayong hardin sa hacienda niyo, Ginoo. Iyon na lamang ang gawin mong sorpresa. Tiyak akong magugustuhan niya rin iyon."

"Ngunit walang tanim na rosas si Ina."

"E, 'di magtanim ka. Magtanim ka na ngayon upang mamulaklak na rin ito agad."

Tila nabuhay ang malungkot niyang mukha. Kumikinang ang kanyang mga mata at halos mapunit na rin ang labi sa sobrang lapad ng kanyang pagkakangiti. "Oo nga ano? Maraming salamat, Emilia."

"Huwag po! Wala po kaming kasalanan!"

"¡Cállate! (Shut up!)"

"Namimili lamang po kami."

"Silencio! (Silence!)"

"¡Hazlo apropiadamente! ¡Darse prisa! (Do it properly! Hurry up!)"

Sabay kaming tatlo na napatingin sa di-kalayuan ng aming pwesto sa mga guardia sibil na paparating at iilang mamimili, kapwa kababaihan at kalalakihan na nakaupo sa sahig habang nasa ulo ang mga kamay, ang iba namang lalaki ay inuutusang magbuhat ng sako-sakong bigas.

"Anong nangyayari?" tanong ko. Nakakunot ang aking noo habang pinagmamasdan sila. May nilabag ba silang batas? O may nagawa silang mali? O sadyang inuutusan lamang sila?

"Kay lulupet talaga ng mga espanyol. Wala ng awa," rinig kong sambit ni Gascar.

"Wala na tayong magagawa. Kung ano ang kanilang nais ay kanilang gagawin," mahinang wika ni Ginoong Severino na may diin sa bawat salita nito. Napatingin ako sa kanya. Nakapako lamang ang kanyang mga mata sa guardia sibil at naninigas ang kanyang panga. Napatingin ako sa kanyang kamao na ngayo'y nakayukom. "Kasama na pala ang bagong heneral."

"¡Respeta al general! ¡Inclínate a todos! (Respect the general! Bow down everyone!)" Malakas na sigaw ng isang guardia sibil at itinuro ang isang lalaking sobrang tikas, tuwid at nakakatakot ang tindig at itsura.

Lahat ng mga tao ay yumuko, nagsisiksikan at dinig ang pag-iyak.

Kahit ilang metro lamang ang layo namin sa kanila, makikita mukha ng heneral na siya'y sobrang tapang, walang inuurungan at kinatatakutan. Hapit ang pinaghalong kulay abo at kupas na kayumangging uniporme sa kanyang malapad at magandang pangangatawan. Kahit na siya'y may nakakatakot na itsura, hindi pa rin maikakailang siya ay may tinataglay na maputing balat na mas nakakadagdag ng kagwapuhan at mayroon ding mahabang armas sa kanyang gilid.

Bagong heneral? Bago na pala ang heneral ng guardia sibil? Bakit tila hindi ko alam ang tungkol diyan? Malamang, wala ka ng balitang nasasagap sa labas dahil puro na lamang trabaho ang iyong inaatupag. Ipinilig ko ang aking ulo nang maisip ko iyon.

"¡Más rápido! (Faster!)" nakakapanindig balahibong sigaw ng heneral sabay tulak sa mga kalalakihang pasan-pasan ang sako-sakong bigas. Muntikan pa silang masubsob mabuti na lamang ay nahawakan sila ng ibang guardia sibil para magkaroon ng balanse ngunit gamit ang kanilang armas, tinamaan nila ang mga tiyan nito.

Bakas sa mga mukha ng kalalakihan ang takot, panginginig ng katawan at hirap sa walang pakundangan na pinag-uutos ng mga guardia sibil.

Hindi ko alam kung guni-guni lamang ko ito ngunit parang may nakita akong isang pamilyar na pigura ng babaeng natalikod na pilit itinatayo habang kinakausap ng isang guardia sibil.

"Umuwi na tayo, Gascar," utos ng ginoo.

"Paano po ang sadya ninyo?"

"Sa susunod na araw na lamang iyon."

Hindi na muling nagsalita pa si Gascar at iniliko na papalayo ang kalesa.

Pag-uwi namin, agad kaming sinalubong ng aking mga kasama ngunit walang presensya ni Georgina. Nasaan na iyon?

"Anong nangyari sa inyong lakad, Emilia?"

"May pasalubong ba ang ginoo para sa amin?"

"Ano ang inyong ginawa? Saan kayo nagtungo?"

"Mayroon bang pasalubong si Ginoong Severino ?"

"Walang pasalubong. Nasaan si Georgina?" tanong ko at luminga-linga pa sa paligid upang hanapin siya.

"Wala siya. Inutusan siya ni Ginang Josefa na mamili sa bayan ng mga tela para sa paghahabi," sagot ni Magdalena.

Magsasalita na sana ako nang biglang pumasok si Georgina na umiiyak at gulo-gulo ang buhok "Emilia!" Bigla niya akong niyakap na aking labis na ikinagulat.

Kahit na hindi ko alam kung bakit niya ako niyakap ay ganoon na rin ang aking ginawa. "Anong nangyari?"

"Dumating ang mga guardia sibil sa pamilihan! Pinapahirapan nila ang mga kalalakihan sa pagbubuhat ng sako-sakong bigas. At heto pa..." Sandali siyang napatigil at muling umiyak nang husto. "Pilit nila akong inuutusang paypayan ang heneral. Sinampal at sinabunutan pa nila ako dahil noong una ay hindi ako sumunod. Wala naman akong magawa kaya sumunod na lang ako. Gwapo sanang heneral ngunit walang puso! Hinayaan lamang niya akong saktan ng kanyang mga tauhan! Sana karmahin siya!" Muli siyang humagulhol habang nagpupunas ng kanyang mukha.

Binigyan naman siya ni Merlita ng tubig at pinaypayan siya ni Clomera. Pilit din siyang pinapatahan ng iba pa naming kasama hanggang sa dumating ang mayordoma. Nagtanong ito at ikinuwento muli ni Georgina ang buong pangyayari.

Naiyukom naman ni Ginang Josefa ang kanyang kamao at nagngitngit ang ngipin. "Mga walang puso talaga! Nawa'y umalis na sila rito sa Pilipinas! Mga walang pusong mananakop!" Hinaplos niya ang buhok ng anak at hinagkan sa gilid ng noo. "Magpahinga ka na muna. Bueno, ito ay aking sasabihin kay Don Faustino upang malaman nila ang iyong sinapit."

May magagawa ba ang isang gobernadorcillo laban sa pamahalaan ng España? Marahil ay wala ngunit may karapatan ding malaman ito ng gobernadorcillo.

"Magsibalik na kayo sa inyong mga gawain," utos ng mayordoma at umalis habang akay-akay ang anak patungo sa kanilang silid.

Tahimik ko lamang itinapos ang aking natitirang gawain bago pa lumalim ang gabi.

"Ate," pagtawag sa akin ni Delilah nang patayin ko ang lampara.

"Bakit?" tanong ko saka ako nahiga sa papag.

"Ano ang nangyari kay Ate Georgina? Siya'y umiiyak nang dumating kanina?"

Ako'y napatitig sa itaas at napahinga nang malalim. "Dumating kanina sa bayan ang mga guardia sibil kasama ang kanilang heneral. May iniutos sila kay Georgina ngunit hindi muna ito sumunod kaya't sinaktan siya."

"Kilala mo po ba ang heneral na iyon, Ate?" Naramdaman kong lumingon siya sa akin kaya't lumingon din ako sa kanya.

Umiling ako. "Hindi ngunit sabi ni Ginoong Severino na bagong heneral daw iyon. Kaya ikaw huwag kang lalapit sa mga guardia sibil, sila ay walang puso at walang sinasanto. Masasaktan ka lamang." Nais ko siyang paalalahan na masyadong delikado sa labas. Wala na rin siyang ibang mapagkakatiwalaan kundi ako lamang.

"Opo, Ate, pero sana ay humingi ng tawad ang heneral na iyon sa kanyang ginawa. Nararamdaman ko na magkukrus muli ang landas ni Ate Georgina at ang heneral na iyon. Walang imposible kapag lumambot ang puso hindi ba?"

Nagpapasalamat ako sa kaunting liwanag na tumatagos sa aming maliit na bintana nakikita ko ang kanyang mukha.

Siya'y nakatingin sa itaas habang magkadikit ang dalawang kamay na nakapatong sa kanyang tiyan.

"Paano mo naman iyan nasabi, Delilah? Manghuhula ka ba?" natatawang tanong ko. Seryoso ba ang aking kapatid sa kanyang sinabi? Nagdadalaga na ba ang aking kapatid?

Lumingon siya sa akin at ngumiti ngunit umiling. "Nararamdaman ko lamang po, Ate. Hindi ko alam kung bakit. Malay mo po maaaring magkatotoo."

"Matulog ka na. Masyado pang maaga para sabihin iyan."

"Gabi na po, Ate. Hahaha."

Kiniliti ko siya nang magbiro siya sa akin. Nag-asaran pa kami hanggang sa tuluyan na siyang makatulog. Inayos ko ang kanyang kumot at napangiti nang marahan. Lumalaki na pala ang aking kapatid. Nasisiguro kong masaya ngayon sina Itay at Inay na lumalaking palabiro, masayahin at mabait ang kanilang bunso.

Ako'y bumangon muna nang hindi pa ako nakakaramdam ng antok. Lumabas ako ng silid at tumungong hardin.

Bumungad sa akin ang maaliwas at malamig na simoy ng hangin. Magiliw na sumasayaw ang mga bulaklak at dahon.

Ako'y lumapit at hinawakan ang pulang bulaklak. Naalala ko tuloy si Ginoong Severino. Nasisiguro kong nobya niya si Floriana na mukhang mahilig sa rosas. Hindi naman maghahanap ang ginoo ng hardin ng rosas kung hindi ito ang hilig ng kanyang nobya, hindi ba? Pero mas iniisip ko kung saan ko narinig ang pangalan ng kanyang nobya. Ayaw ko namang magtanong kay Georgina dahil natitiyak kong magtatanong siya. Hayaan na nga lang. Hindi naman iyon sakop ng aking trabaho. Bahala na ang ginoo mamoblema.

---------------------Abril 4, 1985-------------------

Napakunot ang aking noo nang makita ko ang isang pigura ng babae na tahimik na nakaupo sa hardin habang nakatingala. Napayakap ako sa aking sarili nang biglang humangin. Mahamog pa ngayon dahil alas-kwatro pa lamang ng umaga. Inayos ko ang aking balabal at itinakip sa aking katawan.

Marahil ay naramdaman niya ang aking presenya kaya't napatingin siya sa akin. "Emilia." Tipid siyang ngumiti at tumingala muli.

"Anong ginagawa mo rito, Georgina?" Ako'y napatingin sa kalangitan na kumikinang sa libo-libong butuin isabay pa ang maliwanag na bilog na buwan. Kay sarap pagmasdan.

"Nagpapahinga lamang ako. Galing akong bayan at bumili ng tela panghabi."

Napalingon ako sa kanya. "Na naman? Ika'y bumalik sa bayan? Ngunit kahapon lamang ay mayroong hindi magandang nangyari sa iyo." Nanumbalik sa akin ang kanyang imahe na nanginginig, umiiyak at magulong buhok pagka-uwi niya galing bayan.

"Kasama ko naman si Gascar huwag kang mag-alala. Isa pa, hindi ko pa rin dapat makalimutan ang aking trabaho. May mga iilang guardia sibil ang umiikot ngunit hindi naman kami nahuli o nakita man lang. Kami ay nag-ingat nang husto." Lumingon siya sa akin at ngumiti muli. "Bakit ka naparito?"

"May nakita akong pigura ng babae kaya't nilapitan ko." Ang totoo nyan ay naalimpungatan ako. Sinubukan ko muling matulog ngunit hindi na ako dinadalaw ng antok kaya't naisipan ko na lamang na maglinis ng kusina. Sakto nang ako'y matapos ay nakita ko ang kanyang pigura. "Hindi ka ba nakabili kahapon ng tela?"

Napabuntong-hininga siya sandali at napasimangot. "Sa totoo lamang ako'y nakabili na ngunit nang dumating ang mga guardia sibil, tinipon kami at pilit akong inuutusan para sa kanilang dakilang heneral, nabitawan ko ang mga ito. Nawala na ito sa aking isipan nang ako'y tumakbo papauwi rito."

"Bakit ka mag-isa lamang? Batid mo namang bawal tayong lumabas hangga't wala tayong kasamang lalaki." Napahinga na lamang ako nang malalim. Hindi na ligtas ang panahon na ito. Tumahimik ako sandali nang maalala ko ang bagong heneral. "Kilala mo ba ang heneral na iyon? Nabanggit ni Ginoong Severino na bagong luklok daw iyon."

Siya'y tumango nang marahan. "Kakaluklok lamang niya noong nakaraang buwan. Hindi mo ba ang tungkol dito?"

Umiling ako nang ikinatawa niya. Wala kase talaga akong alam. Hindi rin ako pamilyar sa mga tao rito kahit ako'y dalawang taon ng naninilbihan sa pamilya. Mahina rin ang aking memorya pagdating sa mga pangalan.

"Umiikot lamang ang iyong buhay sa loob ng haciendang ito. Wala ka ng nalalaman sa labas."

Nanahimik na lamang ako at muling tumingala at napayakap sa aking sarili. Maging siya ay natahimik na rin at muling tumingin sa itaas. Tanging kuliglig, hangin at huni ng mga ibon lamang ang maririnig. Ang paggalaw ng mga puno't halaman ay sumasabay sa galaw ng hangin.

"Ano nga pala ang nangyari sa lakad niyo ni Ginoong Severino?" pagbasag niya sa katahimikan habang nakatingala pa rin.

"Paano nalaman niya nalaman na bago siyang luklok kung wala siya rito sa bayan nitong mga nakaraang buwan?" Ngayon ko lamang napagtanto kung paano niya nalaman iyon.

"Kahit siya ay nasa Maynila, may nalalaman pa rin siya dahil siya ay may koneksyon at malapit sa kanyang mga magulang."

Marahil ay ikinukwento ng mag-asawa ang nangyayari rito sa kanya kaya't hindi siya nahuhuli sa balita. Naipagkibit-balikat ko na lamang iyon at naalala ang kanyang tanong kanina. "Walang nangyari." Wala naman kase talagang nangyari bukod sa nasaksihan namin ang pagdating ng mga guardia sibil. Naramdaman kong siya ay lumingon sa akin kaya't lumingon din ako.

"Anong walang nangyari? Hindi niyo nagawa ang inyong sadya?" takang tanong niya.

"Kilala mo ba si Floriana?"

"Floriana?"

Umiling ako. "Wala kalimutan mo na lamang." Hindi ko alam kung bakit bigla iyon lumabas sa aking bibig.

"Hindi ko alam kung sinong Floriana ang iyong tinutukoy ngunit ako'y may kilalang nagngangalang Floriana na panganay na anak nina Don Luisito at Doña Lucia De Montregorio. Bakit?"

Napaisip ako. Don Luisito at Doña Lucia? "Ang pinakamayamang pamilya rito sa bayan?" Kung tama ang aking memorya marahil nga ay sila iyon.

"Oo sila nga ngunit minsan lamang mamalagi rito si Binibining Floriana kapag tapos na ang kanyang pag-aaral tuwing taon. Pareho lamang sila ni Ginoong Severino na nag-aaral sa Maynila."

Napakibit-balikat na lamang ako at tumayo na. "Papasok na ako sa loob." Hindi ko na siya hinintay pang sumagot at ako'y tuluyan nang umalis. Pakiramdam ko siya ang tinutukoy ng ginoo kaya pala pamilyar sa akin ang pangalan, anak pala ng kilalang pamilya. Minsan ko na siyang nakitang bumisita sa hacienda ngunit hindi ko na gaanong nakita pa ang kanyang mukha dahil natatakpan ito ng kulay gintong abaniko. Bagay rin sila ni Ginoong Severin, parehong nagmula sa kilala at marangyang angkan.

-------------------Abril 9, 1895--------------------

Umagang-umaga ay naghahanda na ang buong pamilya para sa paunang misa. Ang ibang kasambahay ay abala sa pag-aasikaso sa apat na magkakapatid na paghandaan ng masusuot kasama na roon si Delilah na siyang nag-aasikaso kay Binibining Juliana.

"Nais ko sanang sumama sa kanila para makapiling ko naman si Ginoong Severino," giit ni Georgina at nakapangalumbaba pa habang nakatitig sa lalaking iyon na ngayo'y nagsusuklay ng buhok gamit ang kamay habang kinakausap si Binibining Lydia. Kakatapos niya lamang ito asikasuhin.

"E, 'di sumama ka kung makakasama ka," lintanya naman ni Magdalena at umirap pa.

"Sus, inggit ka lamang sa akin dahil madalas ko siyang makasama." Siya'y tumawa nang mahinhin at pinapaikot pa ang dulo ng kanyang nakalugay na buhok.

"Paano naman ang puso kong umiibig lamang sa kanya kung hindi niya ako makita-kita? Ako'y nasasaktan ng labis sapagkat palaging si Georgina na lamang ang kanyang nakakasama."

"Malamang dahil siya ang kanyang personal na tagapag-alaga," komento naman ni Merlita.

"Ipagdasal mo na lamang kaming dalawa na kami na ang magkatuluyan" sabay tawa na naman ni Georgina. Mas lalo pa niya itong tinutukso kaya mas lalong nagagalit si Magdalena at nauwi sa pabirong sagutan.

"Mawalang-galang na mga binibini," singit ni Ginoong Severino kaya't ang aking mga kasama ay tumigil at lihim na kinikilig.

"Ano pong maipaglilingkod ko sa iyo, Ginoo?" pangunguna ni Magdalena at binigyan niya ito ng nakakaakit na ngiti.

"Hindi ikaw ang kailangan ni Ginoong Severino, Magdalena. Ako ang kanyang kailangan. Anong maitutulong ko sa iyo, Ginoo?" buwelta naman ni Georgina.

Ngumiti naman ang ginoo at sandaling sumulyap sa akin. "Maaari ko bang makausap saglit si Emilia? Ako ay may sasabihin lamang."

Ramdam ko ang sabay-sabay na tingin ng aking mga kasama. Ang iba'y nagulat, ngumiti at nakakunot ang noo. Hindi ko na sila hinintay pang magsalita at lumapit na lamang ako sa kanya.

"Samahan mo ulit ako mamaya maghanap ng hardin. Maaari ba?" ngiting tanong niya sa akin. Sa tuwing siya'y ngumingiti, ang una kong napapansin sa kanya ang kanyang dalawang biloy at mapuputing ngipin.

"Marami pa po akong gagawin. Kung nais mo si Georgina na lamang." Tumitig ako sa kanyang mga mata. Ngayon ko lamang nakita nang malapitan ang tsokolate niyang mga mata. Kita rin ang aking repleksyon. Ngayon ko lamang napagtanto na magulo pala ang aking buhok kaya't pasimple ko itong hinaplos at muling nanalamin sa kanyang mga mata.

Napasimangot siya. "Ngunit napagpaalam na kita kay Ina at Ginang Josefa. Sinabi ko na importante ang aking ipinag-uutos at kailangang kasama ako." May lahi rin pa lang kakulitan ito. "Sige na samahan mo na muli ako." Pinakurap-kurap niya ang kanyang mga mata ng maraming beses habang dahan-dahan na ngumiti na para bang nagpapagwapo sa akin.

"Ang iyong itsura, Ginoo," simpleng tugon ko. Hindi ko alam kung ako ba'y hahanga sa kanyang kagwapuhan o maiinis dahil mukhang idinadaan niya ako sa kanyang karisma.

"Gwapo ko ba?" sabay kindat niya sa akin.

Natigilan ako nang maramdaman ko ang malakas na pintig ng aking puso. Idinaan ko na lamang ito sa pang-iirap. Nawa'y hindi niya mapansing ako ay kinakabahan.

Akala ko ay maiinis siya sa aking inasal ngunit mas lalong lumaki lamang ang kanyang ngiti. "Aminin mo na, Emilia, hindi naman ako magagalit kung ikaw ay nagagwapuhan sa akin." Natawa pa siya at inulit na naman niya ang pagkurap niya ng maraming beses nang hindi nabubura ang kanyang magandang ngiti.

"Wala akong aaminin sa iyo. Si Georgina na lamang ang iyong pakiusapan." Ako'y tumalikod na at handa ng humakbang nang hawakan niya ako sa aking kanang pulsuhan.

"Huwag mo naman ako talikuran. Masakit sa puso ang iyong ginawa. Hindi mo ba mapagbibigyaan ang iyong Ginoong Severino?" rinig kong sambit niya na may bahid na lungkot at pagkadismaya.

Napadako naman ang aking mga mata sa aking mga kasama na ngayo'y nakatakip sa bibig habang nanlalaki ang mga mata. Ano ba itong iyong ginawa mo, Severino? Naaagaw mo ang kanilang atensyon.

Mariin akong napapikit bago lumingon sa kanya. Pinandilatan ko siya ng mata at itinuturo ang kamay niyang nakahawak sa akin gamit ang aking bibig upang makuha niya ang aking pinaparating. Ano ba sa tingin niya ang kanyang ginagawa? Kinukuha niya ang atensyon ng mga tao? Isa pa, ang kanyang kamay.

"Tunay na masakit sa puso ang iyong ginawang pagtanggi sa akin. Tila ba ako'y sinasaksak ng maraming patalim diretso sa aking puso." Turo pa niya sa kanyang dibdib na may malungkot na mukha. "Sinaksaktan mo ako nang labis, Emilia. Akala ko ba ay nagkakamabutihan na tayo?"

Akala ko ay bibitawan na niya ako ngunit mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa akin at ngumiti nang nakakaloko. Anong nagkakamabutihan ang kanyang sinasabi?

Lumapit ako sa kanya at tumingin nang diretso sa kanyang mga mata. "Ako ba'y niloloko mo, Ginoo? Ang kamay mo alisin mo."

"Hindi kita susundin kung ayaw mo akong samahan," pagmamatigas niya at nakipagtitigan din sa akin.

"Magtanim ka na lamang tulad ng aking sinabi."

"Naisip ko na iyan ngunit mas gusto kong sorpresahin siya sa mismong hardin. Hindi ba't mas magandang pagmasdan at isipin iyon?"

Palihim kong pinaikot ang aking mata. Ako ang kanyang iniistorbo sa paghahanap bakit hindi na lamang silang dalawa? Hay.

"Samahan mo na ako, Emilia. Bibigyan kita ng munting regalo kung itong sorpresang inihahanda ko ay magtagumpay. Pangako." Tulad ng dati ay inilapit niya sa akin ang kanyang hinliliit sa kabilang kamay.

Tiningnan ko lamang iyon. "Hindi ko na kailangan ng regalo."

"Pumapayag ka na?" Tila siya'y sumiglang muli.

Pilit kong hinihila ang aking kamay ngunit mas lalo niya itong hinihigpitan. "Oo na, pagbibigyan na kita ngunit ito na lamang ang huli. Si Georgina na ang isama mo sa susunod."

Pinaliit niya pa ang kanyang mga mata at tumingala sandali. "Aking pag-iisipan. Mamayang tanghali ay samahan mo ako sa San Diego. Doon tayo maghahanap ng hardin."

Nang maramdaman kong dahan-dahan na niyang binibitiwan ang aking kamay, doon ko lamang ito binawi at tumalikod na nang tuluyan sa kanya. Bakit hindi niya na lamang bilhan ang kanyang nobya ng isang kumpol ng rosas? Pinapahirapan niya pa ang kanyang sarili.

"Anak, Severino, tayo'y aalis na," pagtawag sa kanya ng kanyang ina.

"Inaasahan kita mamaya, Emilia!" sigaw nito na nagpakaba sa akin muli.

****

"Sigurado ka ba sa iyong plano, Ginoo?" bulong ko nang makita ang maraming guardia sibil papasok ng San Diego.

"Oo iyon na lamang ang aking naisip para makapasok tayo. Bumalik na tayo at puntahan sila," sagot niya nang hindi tumitingin sa akin.

Nauna siyang tumayo at inilahad ang kamay para alalayan akong sumakay kay Simon - ang puting kabayo. Ako'y nangangamba dahil ipinuslit niya lamang ito upang magamit namin at dumaan sa sekreto at malagubat na daan papunta rito sa San Diego.

Bawal makitang magkadikit ang babae at lalaki habang lulan ng kabayo kaya mas minabuti niya na roon na lamang sa kagubatan dumaan. Laking pasasalamat ko na walang guardia sibil kaming nakita. "Sana humingi na lamang tayo kay Gascar ng tulong."

"Hindi na. Siya ay may maraming ginagawa. Mas mabuti nang tayo lamang ang makaalam." Ipinosisyon niya ang kanyang sarili upang makaakyat sa kabayo. Nang makaupo na siya ay pinaalalahanan niya na naman ako. "Ipulupot mong muli ang iyong braso sa akin para ikaw ay hindi mahulog, Emilia."

"Dapat sinabihan mo na lamang si Gascar. Batid mo namang bawal itong ginagawa natin," pagmamaktol ko. Bahagya pang tumaas ang aking boses dahil ako'y labis nang naiinis. Paano na lamang kung mayroong guardia sibil na umikot dito?

Lumingon siya sa akin at tiningnan ako. "Hindi mo ba ibig na magdikit ang ating katawan at damhin ang init ng isa't isa, Emilia?"

Nanlaki ang aking mga mata, napasapo na lamang ako sa aking noo at napailing.

Siya'y natawa nang malakas na mas lalo kong kinainis. "Ang sarap mong tuksuhin, Emilia. Ikaw ay napipikon agad. Hahahaha!"

Tinarayan ko na lamang siya at yumakap sa kanya tulad ng kanyang paalala habang nakatanaw sa paligid.

"Naiinis ka pa gusto mo rin naman pala, Emilia."

"Mangabayo ka na." Hindi ko na pinansin pa ang kanyang huling sinabi. Sa tingin ba niya ay gusto ko ito? Kung mayroon lamang akong ibang makakapitan ay roon ako kakapit at hindi sa kanya.

"Masusunod po, Binibining Emilia," sagot niya at sinabayan pa niya ng pagtawa.

------------

<3~