Chereads / Mahal kita, Severino / Chapter 10 - Kabanata 7

Chapter 10 - Kabanata 7

"Patawad sa aming kapangahasang ginawa, Don Faustino. Hayaan po ninyong akuin ko ang kaparusahan na iyong igagawad. Huwag niyo lamang po parusahan ang aking mahal," pagsusumamo ni Binibining Floriana na ngayo'y nakayuko at nakaluhod sa harap ng mag-asawa.

Umupo naman si Ginoong Severino upang alalayang tumayo ang kanyang nobya. "Patawad po, Ama. Hindi na po muling mauulit."

Naipaliwanag ni Binibining Floriana na siya ang may kagustuhan na magkita sila sa ilalim ng puno ng mansanas. Tila hindi nila namalayan ang oras dahil siya ay nakatulog kaya't nagkagulo ang lahat. Lahat ng mga tao rito ay nagulat din na malaman na may lihim pa lang relasyon ang dalawa.

"Don Faustino, narito na po ang pamilya De Montregorio," wika ni Kapitan Iñigo na kapapasok lamang kasama ang tatlo niyang tauhan.

"Anak!" sigaw ni Doña Luciana na agad na lumapit dito at binigyan ng mahigpit na yakap ang anak. "Don Faustino, patawarin mo ang aking anak. Hindi niya alam ang kanyang ginawa."

"Amigo," pagtawag ni Don Luisito at lumapit sa gobernadorcillo. "Hindi ko batid ang ginawa ng aking mahal na panganay. Nawa'y mapatawad niyo siya. Tatanggapin ko kung ikaw ay may igagawad sa kanyang karampatang parusa."

"Parusa?!" Nakakunot ang noo at hindi maipinta ang mukha ngayon ni Doña Lucia. "Hindi maaari! Hindi maaaring parusahan ang aking anak!"

"Mahal, pag-usapan na lamang natin ito nang maayos at matiwasay. May dahilan ang dalawang bata na iyan kung bakit nila iyon ginawa," mahinahon na sambit naman ni Doña Criselda at humawak sa kanang braso ng kanyang asawa na ngayo'y seryoso lamang ang mukha habang nakatitig nang diretso sa kanyang asawa.

"Tayo rito sa salas at pag-usapan natin ang pag-iisang dibdib ng dalawa. Batid ba ninyong may relasyon ang dalawa, Amigo?" Bakas sa tinig ng gobernadorcillo ang lalim ng kanyang boses ngunit maawtoridad. "Bumalik ka kayo sa inyong mga gawain. Ginang Josefa, ikaw na ang bahala sa kanila." Pagtukoy niya sa aming lahat.

"Masusunod po, Don Faustino." Yumuko nang kaunti ang mayordoma at tumingin sa aming lahat na nakatayo rito sa gilid. "Humayo na kayo."

Bago ako umalis, muli akong tumingin kay Ginoong Severino na ngayo'y nakatingin din sa akin. Nakatayo na silang dalawa ni Binibining Floriana na nakayuko ngayon at yakap-yakap ng ina.

"Emilia, sandali."

Ako'y napahinto nang marinig ang tinig ni Don Faustino. Tahimik lamang akong lumingon sa kanya at ngumiti nang kaunti.

Humarap siya sa kanyang anak na si Binibining Lydia. "Lydia, humingi ka mg tawad kay Emilia ngayon din."

"Ha? Bakit? Wala akong sala, Ama. Hindi niya ginawa nang maayos ang kanyang tungkulin. Tama lamang iyon upang maturuan siya ng leksiyon." Magkasalubong ang dalawa niyang kilay at magkadikit ang dalawang braso sa dibdib. Nang tumama ang kanyang mata sa akin, ito ay nanlilisik at pinaikutan ako ng mata.

"Ngayon din!"

"Wala akong dapat ihingi ng tawad, Ama ngunit sige, gagawin ko para sa iyo. Emilia, patawad." Halatang labag sa kanyang kalooban ang paghingi ng tawad.

"Huwag mo na muling ulitin iyon, Lydia. Ikaw ay nagbuhat ng kamay sa taong walang sala," kalmado ngunit malalim na tinig ni Ginoong Severino. Nahihimigan ko sa kanya ang magkahalong tinig ng kanyang mga magulang.

"Sige po," tanging sagot ko at tumalikod na nang tuluyan. Wala akong lakas upang saluhin ang matatalim nilang titig kabilang na kay Doña Lucia. Marahil nga ako ay may sala tulad ng kanyang sinasabi ngunit hindi ko naman batid na mangyayari ito.

Bago ako tuluyang makalayo, narinig ko ang sagot sa kanya ng kanyang kapatid.

"At bakit mo siya pinagtatanggol, Kuya? Hindi ka niya binantayan kaya't ---"

"Ako ay tumakas, Lydia. Hindi mo ba iyon maintindihan? Huwag mong ibaling sa iba ang sisi. Ako ang iyong sisihin."

"Tama na iyan mga anak. Huwag niyo ng palakihin pa ang gulo. Nakakahiya sa ating mga panauhin." Huling rinig kong wika ni Doña Criselda.

"Ayos ka lamang ba, Emilia?" tanong ni Gascar. Siya'y kasalukuyang nagpapaligo sa ibang mga kabayo.

Ako ay tumango lamang at lumapit sa kanya upang tulungan siya. Hindi ako kumikibo kaya't aking napapansin ang kanyang pagsulyap sa akin.

"Sigurado ka bang ayos ka lamang?"

"Hmm."

Narinig ko naman siyang humalakhak nang mahina. "Matinik talaga si Ginoong Severino. Akalain mong may relasyon pala sila ng babaeng pinakamaganda rito sa ating bayan. Kung hindi lamang sa nangyari ngayon, hindi ko pa malalaman."

Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya habang patuloy ako sa aking ginagawa.

"Akala ko ako ay nabibingi lamang sa aking narinig kanina. Nais ko sanang magtanong kay Ginoong Severino baka ako ay kanyang magbigyan ng nobya," dagdag pa niya. "Ikaw ay tahimik ngayon. Ikaw ba ay may dinaramdam?"

"Wala."

"E, bakit ikaw ay tahimik? Ikaw ba ay naninibugho't nasasaktan sa iyong nalaman?"

Dahil sa kanyang tanong, ako ay napatingin sa kanyang gawi. "Ano ang iyong sinasabi?"

"Hindi ba't ikaw ay humahanga kay Ginoong Severino? Aking nasaksihan kanina ang iyong pagluha kahit iyon ay agad mong pinunasan. Tama ba ako?"

"Maling-mali ka." Ako'y napailing na lamang sa kanyang tinuran. Nakita pa niya iyon? Sinusundan ba niya ng tingin ang aking bawat galaw? Hindi ko rin naman batid kung bakit tumulo ang aking luha. Marahil dahil sa hapdi ng aking pisngi. Mabuti na lamang kami lang dalawa ang naririto dahil kung hindi ay bibigyan iyon ng kahulugan ng iba.

"Totoo? Nagkakamali lamang ako?" Magkasalubong ang kanyang dalawang kilay at nanliliit ang kanyang mga mata. "Nais mo bang tulungan kitang mapasaiyo si Ginoong Severino, Emilia?" Sumilay sa kanyang labi ang isang ngiti na naghatid sa akin ng kuryente sa aking katawan at nagpatayo rin sa aking mga balahibo. "Ano nais mo ba?"

Napatitig ako sa kanya. Nasa tamang katinuan pa ba itong si Gascar? Bakit niya nasambit iyon? Ako ang kinikilabutan sa kanya. "Huwag mo akong idamay sa iyong kalokohang naiisip, Gascar. Ayaw kong mawalan ng trabaho. Ikaw na lamang mag-isa."

"Ikaw na nga ang aking tinutulungan, e, o hindi kaya'y sabihin ko na lamang sa kanya na ikaw ay nahuhulog na? Mas maganda iyon, hindi ba?" Mas lalong lumapad ang kanyang ngiti- ngiting nang-aasar.

"Marahil ikaw ang humahanga sa kanya kaya't iyong pinipilit hindi ba?" Mapanghamong sagot ko sa kanya. Nakataas pa ang aking noo at seryoso ang aking mukha. Walang saysay ang kanyang sinasabi ngunit hindi naman siguro masama kung ito'y aking kagatin minsan, hindi ba?

"Masyado kang halata, Emilia. Hindi ka marunong magtago ng iyong tunay na nararamdaman." Kung kanina ay siya'y nakangiti nang nakakaloko, ngayon nama'y isang sinserong ngiti ang kanyang iginawad. "Hindi na bale huwag kang mag-alala. Hindi ko ito ipagsasabi kahit kanino man. Magsisilbing lihim natin itong dalawa."

Ako'y natigilan sa paghinga nang ilang segundo at napaisip sa kanyang sinambit.

"Hindi ka marunong magtago ng iyong tunay na nararamdaman.''

"Paano mo nasabing hindi ako marunong magsinungaling?" Tandang-tanda ko pa noon kapag nais kong pumuntang putikan noong bata pa lamang nang nabubuhay pa sina Itay at Inay, hindi nila ako nahuhuli sa aking pagsisinungaling kaya't ako ay labis na nagtataka kung bakit niya iyon nasabi.

Ngumiti siyang muli at huminto sa kanyang ginagawa. "Hindi matatakpan ng kahit na anong kasinungalingan ang sinasabi ng ating mga mata."

Inabot pa ng ilang segundo bago ko tuluyang maintindihan ang kanyang sinabi. Ako'y napailing. "Mali ka. Wala akong nararamdaman para sa kanya. Kung ano man ang iyong nakikita sa aking mga mata ay guni-guni mo lamang iyon. Marahil ay kulang ka lamang sa kain." Nang tuluyan ko nang matapos paliguan ang isang kabayo ay iniwan ko siya nang walang pasabi. Malaki na rin naman siya at kaya niya na iyong tapusin mag-isa. Kung ano-ano ang kanyang nakikita't sinasabi. Ginugulo niya ang aking isipan.

--------------------Mayo 4, 1895-------------------

"Gascar, maaari ba tayong huminto sa bahay-pagamutan?" Noong una ay nagdadalawang-isip ako kung ako ba'y magpapatingin sa manggagamot ngunit sa huli ay napagpasyahan kong gawin na ito lalo na't matagal ko na rin itong iniinda.

"Bakit? Ikaw ba ay may dinaramdam, Emilia?" sabay lingon niya sa akin at tiningnan ako nang ilang segundo na tila ba sinusuri ang kabuuan ng aking mukha.

"Dalhin mo na lamang ako roon," tanging sagot ko at tumingin sa paligid. Hapon na ngayon kaya't buhay na buhay ang bayan. May mga ibang namamalengke at namamasyal.

Inutusan ako ni Ginang Josefa na bumili ng mga rekados sapagkat umalis si Corazon na siya sanang bibili.

"Magandang hapon po, Ginoo't Binibini, pasok ho kayo," bati sa amin ng isang babae na nakasuot ng puting uniporme at tila puting sumbrero sa ulo.

"Ipapatingin ko lamang ang aking dibdib," panimula ko nang ako'y tuluyan nang makapasok. Bahagya akong lumingon sa gawi ni Gascar na tahimik na nakatayo sa gilid at nakamasid sa amin. Ang kanyang dalawang kamay ay nasa likuran niya. "Hindi ka ba lalabas?"

"Ha?" Sandali na nagkasalubong ang kanyang kilay. Nang panlakihan ko siya ng mata, doon niya lamang nakuha ang nais kong iparating. "A, s-sige. Sa labas lamang ako maghihintay."

Narinig ko namang tumawa nang mahina ang babae na papalapit sa aking kinaroroonan ngayon.

Magtatanong sana ako kung anong dahilan ng kanyang pagtawa ngunit minabuti ko na lamang na manahimik, saktong dumating din ang matandang lalaking manggagamot at lumapit sa akin.

"Ano ang iyong iniinda?"

Huminga muna ako ng malalim bago sumagot. "M-Masakit ho ang aking dibdib. Kumikirot at naninikip minsan." Tulad na lamang kanina, nang magpaalam si Ginoong Severino upang dalawin ang kanyang kasintahan sa kanilang mansion, naramdaman ko na lamang ang biglaang pagkirot ng aking dibdib. Saktong kakatapos ko lamang maglaba ng maruruming sapin sa kanyang higaan at nakasalubong ko pa sa batis si Doña Lucia. Mabuti nga't walang ginawa sa aking masama. Tiningnan niya lamang ako hanggang sa mawala ako sa kanyang paningin.

"Gaano na katagal? Hingang malalim," wika niya nang hindi tumitingin sa akin. Mayroon siyang ipinasok sa kanyang magkabilang tainga at bilog na itinapat sa aking dibdib upang masuri ang aking paghinga. Ito ang bagay na ginamit sa akin noon ni Ginoong Severino.

"Nitong mga nakaraang linggo na po ang nakararaan." Ako ay palihim na nananalangin na nawa'y wala akong malalang karamdaman. Paano na lamang si Delilah kung ako ay magkakasakit?

Inialis niya ito sa kanyang tainga at tumingin sa akin. "Wala naman akong nakikitang kakaiba sa iyong paghinga ngunit nais ko sanang malaman kung ano ang iyong ginagawa sa araw-araw?"

"Isa ho akong tagapagsilbi sa isang kilalang pamilya."

"Marahil ay dala lamang iyan ng pagod, kulang ka sa kain at pahinga, Binibini. Kung magtuloy-tuloy iyan, kailangan mong sumailalim sa masusing pagsusuri upang makita kung mayroon bang nakaharang sa iyong puso o kung ano pa man. Sa ngayon wala pa tayong maayos na kagamitan para roon ngunit sa Maynila ay kumpleto ang lahat ng kakailanganin mo."

"G-Ganoon po ba? Sige po, maraming salamat po." Siya'y ngumiti nang ako'y tumayo at inabot sa kanya ang aking naipong pera. Iniyuko ko sa huling pagkakataon ang aking ulo upang magpaalam.

Nang ako'y makalabas, agad na lumapit sa akin si Gascar na may pag-aalala sa kanyang mukha. "Ano ang sabi ng manggagamot, Emilia? Malala ba o makukuha lang iyon sa gamutan? Ano ba kase ang iyong iniinda? Sabihin mo sa akin upang malaman ko."

"Wala namang kakaiba sa aking dibdib. Umuwi na tayo." Nauna na akong sumakay sa kalesa. Napansin kong saglit pa siyang natigilan ngunit agad ding sumunod sa akin.

"Ano bang mayroon sa iyong dibdib?"

Huminga ako nang malalim dahil sa kanyang tanong. Ayaw ko sanang sabihin sa kanya ngunit ako'y nabibingi sa kanyang paulit-ulit na tanong. Ewan ko ba kung bakit ganito ang aking nararamdaman. Sigurado ba talaga ang manggagamot na iyon na walang kakaiba sa akin?

"Emilia?"

"Naninikip at kumikirot ang aking dibdib minsan."

"Sa anong dahilan?"

"Kaya nga ako nagpasuri upang malaman hindi ba?"

"Ang sungit mo naman. Nag-aalala lamang ako sa iyo dahil hindi ka nagsasabi."

"Paumanhin" saka ako ay yumuko at pumikit. Muli akong huminga nang malalim at ngumiti nang kaunti nang dinggin ng Diyos ang aking panalangin. Marahil ay dala lamang ito ng pagod kaya't ako'y nakakaramdam nito.

"Kailan pa nagsimula iyan? Alam ba iyan ni Ginoong Severino?"

"Hmm."

"Ano ang kanyang tugon? Ano ang kanyang ginawa?"

Hindi na ako kumibo at dumilat nang dahan-dahan upang hawakan nang mabuti ang aming pinamili kanina.

"Ayaw mo talagang magsalita. Kapag siya'y nagtanong at aking sinabi, huwag kang magagalit sa akin, ha?" Nakita ko siyang napailing ng tatlong beses. Tila natitigasan sa aking ulo.

Wala naman akong dapat ikabahala dahil sa aming dalawa lamang ito. "Wala kang sasabihin kahit ano man."

"Ngunit kumusta naman ang iyong pakiramdam ngayon? Ayos ba o ikaw ay nahihirapang huminga?" Lumingon siya sa akin nang iliko niya pa-kanan ang kalesa.

"Ayos lamang ako. Salamat." Hindi na siya muling nagtanong pa nang makita niyang pinikit ko ang aking mga mata.

--------------------Mayo 10, 1895-----------------

"¡Feliz Fiest, Viva La Fuenta! (Happy Fiest, Viva La Fuenta!)"

"Maligayang pista!"

Lahat kami na nakatira sa hacienda y Fontelo ay dumalo ng misa dahil sa paanyaya at kautusan na rin ni Doña Criselda. Nais niyang lahat kami ay makita ang ganda ng pista at makapagpahinga muna sa trabaho kaya't heto kami ngayon, magkakatabi habang naglalakad sa likuran nila kasama rin ang pamilya De Montregorio. Katatapos lamang ng pangatlong misa at nag-anunsiyo si Don Luisito na magkakaroon ng malaking handaan sa kanyang hacienda. Lahat ay maaaring pumunta kaya maraming mga tao ang sabik na sabik at hindi mawaglit ang malalaking ngiti sa mga labi.

"Sige, kumain lamang kayo! Kain lamang ng kain!" Malakas na sigaw ni Don Luisito habang naglalakad sa gitna ng salas upang tingnan ang mga panauhin na masayang kumakain.

Makikita naman si Doña Lucia na umiinom ng alak habang kausap si Binibining Luciana na kumakain habang may dalawang tagapagsilbi na pinapaypayan siya sa kanyang likuran.

Akin ding napapansin na panaka-naka siyang sumusulyap sa gawi ni Don Faustino habang kinakausap ng kanyang anak. Marahil, hindi ito napapansin ng iba ngunit ako, napapansin ko ito mula pa noong kaarawan ni Doña Criselda.

May mga taong sumasabay sa malakas na indak ng musika, ang mga pamilyang kabilang sa mataas na antas ay nag-uusap. Marahil ay tungkol sa pulitika at kayamanan at ang pamilyang kabilang sa mababang antas ay magaganang kumakain na tila ba sinusulit ang malaki at bihirang pagkakataon.

"Aking mga panauhin, maaari ko bang makuha sandali ang inyong atensyon at oras? Ako ay may mahalagang anunsiyo para sa inyo!" wika ni Don Luisito. Nasa tabi niya si Don Faustino at ang maybahay nito. "Maaari bang samahan mo rin ako rito, Lucia mahal?"

Unti-unting nawala ang malakas na musika at ang mga taong abala sa pakikipag-usap at pagkain ay tumigil saglit at taimtim na tumingin sa kanya. Ang iba nama'y sinusundan ng tingin ang kanyang asawa na papalapit sa harapan.

"Nais ko sanang ibahagi ang magandang ibalita sa inyo." Makikita ang malapad na ngiti sa kanyang mukha habang hawak sa kanang kamay nag mamahaling baso na may laman na mamahaling alak. "Batid naman ninyo na malapit ang aking pamilya sa pamilya y Fontelo, hindi ba? Napagkasunduan namin na ang aking panganay na anak na si Floriana De Montregorio ay ikakasal sa kanilang panganay na anak na si Severino y Fontelo, pitong na buwan mula ngayon - sa Disymebre."

Samu't saring reaksyon at komemto ang namayani matapos niyang sabihin iyon. Maging ang aking mga kasamahan at si Delilah ay hindi nagpahuli.

"Mabilis lamang lumipas ang panahon ang bilis ng preparasyon!"

"Bakit ang bilis?"

"Paano na ang aking pag-ibig para kay Ginoong Severino?"

"Ate Emilia, ikakasal na si Ginoong Severino!"

"Bagay lamang silang dalawa. Parehong perpekto kaya't nakatitiyak akong magiging malaki at masayang okasyon ito!"

"Wala ka ng pag-asa, Emilia," bulong sa akin ni Gascar sa aking kaliwang tainga.

Siniko ko siya sa kanyang tagiliran upang siya'y manahimik nang hindi siya tinitingnan. Pinipilit niya talaga na ako ay humahanga kay Ginoong Severino gayong wala naman talaga.

"Maaari niyo ba kami samahan dito sa harapan?" dagdag pa ni Don Luisito.

Lahat ng mga tao ay nakatuon lamang sa dalawang magkasintahan na ngayo'y naglalakad patungong harapan. Nauunang maglakad si Ginoong Severino habang kanyang inaalalayan si Binibining Floriana. Kapwa sila nakangiti at napuno ng palakpakan ang salas.

"Binabati namin kayo Ginoong Severino at Binibining Floriana!"

"Ngayon pa lang ay nasasabik na kami na makita kayong mag-isang dibdib!"

Itinaas ni Don Faustino ang kanyang kamay na may hawak na babasaging baso. "Maraming salamat sa inyong suporta. Nakikita namin ang inyong mainit na pagtanggap. Nawa'y masaksihan ninyo sa darating na Disyembre ang pinakamalaking kasal na mangyayari rito sa ating bayan!"

Muling nagpalakpakan ang mga tao at nagsibalik na sa kani-kanilang gawain matapos ang malaking anunsiyo samantalang hindi mabura-bura ang malalaking ngiti sa labi ng dalawang pamilya nang sila'y batiin muli ng mga panauhin.

Ako'y napatingin sa labas ng bintana at pinagmasdan ang asul na kalangitan. Maaliwalas ang paligid kaya't pakalat-kalat din ang mga tao at sinusulit ang ganda ng panahon.

"Ate Emilia," rinig kong pagtawag sa akin ni Delilah kaya ako'y lumingon sa kanyang gawi nang may pagtataka sa aking mukha. "Mukhang ikaw ay hinahanap ni Ginoong Severino. Kanina ko pa napapansin na siya'y palinga-linga sa paligid."

"Marahil ang kanyang nobya ang kanyang hinahanap."

"Kasama niya si Binibining Floriana. Ate, hayun na pala siya" sabay turo nuya sa aking gilid."

Ako ay lumingon sa direksyon na kanyang itinuro. Nakita ko siyang hawak-hawak sa kamay si Binibining Floriana habang papalapit sa aming kinaroroonan.

"Emilia, nandiyan ka lamang pala. Kanina pa kita hinahanap," bungad niya sa akin. Bahagyang tumaas ang kanyang tinig kaya't ang mga taong malapit sa aming kinatatayuan ay napatingin sa amin.

Sumulyap ako sandali sa kanyang nobya na ngayo'y nakangiti sa akin kaya't ganoon din ng ginawa ko pabalik. "Bakit po? May ipag-uutos ho ba kayo?"

"Wala naman ngunit aking naalala na ngayon pala darating ang aking kaibigan. Maaari mo ba akong samahan ngayon sa daungan ng barko? Susunduin natin siya."

"Wala pong problema," tanging sagot ko.

"Mahal, maaari ba akong sumama?" tanong ni Binibining Floriana at ngumiti pa nang matamis nang magtama ang kanilang mga mata na ikinangiti ng kanyang nobyo.

"Matatanggihan ba kita aking mahal?"

Naramdaman ko na naman ang pagkirot ng aking dibdib kaya't ako ay sandaling napahawak dito. Bigla-bigla ko na lamang itong nararamdaman. Ano bang nangyayari sa aking puso?

"Hindi."

Sumulyap muli sa aming gawi si Ginoong Severino. "Gascar, sumama ka rin."

"Alam ko na po iyon, Ginoo!"

Umalis ang magkasintahan upang magpaalam samantalang kami naman ni Gascar ay nauna na sa kalesa.

"Emilia, hindi ka ba nasasaktan?" tanong niya habang inaayos ang tali ng kabayo.

"Ikaw lang ang nagpupumilit niyan."

"Sigurado ka?"

"Humanap ka ng kausap mo. Huwag mo akong kausapin."

"Nahulog ka na nga" sabay tawa niya.

Pinaikutan ko na lamang siya ng mata nang siya ay tumingin sa akin habang tumatawa nang malakas.

"Ngunit masakit iyon, Emilia. Hindi mo maipapaliwanag ang sakit at walang gamot para riyan kaya kailangan mong maging matapang at malakas."

"Sino ba may sabing nahuhulog na ako sa kanya?" taas-kilay kong tanong na kanyang ikinailing ng ilang beses nang may ngiti pa rin sa kanyang labi. "Wala akong panahon sa pag-ibig." Hindi naman ako ganoon kainutil para hindi malaman ang tungkol sa bagay na iyan. Saksi ako sa pagmamahalan ng aking mga magulang kaya batid ko na masakit at masaya ang pag-ibig kahit hindi ko pa ito nararanasan.

****

"Ate Emilia, dapat sinamahan mo na po lang sina Ginoong Severino. Ayos lang naman po ako," sambit ni Delilah nang hindi tumitingin sa akin.

Huminga naman ako nang malalim at hinawakan siya sa kanyang balikat kaya't nagtama ang aming mga mata. "Hindi ako makapapayag na apihin ka ng batang iyon. Kumukulo ang aking dugo. Manang-mana sa kanyang ina." Napaikot ko na lamang ang aking mga mata nang maalala muli ang nangyari kanina.

Nang ako'y makaupo na rito sa loob ng kalesa, nahagip ng aking mata si Binibining Luciana na tila may pinapagalitan sa labas ng kanilang hacienda. Hindi ko na sana ito papakialaman pa nang mapagtanto kong pamilyar ang likod ng taong kanyang kausap kaya ako ay bumaba upang sila ay lapitan at pagsabihan siya. Habang tumatagal ay pataas nang pataas ang kanyang tinig kaya't ang mga panauhing nasa kusina ay lumalabas upang saksihan ang nangyayari.

"¡Eres idiota! (You're idiot!)" sigaw ni Binibining Luciana.

"Delilah!" pagtawag ko sa ngalan ng aking kapatid na ngayo'y namumula na ang mga mata at nakayuko. "Ano ang iyong ginagawa, Binibining Luciana? Bakit mo sinisigawan ang aking kapatid?"

Taas-kilay niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa na aking ikinataka. "Kapatid mo iyan? Hindi man lang tumitingin sa daan kaya't nadumihan ang aking baro't saya!"

Niyakap ko ang aking kapatid at hinahaplos ang buhok habang nakatitig lamang ako ng diretso sa batang ito. "Delilah, humingi ka ba ng paumanhin?"

"Opo, Ate Emilia. Hindi ko naman po iyon sinasadya. Marami lamang tao kaya't hindi ko siya napansin." Nagsimula na siyang humikbi at niyakap ako nang mahigpit.

"Hindi sinadya? Ang sabihin mo ikaw ay tanga! Mana ka sa iyong kapatid! Pareho kayong tanga! Mga hampaslupa!" Kung nakamamatay lamang ang tingin marahil ay kanina pa ako nalagutan ng hininga. Mag-ina ngang tunay. Kung ano ang itinanim siya rin ang bunga.

Nanatili lamang akong kalmado kahit sa loob-loob ko ay nais ko nang ilapat ang aking palad sa kanyang pisngi. Walang respetong babae. "Binibining Luciana, humingi naman po ng tawad ang aking kapatid at narinig niyo naman po ang kanyang paliwanag."

"Wala akong pake sa paghingi ng tawad. Palitan ninyo ang aking saya! Bayaran ninyo ito!"

"Kaunting dumi lamang ng pagkain ang naitapon. Malalabhan rin naman iyan at dagdag ko lamang po, wala kang karapatan na tawagin kaming hampaslupa. Sadyang nakakaangat ka lamang." Hindi ako makapapayag na isang tulad niya lamang ang tatapak sa aming pagkatao dahil sa isang pagkakamali.

"Ang kapal ng iyong mukha para sumagot sa akin! Hindi mo ba ako kilala, ha?!" Nanlalaki ang kanyang mga mata at kitang-kita na rin ang ugat sa kanyang leeg dahil sa kanyang labis na pagsigaw. Agaw-atensyon ang batang ito. Mana sa ina.

"Wala po kaming pinag-aralan ngunit alam namin ang salitang respeto." Huninga muna ako nang malalim upang kontrolin ang aking emosyon. "Binibining Luciana, kung hindi mo kami kayang respetuhin tulad ng aming pagrespeto sa iyo, respetuhin niyo na lamang po ang mga panauhing nagmamasid sa atin ngayon at ang inihandang salo-salo ng iyong ama. Maraming salamat po." Hindi dahil sa nakakaangat siya ay gaganituhin niya na lamang kami.

"Pagbabayaran mo ito! Pagbabayaran niyo itong dalawa!" huling sigaw niya at itinabig nang malakas ang mga panauhin kaya't mayroong napaupo sa sahig at nabangga ang likod sa kahoy.

"Ate Emilia, ella puede usar mi pañuelo. (Ate, Emilia, she can use my handkerchief.)" wika ni Ginoong Angelito pagkalapit niya sa aming gawi at iniabot ang kanyang panyo. Hindi ko man maintindihan ang kanyang sinambit ngunit batid kong nais niyang ipahiram sa akin iyon para kay Delilah.

"Maraming salamat po, Ginoong Angelito," tugon ko at binaba nang kaunti ang label ng katawan upang magpantay kami ni Delilah. "Tahan na. Wala ng mang-aapi sa iyo." Ayos lamang sa akin kung ako ang sasaktan at pagsasalitaan nang masama huwag lamang ang aking kapatid. Niyapos ko siya at muling hinaplos ang kanyang buhok.

"Wala kayong nakita at narinig mga binibini't ginoo," rinig kong wika muli ng ginoo niya kaya't gumalaw si Delilah.

"M-Maraming salamat po, Ginoo."

Ako'y nagtaka sa kanyang tinuran kaya't maging ako ay muling napatingin sa kanya at napasulyap sandali sa mga panauhin. Nakita ko kung paano sila tumango at lumisan na para bang walang nangyari. Kung gayon, nais niyang kalimutan ng mga taong saksi ang kaganapang ito? Ako ay napangiti na lamang sa kabutihang itinatago ng batang iyon. Magkapatid talaga sila ni Ginoong Severino.

"Huwag mo nang intindihin ang kanyang mga sinambit. Ganoon lamang siya. Masama ang ugali mana sa kanyang ina." Siya'y preskong nakapamulsa habang nakatingin nang diretso sa mga mata ng aking kapatid saka tumingala sandali. "Ayos ba ang iyong pakiramdam? Ikaw ay ba kanyang pinagbuhatan ng kamay?"

Umiling naman si Delilah. "Hindi naman po, Ginoong Angelito. Sinigawan niya lamang po ako at pinahiya sa mga tao."

Bumuntong-hininga siya at muling tumingin sa kanyang kausap. Bakas sa kanyang mga mata ang pamilyar na emosyon na akin nang nakita sa mga mata ni Ginoong Severino - ang pag-aalala.

"Mabuti naman kung ganoon. Mabuti pa kung magpahinga ka na lamang muna. Ako na lamang ang magsasabi sa mayordoma at kay Ate Juliana na masama ang iyong pakiramdam."

Ako'y napangiti nang makitang namumula ang kanyang magkabilang pisngi sa sinambit ng ginoo. "H-Hindi na po. A-Ayos lamang po ako."

"Magpahinga ka na." Pagkuwa'y tumingin siya sa akin nang seryoso ang mukha. "Ate Emilia, ikaw na ang bahala sa iyong kapatid."

"Kahit na hindi mo sabihin, Ginoo." Sumilay sa aking labi ang isang matamis at sinserong ngiti. "Salamat." Ramdam ko ang pagprotekta na kanyang ginagawa kahit na hindi niya man sabihin. Isang kagalang-galang na ginoo na marunong rumespeto at kumilala sa isang binibini na hindi binabase sa estado ng pamumuhay. Ako ay iyong napahanga, munting ginoo.

Hindi naman na siya kumino at tumalikod na upang bunalik sa loob. Samantalang ako nama'y napatingin kay Delilah upang tignan ang kanyang reaksyon. Nakaawang ang kanyang labi at napatulala pa. Marahil ay hindi niya ito inaasahan.

"Hali na sa loob. Magpahinga ka na tulad ng sinabi ng iyong prinsepe," nangingiti kong sambit na mas lalo niyang ikinapula.

"Ate!"

"Ngunit sabihin mong ikaw ay kinilig sa kanyang ginawa?" wika ko at ngumiti sa kanya nang nakakaloko matapos kong maalala ang nangyari.

"H-Hindi a!"

"O sige ako ay naniniwala." Tinuro ko ang kanyang mukha upang ipaalam sa kanya na siya ay muling namumula.

"Ano na lamang ang iyong sasabihin kay Ginoong Severino na ikaw ay hindi sumama?"

Nagkibit-balikat lamang ako. Kasama naman nila si Gascar kaya't ayos lamang iyon. Ilang minuto na rin ang nakalipas mula nang sila ay umalis. Pinaalam ko rin naman kay Gascar na ako ay hindi na makakasama kaya't huwag na silang maghintay pa.

"Hali na, Ate. Marahil ay hinahanap na tayo. Baka mapagalitan pa po tayo ni Ginang Josefa."

****

"Emilia, saan kayo nagtungo?" tanong sa akin ni Gascar nang kami ay kanyang makita. Naririto siya ngayon sa kalesa at prenteng nakaupo habang ako'y sinusundan ng tingin. "Delilah, hindi mo ba ako babatiin? Magandang hapon."

"Magandang hapon din po, Kuya Gascar. Ikaw po ba ay umaakyat ng ligaw sa aking ate?"

"Ano?/H-Ha?" Kapwa kami nagkatinginan sa isa't isa at sabay ring napaiwas.

"Ano ba ang iyong sinasabi riyan, Delilah? Kung ano-ano ang lumalabas sa iyong bibig." Mabuti na lamang at walang tao rito ngayon sa labas ng hacienda kaya't hindi gaanong nakakahiya. Nakita ko namang napangiti si Gascar habang nakatingin sa akin. "Ano ang nginigiti mo riyan? May gusto ka sa akin?"

"Paumanhin, Emilia, ngunit mayroon na akong ibang napupusuan. Hindi ka pasok sa aking panlasa." Halos mamula siya sa kakatawa at nakahawak pa sa kanyang tiyan matapos niyang sambitin iyon. Ubuhin ka sana. At siya nga'y biglang naubo.

"Mabuti nga sa iyo," wika ko at iniwan na siyang mag-isa. Naaaksaya lamang ang aking oras sa lalaking iyon. Hindi rin naman ang ginoong tulad niya ang aking mahuhumalingan.

Pagpasok namin sa loob ng hacienda may mga grupo ng mga mananayaw ang nagpakitang-gilas sa harapan. Nababalot ng pagkamangha, matamis na ngiti at kumikislap na mga mata ang nga tao rito - nakatataaas man o hindi.

Pumwesto lamang kami ni Delilah sa gilid ng salas sa gawing kanan upang hindi kami makita ng iba naming kasama matatanaw rin naman mula rito ang pagtatanghal. Inikot ko ang aking mga mata upang hanapin si Ginoong Severino. Tiyak akong hinahanap na niya ako ngayon ngunit ayos lamang naman iyon, hindi ba? Kasama naman niya ang kanyang kasintahan kaya't aking nasisiguro na masaya siya ngayon at abala sa pakikipag-usap sa ibang mga panauhin.

"Ginoong Agapito?" rinig kong wika ni Delilah kaya ako ay napatingin sa kanya. "Ate, hindi ba't si Ginoong Agapito iyon?" sabay turo niya sa kaliwa nang hindi inaalis ang paningin.

Hindi ako kumibo at lumingon na lamang sa direksyon na kanyang itinuro. Pumikit pa ako ng ilang beses upang masiguro lamang na hindi ako nanaginip. Ano ang ginagawa niya rito?

Nang magtama ang aming mga mata, lumaki ito, itinuro pa ako at dahan-dahang sumilay sa kanyang labi ang isang malapad na ngiti.

"Ate, tila siya ay papalapit dito. Mas lalo siyang naging makisig hindi ba, Ate?"

Maingat siyang dumadaan sa gitna ng mga panauhin hanggang siya ay tuluyan nang makalapit sa amin. "Emilia, Delilah! Narito pala kayo!"

Kinuha niya ang aking kamay at hinalikan iyon. "Kumusta, Emilia?"

"Magkakilala pala kayong dalawa?"

Kapwa kami napalingon ni Ginoong Agapito nang marinig namin ang tinig ni Ginoong Severino. Seryoso ang kanyang mukha habang palipat-lipat ng tingin sa aming dalawa hanggang sa mapansin kong siya ay may tinitigan.

Nang sundan ko ang kanyang tingin, agad kong inilayo ang aking kamay na hawak ni Ginoong Agapito. Nakakahiya. Baka isipin niyang mayroong namamagitan sa aming dalawa ngunit ang aking ipinagtataka bakit sila magkakilala?

"Siya ang dating nanilbihan sa amin noon sa San Diego sa loob na apat na taon. Hindi mo man lang sinabi sa akin na dito pala siya sa inyong hacienda naninilbihan ngayon." Muli siyang tumingin sa akin at ngumiti nang pagkatamis-tamis. Hindi pa rin nagbabago ang kanyang magandang ngiti. Tulad ni Ginoong Severino, siya rin ay may biloy.

"Talaga? Ngayon ko lamang nalaman. Malapit pala kayo sa isa't isa?" Seryoso pa rin ang kanyang mukha hanggang ngayon. Hindi ko naman mabasa sa kanyang mga mata kung anong iniisip niya patungkol sa amin. Galit kaya siya kase ngayon lamang niya ako nakita o dahil hindi ako sumama kanina?

"Maaari kong sabihin na oo. Hindi ba, Emilia?"

"Bakit ngayon ka lamang? Kanina pa kita hinahanap. Mauna na ako hinihintay na ako ni Floriana." Tumalikod na lamang siya bigla nang hindi man lamang sinasama si Ginoong Agapito, panauhin pa naman siya.

Anong nangyari sa kanya?

------------

Agapito Nuncio 👦

<3~