Chereads / Mahal kita, Severino / Chapter 2 - ESPESYAL NA PAGPAPAKILALA

Chapter 2 - ESPESYAL NA PAGPAPAKILALA

--------------Disyembre 13, 1894--------------

"Totoo ba ang balitang kumakalat sa ating paaralan, Severino?"

Kasalukuyan akong naririto sa silid-aklatan ng paaralan na aking pinapasukan, saglit napatigil sa aking pagbabasa at isinara bago ako lumingon sa kanya nang siya'y biglang dumating. Kumurba ang isang nakakalokong ngiti sa aking mukha habang pinagmamasdan ko siya. "At saan mo na naman iyan nakuha, Agapito Nuncio?"

Sa lahat ng aking kamag-aral dito sa Colegio de Santo Tomas na matatagpuan sa loob ng Intramuros sa kursong medisina, si Agapito Nuncio ang pinakamalapit kong kaibigan ngunit magkaiba kami ng bayan na pinanggalingan.

"Alam mo naman kapag usaping binibini ay alerto ang aking tainga," natatawa niyang tugon at itinuro ang kanyang kanang tainga. Humakbang siya papalapit sa akin. "Bilib na talaga ako sa iyo. Sino ba naman ang hindi makakakilala sa iyong nobya lalo na kung kilala rin siya sa aming bayan?"

Ako'y napatawa at ibinalik ang libro sa lalagyan. Tumayo ako at inayos ang aking suot na barong tagalog. "Kahanga-hanga na ba ang aking tindig at pagkalalaki, Agapito?" Hindi na kataka-taka kung kilala niya ang babaeng aking iniibig dahil tunay na sikat ang pamilyang kanyang pinanggalingan.

Noong una ay isang lihim lamang ang aming relasyon ngunit nitong nakaraang linggo ay nalaman nila ang katotohanan dahil sa isang sulat na mula sa kanya na aking inipit sa aking kuwaderno. Mukhang nahulog iyon at nabasa ni Manuel, ang lalaking may sama ng loob sa akin sa hindi ko malamang dahilan. Mukhang ipinagkalat niya ang kanyang nalaman upang patalsikin ako rito.

Mahigpit kaseng ipinagbabawal ang pakikipag-relasyon hangga't nasa pangangalaga nitong paaralan upang hindi makasagabal sa aming pag-aaral. Gusto ng mga guro na sa pag-aaral lamang nakatuon ang aming oras at atensyon. Ngunit dahil kilala ako na nanggaling sa isang maimpluwensiya at makapangyarihang pamilya, iyon ay naayos. Pinaalalahanan na lamang ako na mas lalong magbuti sa aking pag-aaral.

Napailing na lamang siya at hinawakan ako sa balikat. "Batid kong may nakababata siyang kapatid. Maaari mo ba akong ilakad sa kanya?"

"Hindi maaari."

"Huwag mo namang ipagdamot ang swerteng natatanggap mo, Severino. Maaaring magbago ang tadhana at umiba ang direksyon ng hangin kapag ipinagdamot mo sa akin ang swerte." Namutawi ang isang nakakalokong ngiti sa kanyang labi. Kahit kailan talaga mahilig ito sa mga babae.

Ako'y tumingin sa kanya ng ilang segundo. "Hindi nga maaari. Hindi magandang tingnan ang isang ginoong nasa edad dalawampu't dalawa ay magkakagusto sa isang labinsiyam na taong gulang."

"Hindi naman kami nagkakalayo ng edad, Severino. Ang sabihin mo ayaw mo lamang talaga!" Sinuntok niya ako ng mahina sa tyan sabay tawa.

"Kung iyan ang nais mo o sige, balak ko pa naman na ipakilala ka sa ibang maririkit na binibini roon sa amin."

"Nobya mo ba talaga si Floriana?"

Ngumiti ako nang matamis nang maalala ko ang magandang mukha ng aking minamahal na naririto rin ngayon sa Maynila at nag-aaral sa Colegio de Santa Rosa, isa sa ekslusibong paaralan para sa kababaihan. "Oo at kami ay mag-iisang taon na sa Hunyo."

Ngayon pa nga lamang ay pinaghahandaan ko na kung paano ko siya sosorpresahin sa aming unang anibersayo ngayong ikadalawapu ng Hunyo.

"Kailan ka ba uuwi sa inyong bayan? Maaari mo ba akong isama para makabisita sa inyo?"

Umupo ako at marahang sumandal sa aking silya. "Sa Abril. Gusto raw akong makasama ni Ina sa kanyang darating na kaarawan kaya uuwi ako roon. Saktong-sakto pahinga na rin natin sa buwan na iyon." Ngayong taon magtatapos ang aming klase sa darating na Marso kaya libre ang aking oras. Ito'y naiiba sa nakaraang taon dahil natapos kami sa buwan na ng Mayo.

Tumango-tango naman siya at ngumiti. "Padadalhan kita ng sulat kung kailan ako makakapunta sa inyo. Marami pa kaseng naiwan na gawain dito hindi ako maaaring makasama sa iyo ngayong darating na Abril."

"Bueno, aasahan ko ang iyong sulat. Nawa'y makasama ka talaga upang maipakilala na kita sa mga naggagandahang binibini sa aming bayan." Tinapik ko siya sa kanyang balita at nagpaalam na.

Makakauwi lamang kami sa aming sariling bayan kung iyon ay pahihintulutan ng mga paring misyonero, kung kinakailangang umuwi na mayroong importanteng dahilan at tuwing mahahalagang okasyon tulad ng pasko at bagong taon kaya't ilang beses lamang kami nakakauwi sa isang taon. Mayroon din kaming sariling dormitoryo sa aming pamamalagi rito sa Intramuros.

Habang ako'y naglalakad, napatingala ako sa langit na ngayo'y dumidilim at nagbabadya ng umulan . Bahagya na ring lumilitaw ang buwan kasabay nang malakas na hangin dahilan upang magliparan ang mga tuyong dahon sa kalupaan at iilang mga saya na suot ng kababaihan. Maging ang kanilang mahahabang buhok ay nililipad na rin ng hangin.

"Ginoong Severino, mayroong sulat na dumating sa inyo kaninang umaga," bungad sa akin ni Aling Sitang, isa sa matandang tagapaglinis rito sa loob ng Intramuros at iniabot sa akin ang isang liham na nakapaloob sa isang puti at mahalimuyak na sobre.

Ngumiti ako nang tinanggap ko iyon. "Maraming salamat po, Aling Sitang. Mas mainam po siguro kung umuwi na muna kayo. Nagbabadya na ang ulan mukhang malakas pa naman." Mahirap na kung siya'y maaabutan ng ulan. Maaari pa siyang magkasakit.

Tumawa siya nang marahan kaya kita ang ilang sira ng kanyang ngipin at kumulubot na kayumangging balat. Maputi na rin ang kanyang nakapusod na buhok na mayroon pang ilang hibla na hindi naisama na humaharang sa kanyang mukha. "Hindi ako maaaring umuwi hangga't hindi natatapos ang aking trabaho, Ginoong Severino. Ako'y sisilong na lamang muna upang hindi maabutan ng ulan. Maraming salamat sa iyong pag-aalala."

"Sige ho. Mag-iingat po kayo ulit. Maraming salamat po." Isinarado ko na ang pinto nang siya'y nagpaalam na. Tumungo ako sa aking higaan at binasa ang pangalan ng nagpadala ng liham.

Agad na sumilay ang magandang ngiti sa aking labi nang mabasa ko ang kanyang pangalan - ang aking sinta, ang aking binibini. Hinalikan ko muna iyon bago ko buksan.

Mahal kong sinta,

Kumusta ka na riyan sa Colegio de Santo Tomas? Paumanhin kung hindi tayo nagkikita kahit na pareho lamang tayong naririto sa Maynila. Alam mo namang mahigpit ding ipinagbabawal na lumabas ang mga kababaihan sa aming paaralan, hindi ba? Kung itatanong mo kung ano ang aking lagay, ayos lamang ako, mahal ko. Kasalukuyan kaming nagbuburda ngayon ng aming paboritong bulaklak at iyon ay aking ipapakita sa iyo kapag tayo ay nagkita na. Ako'y nangungulila sa iyong halik at yakap, aking ginoo. Ako'y labis ng nangungulila sa iyo. Nawa'y magkita na tayo. Siya nga pala, nabanggit sa akin ni Ina sa kanyang liham na ipinadala sa akin na dumating lamang kamakailan na ikaw raw ay uuwi sa ating bayan ngayong Abril? Nais ko sanang sumama sa iyo ngunit sa Abril pa magtatapos ang aming termino rito. Sa Mayo pa ako maaaring makauwi. Magkita na lamang tayo roon sa Las Fuentas. Asahan mong ikaw ay aking yayakapin nang mahigpit sa oras na tayo'y magkita. Ikaw ay aking labis na minamahal, Severino. Nawa'y mag-iingat ka riyan dahil wala ako para alagaan ka. Ayaw kong mabalitaan na ikaw ay mayroon ng ibang nagugustuhan diyan. Hindi ako makakapayag. Akin ka lang at iyong-iyo lang din ako. Mahal na mahal kita, Severino.

Nagmamahal,

Floriana

Mas lalong lumawak ang aking ngiti nang matapos ko itong basahin. Kumuha ako ng malinis na panulat at inumpisahang tumugon sa kanyang liham na ipapadala ko sa susunod na araw. Nang ako'y matapos ng magsulat, humiga muna ako pansamantala para makapagpahinga.

Nabanggit niya sa kanyang liham ang kanyang paborito bulaklak. Batid ko na ngayon kung paano ko siya sosorpresahin sa aming unang anibersaryo.

Bumalik sa aking isipan ang aming masasayang alaala, noong ako ay naglakas-loob na sabihin sa kanya ang aking nararamdaman, nang hingin ko ang pagsang-ayon ng kanyang magulang upang umakyat ng ligaw sa kanya hanggang ako ay kanyang sagutin. At heto ngayon, sino ba namang mag-aakala na kami ay mag-iisang taon na?

Nararamdaman ng aking puso na ikaw na ang aking una at huling pag-ibig. Mahal na mahal din kita, Floriana.

----------------

Severino y Fontelo 🤵

~ <3