Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

LETTERS from 1988

🇵🇭KalyeEscritoria
--
chs / week
--
NOT RATINGS
7.9k
Views
Synopsis
Nakita muli ni Ysa ang nag-iisang tao na ayaw na niyang makasalamuha. Nagdadalamhati man sa pagkawala ng ama ay nangibabaw pa rin ang galit at poot ng malaman niya na sa kanyang ina na siya titira. Dinala siya nito sa probinsya kung saan naninirahan ang kanyang ina kasama ang kanyang lola na hindi niya pa nakikita sa personal simula ng magkamuwang siya. Tahimik at payapa ang kinatitirikan ng lumang bahay na pag-aari ng mga magulang ng kanyang ina. Ngunit gaano man kaganda ang probinsyang ito, ay alam niya ng hindi niya magugustuhang tumira dito. Aside sa makakasama niya ang ina araw-araw sa loob ng bahay, naiinis siya sa pagiging maingay at pakikialam ng lola niya sa kanya. At ang pinakaayaw niya sa lahat ay... Ang lalaking nararamdaman niyang karelasyon ng kanyang ina. Ang lalaking sa tingin niya ay dahilan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang noon. Ang lalaking alam niya na first love ng kanyang ina na walang iba kundi... . . . Ang lalaking may-ari ng mga liham na nasa kanyang mga kamay. December 23, 1988 Dearest A, Kahit hindi tayo sa huli ay ikaw lamang ang iibigin ko. Lagi mong pagkatatandaan 'yan. Ang bawat letra na bumubuo sa mga salitang nakasulat dito ay siyang patunay ng pag-ibig ko sa iyo. Ang mga liham na ito ang siyang magiging tahanan ng mga ala-alang babaunin natin sa mga darating na panahon. P.S. I will always love you. -J. Nakakunot ang noo at nakangiwi ang mga labi na tinitigan nito ang liham bago nakabawi at nakapagsalita. "Tang*na. Eh di, WOW!" A FILIPINO NOVEL. ALL RIGHTS RESERVED 2020.

Table of contents

VIEW MORE

Chapter 1 - KABANATA 1

Walang gana na ipinalibot ko ang aking paningin sa lumang bahay na nasa harapan ko.

Malaki ito kahit may kalumaan na. Naparenovate din ang iilang parte nito na sa tingin ko ay may mga sira. Pero kahit ganun, pinanatili pa rin ang classic at mala-vintage na postura ng buong bahay.

Napapalibutan din ito ng mga bulaklak samantalang may mga matatayog na puno naman na nasa may bakuran.

"Ito na ba ang apo ko? Kay laki mo na Alyssa!"

Pilit na ngumiti ako ng salubungin ako ni Lola na sa mga pictures ko lang nakikita.

Lumapit ako dito at nagmano.

"Nay, bakit kayo pa ang nagwawalis dito? Ang rayuma niyo." nag-alala na tugon naman ni mama na nasa tabi ko at hila-hila ang kulay pink kong maleta.

Tahimik na pinanuod ko lang silang dalawa ni lola hanggang sa makapasok kami sa loob.

May second floor ang bahay pero hindi ito ganun kataas. Mga nasa anim na baitang lamang ang hagdanan at kita dito sa sala ang tatlong pinto ng kwarto na nasa itaas.

"O' siya, iakyat niyo muna ang mga gamit at sumalo na kayo sa akin dito upang makapagtanghalian na tayo." ngiting saad ni lola sa amin ni mama.

Walang imik na kinuha ko ang maleta ko na hahawakan sana ni mama.

"Alyssa." tawag nito sa akin.

Napalingon ako dito at hinintay ang kung anuman ang sasabihin niya.

"Gusto mo bang sa iisang kwar---"

"Saan po sa mga kwarto dito ang walang gumagamit? Doon na lang po ako." putol ko sa sasabihin sana nito.

Napatanga ito sa akin ng ilang segundo bago ngumiti na alam kong hindi umabot sa mga mata nito.

"Ah--eh, dito ka na lang sa dulong silid anak. Mabuti na lang pala at pinalinis ko ito kay Manang Soring."

Sumunod ako kay mama at pagbukas nito ng pintuan sa ikatlong silid ay hindi ko napigilang ipalibot ang mga mata ko sa kabuuan nito.

"Dito mo na lang ilagay ang mga gamit mo sa aparador na ito." turo ni mama sa bagong aparador na andito sa kwarto.

May aircon din dito at kulay puti ang buong dingding. Malaki ang kama at malinis ang makintab na sahig na yari sa mamahaling kahoy.

Sliding window naman ang bintana na may makapal na kurtina.

Ibang-iba ang kwarto sa itsura ng loob ng bahay. Modern ang design ng kwarto kumpara sa itsura ng sala hanggang kusina na makaluma.

Napadako naman ang tingin ko sa nag-iisa na lumang gamit dito sa loob.

"Ay, nakakandado ang aparador na ito. Dito kasi pinalagay ng lola mo lahat ng mga lumang gamit namin noon." paliwanag ni mama nang makita niyang doon ako nakatingin.

Tumango lang rin ako dito at sinimulan ng buksan ang nag-iisang bagahe na dala ko mula pa Maynila.

"Gusto ko sanang magkasama tayo sa kwarto anak. Mas malaki rin kasi doon sa kwarto ko." napatigil si mama sa gusto niyang sabihin sa akin dahil napatingin ako dito.

Tumingin ako ng deretso sa kanya upang iparating na dapat niyang malaman kung hanggang saan siya sa buhay ko.

Walang gana na binaling ko ang atensyon sa pagkuha ng mga damit ko sa aking maleta.

"Al--Alyssa, kung gusto mong mag-cr ay ang pinto na katabi nito ang bathroom. Ang kwarto ko naman ay ang sa gilid ng hagdanan. Kay lola mo ay nasa ibaba."

Hindi ko na ito tinignan dahil gusto kong matapos na sa pag-aayos ng mga gamit ko. Ayaw ko rin namang pakialaman niya ako.

"Uuna na ako sa baba, anak. Tutulungan ko ang lola mo at si manang sa paghahanda ng hapunan natin. Kung may gusto kang itanong ay tawagin mo lang ako, okay?"

Walang tugon akong ginawa sa sinabi niya. Napansin ko na lang na sumirado ang pinto.

Isang buntong hininga ang ginawa ko bago umupo sa kama at napatitig sa pintuan.

Inilapit ko ang maleta sa akin at napatingin ako sa picture frame na pinailaliman ko pa ng mga damit ko para hindi mabasag.

Mapait na ngumiti lamang ako ng kuhanin ko ito at makita ang graduation picture ko kasama si papa. Kuha ito noong March na senior high school graduation namin.

Kulay berde ang togang suot ko dito habang nakasuot naman ng plain dark green polo shirt si papa. Pareho kaming nakangiti sa litrato habang ang tatlo kong medalya ay nasa leeg ni papa.

Sa La Salle din sana ako magkokolehiyo dahil iyon na ang napag-usapan namin ni papa. Architecture ang kukunin ko hindi lang dahil sa mahilig ako sa pagguhit kundi dahil gusto kong maging katulad niya na isang arkitekto.

Hindi ko napigilan ang sunod-sunod na patak ng mga luha ko ng maalala ang mga nangyari nitong mga nakaraang buwan.

Matapos ang senior high school graduation ko ay nalaman kong may terminal cancer si papa. At huli na ang lahat dahil hindi na siya kayang pagalingin pa ng chemotherapy o ng kung anumang gamot ang sana dapat ay noon pa niya iniinom.

Last Saturday lang ang libing ni papa sa Manila at kahit ayaw ko, sumama na lang ako kay mama dito sa Cebu upang dito na tumira.

Hindi maganda ang relasyon ng mga magulang ko. Naghiwalay sila noong pitong taon pa lamang ako at sa pagkasira ng pamilya namin ay alam kong kasalanan iyon lahat ni mama.

Galit.

Oo, galit ako sa kanya hanggang ngayon. Nawala si papa ng hindi narinig ang salitang patawad mula kay mama.

At dahil mabait si papa ay ni minsan hindi siya nagalit kay mama. Ni minsan, hindi niya siniraan sa akin si mama. Pinaliwanag niya pa nga sa akin ang lahat kung bakit nagkaganito kami.

Pero sa murang edad ko noon, nakita at nalaman ko mismo na si mama ang may kasalanan ng lahat. Kaya kahit anong ipakita niya sa akin ngayon, wala ng kwenta pa sa akin 'yun.

"Alyssa, kung mawala man ako ay gusto kong sumama ka sa mama mo. Gusto kong magiging maganda pa rin ang buhay mo at may mag-alaga sa iyo kahit na wala na ako. Kapag ginawa mo iyon ay kampante akong aalis sa mundong ito. 'Yun lang ang hihilingin ko sa iyo, anak."

Agad na itiningala ko ang aking mukha at tumitig sa kisame upang mapigilan ang mga luhang gustong kumawala.

"Alyssa, bumaba ka na muna diyan. Kakain muna tayo."

Napapikit na lamang ako upang kalmahin ang galit at sakit na siyang umaapaw sa nararamdaman ko ngayon.

Alas sais na ng gabi at hindi katulad sa Manila, dito ay patulog na ang mga tao. Wala na masyadong tao sa labas ng bahay. Tanging lamp post lights na lamang na nasa daanan ang nakikita.

Sinarado ko na lamang ang sliding window at ini-on ang aircon. Wala rin naman akong aasahan sa maliit na probinsyang ito ng Ronda. Parte ito ng Cebu pero nasa pinakamalayong parte na ito. Malayo sa maganda at aktibong syudad ng Cebu City.

Wala ring wifi dito sa bahay ni lola at kanina ng kumakain kami ng hapunan pa na pagdesisyunan ni mama na magpaconnect. Kaya wala rin akong ginagawa dito.

Napatingin ako sa maleta ko at naisip na ilagay na lang ito sa pinakataas na bahagi ng lumang aparador. Hindi rin naman kasi kalakihan ang kwartong ito at gusto kong may study table ako sa bandang ito ng kwarto kung saan nakapwesto ang maleta ko.

Kinuha ko ito at sumampa sa stool na andito sa kwarto.

Medyo may alikabok din ang taas na parte nitong lumang aparador. Napangiwi ako ng marealize na baka anayin ang maleta ko dahil luma na rin ang kahoy nitong aparador na ito.

Bababa na lang sana ako nang mapansin ko na may isang maliit na baul na kulay itim na andito sa itaas at puno rin ng alikabok. At ang higit na nakakuha ng atensyon ko ay ang nakaukit sa may gilid ng baul na gold letters.

ALICIA

Kinuha ko ito at deretsong dinala sa sliding window upang doon sa labas pagpagan ang alikabok na kumapit dito.

Gamit ang tissue na nasa lamesa ay pinunasan ko ito at napangiti dahil sa ganda nito. May intricate gold na vines na pumapalibot ditoat maliliit na mga ginto ring dahon na kumakapit dito.

Umupo ako sa may kama at tinignan uli ang pangalan na naka-engrave.

May nakatatandang kapatid si mama, si Tita Alena, pero mukhang hindi ito kay tita. Hindi rin ito kay lola dahil Alerecca ang buong pangalan ni lola.

Napatitig ako pangalang nakaukit ng ilang saglit at napagtanto na baka kay mama ito. Pero, Alice ang buong pangalan ni mama samantalang Alicia ang nakalagay dito.

Sa pagkakakuryuso ay binuksan ko ito at ang unang tumambad sa akin ay isang black and white na picture. Limang tao ang andito. Tatlong lalaki at dalawang babae. Pareho silang lahat na nakangiti dito na kahit sinuman ang tumingin ay makakapagsabi na kapwa magkakaibigan silang lahat.

Pero ang pinakanakakuha ng atensyon ko ay ang mukha ni mama. Nakaupo siya katabi ang isang babae, na may maikling buhok at todo kung makangiti, habang nakadila, samantalang naka rock sign ang dalawang kamay .

Sa likod nila ay ang tatlong lalaki na nakatayo. Nakaakbay ang dalawang lalaki sa isa't-isa habang nakangiti. Ang isa ay nakasalamin habang ang isa naman ay nakacap ng pabaliktad.

Napatitig ako sa ikatlong lalaki na siyang may malinis na haircut at mukha sa kanilang tatlo. Siya ang nasa likuran ni mama na may matipid na ngiti pero kita mong sobrang saya nito. Nakatungko at nakayakap mula sa likuran habang ang mukha nito ay nasa may itaas ng ulo ni mama.

Sino ang lalaking ito?

Napatingin naman ako sa iba pang laman ng itim na baul. May mga sobre na itong laman na mukhang mga naglalaman ng mga sulat.

Inilagay ko na muna sa may kama ang litrato at kinuha ang isang sobre na siyang kasunod nung litrato dito sa loob ng baul.

Naninilaw na rin ang kulay ng sobre na mukhang puti ang kulay nito noon. Walang kahit na anong nakasulat sa labas ng sobre.

Akmang bubuksan ko ito ng makita na naka selyado pa ito.

"So, hindi pa ito kailanman nabubuksan?" tanong ko sa sarili ko.

Impossible.

Pulang selya ang nakalagay sa may bukana ng sobre. Ayoko na sanang pakialaman dahil hindi naman ito para sa akin ngunit napadako ang mga mata ko sa litratong nasa may kama ko.

Naalala ko si papa habang nakatitig sa mga ngiti ni mama kasama ang lalaking hindi ko kilala.

Unti-unti ay pumaimbabaw ang galit na naramdaman ko.

Lumabas ako ng kwarto at nakita na tanging ang altar na lamang at ang ilaw sa may balkonahe ang nagbibigay liwanag dito sa buong bahay.

Mukhang tulog na sina lola at mama.

Dahan-dahan akong nagpunta sa may kusina at kumuha ng kutsilyo.

Aalis na sana ako ng makuha ang sadya ko ng biglang lumiwanag ang buong kusina.

"Alyssa?"

Napatingin ako sa may likuran ko ng makita si mama.

"Anong ginagawa mo dito? Gusto mo bang uminom ng tubig o gusto mo ng gatas?" ngiting tanong nito sa akin.

Napatingin ako sa mga ngiti nito na nakaderekta sa akin at bigla na lamang pumasok sa isipan ko ang litratong nakita ko na nasa baul.

Napalunok na inabot ko ang mansanas na kasama sa mga ilang prutas na nasa basket dito sa itaas ng mesa.

"Kukuha lang po ako ng mansanas." saad ko dito.

Tumango ito sa akin habang nakangiti at hindi na nagsalita pa nang umalis ako doon upang makaakyat na sa kwarto.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago tinungo ang kama. Umupo ako dito at kinuha ang sulat na selyado.

Dahan-dahan kong binuksan ang selyo upang hindi masira gamit ang kutsilyo. Lalagyan ko na lang ito ng glue mamaya pagkatapos ko itong basahin.

Napangiti ako ng nabuksan ko ang sobre na hindi nasisira ang selyo. Medyo napunit ang parteng iyon ng sobre pero hindi ko na inalintana pa.

Kinuha ko ang sulat na nasa loob at unang napatingin sa araw na ginawa ang sulat na ito.

April 10, 1988

Napakunot ang noo ko habang binibilang kung ilang taon na si mama dito.

"16." bigkas ko pagkatapos kong masigurado na disi-sais nga siya ng taon na ito. At dahil walang grade 11 at grade 12 noon, nasa fourth year high school siya nito.

"Alyssa? Anak, tinimplahan kita ng gatas baka hindi ka makatulog." rinig kong boses ni mama.

Dahil sa gulat ay napatayo ako agad at nabitawan ang dalang kutsilyo sa sahig.

Napaigtad ako ng maramdaman ang isang maliit na hiwa na sumugat sa may hintuturo ko sa aking kanang kamay.

Umayos ako ng tayo at agad na pinulot ang kutsilyo sa sahig. Dali-dali kong ipinailalim ito sa may unan ko. At kahit na sobrang hapdi ng hintuturo ko na dumudugo pa rin ay mabilisan kong inilagay pabalik ang sulat sa sobre at ibinalik sa baul kasama ang litrato. Inilagay ko rin ito sa ilalim ng unan ko.

"Alyssa? Si mama mo 'to, ma---"

Maglalakad na sana ako papunta sa pinto upang buksan ito nang makaramdam ako ng hilo. Hindi ko na rin masyadong marinig ang sinasabi ni mama sa labas ng pinto.

Naramdaman ko na lang na bumagsak ang katawan ko sa sahig at unti-unting nanlabo ang paningin ko hanggang sa wala na akong makita at tuluyang nawalan ng malay.

"Alyssa!"

Napaungol ako sa naramdamang sakit ng ulo ko. Napatingin ako sa may pintuan dahil mukhang may tumatawag sa akin sa baba.

Ano ba ang nangyari?

Dahan-dahan akong bumangon habang nakahawak sa may ulo ko at napatitig sa aparador na nasa harapan ko.

Itim na baul.

Napahinto ako nang maalala ang baul.

Litrato. Sulat. Kutsilyo.

Unti-unti ay bumabalik sa isip ko ang mga ginawa ko. Napalingon ako sa may bintana at napagtantong umaga na nga.

Baka ay nakatulog na ako kagabi dahil hindi rin naman ako natulog sa byahe kahapon.

Maglalakad na sana ako sa may pintuan nang pumasok sa isipan ko ang itsura ng bintana. Ibinalik ko ang paningin ko dito at gulat na tinignan ito.

Sliding window nga ito pero hindi na made of glass kundi yari sa kahoy na katulad ng mga bintana ng mga old spanish houses.

Naguguluhang pinalibot ko ang paningin sa buong kwarto. Yari ito sa kahoy at matitibay na plywood. Wala na ang puting sementado na dingding. Wala na rin ang aircon at napalitan ng malaking bentilador na nasa kisame na mukhang wala namang hangin na binubuga.

Dumako ang paningin ko sa aparador na nakakandado kagabi at inaanay na dahil sa kalumaan ngunit mukha itong brand new. Sobrang makintab ng kayumangging kahoy nito na mukhang kaka-varnish lang at wala ni anong alikabok na makikita. Matibay pa sa matibay ang aparador na malayo sa nakita ko kagabi.

Napatingin naman ako espasyo na pinaplano ko kagabi na lagyan ng study table o ng computer set na ipapadala pa galing Maynila. Pero okyupado na ang espasyo dahil sa tukador na gawa sa kahoy at may maliit itong bangko na mukhang pinasadya na ibagay sa disenyo ng tukador.

Napangangang napatitig ako sa aking sarili sa salamin na nasa tukador at napapailing dahil hindi ako makapaniwala sa nakikita.

Ito ang mukha ng babaeng nasa litrato na walang iba kundi si mama.