YEAR 2010, NEW BILIBID PRISON
NAKAPANGINGINIG ng kalaman ang takot na nararamdaman ni Dexter habang nakatingin sa buong paligid.
Mga preso. Nanlilimahid ang mga hitsura. Siksikan sa bawat selda. Nakasunod ng tingin sa kanya ang lahat mula sa likod ng mga rehas.
Nakaagapay sa paglalakad niya ang dalawang opisyal, nasa likod at harapan. Sasamahan siya at ihahatid sa seldang kabibilangan niya.
Napakasamang bangungot. Gusto nang magising ni Dexter. Subalit hindi niya magawang gumising.
Nagwawala ang lahat-lahat sa kanya. Buong pagkatao niya. Sumisigaw siya ng malakas. Ngunit para siyang nasa kawalan. Walang boses, at pagod na ang lalamunan. Wala nang lakas ang mga litid upang muli pang sumigaw.
Dahil ang totoo ay nasa totoong bangungot na siya ng buhay.
Huminto ang escort niya. Humarap na sa isang selda sa kanan. Binuksan ang kandado. Nagbulungan ang lahat. Ang mga preso na naroon pinag-uusapan si Dexter.
Ang isang guwardiya na nasa likod niya ay pinaharap siya. Kinuha ang kamay niyang may posas at pinakawalan.
Medyo marahas siyang tinulak upang makapasok sa loob ng seldang nakabukas. Kung saan naghihintay ang ibang preso.
Napalunok siya habang nakatingin sa mga ito. Ang mga ito na ang makakasama niya sa napakabaho at maduming lugar na iyon. Napakalapit sa tsansang magkakaroon siya ng sakit sa balat dahil sa dumi ng paligid. Tulad ng karamihan na naroon.
Muli nang isinara ang pinto ng rehas.
"Bata, anong kaso mo?" Lumapit sa kanya ang lalaking nakaupo sa papag. Malaki ang tiyan, may tattoo sa iba't-ibang parte ng katawan. Sa mga mata mababasa na halang ang kaluluwa nito.
Hindi siya sumagot. Humarap siya sa labas ng rehas. Nanguyapit doon. Hinaplos ang malamig at kalawangi'ng bakal.
Bakit humantong siya roon? Isang kisapmata lang nagbago na ang takbo ng buhay niya. Siya, na halos hirap nga'ng pumatay ng ipis. Madasalin siyang tao, at magalang sa kapwa. May kapansanan man o wala. Ni hindi siya naninigarilyo.
Bakit pinagmalupitan siya ng mundo?
Umaalingawngaw sa balintataw niya ang boses ni Ka Freddie na parati niyang naririnig tuwing Linggo sa radio ng Lolo Tebor niya.
Sa isang kulunga'ng bakal may taong malungkot, umiiyak.
Ang tanong n'ya sa sarili ay kailan magigisnan ang liwanag.
Malayo ang iniisip at nakakuyom yaring mga palad.
Bakit daw siya nagdurusa sa kasalanang 'di niya ginawa?
Galit na galit si Dexter. Sa lahat. Sa mundo. Sa lahat ng taong nagsadlak sa kanya sa basurang lugar na iyon.
Hindi niya malilimutan ang mga taong iyon.
Namumula na ang kamay niyang nakahawak sa rehas dahil sa higpit ng kapit niya dahil sa galit.
Naramdaman na lang niyang tumulo ang luha niya. Pangalawang iyak niya iyon sa buong buhay niya. Una ay noong namatay ang Mama niya, limang taon pa lang siya noon. Malabo na nga sa alaala niya.
Para sa kanya isang kasalanan ang pag-iyak. Subalit hindi niya kayang pigilan ang emosyon. Naaawa siya sa sarili. Ngayon lang siya naawa sa sarili ng ganito. Dahil ramdam niya na wala na siyang pag-asa. Wala na siyang magagawa pang solusyon upang maka-alpas sa sitwasyon niya.
Biglang may humablot sa balikat niya at pilit siyang pinahaharap.
"Ano ba!" Galit niyang palag at hinarap ang taong iyon.
Nagtawanan ang mga presong kasama niya sa isang selda na iyon. Mga kinse katao siguro silang lahat doon.
"Ang tapang!" Kantiyaw sa kanya ng isa sa mga naroon.
Humalakhak ang lalaking nagpaharap sa kanya. Hindi ang lalaking malaki ang t'yan na nagtanong sa kanya kanina. Kundi isang matangkad at payat na lalaki. Nakahubad. Mas marami ang patik sa buong katawan, kahit noo ay meron. Guhit na krus.
Lumapit sa kanya ang lalaki. At humalakhak mismo sa tapat ng pagmumukha niya. Bungi ang mga ngipin. Tatlo na lang siguro ang nangunguyapit doon. At ang bibig na siguro nito ang pinakamabahong imburnal na naamoy sa buong buhay niya.
"Ang tapang mo, bata ka. Tinatanong ka lang, ah? Anong kaso mo?" Tanong nito na may kasama pang tampal sa mukha niya.
Hindi niya ito sinagot. Humarap siya ulit sa rehas. Hindi niya matatanggap. Anong kaso niya?
Anong kaso ko?! "Wala akong kaso, tang'na n'yo! Putang ina niyo! Palabasin n'yo ko dito!" Pagwawala niyang sigaw na kinakalampag ang rehas.
Nagtawanan ang paligid. Tinawanan lang siya. Napaupo siya at napasubsob ang mukha sa tuhod. Doon humagulhol ng iyak.
Mas nagtawanan ang mga preso.
"Iyaki ka pala, boy, eh!"
"Baka nami-miss ang dede ni Nanay?"
Mas napuno ng halakhakan. Pati kabilang selda na siguro nakisali.
"Ser? Ano'ng kaso nito?" May nagtanong sa guwardiyang nakabantay sa labas.
"Rape. Pinagsamantalahan ng puta ang anak ni Mayor".
Napuno ng iba't-ibang reaksiyon sa paligid.
"Hanep! Lakas ng loob!"
"Mamaya'ng gabi. Makukuha niya hinahanap niya".
"Ako mauuna, Manager. Ke gandang lalaki ng tarantado, rapist. Nanggigigil ako".
"Pag-uusapan natin iyan mamaya".
"Sigurado iyan, ha? Ganda ng balat, kinis masyado. Sarap talaga".
Halakhak na naman mula sa buong preso ang naririnig ni Dexter. Mas isinubsob niya ang mukha sa tuhod.
Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoong panghihina dahil sa kawalan ng pag-asa.